MABILIS ang ginawang pagtakbo ng batang babae papalayo sa nasusunog na bahay. Halos hindi na niya makita ang daan dahil sa luhang namimilibis sa kaniyang pisngi at sa dilim ng kapaligiran.
Napatigil siya mula sa lakad-takbong ginawa niya saka lumingon sa kaniyang likuran. Napasinghap siya. Tila walang kapaguran ang mga humahabol sa kaniya! Muli niyang itinuon ang pansin sa harapan at nagsimulang tumakbo ulit. Sa pagkakataong iyon ay mas mabilis kaysa kanina. Wala siyang pakialam kung magkasugat-sugat na ang paa niya dahil sa mga kahoy at kung anu-anong mga bagay na natatapakan ng munti niyang paa. Ang mahalaga ay makatakas siya sa mga taong hindi naman niya kakilala.
Pinahid niya ang mga mata para makakita nang maayos. Nahihilo na siya dahil sa pagod, takot, at gutom, pero hindi siya puwedeng tumigil. Kailangan niyang makalayo!
Mayamaya’y may narinig siyang lagaslas ng tubig mula sa ‘di kalayuan. Nanlaki ang mata niya dahil sa pagsilip ng mumungting pag-asa na ganap nang makawala sa mga humahabol sa kaniya. Mabilis niyang tinungo ang pinagmumulan ng lagaslas! Malapit na siya sa ilog! Makakatakas na siya! Makakahingi na siya ng tulong!
Hinawi niya ang halaman na wari’y tumataklob sa ilog na tila nasa kabilang bahagi. Ngunit gayon na lamang ang kaniyang panghihina at pagkadismaya nang magisnan kung ano ang nasa kabilang bahagi ng halamanan! Halos maiyak siya nang mapagtanto niya nasa mismong talon pala siya… sa itaas ng talon! At wala na siyang ibang matatakbuhan pa! Kailagan niyang tumalon kung gusto niyang makatakas talaga.
Lumingon siyang muli at nakita niyang malapit na ang mga hindi kilalang lalaki. Kailangan na niyang magdesisyon!
Kagyat niyang sinilip ang babagsakan niya kung sakali mang tatalon siya. Bahagya pa siyang nalula dahil sa tarik ng kinatatayuan niya. Muli niyang pinahid ang kaniyang mga luha at saka humugot nang malalim na hininga.
‘God, help me!’ ang tanging naisamo niya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata bago nagpasyang tumalon!
MAHINANG ungol ang pinakawalan ni Cassandra bago marahang idinilat ang pagod na mga mata. Sumalubong sa kaniya ang nakasisilaw na liwanag kaya’y agad siyang napapikit.
Humugot siya nang malalim na hininga makalipas ang ilang sandal saka siya nagpasyang muling kumurap. Nilakasan niya ang loob at pinanatiling nakadilat ang mga mata upang kahit papaano ay masanay siya sa liwanag ng silid. Palibhasa ay patagilid siyang nakahiga, unang sumalubong sa kaniya ang nakabukas na bintana ng silid na kinaroroonan niya. Bahagya iyong nakabukas kung kaya’t marahang nagsasayaw ang putting kurtinang nakakabit sa bintana.
Muli siyang napapikit nang muli na namang makaramdam ng hapdi ng mata. Noon niya mas naramdaman ang pagkirot ng ulo niya. Sobrang sakit din ng katawan niya lalo na ng likod niya. Naramdaman niya ang bendang nakabalot sa ulo niya nang itaas niya ang kamay niya.
Pinilit niya ang sariling imulat muli ang mga mata. May swero ang kamay niya at may benda ang paa at braso niya.
“Ouch!” pausal na daing niya nang tila siya tinusok sa likod nang subukan niyang gumalaw.
Bumuntong-hininga siya para lakasan ang loob niya. Iginala niya ang mata sa bahagi ng kuwarto kung saan siya nakaharap. Bukod-tanging cabinet at lamesa lamang ang nasa bahaging iyon.
Pinakiramdaman niya ang paligid. Sinubukan niyang lumingon ngunit mas makirot ang naramdaman niya sa pagkakataon iyon. Iyong tipong pinupunit ang baga niya. Umayos na lang siya ng higa, doon sa kung saan siya kumportable at saka muling ipinikit ang kaniyang mga mata. She’s tired, hurt and vulnerable.
Humugot siya ng hininga saka muling naalala ang panaginip na siyang gumising sa kaniyang pagtulog. Ang panag-inip na iyon. Matagal na mula nang huli siyang manag-inip ng ganoon. Bakit muli na naman siya nitong dinalaw?
“Aray!” daing niya nang wala sa loob siyang nagtangkang humiga.
Nagulat pa siya nang bigla siyang makarinig ng mabilis na yabag papunta sa kaniya.
“Cassie?” pabulong na tawag ni Ara sa kaniya. She could feel her caressing her hands. “Are you awake, Cassie?”
Unti-unti siyang nagmulat. Sinalubong siya ng nanlalaki ang mga mata at nakangiting mukha ni Ara na nakaluhod sa gillid ng kama niya at nakatunghay sa kaniya.
“Xander, she’s awake! Cassie is awake!” sigaw nito saka masayang tumayo at maingat na yumakap sa kaniya. “Thank God, you’re awake!” naiiyak na patuloy nito.
“Ouch!” daing niya saka napahawak nang mahigpit sa kaibigan nang maramdaman ang kirot sa likod at ulo.
“Oh, my! Huwag ka munang masyadong gumalaw, Cassie. Sariwa pa ang mga sugat mo,” wika ng dalaga sa kaniya saka siya inalalayan na muling mahiga nang patagilid.
Nakaramdam siyang muli ng pagkahilo pagkalapat ng tagiliran niya sa kama. Medyo disoriented pa rin siya, marahil ay sa epekto ng gamot.
“A-Anong nangyari sa akin, Ara?” nagtatakang tanong niya sa dalaga bago muling ipinikit ang mga mata nang biglang tila kumibot ang ulo niya.
Hinawakan nito ang kamay niya bago sinagot ang tanong niya.
“Nasa ospital ka, Cassie…” tugon nito saka ito napasinghap. “Wait, w-wala ka bang natatandaan sa nangyari sa iyo?” nag-aalalang tanong nito. “Ano’ng nararamdamaman mo? Ano’ng masakit?” sunod-sunod na tanong nito nang makita siyang nakalamukot ang mukha dahil sa sakit na nararamdaman.
“A-Ang ulo ko… iyong likod ko,” nanghihinang anas niya saka niya muling ipinikit ang mga mata at pilit na inalala ang nangyari.
“Don’t worry. Xander already called the doctor,” alo nito sa kaniya.
Ngunit bigla siyang napamulat at napabangon nang ganap na niyang maalala ang nangyari bago siya mawalan ng ulirat. For a moment, because of adrenaline rush, she forgot about her pain.
“Easy, ano ka ba!” saway ni Ara na natakot nang bigla siyang bumangon.
Noon lang siya bumalik sa huwisyo at muling ininda ang mga sugat.
“Ouch!” daing niya saka napahigpit ang hawak sa braso ng kaibigan. “S-Sina Sir Alonzo at Sir Angelo? Si Raffy? Kumusta sila? N-Nasaan sila?” sa halip ay tanong niya nang maalalang kasama niya ang mga ito sa meeting room nang nangyari ang pagsabog.
“Ano ka ba, Cassie? You should worry more about yourself, ‘no!” saway ni Ara sa kaniya saka siya muling inalalayan na makahiga nang kumportable sa kama.
“Don’t worry, ayos lang sila. Nagpaiwan kami ni Ara rito para bantayan ka,” wika ni Xander na hindi nila namalayang nakapasok na pala sa silid. Lumapit ito sa kanila saka siya sinipat na maigi. Magkasalubong ang mga kilay nito at nakatiim ang mga bagang, pagkuwa’y umiling. “You are so stubborn!” asik nito sa kaniya bago tumingin sa may pintuan nang pumasok ang mga doktor at nurse na tinawag nito.
Agad siyang ch-in-eck-up ng doktor samantalang kinuha naman ng nurse ang vitals niya. Nanghihina pa siya at masakit pa rin ang katawan niya pero pakiramdam niya ay makakaya na niyang tumayo bukas-makalawa. After all, sanay na siya sa hirap at sakit ng katawan. She knows that she can bear it.
“Puwede na po ba akong lumabas bukas?” halos pabulong na tanong niya sa doktor habang nagsusulat ito sa medical chart niya.
“Are you crazy? Sino ka sa tingin mo, si Wonder Woman?” sarkastikong banat ni Xander na sinapakat naman kaagad ni Ara at hinila patabi rito.
Tumingin sa kaniya ang doktor bago nito inilagay ang chart sa tray na nasa dulo ng hospital bed niya bago bumuntong-hininga.
“Ms. Villamayor, nagkaroon ka ng concussion sa ulo mo at sugat sa likod dahil sa pagsabog. Luckily, the shrapnels didn’t hit your lungs but unfortunately, you lost lots of blood kaya nagsagawa kami ng blood transfusion. Masuwerte ka dahil hindi malalim ang mga naging sugat mo, otherwise, you will definitely need another operation. For now, you need to take your medicine and take plenty of rest. Huwag mong puwersahin ang sarili mo dahil makakasama iyon sa recovery mo,” mahinahong paliwanag nito.
“Pero—” Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin nang sumingit si Xander.
“Thank you, doc,” wika ni Xander bago kinamayan ang doktor.
“I scheduled you for an X-Ray tonight. I’ll come back tomorrow morning,” muling baling sa kaniya ng doktor bago tuluyang lumabas ng kuwarto kasunod ang nurse nito.
“Ayan ha, huwag matigas ang ulo mo, Cassie. Sundin mo lang ang payo ng doktor mo, okay?” wika ni Ara. Alam na alam nito ang kalibre niya kaya naman ngayon pa lang ay pinagsasabihan na siyang maigi.
“I-I’m fine, Ara. Kaunting pahinga lang ‘to,” giit niya saka siya nagpumilit na bumangon para maupo.
“Ay naku, you’re so stubborn talaga,” mabilis namang umalalay si Ara sa kaniya.
“Kung gusto mong makabalik agad sa trabaho, do as you’re told. Sundin mo ang payo ng doctor mo at huwag kang maging pasaway!” iritadong pahayag naman ni Xander na nakatayo sa tabi ng nobya.
Magsasalita pa sana siya nang muling bumukas ang pinto at pumasok sina Raffy at Angelo na may dalang rosas.
“Si Prince Charming mo, oh,” tudyo ni Ara sa kaniya.
Gusto niyang lumubog sa higaan niya at maglahong parang bula! Hanggang dito ba naman, kukulitin pa rin siya ng kongresista? At sa estado niya pang ito!
“Oh, great! Mabuti naman at gising ka na, Cassie!” mabilis na lumapit sa kaniya si Angelo at hinawakan ang kamay niya. “Kumusta ang pakiramdam mo? Sobrang nag-alala ako sa iyo, alam mo ba iyon!” Mababakas ang concern sa boses at mata nito.
Gustuhin man niyang pumiksi ay ayaw niya namang ipahiya ang binata.
“O-Okay naman po, Sir,” naiilang na sagot niya saka bumaling kay Raffy na nasa likuran ng kongresista. Napansin niya ang benda sa braso ng kaibigan kaya agad niya itong kinumusta. “Raf, tinamaan ka rin ba? Bakit hindi ka nagpapahinga?” tanong agad niya sa kaibigan.
“Okay lang ako, Cassie. Ito lang ang tama ko. Ikaw, kumusta ka na? Magpagaling ka munang maigi bago ka bumalik sa duty, hindi biro ang nangyari sa iyo,” pormal na wika nito. Base sa hitsura ng kaibigan, sigurado siyang deep inside, gustong-gusto siya nitong yakapin at aluin katulad noong nasa academy pa sila. Sa kanilang tatlo kasi ni Clay, si Raffy ang pinakamalambing at parang bata kung umasta.
“Ah, maiwan muna namin kayo, ha. We’ll just buy some food,” wika ni Ara.
“What? I’m not hungry—” tutol sana ni Xander na agad namang pinutol ni Ara.
“Kanina pa ako nagugutom, baby,” wika nito habang pinandidilatan ang nobyo.
“Ha?” Hindi agad nakuha ng binata ang ibig sabihin ng nobya.
“Halika na kasi. Samahan mo na ako!” pamimilit ng dalaga na hindi na natanggihan pa ni Xander nang sapilitan itong hilahin ni Ara palabas ng silid.
Tahimik na ring sumunod si Raffy sa magkasintahan at iniwan silang dalawa ni Angelo sa loob ng silid. Umupo ang binata sa upuang kinauupuan ni Ara kanina paharap sa kaniya. His eyes are full of compassion and care.
“I know, I’m not in the position to say this… pero, nag-aalala ako sa iyo palagi, Cassie. Your job is too risky and dangerous… hindi ba pupuwedeng iba na lang ang—”
“Salamat po sa concern, Sir Angelo, but I love my job,” putol niya sa sinasabi nito. Ito ang palagi na ay sinasabi nito sa kaniya which really annoys her.
“I know that. Your dedication is superb kaya nga lalo akong humanga sa iyo… but you know very well my feelings for you. Kung pupuwede lang na—”
“Sir, I’m sorry po. Pasensya na po kayo. Nagkausap na po tayo tungkol diyan, ‘di ba?” agad niyang paumanhin sa kongresista. Ewan niya, pero nako-cornihan siya sa mga sinasabi nito sa kaniya. Hindi siya tinatamaan sa mga pasaring at matatamis na salita nito. Minsan tuloy, iniisip niya kung tuod lang talaga siya kaya ganoon o sadyang hindi lang niya gusto ang binata.
“Tell me, Cassie. Ano ba ang dapat kong gawin para magustuhan mo ako?” Hindi pa rin nito inaalis ang pagkakahawak sa kamay niya. Bilang pagrespeto ay hinayaan niya na lamang ito. Hindi naman kasi siya ganoon kabastos.
“Sir Angelo, ibaling n’yo na lang po sa iba ang pagtingin n’yo, iyong mas karapat-dapat para sa inyo,” wika niya bago muling patagilid na nahiga, para kasing nahilo siya.
Napatayo ito nang mapuna ang pamumutla niya.
“A-Anong nararamdaman mo, Cassie? Nahihilo ka ba?” nag-aalalang tanong nito.
“Nabigla lang po siguro sa pag-upo,” sagot niya saka niya mariin na ipinikit ang mga mata.
“All right. Magpahinga ka na muna ulit at hindi na ako magtatagal pa. I just passed by to make sure that you’re okay,” wika nito saka marahang tinapik ang balikat niya.
Bahagya siyang tumango saka panandaliang dumilat.
“T-Thank you po, Sir Angelo,” aniya bago bago muling pumikit nang tila kumibot ang ulo niya, dahilan upang bahagya siyang mapaungol dahil sa sakit.
“Do you want me to call the doctor para matingnan ka? You looked unwell,” anito bago hinipo ang noo niya. Alam niyang pinagpapawisan siya nang malamig kahit pa nga may aircon naman sa silid.
“O-Okay lang po ako. Medyo nahihilo lang,” kiming sagot niya.
“O, sige. Take a rest, I’ll call the doctor para matingnan ka. Kailangan ko na ring umalis, eh…” anito saka umayos ng tayo at nagpatuloy, “Pero hindi pa dito natatapos ang pag-uusap natin, Cassie. Please take care of yourself, okay?” anito bago hinagod ang buhok niya at hinintay ang pagtugon niya.
Tumango lamang siya dito saka niya narinig ang pagbukas nito sa pintuan ng silid. Mayamaya pa ay ang kaibigan niyang si Raffy naman ang pumasok.
“Cassie, magpagaling ka kaagad, ha,” anito bago hinagod ang buhok niya. “We’ll go ahead. May pupuntahan pa si Cong, eh,” anito bago tuluyang nagpaalam matapos niyang tumango.
Nagpakawala siya ng hininga bago tumitig sa labas ng bintana. Nagbalik sa alaala niya ang nangyaring pagsabog sa hotel. Something was off that night. She was observing the outside vicinity nang pagharap niya sa loob ng meeting room ay may napuna siyang kakaiba sa ikinikilos ng isa sa mga tao na naroon. Noon siya nagpasyang lumapit kay Raffy para sana sabihin iyon sa kaibigan… and then the blast went off!
‘Masyadong malawak ang Assembly Area at napakaimposibleng kahit isa sa amin ay walang natamaan… ibig sabihin, may iba silang pakay… pero ano… sino?’ bulong niya sa sarili habang pilit binabalikan ang mga nangyari. Nasapo niya ang ulo dahil sa muling pagkirot nito.
“Could you please spare yourself from your ‘thing’ and focus on resting!” sarkastikong wika ni Xander pagpasok pa lang ng silid niya, dahilan para saglit siyang mapabaling sa pinasukan nito.
“Ano ka ba naman, baby? Tigilan mo muna nga si Cassie,” saway naman ni Ara sa nobyo bago bumaling sa kaniya. “How are you feeling now, Cassie? Ang sabi ni Angelo, nahihilo ka raw, kaya bumalik agad kami rito.”
“O-Okay lang ako, Ara. Salamat,” sagot niya sa dalaga bago tumingin kay Xander. “Sana sumama na lang kayo pabalik ng Buen Amor kagabi. Sayang ang inihandang party ng lola mo, Lex.”
Kumunot ang noo nito bago nagsalita saka humalukipkip.
“This is your fourth day here in the hospital, Cass. Tatlong araw kang walang malay. You woke up yesterday but got unconscious again after a while,” pahayag ng binata, nasa mata nito ang concern sa kaniya na hindi nito malaman kung ipapakita o sasarilinin na lamang.
“Four days?” Hindi siya makapaniwala dahil pakiramdam niya ay kagabi lamang nangyari ang pagsabog.
“Better take a rest kung nahihilo ka and refrain from over-thinking… kinakausap mo na naman ang sarili mo, eh,” naiinis na wika ni Xander saka lumapit sa kaniya at itinuon ang dalawang kamay sa gilid ng kama, sa banda kung saan siya nakaharap patagilid para mas makausap siya nang maayos. “You’re going to get yourself killed not from your military thingy but because of your stubbornness!”
“Bakit ba ang sungit mo, ha. Gutom lang iyan, sabi kasi sa iyo kumain na tayo, eh,” singhal naman ni Ara sa nobyo dahil sa pagsusuplado nito sa kaniya.
“Kasi naman, eh, ang tigas-tigas ng ulo.” Nakabusangot pa rin ang mukha ng binata bago umayos ng tayo.
“What are you talking about? Nakahiga na nga, ‘di ba? Ay naku, Xander, please lang, ha, huwag mong mataray-tarayan si Cassie habang wala ako, lagot ka talaga sa akin,” banta ni Ara sa nobyo na pinandidilatan pa ito.
Ngumuso si Xander saka bumalik sa tabi ng nobya at humawak sa braso nito.
“Do you really have to leave tonight, baby? Baka naman puwedeng hindi ikaw ang pumunta? Cassie’s still not fine—” parang batang pagmamanya ni Xander sa nobya.
“Baby, you know that I can’t. I signed a contract. ‘Yan kasi. Kung sinabi mo sa akin na you’re coming, eh, ‘di sana, cleared ang commitments ko while you’re here. Sisihin mo ang sarili mo,” putol naman ni Ara bago kinintilan ng halik sa ilong ang nobyo bago ngumiti sa kaniya. “Now, you have to promise me that you’ll take care of Cassie,” muling baling nito sa binata.
“Okay lang naman ako rito. Sumama ka na lang kay Ara para naman makapagsolo kayo. Huwag n’yo akong alalahanin,” singit naman niya sa lampungan ng dalawa.
“See. Itinataboy na tayo. May mga nurses at doctors naman dito. They’ll take care of her,” sarkastikong anas ni Xander.
“Ano ka ba! Ikaw, Xander, ha. It’s your time to take care of Cassie. Palagi na lang siya ang nag-aalaga sa iyo noon, bumawi ka naman ngayon,” patuloy na pagkumbinse ni Ara sa nobyo, although she knew that Xander will definitely stay dahil para na rin silang magkapatid.
“Ara, ayos lang talaga ako—”
“No buts, Cassie. You’ve protected us your whole life, kami naman ang babawi sa iyo,” putol ni Ara sa sasabihin niya. Nabasa niya sa mga mata ng dalaga ang determinasyon at pagmamahal nito sa kaniya na katulad sa isang tunay na kapatid. Paano naman niya iyon matatanggihan?
Hindi na siya kumibo. Ang tanging magagawa lamang niya ay magpagaling kaagad. After all, hindi siya sanay sa amoy ng ospital. Para ngang lalo pa siyang magkakasakit kung mas tatagal siya roon.
“Alright, deal!” sa wakas ay sagot ni Xander bago lumakad papalayo sa kanila at umupo sa sofa.
Lumapit sa kaniya si Ara at hinawakan ang kamay niya.
“Magpagaling ka kaagad, Cassie, ha. Hindi ako sanay na makita kang ganyan. Basta, pagbalik ko, kailangan, sobrang okay ka na, ha. I’ll treat you somewhere nice and cozy,” anito habang matamang nakatitig sa kaniya bago siya niyakap.
“Nakakaawa naman si Lex, Ara. Hayaan mo, baka bukas makalabas na ako rito. Pasusunurin ko na lang siya sa iyo, ha?” aniya pag-alpas sa yakap ng kaibigan.
“Stop thinking about us, Cassie. Ikaw ang magpagaling. Don’t rush yourself. Mas maigi na fully-recovered ka na bago ka ma-discharge, okay?” sinserong wika nito bago siya kinintilan ng halik sa kaniyang noo. “Kakausapin ko lang ang bata, ha. Nagtatampururot, eh. Pahinga ka na lang muna, okay?” anito na ang tinutukoy ay si Xander na tila batang nagmumukmok habang nakaupo sa sofa.
Tumango lang siya bago niya ipinikit ang mga mata. Hindi naglaon ay hinila na rin siya ng antok dulot ng gamot na inilagay ng nurse sa suwero niya kanina.