“ANO? SABIHIN mo, effective ba ang Party of Destiny ni Lolo Kupido? May nakilala ka ba roon? Magkuwento ka na.” Napailing si Celine. Kausap niya sa telepono si Luka. Nabubugnot siya nang umagang iyon dahil hindi nakikipagkomunikasyon sa kanya si Daniel. Kahapon pagkatapos nilang kumain, dumating ang kanang-kamay ni Daniel na si Lino. Pagkatapos niyon ay inutusan na ni Daniel si Lino na ihatid siya sa apartment niya. Wala siyang nagawa kundi ang sumang-ayon. Ang mga binibitiwang salita ni Daniel ay parang batas na kailangang sundin. Hanggang sa lumipas na nga ang mga oras at magdamag na wala siyang naririnig mula kay Daniel. Ang akala pa naman niya ay yayayain uli siyang mag-jogging ng lalaki. “Paano ako magkukuwento gayong hindi mo ako binibigyan ng pagkakataon na makapagsalita?” sita niy

