Mukhang nagulat si Detective Cason nang makita ang iniabot ko sa kaniya. Nakakunot ang noo na nakatingin siya sa akin. "Bakit ngayon mo lang ito ibinigay sa akin?" nagtataka na tanong niya.
"Pasensya na. Nawalan ako ng tiwala sa inyong mga detectives noong namatay si Mama. Nadala rin ako ng galit ko noong nadatnan ko si Mama na gano'n na ang sitwasyon. Kaya naman ay itinago ko lang 'yan. Sa takot na baka muling bumalik ang kriminal at magawa pa 'yan na makuha. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nitong mga nakaraan na araw. Kaya ngayon lang ako nakapagdesisyon na ibigay ito sa 'yo. Gusto ko nang malutas agad ang kaso at mahuli na ang pumatay sa aking ina," paliwanag ko naman kay Detective Cason.
"Tamang desisyon na ibinigay mo 'to sa akin. Malaking tulong talaga ito para sa kaso. Lalo na at ngayon lang kami nakakuha ng ebidensiya. Noong unang krimen ay wala kaming nakuha na kahit isa. Akala ko ay wala rin kaming makukuha na ebidensiya sa nangyari sa iyong ina. Salamat."
Tinanguan ko naman siya saka ko nilingon ang lapiida ni Mama. "Iyan lang din ang maitutulong ko para sa kaso. Damay na rin ako, kaya sabihan mo ako kung may iba pa ba ako na maitutulong sa imbestigasyon ninyo."
Kahit na alam ko namang isa pa lang akong estudyante ng high school, gusto ko pa rin na may maitulong kahit papaano. Sa oras na mahuli na ang pumatay sa aking ina, Kung pwede lang ay mapatay ko na siya. Ngunit ayoko naman na gumanti sa ganoong paraan. Pinalaki ako ni Mama na may mabuting puso. Kaya kahit na napupuno ako ng galit ngayon dahil sa nangyari kay Mama, mas tinatatak ko pa rin sa isipan ko na mapaparusahan ng tama ang kriminal na 'yon.
"Paano na ang pag-aaral mo? Magdadalawang linggo ka nang hindi pumapasok. Kailangan mo nang bumalik sa eskwelahan. Nang sa gano'n ay makapagtapos ka na agad sa pag-aaral. Ngayong wala na ang ina mo, wala ka na bang ibang mga kamag-anak na maaari mong makasama?"
Inaasahan ko nang itatanong niya 'yon sa akin. "Wala na kaming ibang kamag-anak pa ni Mama. Samantalang ang ama ko naman ay matagal nang patay. Kaya wala na akong iba pang makakasama simula ngayon dahil wala na si Mama."
"Kakausapin ko ang Chief Director para maipaalam ko sa kaniya ang tungkol dito. Lalo na at menor de edad ka pa lang--"
"Hindi na kailangan. Ayos lang naman sa akin kung mag-isa na lang ako simula ngayon. Huwag niyo na akong tulungan pa. Ako na ang gagawa ng paraan para mabuhay ang sarili ko."
"Hindi ka namin maaaring hayaan na lang. Lalo na at responsibilidad din kami sa nangyari sa 'yong ina. Ito na lang ang magagawa namin para matulungan ka at makabawi sa kasalanan namin sa 'yong ina."
Napabuntong-hininga naman ako. Ayoko naman na mangyari pa 'yon. "Ang magiging pangbawi niyo lang sa akin ay kapag nahanap niyo na ang kriminal at naparusahan na siya nang tama. 'Yon lang ay sapat na sa akin."
"Sa ngayon ay hayaan mo na kami muna ang sumagot ng lahat ng mga pangangailangan mo. Hindi ka rin namin dapat na iwan pansamantala, habang hindi pa nahuhuli ang kriminal na ‘yon. You’re life can also be in danger.”
Naisip ko na ang tungkol doon. Alam ko naman na malaki ang posibilidad na bumalik ang lalaki na ‘yon sa bahay. Simula noong ibinurol si mama ay hindi nawalan ng bantay sa aming bahay, kahit na walang tao roon. Ngayon na nailibing na si Mama ay kailangan ko nang bumalik sa bahay namin.
“Ayos lang naman sa akin ‘yan. Nararamdaman ko rin na mukhang hahanapin niya sa bahay namin ang necklace na ‘yan.”
“Halika na at umuwi ka na. Kailangan mo na ng pahinga dahil ilang araw ka nang walang tulog. Kailangan mo na rin na magbawi sa pagkain, lalo na at magagalit ang iyong ina kapag nakikita niyang pinapabayaan mo ang sarili mo. Naiintindihan mo ba ako?”
Gumagaan ang loob ko sa kaniya kahit papaano. Para bang nawala na bigla ang galit na nararamdaman ko sa kaniya. Tao lang din sila at hindi nila alam kung kailan mangyayari ang krimen. Hindi nila kasalanan kung bakit napahamak si Mama. Wala akong ibang dapat na sisihin sa pagkamatay ni Mama kundi ang kriminal na ‘yon.
Tumila na ang ulan kaya nagpaalam na ako kay Mama. Kami na lang din ni Detective Cason ang naiwan dito sa sementeryo. Inihatid ako ni Detective Cason sa aming bahay. Ramdam ko na ang katahimikan ng bahay namin. Lalo na at wala nang sasalubong sa akin kapag uuwi ako galing sa eskwelahan.
“Maiiwan ang dalawang tauhan ko rito para bantayan ka. Kung may kailangan ka, huwag kang mahihiya na magsabi sa kanilang dalawa. Matutulog din sila sa loob ng bahay ninyo at ila-lock ng mabuti ang bahay. May mga bagong bili na rin na mga pagkain d’yan sa loob. Marunong ka bang magluto?”
Tumango naman ako kay Detective Cason. “Kaya ko nang magluto, Detective.”
“Pwede ka rin namang ipagluto ng mga tauhan ko. Kung gusto mo ay sabay-sabay din kayo na kakain.”
“Ayos lang ako, Detective Cason. Huwag ka nang mag-alala pa sa akin. May mga bantay na rin naman ako kaya walang mangyayari sa aking masama. Magluluto rin ako at kakain. Magbabawi ako ng tulog. Mas mabuting intindihin mo na lang ang kaso na ‘yan at huwag mo na akong isipin pa. Salamat sa pag-aalala para sa akin,” sinserong sambit ko sa kaniya.
Napabuntong-hininga naman siya. Kita ko pa rin na nalulungkot siya dahil sa sitwasyon ko ngayon. Pinilit ko naman na ipakita sa kaniya na ayos lang ako. Ayoko na maging distraction ako sa kanilang plano para mahuli ang kriminal. Tiningnan niya naman ang dalawang mga tauhan niya.
“Bantayan ninyo ng ayos ang bata na ‘to. Hindi pwede na mapahamak siya. Sigurado ako na babalik dito ang kriminal na ‘yon. Be attentive. Kung kailangan ninyo ng back-up, may mga malapit na officers na nagpa-patrol sa lugar na ito. Lalo na at prone na ngayon sa mga krimen.”
Tumango ang dalawa niyang tauhan sa kaniya. “We understand everything, Detective.”
“Good.”
Tiningnan muli ako ni Detective Cason at tinapik ang balikat ko. “Call me if anything happens, okay? You already got my number, right?” Tumango lang ako sa kaniya. Nagpaalam na siya at tuluyan nang umalis.
“Narito lang kami sa labas. Papasok na lang kami sa loob mamaya kapag magpapahinga kami.”
Nagpasalamat ako sa dalawang tauhan ni Detective Cason saka tuluyan nang pumasok sa loob ng aming bahay. Nilibot ko ang paningin ko sa maliit na bahay na mayroon kami ni Mama. Sobrang tahimik. Nabibingi na ako sa katahimikan. Pinilit ko ang aking sarili na huwag alalahanin ang mga nasaksihan ko rito noong nakaraan na linggo.
Ginawa ko na lang na abala ang aking sarili. Naligo ako at nilinis ng ayos ang aking katawan. Saka ako nagpunta sa kusina at nagluto ng mga makakain namin. Pinagluto ko na rin ang mga nagbabantay sa labas ng bahay namin. Mabuti na lang at naturuan ako ni Mama simula pa noong bata ako upang matuto sa mga gawaing bahay. Lalo na at kami lang namang dalawa ang magkasama. Kaya kami lang din ang magtutulungan. Pero ngayon na ako na lang mag-isa at wala na siya, wala nang ibang tutulong sa akin kundi ang sarili ko lamang.
Nang matapos akobg magluto ay tinawag ko ang dalawang bantay sa labas na pumasok sa bahay namin. Mukhang nagustuhan din naman nila ang pagkain na niluto ko. Saka nila ako sinabihan na ipapaalam kay Detective Cason na nagluto ako at sabay-sabay kami na kumain. Hinayaan ko naman sila na gawin ‘yon. Nang sa gano’n ay mapanatag din ang loob ni Detective Cason at hindi na ako isipin pa. Mas mabuti kung ang kaso lamang ang iniisip niya at wala nang iba pa.
Nang matapos kaming kumain ay lumabas na muli ang mga bantay. Samantalang hinugasan ko naman ang mga pinagkainan namin. Nang matapos ako ay kinuha ko ang mga gamit ko pang eskwela. Hindi ako dapat magmukmok sa bahay namin dahil baka mabaliw ako. Kaya napagdesisyunan ko na pumasok na muli bukas. Kailangan kong abalahin ang sarili ko para hindi ako malugmok sa lungkot na nararamdaman ko.
Nang maayos ko na ang lahat ay tiningnan ko ang kabuuan ng bahay. Hindi pa nakaayos masiyado ang mga nabiling groceries, kaya inayos ko na rin. Natapos ko nang linisin ang kabuuan ng bahay, bukod sa kwarto ni Mama. Hindi ko magawang buksan at pumasok doon. Pakiramdam ko ay dadagsa sa utak ko ang nangyari sa kaniya na hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa utak ko.
Sinubukan ko nang matulog sa kwarto ko. Nakatulala lang ako sa kisame. Lumalalim na rin ang gabi. Naramdaman ko na pumasok na sa loob ang dalawang bantay.
“Bata, matutulog muna kami. Kailangan din namin na magpahinga kahit saglit. Magigising naman kami kapag may narinig kaming kakaiba,” paalam pa sa akin ng isang bantay.
Tumango na lang ako at hinayaan sila. Sa salas sila natulog dahil may mga sapin naman doon. Hindi naman kalakihan ang bahay namin kaya kailangan nilang magtiis sa masikip na bahay na ‘to.
Lumipas pa ang dalawang oras na nakatulala pa rin ako. Pakiramdam ko ay hindi ako makakatulog. Kahit anong pilit ko, tumatakbo sa isipan ko ang pangyayari na nadatnan ko. Ang itsura ni Mama na umiiyak sa harapan ko ay binabagabag ako.
Maya-maya ay may narinig akong kumalabog sa likod ng bahay namin. May isang pinto papasok sa aming bahay mula sa likuran. Napa-upo ako aking kama at nakiramdam sa paligid. Tinitingnan ko kung may tutunog pa muli. Baka kasi pusa lang ‘yon na dali ang aming pinto. Ngunit kumalabog muli ‘yon. Kakaiba na ang tunog na para bang gustong pumasok sa loob ng bahay namin ang kung sino mang naroon.
Dahan-dahan kong binuksan ang kurtina ng kwarto ko. ‘Yon kasi ang nagsisilbi na pinto ng kwarto ko. Pero sa kwarto ni mama ay may pinto talaga. Napansin ko ang dalawang bantay na kasama ko na malalim na ang tulog. Madilim dito sa loob ng bahay namin ngayon. Sinubukan ko naman na hindi ako makagawa ng kahit na anong ingay.
Kinuha ko naman ang isang balisong na nakatago sa kwarto ko. Naka-lock naman ang likuran ng pinto sa bahay namin. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa bintana. Napansin ko ang isang anino roon ng tao. Sigurado ako na tao talaga ‘yon. Dahil madilim ay hindi ko masiyadong makita kung sino ba ang tao na ‘yon.
Napansin ko na sinubukan niya muli na buksan ang pinto namin, ngunit hindi niya talaga magawa. Bigla ay lumingon siya sa bintana kaya agad akong napayuko. Sinubukan ko na maitago ang sarili ko. Nang sa gano’n ay hindi niya ako makita. Pero hindi niya rin naman makikita masyado kung ano ang nasa loob. Dahil makapal ang kurtina na naroon.
Nakarinig ako ng mga yabag palayo sa bahay namin. Tumayo ako at sumilip muli sa bintana. Nakita ko na may isang taong palayo na ngayon mula sa bahay namin. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakaalis na siya. Bumalik ako sa kwarto ko. Hindi pa rin nagigising ang mga bantay kahit na may kalabog nang nangyari.
Nakatulala muli ako sa kwarto ko. Pakiramdam ko ay hindi na lalo ako makakatulog dahil sa nakita ko. ‘Yon kaya ang kriminal? Bumalik na siya rito sa bahay namin? Nakaramdam ako ng takot, pero isinantabi ko agad ‘yon. Mabuti na lang din at may mga kasama ako ngayon sa bahay, kahit na mga tulog sila.
Hindi na talaga ako nakatulog pa. Nagulat ako na umaga na pala at papasikat na ang araw. Mukha ako pa ang naging bantay kaysa sa dalawang mga kasama ko rito. Gising na rin sila at sinabihan ako na sila na ang bahalang magluto ng pagkain.
“Bakit mukhang hindi ka nakatulog? Ayos ka lang ba?” tanong sa akin ng isang bantay.
“Ayos lang naman po ako. ‘Di lang ako masiyadong nakatulog dahil naaalala ko ang pangyayari rito sa bahay.”
“Kung sabagay. Normal naman ‘yan. Magpakatatag ka lang. Hindi ka naman namin hahayaan na mapahamak.”
Tinanguan ko na lang sila at pumasok na sa banyo upang maligo. Nagpapasalamat pa rin ako sa kanila dahil kahit na nakakaantok ang kanilang trabaho ngayon, ginagawa pa rin nila ang makakaya nila upang mabantayan ako ng mabuti.
Nang matapos akong maligo, mag-ayos ng sarili, at kumain kasabay ng mga bantay, ay nagpaalam na akong papasok sa eskwelahan.
Ngunit hindi ko akalain na may makakasama pa pala ako hanggang sa pagpasok ko sa eskwelahan. May isang bantay pa rin ako at hinahatid ako sa eskwelahan. Gano’n ang nangyari sa nakaraan na linggo. Pakiramdam ko ay tinatawanan ako ng mga ka-eskwela ko dahil palagi akong may kasamang bantay. Isang beses ay inasar pa ako ng mga tarantado sa eskwelahan.
“Mayaman ka ba kaya ka may guwardiya?”
“May kapit ka na siguro ngayon kay Mayor ‘no?”
“Pati nga sa bahay nila ay may guwardiya na siya.”
Pero kahit ano pa ang marinig ko mula sa kanila, wala akong balak na patulan sila. Wala rin naman akong mapapala kahit na patulan ko pa sila. Lalo na at wala naman silang alam sa sitwasyon ko ngayon. Kalat na ang balita tungkol sa pagkamatay ng ina ko, pero may mga bastos pa rin talaga na aasarin pa ako imbis na maawa sa akin.
Sa nagdaan ding mga araw ay hindi na muling bumalik ang lalaki na nakita ko sa labas ng bahay namin. “Babalik kami ngayon sa station dahil may papalit na ng shift sa amin. Huwag kang mag-alala dahil mabilis lang na makakarating dito ang mga bagong magbabantay sa ‘yo,” sambit sa akin ng isang bantay.
Tumango naman ako. “Ayos lang po. Wala naman sigurong mangyayari sa akin na masama habang wala kayo,” sagot ko.
“Basta tawagan mo lang kami o si Detective Cason kapag may nangyaring hindi maganda sa ‘yo rito. I-lock mo rin ang lahat at huwag mong bubuksan ang pinto kapag hindi mga pulisya ang kumakatok,” bilin pa niya sa akin.
Nang makaalis na sila ay nag-ayos muna ako ng aming bahay. Pagabi na rin. Gusto ko muna na maligo kaya nagpunta ako sa banyo at naligo. Malakas ang agos ng tubig kaya naman wala akong naririnig mula sa labas.
Nang papunta na ako sa kwarto upang mag-ayos ng buhok, hindi ko inaasahan na may ibang tao nang nasa loob at kasama ko. Naestatwa ako sa kinatatayuan ko ngayon nang makita ang dalawang pares ng sapatos na bumakat sa sahig. Maputik ang sapatos niya at papunta ‘yon sa kwarto ni Mama. Agad kong kinuha ang phone ko at tinawagan si Detective Cason.
“Drop that.”