Chapter 5

1708 Words
MAGKATABING natulog si Gela at Tanya sa malaking kama ng dalaga. Kita kung gaano kakomportable si Gela na natulog sa malambot at malaking kama ni Tanya na ngayon niya lang naranasan. Habang si Tanya, masaya ito na makatabing muli sa pagtulog ang kaibigan. Huling beses kasi na nagkatabi sila ay sa orphanage pa noong mga bata pa sila. Magmula nang ampunin siya ng mag-asawang Miller, hindi na niya muling nakatabi sa pagtulog ang kaibigan. Dahil hindi siya allowed na matulog sa orphanage para doon magpalipas ng gabi. Kinabukasan ay masinsinang kinausap ni Talita ang anak nito. Nauna kasing bumaba si Tanya ng living room nila dahil nahihimbing pa si Gela. Magkatabi ang mag-asawa habang nasa harapan nila si Tanya. "Mommy, Daddy, ano po ba talaga ang nangyayari?" tanong ni Tanya habang hawak-hawak ang mug ng gatas niya. Napahinga ng malalim ang ama niya na tinanguhan ang asawa nito. Ngumiti naman si Talita na bumaling sa kanilang anak. "Sweetheart, last night kasi. Tumawag ang investigator natin na binayaran ko para hanapin ang pamangkin ko. May nakababata kasi akong kapatid na namayapa na. May naiwan itong anak na inabandona ng kanyang grandparents kaya ipinapahanap ko 'yong bata. Luckily, natuldukan na ang paghahanap ko sa pamangkin ko. Dahil nahanap ko na siya, anak. At ang batang iyon ay walang iba kundi--ang kaibigan mo, si Gela." Nakangiting saad ni Talita dito na naipilig ang ulo. "Si Gela po, Mom?" ulit nitong tanong na ikinatango-tango ng kanyang ina. Namilog ang mga mata nito sa gulat na malamang pamangkin ng ina niya ang matalik niyang kaibigan! "Oh my God! Totoo po? Ibig po bang sabihin nito, Mommy. . . makakasama ko na ulit sa iisang bubong si Gela?!" bulalas nito na bakas ang tuwa at excitement sa mukha! Matamis na napangiti ang kanyang ina. Marahang tumango na ikinairit nitong ibinaba ang mug sa mesa at patakbong bumalik sa silid niya! Hindi siya makapaniwala na muling makakasama sa iisang bubong ang kanyang kaibigan! "Bestie!" tili nito pagpasok ng silid. Naalimpungatan naman si Gela na napaupo sa kama. Napapairit si Tanya na patakbong lumapit sa kaibigan at sinugod itong niyakap! "Oh my God! Ang saya ko, Gela! Magkakasama na ulit tayo! Hindi na ako makapaghintay makasama kang muli sa lahat ng oras!" kinikilig nitong bulalas habang yakap-yakap ang kaibigan. Napaikot naman ng mga mata si Gela. Nabitin kasi ang tulog nito dahil sa tili ni Tanya. Pero kahit naiirita ito, ngumiti ito sa kaibigan at hindi nagpahalata na naiinis siya dito. "Sinabi na pala sa'yo ni tita." Wika nito. Kumalas si Tanya na ginagap ang dalawang kamay nito. Napakaaliwalas ng magandang mukha na nagniningning ang mga mata sa sobrang saya! "Oo, sinabi na niya at sobrang saya ko na makakasama na ulit kita, Gela. Akalain mo 'yon? Pamangkin ka pala ni mommy!" napapairit nitong sagot na ikinangiti ni Gela. "Kung gano'n. . . hindi niya nahalata na inangkin ko ang katauhan niya? So. . . wala na akong alalahanin pa," piping usal ni Gela na napagtagagpi-tagpi nito ang lahat. Malapad itong napangiti sa kanyang tagumpay! Makakaalis na siya sa bahay ampunan at mamumuhay prinsesa katulad ni Tanya. "Nagulat din ako nang malaman ko na kamag-anak ko pala si Ma'am Talita. Nakakatuwa noh? Magsama na ulit tayo pero hindi na sa orphanage kundi. . . dito sa mansion na ito." Saad ni Gela na naigala ang paningin sa kabuoan ng magarang silid ni Tanya. Nangilid ang luha ni Tanya na nakangiti sa kaibigan. Masayang masaya ito sa kanilang nalaman. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na gustong-gusto na ni Gela makaalis sa bahay ampunan. Pero dahil wala itong pamilyang mapupuntahan, nagtitiis siya doon. "Hayaan mo, Gela. Tutulungan kitang makapag-adjust ng pamumuhay dito sa labas. Tiyak na ipapasok ka rin ni mommy sa university ko kaya hindi na tayo mahihirapan." Wika ni Tanya dito na kiming ngumiti. "Natatakot ako, Tanya. Paano kung ibully ako ng mga kaklase mo?" nakangusong tanong nito sa kaibigan. Napailing naman si Tanya. Inabot ang kamay nito at marahang pinisil ang kanyang palad. "Wala namang bully sa university namin e. Isa pa, hindi ko hahayaang may manakit sa'yo doon, Gela. Kasama mo ako kaya hindi ka nag-iisa doon, hmm?" pagpapalakas ng loob ni Tanya dito na muling niyakap ang kaibigan. WEEKS passed. Naging maayos ang paglipat ni Gela sa mansion ng mga Miller. Biglang nagbago ang ihip ng hangin sa paligid ni Tanya sa pagdating ng kaibigan nito. Lately kasi ay napapansin niya ang ilang pagbabago kay Gela. Bagay na ngayon niya lang napapansin. Kung dati ay hindi niya napapansin ang mga pagbabago ng kaibigan dahil every sunday niya lang ito nakakasama, iba na ngayon dahil halos 24 hours ay magkasama silang dalawa. Ipinasok din kasi ito ng kanyang ina sa university kung saan nag-aaral si Tanya. Wala namang issue kay Tanya ang bagay na iyon. Kaya lang dahil pareho sila ng kurso, madalas ay nangongopya na lamang si Gela sa kanya. Kahit ang mag-take note sa mga lesson nila ay si Tanya ang gumagawa para dito. Hinahayaan na lamang ni Tanya ang kaibigan. Pilit iniintindi kahit mali na ang mga ginagawa nito. Iniisip na lamang nito na sinusulit lang ni Gela ang buhay sa labas dahil ngayon lang siya nakaalis sa orphanage at naging malaya sa mga rules doon. Nakikipag kaibigan din si Gela sa ibang classmates nila. Madalas ay mahuli ito ni Tanya na nagyoyosi sa university at maging sa mansion! Ilang beses na itong sinabihan ni Tanya na itigil na ang pagyoyosi bago pa siya mahuli ng kanilang ina pero hindi nakikinig si Gela sa kanya. Matapos kasing makalipat si Gela sa mansion ng mga Miller, legal ding inampon nila Talita ito. Kaya sa batas ng tao, anak na rin ni Talita si Gela. "Saan ka pupunta?" tanong ni Tanya kay Gela nang makagisnan niya itong nakabihis at make-up. Napakusot-kusot ito sa mga mata. Napahagod ng tingin kay Gela na nakasuot ng red sleeveless dress na hapit sa katawan nito. Sa iksi no'n ay abot lang hanggang gitnang hita niya ang manggas. Nakalitaw ang hita nito at punong-braso, gano'n din ang cleavage nito. Napalunok si Tanya na mapasadaan ang ayos ng kanyang kaibigan. Alasdyes na kasi ng gabi at may klase pa sila bukas. Napaupo ito ng kama na kunot ang noo habang nakatitig kay Gela. Nagsuot ito ng jewelry set na bagong pabili niya sa kanilang ina at saka nag-spray ng perfume. "Obvious ba? Lalabas ako. Magkikita kami nila Antonette sa bar. Nakatulog na sina mommy at daddy kaya hindi na ako magpapaalam sa kanila. Uuwi din naman ako mamayang alastres e. Hwag ka na lang magsusumbong ha?" sagot ni Gela dito na napakurap-kurap. "Pupunta ka sa bar? Hindi ka ba natatakot?" tanong ni Tanya na nagulat sa nalaman! Mahinang natawa si Gela na napailing. Inabot na nito ang kanyang pouch at isinilid doon ang ATM niya, cellphone at susi ng kotse nila ni Tanya. "Bakit naman ako matatakot? Ang saya kaya sa bar. Gusto mong sumama?" sagot nitong ikinailing kaagad ni Tanya. "Ayoko. Bahala ka. Ikaw na lang." Pagtanggi nito na ikinatango ni Gela. "Sige na. I have to go, sissy." Pamamaalam nito sa kaibigan na tumango at pilit ngumiti dito. "Mag-iingat ka." Pahabol pa ni Tanya dito na hindi na lumingon pa at itinaas lang ang kamay. Napahinga ng malalim si Tanya na muling nahiga sa kama. Ito kasi ang unang beses na lumabas ng mansion si Gela na malalim na ang gabi at sa bar pa ito pupunta! Kilala naman nito ang mga makakasama niya sa bar dahil mga kaklase din nila sina Antonette at grupo nito. Gano'n pa man, may kaba pa rin sa kanyang dibdib na nagpunta si Gela sa gano'ng lugar at kasama pa nito sina Antonette na mga kilalang wild at adventurous na babae! Bali-balita sa kanilang university na nakikipag-s*x sina Antonette sa mga schoolmate nilang matitipuhan nila. Maganda ang mga ito, mapuputi din at nagmula sa may kayang pamilya. Dakilang playgirl si Antonette at mga kaibigan nito. Kaya hindi maiwasang mag-alala ni Tanya na nakikipag kaibigan si Gela sa mga iyon. Hindi naman niya ito mabawalan dahil ayaw niyang magtalo silang dalawa. "Malaki na siya. Baka mamaya ay masamain niya pa na nagmamalasakit lang naman ako sa kanya," usal nito na napabuga ng hangin at pinili na lamang matulog muli. KINABUKASAN ay naunang nagising si Tanya sa kaibigan nito. Napahinga siya ng malalim na napatitig sa kaibigang tulog na tulog. Ni hindi na ito nakapaghilamos o nakapagbihis bago humiga sa kama. Amoy na amoy sa hininga nito ang alak na ininom. Napailing si Tanya na bumaba na sa kama. Nagtungo sa banyo at inasikaso na ang sarili. Matapos makapagbihis, ginising na niya si Gela dahil mali-late sila sa klase kung hindi niya pa ito gigisingin. "Gela, gumising ka na." Pagyugyog ni Tanya sa balikat nito. "Mamaya pa, Tanya! Natutulog ang tao e!" himutok nito na iritado ang boses. "Mali-late tayo kapag hindi ka pa bumangon. May vacant time naman tayo mamaya e. Matulog ka na lang ulit mamaya sa school, hmm?" pangungulit pa ni Tanya na muli itong niyugyog sa balikat. "Kainis!" himutok ni Gela na pabalang bumangon ng kama. Napasapo ito sa ulo na makadama ng kirot at pagkahilo. Nag-aalala namang inalalayan ito ni Tanya. "Masakit ba ang ulo mo?" nag-aalalang tanong ni Tanya dito na iniwalin ang kamay ng kaibigan at nagdadabog na nagtungo sa banyo. Napahinga na lamang ng malalim si Tanya na nakasunod ng tingin sa kaibigan. Maayos naman si Gela sa harapan ng kanilang mga magulang. Panay nga ang kwento niya sa tuwing magkakaharap sila at tuwang-tuwa naman ang mga magulang nila, lalo na ang kanilang ina na nakapag-adjust na ng pamumuhay si Gela dito sa labas. "Ano ba ang nangyayari sa'yo, Gela? O baka naman. . . ito ka na talaga dati pa. Hindi ko lang napansin dahil hindi tayo nagkakasama." Usal nito na bagsak ang balikat at malamlam ang mga matang nakatitig sa pintuan ng banyo. Nag-aalala na ito sa mga nakikitang pagbabago kay Gela. Pero ayaw naman niyang magsumbong sa mga magulang nila. Lalo na't sa nakikita nito, hindi gusto ni Gela na napapakialaman ito. Minsan ay napapahiya siya ni Gela pero binabalewala na lamang niya. Pilit na iniintindi ang kaibigan nito dahil para sa kanya, mas mahalaga pa rin ang friendship nilang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD