HABANG nasa kalagitnaan ng party ay nakatanggap ng tawag si Mrs Miller mula sa kanilang investigator. Pumuslit ito na nagtungo sa restroom at doon sinagot ang tawag.
"Yes, hello?" bungad nito na inilapat ang cellphone sa kanyang tainga.
"Good evening, Mrs Miller. May bagong update po ako sa batang ipinapahanap niyo sa akin," saad ng lalake sa kabilang linya.
Napalunok si Talita na napahawak sa dibdib. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso sa kanyang narinig.
"Tell me."
Pigil ang paghinga nito na hinihintay ang sasabihin ng investigator. Para siyang kakapusin ng hangin sa baga at hindi na makapaghintay na malaman kung nasaan ang anak ng kanyang nakababatang kapatid! May kapatid itong lalake sa ina. Hindi niya na ito nakilala pa dahil sa ibang bansa siya lumaki. Habang ang kapatid nito ay dito sa Pilipinas lumaki.
Huli na nang malaman niya na may kapatid pala siya dito sa bansa. Dahil namatay na ang kapatid niya na hindi niya manlang nakilala. Ayon sa information na nakalap niya, may naging asawa daw ang kapatid niya. Isang mayaman at hindi tanggap ng in-law niya ito dahil mahirap lang ang kanyang kapatid. Nagkaroon sila ng anak at sa kasamaang palad, naaksidente silang pamilya! Akala ni Talita ay kasama ang bata na namatay sa car accident. But she was wrong. Dahil nalaman nila na buhay ito at iniwan na lang kung saan ng kanyang lola!
"Ma'am, dinala ng hospital ang bata sa Miller's orphanage. Sa orphanage niyo po, sampung taon na ang nakakalipas. Ayon sa nakalap kong balita, may dalawang bata ang dinala sa orphanage nang araw na iyon. At ang batang iyon ay sina Gela at Tanya. Posible na isa sa dalawang bata ang pamangkin niyo," pagbibigay alam ng investigator ditong napatakip ng palad sa labi at nanigas sa nalaman!
Parang pinipiga ang puso nito na nanikip ang dibdib! Sunod-sunod na tumulo ang kanyang luha na nanghihinang napasandal sa dingding!
"A-ano? Isa kina Gela at Tanya ang totoong pamangkin ko? Isa sa kanila. . . ang anak ng kapatid ko," usal nito na nanginginig ang boses.
"Opo, Ma'am Talita. Isa nga sa kanila ang pamangkin niyo. Aalamin ko pa po kung sino sa kanila para makasiguro tayo." Sagot ng investigator dito na napailing.
"No need, Lemuel. Si Tanya ay legally adopted daughter ko na siya. At kung si Gela man ang pamangkin ko, nakahanda akong kunin din siya sa orphanage at dalhin sa pamamahay ko." Putol ni Talita dito.
"Sige po, Mrs Miller. Kapag kailangan niyo po ng tulong ay magsabi lang kayo." Pamamaalam na nito bago ibinaba ang linya.
Tulalang naibaba ni Talita ang kamay na bagsak ang balikat. Paulit-ulit na nagre-replay sa isipan ang mga nalaman. Para siyang tinatangay sa kaulapan na mapagtanto niyang nasa paligid lang pala niya ang anak ng kapatid niya!
"Geoff. . . ikaw ba ang nagdala ng anak mo patungo sa akin?" usal niya na napapikit at hinayaang tumulo ang luha.
Lingid sa kaalaman ni Talita, kanina pa may nakikinig sa kanilang usapan ng investigator nito! Sumilay ang ngisi sa mga labi ni Gela na maingat lumabas sa cubicle. Naghintay ito sa labas ng restroom hanggang sa marinig niyang bumukas na ang pinto sa cubicle na pinasukan ni Mrs Miller.
Inihanda nito ang sarili. Umiyak siya na pumasok sa restroom at sakto namang nasa lababo si Mrs Miller na naghuhugas ng kamay. Napalingon siya sa dalagang umiiyak na pumasok sa cubicle. Nagulat ito dahil nakilala niya ang dalaga. Dahil pareho sila ng suot sa kanyang dalaga--si Gela.
Napalunok siya na binundol ng kakaibang kaba sa dibdib! Dahil posibleng ang dalaga ang pamangkin niya! Dahan-dahan itong lumapit sa pinasukang cubicle ni Gela at kinatok iyon. Umiiyak kasi ang dalaga.
"Gela? What's wrong, dear?" tanong nito na pinanormal ang boses.
Tumigil naman sa paghikbi ang dalaga. Dahan-dahang binuksan ang pintuan. Pinalungkot ang itsura na panay ang pagtulo ng luha.
"Kayo pala 'yan, Mrs Miller. Pasensiya na po kayo. Uhm, aalis na po ako. Hwag niyo na lang pong sabihin kay Tanya na nakita niyo akong umiiyak dito. Sige po," anito na akmang aalis na pero pinigilan ito ni Talita--bagay na lihim nitong ikinangisi sa isipan.
"Hindi. You stay, Gela. Sabihin mo sa akin, bakit ka umiiyak, hmm?" tanong ni Talita dito na napayukong umiling-iling.
Muli itong napahikbi na ikinatigil ni Talita na nakamata dito. Napalunok siya na nakamata sa dalagang nakayukong umiiyak sa harapan niya.
"P-pasensiya na po, ma'am. Kasi. . . naalala ko ang mga magulang ko e. Kung hindi siguro sila maagang namatay? Gan'to rin kasaya ang naging debu ko last month. O kaya. . . o kaya kung. . . kung hindi ako iniwan noon ng lola sa hospital at pinabayaan, maayos sana ang pamilyang kinalakihan ko. Hindi sana ako lumaki sa isang bahay ampunan na walang pamilyang nagmamahal sa akin." Mababang saad nito na ikinanigas ni Talita at parang may kung anong bumukil sa kanyang lalamunan!
"Mayaman po kasi ang mama ko. Pero ang papa ko, mahirap siya. Kaya ayaw sa amin ng magulang ng mama ko. Ayaw nila kay papa dahil mahirap siya. Ayaw din nila sa akin. Kaya noong namatay ang mama at papa ko sa aksidente, pinabayaan na nila ako. Ang tagal-tagal na po no'n. Ang sabi ko, okay na ako. Masaya na ako kahit wala akong pamilyang nagmamahal sa akin. Matagal ko nang tanggap na wala na si mama at papa. Pero. . . pero masakit pa rin pala, ma'am. Masakit pa rin ang katototohanan na ayaw sa akin ng mga naiwan kong kamag-anak. Sana. . . sana kung hindi namatay ang mama at papa ko, buo sana ang pamilya ko. Hindi sana ako lumaking mag-isa sa ampunan. Dahil may mga magulang akong mahal ako." Pagdadrama nito na pinaninindigang. . . magulang niya ang mga magulang ni Tanya!
"D-Diyos ko, kung gano'n. . . ikaw ang anak ni Geoff?" bulalas ni Talita na natutop ang labi at namimilog ang mga mata!
Dahan-dahang nag-angat ng mukha si Gela. Luhaan at kunwari ay nagulat siya!
"P-paano niyo po alam ang pangalan ng papa ko? Hindi ko naman binanggit ang pangalan niya?" painosenteng tanong nito sa ginang na napahikbing niyakap ito nang mahigpit!
"Ikaw nga! Kung gano'n ay ang tagal ko na palang nahanap ang pamangkin ko pero. . . ibang bata pa ang nakupkop ko! Oh my God! Sana mapatawad ako ng kapatid ko na hindi ko napansin na anak na pala niya ang nasa harapan ko pero mas inuna ko ang ibang bata!" bulalas ni Talita habang yakap-yakap ang dalaga na nakangisi sa mga narinig!
"Bingo. Kung gano'n. . . pamangkin nga niya si Tanya. Kaya magaan kaagad ang loob nila dito," piping usal nito na napangising nagkunwaring umiyak at nagulat sa mga nalaman!
"T-tita ko po kayo? K-kapatid niyo po ang ama ko?" nauutal nitong tanong na patuloy sa pagdadrama.
Kumalas si Talita dito na sumapo sa pisngi ni Gela. Luhaan na ngumiti sa dalaga at tumango-tango.
"You heard me right, Gela. Kapatid ko si Geoff--ang ama mo. Pamangkin kita, hija. Tita mo ako." Nakangiting saad ni Talita dito na napalabing nagpipigil maluha habang nakatitig sa ginang.
"T-tita."
MATAPOS ang party, nagulat si Tanya na isinama ng kanyang ina si Gela. Pero mas nanaig ang saya sa puso nito na kasama ang kaibigang umuwi sa mansion nila!
"Okay ka lang ba, Gela? Parang umiyak ka?" magkasunod na tanong ni Tanya.
Nasa backseat kasi sila ng van. Sa harapan ay naroon ang mag-asawang Miller. May pinag-uusapan pero mahina lang kaya hindi naririnig ni Tanya. Pero si Gela, may idea na ito kung ano ang pinag-uusapan ng mag-asawa.
"Okay lang ako, Tanya. Uhm, siguro mas mabuting kay ti--ma'am mo na lang malaman ang mga nalaman namin ngayong gabi, bestie. Basta ang mahalaga? Hindi na tayo magkakahiwalay pa. Kasi. . . titira na ako sa inyo." Pabulong saad ni Gela na ikinamilog ng mga mata ni Tanya sa nalaman!
"Totoo?" bakas ang tuwa sa mukha ni Tanya na ikinatango-tango naman nito.
Napairit pa ito na niyakap ang kaibigang nakangiti ng hilaw sa kanya at napapangisi sa isipan na mabilis niya lang nabilog ang ulo ni Mrs Miller! Hindi na siya makapaghintay na tumira sa mansion kung saan nakatira si Tanya. Maranasang maging rich kid na nabibili ang lahat ng gusto!
Pagdating nila sa mansion, pasado alauna na kaya napagpasyahan ni Mrs Miller na bukas na lamang kakausapin ang dalawa. Tumuloy si Gela sa silid ni Tanya. Gusto kasi nitong maranasang matulog sa silid ni Tanya kaya doon siya tumuloy.
Malugod naman itong pinaanyayahan ni Tanya. Pinapili din niya si Gela sa kanyang walk-in closet ng isusuot nito sa pagtulog. Napapangisi sa isipan si Gela at nagniningning ang mga mata na isa-isang hinahaplos ang mga naka-hanger na pantulog ni Tanya. Naka-organized kasi ang kinaroroonan ng mga pantulog nito, mga gown, formal dress, at casual clothes nito.
"Soon. . . mas higit pa dito ang mga gamit ko, Tanya. Hindi ko na kailangang manlimos sa'yo ng mga gamit mo dahil. . . may sarili na akong walk-in closet na mas magara at mas marami ang laman kaysa closet mo." Piping usal nito na kinuha ang isang pink strapless silky dress na pantulog.
Paborito iyon ni Tanya pero hindi na lamang siya umangal dahil marami naman siya no'n.
"Ito, bestie. Okay lang ba?" nakangiting tanong ni Gela dito na ngumiting tumango.
"Oo naman. Kung ano ang gusto mo, doon ako." Tugon ni Tanya dito.
"Thank you, Tanya. Mauuna akong maligo ha?" aniya pa na tinanguhan ni Tanya.
Pakendeng-kendeng itong lumabas ng walk-in closet at nagtungo sa banyo. Basta na lamang ikinalat ang gown at stiletto nito sa sahig na pumasok sa banyo. Kumuha naman na si Tanya ng pantulog at naiiling na pinulot ang mga gamit ni Gela sa sahig. Kahit kasi may mga katulong sila sa mansion, masinop at malinis sa silid si Tanya. Hindi katulad ni Gela na makalat at tamad sa gawaing bahay.