“Hyrim!” Sigaw ni Prinsipe Adonis sa kaibigang lawin habang tumatakbo ito palayo sa kaniya.
Huminto sandali si Hyrim at tumigil sa pagtakbo nang maramdaman niya ang pagyanig ng lupa at nang mapagtanto niya ang panganib na nagmumula sa kaniya.
Mabilis siyang napalingon mula sa kinaroroonan ni Adonis at laking gulat niya nang makita ang naipong malakas na hanging patungo ngayon sa kinatatayuan niya.
“Tumabi ka!” ang nagsalita ay si Prinsesa Adena na biglang sumulpot sa kaniyang kanan at saka mabilis na hinila sa kaniyang kamay para iligtas siya sa panganib na iyon.
Sa lakas ng hanging dumaan sa kanila, pareho silang tumilapon sa damuhan at natamaan ang kalahati ng mukha ng prinsesa sa malaking bato, dahilan para masira ang kalahating maskara na suot nito sa kaniyang mukha.
Mabilis na bumangon si Hyrim habang iniinda ang sakit sa kaniyang likod, pagkatapos niyang tumilapon at bumagsak ng malakas sa lupa.
“Prinsesa Adena? Princesa, naririnig mo ba ako?" kaagad niyang hinanap ang prinsesa at sa hindi kalayuan ay nakita niya itong nakaupo malapit sa malaking bato.
"Prinsesa Adena!" nilapitan niya ito ng matagpuan niya ang dalaga. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala para sa prinsesa.
"Prinsesa Adena, nasaktan ka ba?" nag-aalalang tanong niya kay Adena.
"Hanggang diyan ka na lang! huwag kang lalapit!” ang tinugon ng dalaga sa kaniya, na ikinagulat ni Hyrim.
Napatigil na lamang sa paglalakad ang binata nang mapansin niyang tila tinatakpan ng prinsesa ang buong mukha niya at nakita rin niya ang kalahati ng maskara na nawasak nang tumama sa malaking bato.
“Ayos lang ako. Kaya umalis ka na." Dagdag pa ng dalaga sa kaniya. Tatalikuran na sana niya ito nang bigla niyang mapansin ang pagtulo ng dugo mula sa kamay ng dalaga na ngayon ay nakahawak sa mukha niya.
Kaya imbes na umalis ay humakbang pa siya palapit sa dalaga, ngunit bago pa man siya tuluyang makalapit dito ay bigla siyang tinulak ni Haiji, (ang ika-sampung anak ng hari), dahilan upang makalayo ito sa prinsesa ng isang kilometro.
Hindi naman napuruhan si Hyrim mula sa pagkakatulak nito sa kaniya dahil kaagad niyang binalanse ang katawan at gumasgas sa lupa gamit ang mga paa para pigilan ang lakas ng puwersang binitawan nito sa kaniya.
Mabilis na tinakpan ni Prinsesa Haiji ang buong mukha ni Adena, gamit ang isang itim na belo bago ito tuluyang lumingon sa kaniya.
“Si Haiji ito. Huwag kang mag-alala dahil hindi niya nakita ang iyong mukha. Pinapunta ako ni amang hari rito dahil gusto niyang tiyakin sa akin kung ano talaga ang nangyayari rito ngayon.” Ang sinabi ni Haiji sa kaniyang ate Adena.
“Sinasabi ko na nga ba at hindi ako nagkamali sa pandinig.” Dugtong nito na ikinagilid ng tingin ni Adena ngunit hindi siya lumingon dito.
"Anong ibig mong sabihin?" usisa niya pagkatapos niyang bumangon.
“Muling ginamit ni Prinsipe Adonis ang kaniyang kapangyarihan. Ngunit hindi ito kasing lakas noong unang beses niyang ginamit ang kakayahan na mayroon siya.” Tugon niya habang nakatitig sa kinaroroonan ni Adonis na nakahandusay sa lupa matapos itong mawalan ng malay.
Nagmamadaling pumunta si Hyrim sa kinaroroonan ng prinsipe. Nang malapitan na niya ito ay kasalukuyan na itong binubuhat ng mga kawal nila pabalik sa palasyo.
Magsasalita pa sana si Haiji nang lumingon siya at napansin niyang biglang nawala si Prinsesa Adena.
“Saan siya nagpunta?” tanong niya sa sarili habang palinga-linga sa kaniyang paligid at hinahanap ang kaninang kausap lamang niya.
Pagdating nina Hyrim sa palasyo ay kaagad na pinasok si Adonis sa kaniyang silid habang naghihintay doon ang ilang makapangyarihang imortal sa kanilang mundo, kasama na ang kaniyang amang hari.
"Masyadong mahina ang katawan ng prinsipe." Sabi ng isa sa mga makapangyarihang diwata, matapos niyang suriin ang buong katawan ng binata habang nakahiga ito sa kaniyang kama.
"Hindi pa siya ganap na determinado sa kaniyang sarili na sakupin ang trono na naghihintay para sa kaniya." Ani ng tagapagbantay na bulalakaw.
"Malayo-layo pa ang lalakbayin ng prinsipe at marami pang problema ang haharapin niya." Wika ng tagapag-alaga ng mga halaman at bulaklak.
"Mukhang nahihirapan siyang kontrolin ang kaniyang kapangyarihan." Ang nagsalita ay ang pinuno ng kapayapaan.
"Pakiramdam ko ay hindi magandang ideya kung uupo siya sa trono bilang bagong hari." Ito naman ay makapangyarihang salamangkero.
Ang mga nakakataas at makapangyarihang imortal ay napuno ng negatibong pag-uusap mula roon, pagkatapos nilang maobserbahan ang walang malay na prinsipe Adonis.
"Tahimik!" hudyat ng mahal na hari, dahilan upang mahinto sila sa pagsasalita at mapatingin sa kaniya.
"Naniniwala ako na malalagpasan ng aking anak ang anumang hirap at pagsubok na dumating sa kaniyang buhay." Mahina ngunit matatag na saad ng hari sa kanila.
“Pero hindi mo ba nakikita ang kalagayan niya ngayon? bigla siyang nawawalan ng malay sa tuwing ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan. Kaya, paano natin matitiyak na talagang karapat-dapat siyang mamahala bilang hari ng ating kaharian?” ani ng binatang bulalakaw sa kamahalan na ikinaangat ng tingin sa kaniya.
"Kung minamaliit mo ang kapangyarihan na mayroon siya, parang minamaliit mo na rin ang kakayahan na mayroon ako." Saad ng hari sabay tingin nito sa kanila. Kaagad namang yumuko ang binatang nagsalita kanina at pati ang mga kasamahan nito ay napayuko sa sinabi ng hari.
“Kailangan pa ni Adonis ng kaunting panahon para maisakatuparan niya ang nakalaan para sa kaniya. Maghintay pa tayo ng ilang araw at panahon upang masanay niya ang kakayahang mayroon siya. Alam kong nalalapit na rin ang araw na iyon. Ang araw ng pagdanak ng dugo at ang pagsunog ng apoy sa bawat kapaligiran. Ngunit wala tayong dapat ikatakot dahil ililigtas ni Prinsipe Adonis, ang buong sansinukob ni Drima. Magtiwala lamang tayo sa kaniya." Ang sinambit ng makapangyarihang hari habang pinagmamasdan ang kaniyang anak na si Adonis.
Halos hindi na sila nakapagsalita o nakaimik pa sa sinabi ng kamahalan. Gustuhin man nilang tumutol dito ngunit hindi naman nila kayang hamunin at hamakin ang mga salitang binitawan nito, lalo na't siya ang hari ng kanilang kaharian. Kaya sumang-ayon na lamang sila sa kaniyang sinabi kahit labag ito sa kanilang kalooban.
Nagpalitan lang sila ng tingin sa isa't isa at tumango sa kanilang ulo.
Kahit pabalig-baligtarin pa nila ang mundong ginagalawan ay hindi mababago ang anumang sinasabi ng propesiya tungkol kay prinsipe Adonis at sa mangyayari, sa hinaharap.
Sa bandang huli, dalawang bagay lang ang matitiyak nila. Iyan ay ang pagkatalo o ang tagumpay.
Mahigit isang linggo na rin mula nang magkamalay si Adonis matapos itong mawalan ng malay.
Si Hyrim ang unang nakakita sa kaniya kaagad, at halos isang linggo na niya itong binabantayan.
"Mahal na prinsipe!" dali-dali siyang lumapit sa prinsipe Adonis, matapos niyang mapansin ang pagmulat ng mga mata nito.
“Ayos ka lang ba? may masakit ba sa iyo? sandali lang at tatawagin ko lang ang mahal na hari.” Dagdag pa niya, tatalikuran na sana niya ito nang bigla niyang hinawakan ang pulso ng binata at para pigilan ang binabalak niyang gawin.
Napatigil bigla si Hyrim at mabilis na lumingon sa kaniya na may bakas ng pagtataka sa mukha. Binitawan din siya kaagad ni Adonis at bumangon siya sa kaniyang kama.
“Ilang araw na ang nakalipas?” usisa ng prinsipe sa mahina at paos na boses.
“Higit na sa pitong araw, mahal na prinsipe. Sigurado ka bang wala kang sakit na nararamdaman sa katawan mo?" nag-aalalang sabi niya sa binata habang pinagmamasdan niyang mabuti ang kalagayan ng kaniyang katawan.
"Medyo masakit lang ang lalamunan ko at para akong nagliliyab sa apoy." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis siyang nilapitan ni Hyrim at hinawakan ang kaniyang noo para tingnan kung may matinding sinat siya, ngunit nagulat siya nang maramdaman niyang normal lang naman ang temperatura ng kaniyang katawan.
"Bakit?" tanong ni Adonis sa kaniya habang nakatingala at nakatitig sa kaniya mga mata.
"Sigurado ka bang naiinitan ka?" tanong niya, tumango lang ang binata na kausap niya.
"Bakit may problema ba?" aniya nang mapansin ang pagkunot ng noo ni Hyrim at tila nag-iisip ng malalim.
Saglit namang lumayo si Hyrim sa kaniya ng mga tatlong hakbang. Pagkatapos ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata at pinakinggang maigi ang buong sulok ng silid.
Kahit nakapikit si Hyrim, bukas pa rin ang kaniyang mga mata at nakikita pa rin niya ang lahat sa paligid nila. Ang kaibahan lang ay nakikita niya ang mga bagay na hindi nakikita ng ilang imortal at kabilang dito ang mga ligaw na kaluluwa na gustong maghiganti o gustong sumapi sa mga katawan ng buhay.
Kadalasan ang mahihinang katawan o mahinang kalooban ang pinupuntirya nila at sa pagkakataong iyon ay natuklasan ni Hyrim na may limang itim na kaluluwang nakatayo ngayon sa harapan ni Adonis, na tila balak sumapi sa kaniyang katawan nang sabay-sabay.
“Tumigil ka! tumigil kayong lahat!” sigaw ni Hyrim sa limang kaluluwa na biglang lumingon sa kaniya.
“Kung ano man ang binabalak niyong gawin sa kaniya, itigil niyo na. Lumayo kayo sa mahal na prinsipe kung mas gugustuhin niyong hindi maglaho ng tuluyan sa mundong ito." Dagdag pa niya, nagulat na lang si Adonis ng makita ang kakaiba ikinikilos ng binata at marinig ang kaniyang mga sinabi mula sa isipan.
"Hyrim," sinubukan niya tawagin ito sa pangalan ngunit tila hindi siya narinig nito. Sinubukan niyang muli si Hyrim pero kahit paglingon man lang sa kaniya ay hindi nito nagawa.
Gumuhit tuloy ang kunot sa kaniyang noo at maiging pinagmasdan ang binatang lawin.
Napansin niyang parang may kinakausap ito sa paligid kaya nilibot niya ng tingin ang buong sulok ng kaniyang silid upang hagilapin ang kausap nito ngayon. Ngunit wala naman siyang napansing kakaiba at tangging silang dalawa lamang ang naroroon sa loob.