Chapter 3

2012 Words
Nang matapos ang palaro ni sir ay bumulong ako kay Sam. "Bakit ganoon 'yong dare mo?" tanong ko sa kaniya. "Bakit ayaw mo ba?" tanong din nito sa akin. "Wala naman akong sinabi na ayaw ko. Wala rin naman akong sinabi na gusto ko at saka kailan pa nasagot ng tanong ang isa pang tanong?" masungit na wika ko sa kaniya. Tumawa naman ito. "Matagal-tagal na rin kasi simula nang ginawa mo iyon." "So, you took advantage to it?" tanong ko sa kaniya. "Parang ganoon na nga...?" Napailing-iling na lang ako sa tugon niya. "Pakiramdam ko kasi, kapag hinalikan pa kita sa noo ay hindi ka magiging komportable roon," pagpapatuloy niya. Napatingin naman ako sa kaniya. Iyon ba ang dahilan kung bakit tinigil na niya ang paghalik sa akin sa noo. Well, ganoon din naman ang pakiramdam ko nang itigil niya iyon. Akala ko kasi ay hindi na siya komportable... Tinapik ko siya sa braso. "Ayos lang naman sa akin 'yon. Gaya nga ng sabi ko, hindi naman 'yon big deal sa akin at wala naman akong pake sa sasabihin ng iba," paliwanag ko sa kaniya. Nginitian naman niya ako at tumango. Sunod na pumasok ang susunod na subject teacher namin. Wala naman siyang ganoong pinagawa hanggang sa mag-alas-dose na ng tanghali. Lahat kami ay naghanda sa uwian. Nagsimula na rin kaming magligpit ngunit pagpasok ni Miss Dela Cruz ay natigil kami. "Bakit kayo nagliligpit ng gamit niyo?" tanong nito sa amin. Walang sumagot na kahit na sino ngunit bumulong ako. "Ma'am, time na po kaya..." bulong ko at narinig iyon ni Sam kaya sikreto kaming napahagikgik. "Get one whole sheet of paper," saad niya. "Ma'am, may test?" tanong ng isa kong kaklase. "Hindi ba obvious?" tanong din pabalik ni ma'am at sunod-sunod na pinasa ang test paper sa amin. "Ma'am, one whole?" tanong pa ng isa pa naming kaklase. "Paulit-ulit?" tanong din ni ma'am dito. Nang magkatinginan kaming lima ng mga katabi ko ay natawa na lang kami ng palihim. Nang ilabas ko ang one whole paper ko ay nagulat ako dahil hindi pa nga ako nakakasulat ng pangalan ay sunod-sunod ang hingi nila ng papel. "Pahingi," sabay-sabay na wika nila sa akin. Napailing-iling na lang ako at napabuntong hininga. Nang matapos ay 'tsaka nagsimula na rin ako mag-take ng test. Nangunot ang noo ko nang makita si Gab na nakatayo lang sa gitna at nanghihingi ng papel. "Mag-test ka na, Gab," wika sa kaniya ni Ma'am. "Sige po, Ma'am," saad nito kay Ma'am. Pumunit naman ako ng isang piraso ng papel at tumayo. "Oh, Gab." Binigay ko sa kaniya ito. "Salamat," saad niya at saka naupo na. Pagkatapos noon ay nagsimula na rin akong magsagot ng test. Inabot lang ako ng sampung minutos bago matapos dahil 'a, b, c' lang naman ito 'tsaka na-review ko na rin kagabi. "Ma'am," bigay ko kay Ma'am. Napabuntong hininga na lang si Ma'am Dela Cruz. "Gaya ng inaasahan ko..." aniya. Napakamot naman ako sa batok at nang makabalik sa upuan ay nagsalita si Ma'am Dela Cruz. "Chezka, puwede ka na umuwi," saad ni ma'am. "Sige po, ma'am," saad ko at saka kinuha ang bag ko. Bumulong ako sa kanilang apat. "Hihintayin ko kayo sa court," wika ko. Tumango naman sila at saka bumaba na ako. Masaya akong bumaba ng hagdan hanggang sa makarating ng court. Umupo ako sa mga upuan na nandoon at saka tahimik na naghintay sa kanila. Nakita ko pa na lumabas sa classroom si Ma'am Dela Cruz at pinagmamasdan ang court kaya kumaway naman ako mula rito. Napahawak ako sa tiyan ko nang kumalam ito. Gusto ko man lumabas ngunit may SSG officer na nakabantay sa gate at kapag nakalabas na ako ay hindi na nila ako papapasukin pa. Ang tagal naman nila. "Uy!" sigaw ko. Sinuot ko ang aking bag at saka patakbong pumunta kay Sam. "Nasaan na 'yong iba?" tanong ko sa kaniya. "Nagte-test pa rin pero nakita ko si Vel na malapit na matapos," saad niya. Siniko ko naman siya. "Ikaw, ha! Nangongopya ka pala," biro ko sa kaniya. Natatawang napailing-iling naman siya. Natigil iyon nang makita niya na nagbabantay ang SSG officer sa gate. "Buti na lang at hindi ako nanalo bilang SSG president," bulong niya. Natawa na lang din ako sa sinabi niya kahit na sumang-ayon ako roon. Siguro kung nanalo siya bilang president ay baka hindi kami ganoon kadalas magkakaroon ng oras para sa isa't isa dahil halos araw-araw nagbabantay ang SSG officer kapag nagla-lunch ang mga guards ng school. "Gutom ka na ba?" tanong niya sa akin. Tumango-tango naman ako. Nagulat ako dahil agad niya akong hinila para umupo at binuksan niya ang bag niya. Napangiti ako nang makita ang isang burger. "Akala ko ubos mo na 'yan?" tanong ko sa kaniya. "Dalawang burger ang ginawa sa akin ni yaya. Ni-reserve ko 'to para sa iyo dahil alam ko naman na mabilis kang magutom," aniya. "Salamat," wika ko at saka kinuha ang burger. "Ang sarap talaga," saad ko sa kaniya. "Nagustuhan mo ba?" tanong nito sa akin. Natatawa naman akong sumagot. "Anong klaseng tanong 'yan? Syempre, oo naman." "Okay. Madalas na akong magpapagawa niyan kay yaya," wika niya sa akin. Nangunot naman ang noo ko. "Baka naman magkasakit tayo dahil sa madalas na pagkain ng burger," sarkastikong sabi ko sa kaniya. Tumawa naman ito at napailing-iling. "Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin. Syempre kailangan ko pa rin siguraduhin na kumakain ka ng prutas at gulay," paliwanag nito. "Ano 'yon responsibilidad mo ako?" biro ko. "Dinaig mo pa ang nanay at tatay ko, ah?" Pareho naman kaming natawa dahil doon. Matapos kumain ay humingi na lang din ako sa kaniya ng tubig dahil ubos na ang tubig ko. "Bakit ang laki-laki ng tumbler mo?" tanong ko rito. "Kasi ang liit ng sa iyo," mabilis na sagot niya. Nangunot na naman ang noo ko. "Ano namang konek?" tanong ko sa kaniya. "Alam ko naman kasi na mahilig kang uminom ng tubig kahit na maliit lang tumbler mo kaya nilakihan ko 'yong akin para puwede ka pa rin uminom ng tubig sa tuwing gusto mo," mahabang paliwanag niya. Hindi makapaniwala na tumingin naman ako sa kaniya. "Ay, ganoon?" sarkastikong wika ko sa kaniya. "Oo, ako pa ang nag-adjust para sa iyo," biro nito. Natigil kami sa pag-uusap nang sabay na pumunta sa amin ang tatlo. "Ang bilis niyo, ha," sarkastikong saad ko sa kanila. Napangiti naman si Vel. "Oo nga, eh. Sobrang dali lang talaga ng mga tanong kaya nga mabilis kami," sarkastikong tugon din niya. Lahat kami ay natawa dahil doon. Natigil lang iyon nang may lumapit sa amin na SSG officer. "Pang-umaga ba ang pasok niyo?" tanong nito. Sabay-sabay naman kaming tumango. "Katatapos lang ng klase namin," sagot ni Sam dito. "Ganoon ba? Puwede na kayong umuwi dahil darating ang supervisor," sabi nito. Tumango na lang kami dahil sa sinabi nito at saka sabay-sabay kaming lumabas ng gate. "Kaya naman pala maraming SSG officer ang nakabantay sa gate," bulong ni Vel. "Pakitang sipag, ganoon?" bulong ni Simoun. Binatukan ko naman siya. "Aray!" singhal niya. "Itikom niyo nga 'yang bibig niyo. Baka marinig nila tayo," saad ko sa kanila. Umakto naman sila na ni-zipper nila ang bibig nila kaya napailing-iling na lang ako habang pinipigilan ang pagtawa. Nang makalayo-layo kami sa school ay dumiretso kami sa 7/11 store. "Anong ginagawa natin dito?" tanong ni Krystal nang makapasok kami sa store. "Hindi ko alam. Sinusundan ko lang si Vel, eh," sagot ni Simoun. "Huh? Bakit ako?! Sinusundan ko lang din si Luna," wika niya. Napatingin naman ako sa kanila nang sabihin nila iyon. "Bakit ako?" tanong ko rin sa kanila, "Sinusundan ko lang si Samuel." "Bakit naman ako?" tanong niya sa akin, "Dinala lang ako ng paa ko rito, eh." Nang ma-realize kung ano 'yong pinagsasabi namin ay sabay-sabay na lang kaming napailing-iling at natawa. Umupo kami sa upuan na nandoon. "Ate, paupo po muna," wika ko sa nagbabantay sa counter. "Sige lang," aniya. "Ano naman bibilhin natin dito?" tanong ni Simoun. "Oo nga," pagsang-ayon ko. "May pera ba kayo?" tanong ni Sam. "Ito, bente na lang natira sa baon ko," wika ko at saka nilapag sa kamay niya. Masama raw kasi ang maglapag ng pera sa lamesa sabi ni Mommy. Sunod-sunod din naman nilang binigay ang natirang baon nila kay Samuel. "150 pesos lang ang pera nating lahat," saad ni Krystal. "Ano namang mabibili natin sa halagang 150?" tanong din ni Vel. "Dapat mabubusog tayong lahat, ha," saad ko. Tumango-tango naman si Samuel. "Alam ko na ang bibilhin," saad niya. Pumunta siya sa counter at bumili. Pagbalik ay nakita na namin siyang may hawak ng tatlong hotdog at saka isang coke na kasiya sa aming lima. "Pwede po bang makahinga ng baso?" tanong niya sa counter. "Sige, wait lang," saad nito at pagbalik ay binigay na ang paper cup kay Sam. "Tatlo lang?" tanong ko sa kaniya. "Maghintay ka kasi," saad din ni Sam sa akin. Hinati niya sa dalawa ang isang hotdog at binigay sa amin isa-isa. Ang natirang kalahating hotdog ay binigay niya sa counter, noong una ay tinaggihan pa niya iyon ngunit tinanggap din naman. "Paabot ng ketchup," wika ko sa kanila. Inabot naman iyon sa akin ni Simoun. "Salamat," wika ko. Nang matapos kami sa pagkain ay lumabas kaming lima dahil nandoon ang basurahan at isa-isang ni-segregated ang mga ito. Pagpasok ulit namin sa 7/11 ay saglit kaming nagpahinga. "Ano? Nabusog ba?" tanong ni Sam sa akin. "Pwede na," natatawang sagot ko. "Yes or no lang ang isasagot mo pero ang pinili mo ay pwede na?" tanong ni Vel sa akin kaya natatawang napailing-iling na lang ako. "Masaya na, busog pa," ngiting wika ni Krystal. Lahat naman kami ay nagsang-ayon sa sinabi niya. "Bumalik na tayo sa school. Baka nandoon na sundo natin," wika ko. Sumang-ayon naman sila at sabay-sabay kaming bumalik ulit sa school. Tama nga ang sinabi ko dahil naghihintay na ang sundo ng bawat isa pagdating namin doon. Nang makaalis na ang lahat ay nagtaka ako dahil wala pa si Manong Ester ngayon. "Wala pa ba si Manong Ester?" tanong ni Samuel. Nagulat naman ako dahil doon dahil akala ko ay nauna na rin siya sa akin. Umiling-iling naman ako sa tanong niya. "Mukhang late yata," sabi ko rito. "Hatid na lang kita sa bahay mo?" tanong niya. Umiling-iling naman ako bilang tugon sa sinabi niya. "Baka mag-alala si manong kapag dumating siya na wala ako rito?" tanong ko sa kaniya. "Kaysa naman na maghintay ka rito?" tanong din niya. Napabuntong hininga na lang ako at saka pumasok na rin sa kotse nila. "Hi, manong!" bati ko sa driver nila. "Hello, Chezka. Ang tagal na simula nang huli nating kita, ah?" aniya. I laughed. "Oo nga po, eh." "Nasaan na 'yong sundo mo?" tanong nito. "Late po yata kaso itong si Sam, pinilit ako na siya na raw maghatid sa akin," paliwanag ko. Napatawa naman si manong habang nagda-drive. "Don't worry, ma'am. I'll make sure that you'll arrive safely, so that the master won't get angry," aniya. Natawa naman ako dahil sa sinabi nito. Mabuti na lang talaga at marunong makisakay si manong sa mga jokes ko. "Manong naman, eh..." bulong ni Sam kaya mas lalo akong natawa. "May assignment ba tayo?" tanong ko kay Sam. Tumingin siya sa akin at tumango. "Tatlong assignments. Sa Science, T.L.E at E.S.P," aniya. "Dami naman," reklamo ko. Binatukan naman niya ako. "Siguraduhin mo lang na gagawa ka ng assignments natin, ha!" sigaw nito sa akin. "Siguraduhin mo rin na ise-send mo sa akin 'yong mga sagot," ngiting wika ko sa kaniya. Napailing-iling na lang ito. "Gusto mo sabay tayong gumawa ng homework mamaya?" tanong niya. Nagliwanag naman ang mga mukha ko. "Talaga?!" Tumango-tango siya. "Puwede naman tawagan ni manong si Mommy na roon muna ako mag-stay sa inyo hanggang sa matapos natin 'yong assignments." Napatango-tango naman ako at saka ngiti-ngiting sumilip sa bintana. Sa wakas... makakakopya na ulit ako! "Huwag mong ituloy kung ano man 'yang binabalak mong gawin," aniya at saka tinignan ako ng masamang tingin. Inosente naman akong tumingin sa kaniya at ngumiti. "I won't." Iling-iling na saad ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD