CHAPTER 5.2

1952 Words
(PANAGINIP) NASA ilalim siya ng kama. Iyon ang napili niyang pagtaguan. Pakiramdam niya ay nagkakarerahan ang t***k ng puso niya sa bilis na sinabayan pa ng panginginig ng buo niyang katawan sa takot! Pagdaka’y may naaninag siyang mga nakaluhod paharap sa kama kung saan naroon siya habang may isang pares naman ng sapatos siyang nabanaag patalikod naman sa kama, paharap sa mga nakaluhod. Nanlalabo na ang kaniyang paningin sa paligid dahil sa mga luhang nag-uunahang dumadaloy sa kaniyang pisngi. Nananakit na ang kaniyang lalamunan sa pagpipigil ng kaniyang pag-iyak at pag-igik. Mariin niyang tinakpan ang sarili niyang bibig para walang kahit na anong lumabas na ingay mula sa pinagtataguan niya. Nanlaki ang mga mata niya paglipas ng ilang minuto nang marinig niya ang pagbibilang ng lalaking nakatayo patalikod sa pinagtataguan niya. “Isa… dalawa… tatlo…” maawtoridad na sigaw ng lalaki. Halos lumabas sa dibdib niya ang kaniyang puso nang marinig niya ang pag-alingawngaw nang malalakas na putok. Mas hinigpitan pa niya ang pagsapo sa kaniyang bibig para hindi siya mapasigaw nang marinig niya ang isang lagabog sanhi ng paghandusay ng lalaking nakaluhod. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa awang ng kobre-kama ang walang buhay na katawan. Makailang beses siyang kumurap sa pag-aakalang namamalik-mata lang siya nang makita niya ang pagdaloy ng dugo sa sahig na nagmumula sa katawan ng lalaking nakalugmok sa sahig. Narinig niya ang malakas na pagsigaw ng babaeng nakaluhod na katabi ng bangkay habang siya naman ay mahigpit pa rin ang pagkakatakip sa kaniyang bibig upang pigilan ang nag-uumalpas na paghiyaw. Awtomatikong mas namilibis pa ang mga luha niya sa pisngi. Naghuhumiyaw ang diwa niya na magtatakbo at lumayo sa lugar na iyon. Pinilit niyang kalmahin ang sarili at saka iniiwas ang tingin sa bangkay. Pinilit niyang ilipat sa ibang bagay ang isip niya para mabawasan ang kaniyang takot. Ngunit muli siyang nanginig sa sindak nang marinig niya ulit na nagsalita ang lalaking nakaharap sa babaeng nakaluhod, ngunit hindi niya mawari ang mga sinasabi nito. Nang hindi sumagot ang babae ay muling nagbilang ang lalaki ng hanggang tatlo, at sa ikalawang pagkakataon ay umalingawngaw ang pagputok ng baril na sinundan ng pagbagsak ng katawan ng babae sa sahig. Ngunit hindi tulad ng sa lalaki, nakadilat itong napalugmok habang diretsong nakatitig sa kaniya nang buong tapang siyang sumilip sa may awang ng kobre-kama. Nakita niya pang bahagya itong nagsalita bago tuluyang pumikit. Nanlalaki ang mga mata niyang sinundan ng tingin ang pagsanib ng dugo nito sa dugo ng lalaki. Isa pang putok ang kaniyang narinig. Awtomatiko niyang ipinikit ang kaniyang mga mata, kinagat ang pang-ibabang labi at tinakpan ang kaniyang tainga. Sobrang sakit at takot ng nararamdaman niya kaya hindi na niya napigilan pa ang impit na pagtangis habang nananatili siya sa pinagtataguan. Mariin niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at pinilit kalmahin ang sarili upang hindi siya makatawag-pansin, dahil kung hindi, baka siya na ang sumunod na mapatay. Hindi niya alam kung ilang minuto na ang nakalipas bago siya naglakas-loob na muling dumilat. Ngunit gilalas siyang napahiyaw nang makitang nakalilis na pala ang kobre-kamang tumatakip sa pinagtataguan niya at kaharap na niya ngayon ang isang lalaki. Nakamaskara ito at tanging mata lang nito ang kaniyang nakikita. “H-Huwag p-po…” nanginginig ang mga labi at boses na sambit niya habang halos maihi na siya sa takot. Hindi kumibo ang lalaki. Sa halip ay hinawakan nito ang braso niya at saka siya hinila palabas mula sa ilalim ng kama. “H-Huwag po! H-Huwag po! P-Pakawalan n’yo ako!!!” Nagwawala na siya kasabay ng kaniyang walang habas na pag-iyak. “You’re safe now,” anas nito nang lubos na siyang makalabas saka siya niyakap at tinapik-tapik sa likod. Histerikal na siya at takot na takot kaya hindi na niya maintindihan ang sinasabi nang malaking lalaki. Pamilyar ang boses nito ngunit hindi niya mawari kung paanong naging pamilyar iyon. Pansumandali siyang tumigil sa pagwawala para muling titigan ang mga mata ng lalaki upang kahit papaano sana ay makilala niya ito, ngunit huli na dahil mabilis siya nitong itinayo. Kaagad na nanlambot ang tuhod niya nang makita niyang malinaw ang nakahandusay at naliligo sa sariling dugong mga bangkay na naroon sa sahig. Ang dalawang bangkay ay ang mga taong nagbabantay sa kaniya mula nang mapadpad siya sa bahay na iyon. Paglingon niya sa may kama ay napasinghap siya nang makita niyang may isa pang bangkay na naroon. Noon niya lang nakita ang lalaking iyon. Kaagad na tinakpan ng lalaking nakamaskara ang mata niya at saka siya mabilis na hinila palabas ng silid. Muli siyang napasigaw at pilit kumawala sa pagkakahawak ng malaking lalaki. Wala itong nagawa kundi kargahin siya na para bang sako ng bigas at balewala siyang pinasan. Binagtas nila ang hagdanan pababa. Nakita niyang may dalawa pang lalaki na naroon sa sala at napaliligiran ng ilan pang mga tao na naliligo sa kani-kanilang sariling dugo. Lalo siyang nagpumiglas sa takot. Sa pagkakataong iyon ay desidido siyang kumawala dito. Pero ang tanong... paano? “Clear the area and clean this mess,” utos ng may buhat sa kaniya sa dalawang lalaki na pawang mga nakamaskara rin. Mula sa sala ay nagdiretso sila ng malaking lalaki sa kusina kung saan mayroon ding bangkay na nakalugmok sa may lamesa. Mariin niya na lamang na ipinikit ang mga mata niya at pinigilan ang sariling sumigaw. Naramdaman niyang lumabas sila sa pinto ng kusina. “I got you. You’re safe,” bulong ng lalaki. Marahas siyang nagmulat ng mata. Noon niya nakitang binabagtas nila ang maalikabok na daan papunta sa nakaparadang itim na sasakyan hindi kalayuan sa bahay na pinanggalingan nila. “M-Maawa na po kayo. P-Pakawalan n’yo na po ako,” mahinang pakiusap niya nang mapagod siya sa pagwawala. Mukha naman kasing walang patutunguhan ang ginagawa niya at nauubos lang ang lakas niya. “I’m not gonna hurt you,” paniniguro nito bago kinapa sa bulsa ang susi ng sasakyan. Nagpatuloy lang siya sa mahinang pag-iyak. Pagkabukas ng lalaki sa pintuan ng backseat ay pinaupo siya nito roon bago umupo sa tabi niya. Itiniklop niya ang kaniyang mga tuhod at niyakap ang sariling binti na animo’y isang basang sisiw. Nanginginig pa rin ang kaniyang buong katawan, marahil ay dahil sa krimen na kaniyang nasaksihan kanina lamang. Tinapunan siya nito ng tingin pagkuwa’y nagsalita. “We got you. You’re safe now.” Ipinatong niya ang kaniyang baba sa tuhod at tinakpan ang mukha upang humagulgol. Sa murang isip niya, hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Sino ba ang mga ito? Sino ang mga pinatay nito? Nasaan ba siya? Bakit wala siyang maalala? Napapiksi siya habang ang lalaking katabi niya ay halata rin ang pagkagulat nang may marinig silang sunod-sunod na putok na nanggagaling sa loob ng bahay. Awtomatikong napalingon sa kaniya ang malaking lalaki bago ikinasa ang baril na hawak. “Don’t worry, no one can harm you now. Not on my watch!” pangako nito, pagkuwa’y tumingin sa gawi ng bahay kung saan may maririnig pa ring pagpapalitan ng putok. “Sh*t!” mahinang anas nito sa sarili bago niya naramdaman ang muling paghawak nito sa balikat niya. “Be brave just like your mom, okay?” bulong nito na hindi naman tumimo sa utak niya dahil pinangunahan na naman siya ng nerbyos. Muli itong lumingon sa bahay. May nakita itong ilang tao na papalapit sa sasakyan na kinalululanan nila kaya kagya’t silang lumabas sa kabilang pintuan na hindi makikita ng mga ito. Mabilis siyang iginiya nito at patakbo silang lumayo sa sasakyan. Makailang beses din nitong nilingon ang pinanggalingan nila pati na rin ang mga taong humahabol sa kanila. Binuhat siya nito pagdaka'y pinasan upang sa wari niya ay mapabilis ang kanilang paglayo sa lugar. Hindi makalipat-saglit ay may narinig na naman siyang mga putok. Gano’n na lang ang takot niya nang makitang tumama ang isang bala sa punong dadaanan nila! Nanlaki ang mga mata niya nang paglingon niya ay malapit na ang mga lalaki na kasalukyang nagpapaputok sa direksyon nila! Nakauniporme ang mga ito ng pang-sundalo pero bakit mabigat ang pakiramdam niya sa mga ito? Mas doble ang takot niyang naramdaman sa mga ito kumpara sa taong may buhat sa kaniya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at mahigpit na kumapit sa damit ng malaking lalaki may karga sa kaniya. Ramdam niya ang mas lalong mabilis na pagtakbo ng lalaki. Marahan niyang iminulat ang mga mata at saka niya nakita ang maliksing paglalakad nito at pagpapasikot-sikot nito sa mga punong nadaraanan nila na para bang nakikipagpatintero lang sa mga ito. Nasa gubat sila at maihahalintulad ang lalaki sa isang nocturnal animal na animo’y sanay na sanay sa dilim! Wari’y sauladong-saulado nito ang kagubatan kahit sa habong ng karimlan. Mayamaya’y ibinaba siya nito sa tapat ng isang halamanan bago siya paluhod na hinarap habang hinihingal. “Listen, kiddo, I’m the good guy here. Huwag na huwag kang gagalaw sa loob para walang makapansin sa iyo, okay? Babalikan kita, I promise. Just think that we are playing hide and seek, all right?” Nasa mga mata nito ang sa palagay niya ay suklam at pag-aalala. Bagama’t takot, nagawa pa rin niyang tumango rito. “Good girl,” bulong nito bago hinagod ang buhok niya, pagkuwa’y napansin niya ang tila pagngiti ng mga mata nito. “Now, hide inside,” utos nito bago binuksan ang palumpon ng halaman. Pagkapasok niya doon ay muli itong nagsalita. “Be invisible as much as possible, okay?” payo nito bago bahagyang iniayos ang halaman para siguraduhing walang kakabakasan na may nagtatago sa loob niyon. Narinig niya ang mga yabag nito na palayo sa pinagtataguan niya. Muli siyang nagpakawala ng mga luha. Pakiramdam niya ay pagod na pagod at litong-lito siya. Papahirin na sana niya ang kaniyang pisngi nang maramdaman niya ang hapdi sa kaniyang palapulsuhan. Dahil sa dilim ay hindi niya makita ang sariling mga kamay. Alam niyang namamaga iyon dahil sa pagkakagapos noon nang ilang araw o linggo o buwan… hindi niya talaga matandaan. Mariin niyang ipinikit ang kaniyang mga mata bago nagpakawala nang malalim na hininga. Matagal-tagal na rin siya sa loob ng pinagtataguan nang may marinig siyang mga yabag na papalapit sa lugar ng taguan niya. Halos pigil niya ang sariling huminga nang mayamaya ay may naulinigan siyang nag-uusap. Noon niya napagtantong hindi iyon ang lalaking nagtago sa kaniya roon. Kinagat niya ang pang-ibabang labi at saka tinakpan ang bibig dahil sa takot na makalikha ng ano mang ingay mula sa pinagtataguan niya. Hindi naglaon ay lumayo na ang mga yabag. Noon lang siya nakahinga nang maluwag. Makalipas ang ilang sandali ay may narinig na naman siyang ingay na likha naman ng tuyong halaman. Sa nanginginig na kamay ay dahan-dahan niyang hinawi ang tabon sa halaman para malaman kung sino o ano ang may likha sa ingay na narinig niya. Sa bahagyang liwanag ng buwan sa gabing iyon ay naaninag niya ang lalaking bumuhat sa kaniya kanina na nakasandal sa punong katapat ng pinagtataguan niya at wari niya ay wala itong malay. Napalunok siya at saka mabilis niyang iginala ang mga mata para masiguradong walang tao sa paligid. Maingat siyang lumabas at lumapit sa lalaki. Paglapit niya rito ay noon niya napagtanto na duguan ito at may tama ng bala sa braso. “M-Mister… m-mister…” mahinang tawag niya sa lalaki kasabay ng marahang pagtapik sa kamay nito. Umungol ito ngunit hindi nagbukas ng mga mata. Pakiramdam niya ay nahihirapan itong huminga kaya’t sa nangangatog na kamay ay tinangka niyang tanggalin ang mask nito…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD