Narito ako ngayon sa prisinto at nakatulala lamang. Hindi ako magawang kausapin ng mga pulis na narito ngayon, dahil nagkakagulo sila. Napatingin ako kay Detective Cason na may kausap na babae.
“Hindi ko inaasahan na pupunta sa bahay ng witness ang suspect. Hindi ba at ang sabi sa report ay lumabas ng bansa ang suspect na ‘yon?” tanong niya sa babae. Sa tingin ko ay may mas mataas na ranggo ang babae na ‘yon kaysa sa kaniya.
“Yes, I was the one who received that report. Nang malaman natin ang identity ng suspect, kumalat na ‘yon agad. Kaya siguro naisipan niya na umalis ng bansa. May nagsabi sa akin galing sa airport na nakaalis ng bansa ang suspect na ‘yon. Pero mukhang nagkukunwari lang. Nang sa gano’n ay mag-focus tayo sa report na ‘yon at maniwala na nakaalis siya ng bansa,” sagot naman ng babae.
“Siya lang ang witness natin sa kaso na ito. Lalo na at anak ng mayor ang estudyante na pinatay.”
Ngayon ko lang nalaman na anak pala ng mayor namin ang namatay na estudyante na ‘yon. Gusto kong magalit dahil nangialam pa si Mama sa nangyari sa babae na ‘yon. Ngunit biktima lang din ang estudyante na namatay. Hindi niya rin naman ginusto na magahasa at mapatay siya. Talaga ngang importante ang kaso na ito dahil anak ng mayor ang namatay. Gusto ko rin na sisihin ang detective na kumausap kay Mama. Siya ang dahilan kung bakit pumayag si Mama na maging testigo tungkol sa kaso na ito.
Pero hindi gano’n kasarado ang utak ko. Alam ko naman na ginusto rin ni Mama na maging testigo. Kahit na alam naman niyang manganganib ang buhay niya, tinuloy pa rin niya na maging testigo. Sarili niya ‘yon na desisyon, kaya naman wala akong ibang dapat sisihin kung bakit siya napahamak. Ngunit malaki ang galit ko sa pumatay sa kaniya. Ni ‘di ko man lang siya nagawang protektahan. Hinayaan ko pa na makatakas ang kriminal na ‘yon. Ako ang pinakadapat na sisihin sa nangyari sa aking ina. Kasalanan ko kung bakit siya namatay. Kung sana ay maaga akong umuwi sa bahay, hindi sana siya mapapahamak dahil mababantayan ko siya.
Tila ba walang mga luha na gustong tumulo mula sa mga mata ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na maramdaman ang sarili ko. Walang emosyon na gustong lumabas mula sa akin. Nabalik na lang ako sa reyalidad nang may humarap sa akin at pinantayan ang tingin ko. Nakita kong ‘yon ang babae na kausap ni Detective Cason kanina.
“You can cry if you want. ‘Wag mong kimkimin ang galit at sakit na nararamdaman mo ngayon,” sambit niya. Nanatili naman na walang reaksyon ang mukha ko.
“Bakit? Bakit nangyari ito sa nanay ko? Hindi karapat-dapat na mamatay ang ina ko dahil lang gusto niya kayong tulungan na malutas ang kaso na ‘to!”
Bigla na naman akong nagalit at napatayo na. Sinamaan ko ng tingin si Detective Cason. Kitang-kita sa kaniyang mga mata na naaawa siya sa akin. Wala siyang karapatan na kaawaan ako! Mabilis ko muli siyang sinugod at hinawakan sa kaniyang kwelyo. Nangangalaiti na ako sa galit. Kahit na mas matangkad siya sa akin ay pinilit ko pa rin na kwelyuhan siya. Agad naman na may mga umawat sa akin, ngunit napansin ko na sumenyas siyang hayaan ako.
“Ang sabi mo ay hindi mo hahayaang may mangyari na masama kay Mama! Ang sabi mo ay walang mangyayari na hindi maganda sa kaniya! Pero bakit ganito ang kinahinatnan ng buhay niya?! Nasayang ang buhay ng isang normal na tao dahil sa kagagawan mo! Ikaw ang nagpumilit sa kaniya na maging testigo, dahil lang siya ang nag-iisang tao na nakakita sa krimen na naganap!”
“Alam ko na nasasaktan ka ngayon. Kasalanan ko dahil hindi ko napagtuonan ng pansin ang kaligtasan ng ‘yong ina. May report kami na natanggap—”
Hindi ko na siya pinatapos pa at muli akong nagsalita. “Niloloko mo ba ako?! Wala akong pakialam sa kung ano man ang report na natanggap ninyo! Responsibilidad ninyo na panatilihin ang kaligtasan ng mga testigo ninyo, hindi ba?! Pero bakit gano’n ang nangyari sa aking ina?! Alam niyo naman na mag-isa lang siya sa bahay at hindi niyo pa nahuhuli ang kriminal. Kaya malaki ang posibilidad na puntahan siya ng kriminal na ‘yon, lalo na at nalaman niya na may naka-testigo ng krimen na nagawa niya.”
Napayuko naman si Detective Cason. Tila ba hindi niya alam kung ano pa ang mga tamang salita na sasabihin niya sa akin. Saka ako inawat at inilayo ng ibang mga pulis mula sa kaniya.
“You are Kien Leonard, right? Let him go. I want to talk to you inside of my office. Please calm down,” mahinahon at ma-awtoridad na sambit sa akin ng babae.
Napabuntong-hininga naman ako at sumunod sa kaniya papasok sa kaniyang opisina. Nang makarating doon ay inalok niya ako na umupo sa harapan ng lamesa niya. Ngunit nanatili lang ako na nakatayo sa harapan niya.
“I am Carmela Simson and the Chief Director of this police district. Ako ang namamahala sa lahat ng mga kaso rito at ako rin ang nag-uutos sa mga detectives kung ano ang kanilang dapat na gawin kapag may mga ganitong krimen na natatanggap. I am deeply sorry for your loss. Miski kami ay nalulungkot dahil sa nangyari sa iyong ina na si Karen. Yes, we failed as an officer who’s responsibility is to make sure that everyone is safe and away from danger. Especially our clients and witnesses. We failed to protect your mother after promising to you that her life is safe with us. Hindi namin inaasahan na maloloko kami ng nag-report sa amin. Lalo na at may mga litrato siya na ipinakita sa amin kanina. Kaya naman mas nag-focus kami na tingnan kung saang bansa nagpunta ang suspect. Ngunit nagulat na lang kami sa panibagong report na patay na ang aming witness para sa kaso na ito,” mahabang paliwanag niya sa akin.
Nanatili lang ako na tahimik at naikuyom ko ang aking mga kamao nang dahil sa galit. Naaalala ko na naman kung ano ang nadatnan ko kanina sa bahay. Sariwa pa sa utak mo ang pangyayari na ‘yon. Sobrang sakit na gano’n ko na lang nadatnan ang aking ina. Ni hindi na siya nakaabot pa sa ospital dahil malala na ang mga sugat na natamo niya. Nagpatuloy naman ang Chief Director na magpaliwanag sa akin.
“Hindi namin ginusto ang pangyayari na ‘yon. Masakit sa amin na wala kaming nagawa upang protektahan at mailayo sa kapahamakan ang iyong ina. Ngunit sana ay maintindihan mo rin na hindi namin inasahan na ganito ang mangyayari. Rest assured that we will hold a formal funeral for your mother.”
Bahagya naman akong natawa dahil sa huling sinabi niya. “Sa tingin mo ba ay ‘yan ang gusto kong marinig mula sa ‘yo o sa inyo ngayon? Ano ang mapapala ko sa pagbibigay ninyo ng magandang libing sa aking ina? Ang gusto ko ay maibalik ang buhay niya! Pero hindi na ‘yon mangyayari dahil sa kapabayaan ninyo!”
“I know what you feel. I was also once a victim because of one case. Naging testigo ako ngunit ang pamilya ko ang napahamak dahil doon. Kaya nga ako naging isang detective ay dahil gusto kong maghiganti sa pumatay sa aking asawa at anak. We will make sure to get justice for your mother’s death and for the mayor’s daughter’s death.”
Ngayon lang ako naiyak muli sa nangyari sa aking ina. Hindi ko kaya na makita siyang nakaratay sa kabaong at wala nang buhay. Hindi ko magagawang makita na nakahiga na siya roon at kahit kailan ay hindi na siya makakabalik pa sa piling ko.
“We will seek revenge for your mother’s death, Kien.”
Hindi na ako nagsalita pa matapos niyang sabihin ‘yon at umiyak na lang sa harapan niya. Hindi ko na makaya pa ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay nilalamon na ako ng aking galit.
Nakarating na ako sa Memorial Chapel kung saan doon ginanap ang burol ng aking ina. Nakalagay na siya sa isang napakagandang kabaong at kay daming bulaklak na nakapaligid sa kaniya. May nakita naman akong mga hindi pamilyar na tao na umiiyak sa harap ng kabaong ni Mama.
Tila ba naestatwa na ako sa kinatatayuan ko ngayon. Hindi ko magawang lumapit at tingnan ang itsura ng aking ina sa loob ng kabaong. Nanghihina ako at gusto ko na lang na tumakas mula sa lugar na ito. Sana ay panaginip na lang ang lahat ng ito. Masamang panaginip at gusto ko nang magising agad. Ngunit hindi ko maloko ang sarili ko, dahil nasa harapan ko mismo ang katotohanan.
“Our deepest condolences. Me and my family will provide you anything that you need,” sambit sa akin ng isang matandang lalaki. Hindi ko siya kilala. Wala naman kaming ibang kamag-anak na nabubuhay pa rito. Kaya wala rin akong malalapitan ngayong mag-isa na lang ako sa buhay.
“Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala,” walang emosyon na tanong ko. Pinipilit ko na lakasan ang aking loob. Nang sa gano’n ay hindi ako kaawaan ng mga tao na narito. Hindi awa ang kailangan ko ngayon, kundi hustisya. Ayoko na tumagal pang naglalayag at nabubuhay ang kriminal na pumatay sa aking ina. Habang ako ay nagdurusa sa pagkamatay ni Mama.
“I am the Mayor of this town and I’m with my family right now to give our condolences to you. I am thankful to your mother because she had the courage to be the witness of my daughter’s case. But unfortunately, it hurts us that she ended up like this and also we can’t finish the case immediately,” paliwanag pa niya sa akin.
“Umalis na kayo rito. Hindi ko kailangan ng awa ninyo para sa akin. Ayoko nang marinig pa ang tungkol sa kaso na ‘yan. Hindi pa ba sapat na nawalan ng buhay ang isang inosenteng tao para lang makatulong sa pagkamatay ng inyong anak? Ni hindi nga kilala ni Mama kung sino ang biktima na ‘yon! Pero dahil nasaksihan niya ay kamatayan din ang kinahinatnan niya!” galit na sigaw ko.
Hindi na sila nakapagsalita pa dahil mabilis na silang pinalabas ng mga pulis na kasama ko. Binabantayan nila ako ngayon, sa takot na baka may mangyari rin na masama sa akin. Hindi ko kailangan ng proteksyon nila. Sana ay ginawa nila ‘yon sa aking ina at hindi sa akin.
Naiwan akong mag-isa sa loob ng chapel ni Mama. Habang ang mga pulis at si Detective Cason ay nasa labas lamang. Tinitigan ko ang litrato ni Mama na nasa gitna ng kabaong niya at nakangiti.
Miss na kita agad, Mama. Mahal na mahal kita.
Ilang araw pa ang lumipas at para bang hindi ko kayang pakawalan si Mama. Mag-isa lang ako habang nakaburol siya at ngayong ililibing na siya ay mas lalong hindi ko makaya. Pakiramdam ko ay matatapos na rin ang buhay ko sa oras na ibaon na siya sa lupa. Ito na ang huling araw na maaari ko siyang makita at kahit kailan ay hindi ko na muling makikita ang aking ina.
Tinulungan pa rin ako ng mga pulis at ni Detective Cason na mailibing ng ayos ang aking ina. Sakto naman na umulan nang matapos na siyang mailibing. Nanatili lang akong nakaupo sa gilid ng libingan ni Mama. Napakaganda ng kaniyang libingin dahil may bahay pa. Kaya naman ay hindi ako nababasa ng ulan. Sa pagkakaalam ko ay ang mayor pa rin ang gumastos at nagpagawa ng ganito para sa aking ina. Ayoko man na tanggapin, ngunit gusto ko rin na magkaroon ng ganitong bagong tirahan si Mama.
Hindi pa rin ako iniwan ng mga pulis. Napapatingin ako kay Detective Cason. Ilang araw na rin siyang walang tulog. Kita ko rin naman na nasasaktan siya at nalulungkot dahil sa pagkamatay ni Mama. Ngunit kahit na gano’n ang emosyon niya na nakikita ko, hindi ko pa rin siya magawang patawarin. Mayroong parte sa akin na sinisisi siya dahil may kasalanan din siya kung bakit namatay at napahamak si Mama.
Nakita naman niya na nakatitig ako sa kaniya kaya nilapitan niya ako sa loob. Umupo siya sa tabi ko, kaya hinayaan ko lang siya. Napabuntong-hininga siya at nilingon ako. “Gusto kong iparamdam sa ‘yo na hindi ka nag-iisa. Nakiramay ako sa ‘yong kalungkutan at sakit na nararamdaman mo. Alam ko na galit ka sa akin dahil hindi ko naprotektahan ang iyong ina. Gusto ko muling humingi sa ‘yo ng pasensya dahil sa nangyari na ‘yon,” sambit niya.
Ngayon na lang muli niya ako kinausap sa ilang araw na nagdaan. Ni ‘di ko kayang kumain ng ayos o maligo man lang. Gusto ko lang na nasa tabi ako ni Mama at sinulit ko na ang mga araw na natitira na kasama ko siya.
“Hindi kita kayang mapatawad. Sariwa pa sa akin kung ano ang nangyari sa aking ina. Masaya at tahimik lang kami na nabubuhay dalawa. Pero nasira ang lahat nang ‘yon dahil nagpunta ka sa bahay namin at kinausap mo siya na maging testigo sa kaso na ‘yan.”
“Naiintindihan ko ang punto mo. Lalo na at sa murang edad mo na ‘yan ay naranasan mo ito, kahit na hindi naman dapat. Alam ko na may kasalanan at responsibilidad ako sa nangyari sa iyong ina. Pero hayaan mo na bigyan ako ng tiyansa upang mahuli ang pumatay sa kaniya. Pinapangako ko sa ‘yo na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para mahanap ang hayop na ‘yon. Hindi ako titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang nangyari sa mga biktima ng kriminal na ‘yon.”
Ramdam ko na desidido siya na gawin ‘yon. Gusto ko rin na magawa niya talaga ‘yon at mahuli niya ang pumatay sa aking ina. Hindi lang pagkakakulong ang dapat na parusa sa kaniya, kundi kamatayan din. Mapapatawad ko lang siya sa oras na mahuli na niya ang kriminal na ‘yon.
Naalala ko naman na may nakuha ako sa bahay namin noong araw na pinatay si Mama. Hindi ko alam kung dapat ko ba ‘yon na ibigay sa kaniya o hindi. Pero alam ko na makakatulong ‘yon sa imbestigasyon na ginagawa nila. Dala ko ‘yon palagi dahil hindi ko kayang iwan sa bahay namin. Tiningnan ko naman si Detective Cason saka inilabas ang nakalagay sa plastik na necklace at may pendant. Iniabot ko ‘yon sa kaniya kaya nagtataka niya akong tiningnan.
“Ano ito?”
May marka pa ‘yon ng mga dugo mula sa aking ina. “Pakiramdam ko ay makakatulong ‘yan sa imbestigasyon mo tungkol sa kaso. Nakita ko na hawak ‘yan ni Mama noong pinatay siya. Mukhang naiwan ‘yan ng kriminal.”