"Drop that."
Pakiramdam ko ay nawalan ako ng kaluluwa nang marinig ko ang boses ng isang lalaki. Nakakakilabot ang boses niya at pakiramdam ko ay mapapatay niya ako sa oras na hindi ko siya sundin. Dahan-dahan kong ibinaba ang cell phone na hawak ko. "Humarap ka sa akin," utos pa niya.
Napalunok ako saka dahan-dahan na humarap sa lalaki. Iniangat ko ang paningin ko at nakitang itim lahat ng suot niya. May facemask din siya na suot, kaya hindi ko makita ang itsura niya. Ngunit pamilyar na sa akin ang mga mata at pangangatawan niya. Pati na rin ang kaniyang boses. Siya ang nakasalubong ko noong pauwi ako. Siya rin ang pumatay kay Mama bago pa ako makauwi rito sa bahay. Tama nga ang hinala ko na babalik siya rito.
"I-Ikaw ba ang pumatay sa Mama ko?" tanong ko. Pinilit ko na huwag siyang pakitaan ng takot. Narinig ko naman na natawa siya dahil sa tanong ko. "Gusto mo na bang isunod kita?" banta pa niya sa akin.
"Walang nagawang kasalanan sa 'yo ang Mama ko, ngunit nagawa mong patayin. Ano pa ba ang kailangan mo sa akin ngayon? Hindi pa ba sapat na napatay mo na ang aking ina? Gusto mo pa na patayin na rin ako?"
Lumingon pa siya sa kabuuan ng bahay namin. "May nalaglag ako rito noong araw na pinatay ko ang iyong ina. Sigurado ako na ikaw ang nakakuha no'n, dahil ikaw ang naunang makakita sa bangkay ng ina mo. Nasaan na ang necklace na may diamond pendant?" tanong pa niya sa akin.
Sinasabi ko na nga ba at 'yon ang ipinunta niya rito. "Hindi ko alam ang sinasabi mo. Si Mama lang ang nakita ko rito at magugulong mga gamit namin."
"Huwag mo nga akong lokohin, bata. Alam ko na hindi nakuha ng mga pulis ang bagay na 'yon. Kaya ibigay mo na sa akin kung nasa 'yo ang bagay na 'yon! Kung gusto mo pang mabuhay, ibigay mo na ang necklace sa akin."
"Kahit patayin mo na ako ngayon, wala akong maibibigay sa 'yo. Wala sa akin ang bagay na hinahanap mo, dahil hindi ko naman 'yon nakita. Tsaka paano mo nasisiguro na wala sa mga pulis ang necklace na tinutukoy mo? May kapit ka ba roon?"
Muli siyang natawa dahil sa sinabi ko. Saka siya unti-unting lumapit sa akin. Napapaatras naman ako, sa takot na baka bigla na lang niya akong saksakin sa oras na makalapit na siya sa akin. "E ano naman kung may kapit man ako sa pulis? Malalaman mo ba kung sino roon ang kapit ko? Hindi ka pa ba nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nahuhuli?"
Kumunot naman ang noo ko. Ano ang ibig niyang sabihin? "Ilang araw na akong nagmamasid dito sa labas ng bahay niyo. Nahirapan ako na makapasok dito dahil sa mga kasama mong nagbabantay sa 'yo. Mabuti naman at nawalan ka ng mga bantay ngayon."
"Pabalik na rin sila rito. Kung ako sa 'yo ay umalis ka na rito, kung ayaw mong mahuli ka. Sigurado naman ako na makukulong ka rin kahit ano pang pagtago ang gawin mo. Swerte ka lang ngayon dahil hindi ka nila nahuhuli pa. Pero sa oras na malaman na nila kung saan ka nagtatago, mabibigyan na ng hustisya ang mga napatay mo."
"Nagkakamali naman kayo ng hinuhuli..."
"Ano ang ibig mong sabihin?" nagtataka na tanong ko. Ngunit hindi na niya ako sinagot pa. Mabilis siyang lumapit sa akin at sinakal ako. Malaking tao siya kaya naman naiangat niya ako. Naabot ng kaliwang kamay ko ang balisong na nasa gilid, saka ko malakas na ipinukpok angg dulo ng balisong sa ulo niya. Hindi ko naman siya gustong saksakin. Nabitawan niya ako at 'yon ang naging pagkakataon ko kaya mabilis kong kinuha ang bag ko at nanakbo na palabas ng bahay.
Tinawagan ko naman ulit si Detective Cason habang tumatakbo ako palayo sa aming bahay. Lumingon pa ako at nakitang hinahabol na ako ng lalaki at nakahawak pa siya sa kaniyang ulo. Madilim na rin sa paligid dahil alas-otso na ng gabi. Hindi naman sinasagot ni Detective Cason ang tawag ko. Naka-ilang tawag pa ako ngunit hindi niya sinasagot.
"Sa tingin mo ba ay makakatakas ka sa akin?!" rinig ko pa na sigaw ng lalaki. Lumiko ako at tumakbo pa nang mas mabilis. Madilim na sa parteng ito at papunta ito sa eskwelahan namin. Wala na akong ibang maisip na pwede kong mapagtaguan ngayon.
Nang makarating ako sa aming eskwelahan ay madilim na sa buong paligid at sobrang tahimik. Walang katao-tao rito o kahit guwardiya man lang. Umakyat ako sa malaking gate ng eskwelahan namin. Nang makatalon na ako sa kabilang parte ay nakita ko ang lalaki na palapit na rin sa loob. "Huwag mo na akong pahirapan pa! Mapapatay din naman kita sa oras na mahanap kita!" sigaw niya.
Ngunit biglang may tumawag sa kaniya, kaya napatigil siya sa paghabol sa akin. "Narito ako ngayon sa eskwelahan. Bakit? Nahanap mo na ang necklace? Dalhin mo rito sa eskwelahan ngayon din. Hihintayin kita rito."
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sinabi niya. Paanong nakuha niya ang necklace? Hindi 'yon maaari. Lalo na at ibinigay ko ang necklace na 'yon kay Detective Cason. "Narinig mo ba ang sinabi ko? Makukuha ko na ang necklace. Tama ka nga. Nakuha ng mga pulis ang ebidensiya na 'yon. Pero hindi ka sineswerte ngayon, dahil hindi na mabibigyan pa ng hustisya ang pagkamatay ng iyong ina."
Galit akong lumapit sa gate at hinawakan 'yon. "Anong ibig mong sabihin? Sino ang magbibigay sa 'yo ng necklace na 'yon?" Matunog na tumawa siya dahil sa reaksyon ko. Saka nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mga mata.
"Ibig sabihin ay nakita mo ang necklace na 'yon? Bakit ka pa nagsinungaling sa akin?"
Hindi kaya ay hinuhuli niya lang ako kaya niya sinabi 'yon? Hindi ko na alam kung ano ba ang sinusubukan niyang gawin sa akin ngayon. Maya-maya ay may biglang pumarada sa harapan niya na isang kotse. Dahil madilim ay hindi ko makita kung sino ang nasa loob no'n. Ngunit base sa ganda ng sasakyan, nasisiguro ko na hindi 'yon si Detective Cason. Nakita ko na may iniabot sa lalaki at sunod ay umalis na ang sasakyan. Natatawang ipinakita sa akin ng lalaki ang necklace na may diamond pendant na ibinigay ko kay Detective Cason noong nakaraan.
"Tama nga ako. Nakita mo na ito noong namatay ang iyong ina. Ikaw na ang susunod kong papatayin!"
Mabilis siyang umakyat sa gate ng eskwelahan namin, kaya tumakbo na ako palayo. Kinuha ko muli ang cell phone ko at mabilis na tinawagan si Detective Cason. Sana ay sagutin na niya. Nakakaramdam na ako ng takot ngayon. Pakiramdam ko ay hindi ko na magagawa pang makaligtas ngayon.
Nakarating ako sa isang bukas na classroom at ini-locked ang pinto. Kumabog ang puso ko nang sagutin ni Detective Cason ang tawag ko. "Bakit ka tumatawag sa akin, Kien? May problema ba? Wala ka raw sa bahay ninyo sabi ng mga bagong bantay mo," bungad niya sa akin. Hininaan ko naman ang boses ko.
"Hinahabol ako ngayon no'ng lalaki na pumatay kay Mama. Tulungan mo ako."
"Ano? Nasaan ka ngayon? Pupuntahan kita agad."
"P-Paano napunta sa kaniya ang necklace na ibinigay ko sa 'yo? Sigurado ka ba na mapagkakatiwalaan talaga kita? Sa 'yo ko lang 'yon ibinigay, ngunit nakarating sa kaniya."
"Nagkaroon kami ng--"
Hindi ko na nagawa pang marinig ang kaniyang sinasabi. Nakarinig ako ng kalabog mula sa pinto ng classroom na kinalalagyan ko ngayon. "Alam ko na nariyan ka, bata! Lumabas ka na, bago ko pa masira ang pinto na ito!" banta pa niya sa akin.
"You can run, but you can't hide..." nananakot pa na sambit niya sa akin.
Lumingon ako sa paligid ko. Nasa first floor pa lang naman ako. May bintana roon na pwede kong lusutan. Bago pa makapasok ang lalaki ay agad na akong tumakbo papunta sa bintana. Mabilis naman ako na nakarating doon. Nanakbo ako papunta sa exit area ng eskwelahan. Kailangan kong magtago sa hindi niya ako makikita. Ngunit hindi ko akalain na mabilis niya akong mahahabol.
Mabilis ang naging habulan namin. Pati sa hagdan ay tumatakbo ako. Ginagawa ko ang lahat para makawala sa kaniya. Mas matangkad at malaki siya sa akin. Kaya naman ang mga hakbang ko, kahit na doble, ay isa lang sa kaniya. Nagulat ako nang may biglang nagsalita sa mga speaker ng eskwelahan. Kumakanta siya ngayon. Ngunit bigla na lang siyang napatigil dahil mukhang nakita niya ako sa kabilang building.
"Oh? Is that you Kien from Class-B? Bakit ka tumatakbo d'yan mag-isa?" tanong sa akin ng boses babae. May tao sa loob ng music room! Hindi pamilyar sa akin ang boses niya na 'yon. Kaya hindi ko siya kilala. Wala na akong panahon pa na alamin kung paano niya nalaman kung sino ako.
"Bakit ka nagtatago d'yan sa science lab? Ano bang mayroon?"
Tangina! Bakit ba napakadaldal ng babae na 'yon?! Bino-broadcast pa niya kung nasaan ako ngayon! Narinig ko naman na tumawa ng malakas ang lalaki na humahabol sa akin. Hindi ba nakikita ng babae na 'yon na may humahabol sa akin!
"Kien-- oh?" Hindi na siya nagsalita pa matapos no'n. Mukhang nakita na niya ang humahabol sa akin. Hindi ko na alam kung paano ako makakalabas dito. Wala na akong ibang lalabasan pa bukod sa pintuan. Dahil nasa fourth floor na ako ngayon.
Nilabas ko muli ang phone ko at tinawagan si Detective Cason. Siya na lang ang tangi kong pag-asa ngayon na makakaligtas sa akin. Hindi ko alam kung magagawa ba akong matulungan ngayon ng babae na nagsalita kanina. Pero sana ay maisipan niya na tumawag ng pulis. Siguro naman ay naisip na niyang nasa peligriyo ang buhay ko ngayon at nanganganib na. Ngunit hindi na muling sinagot ni Detective Cason ang tawag ko sa kaniya.
"Hindi ka na makakawala pa!"
Mabilis na nakapasok ang lalaki sa loob ng science laboratory kung nasaan ako. Nanginginig na ako sa takot. Inilibot ko ang paningin ko sa kabuuan ng kwarto. Nakakita ako ng mga acid na mukhang hindi pa nagagalaw para sa eksperimento. Nang makalapit sa akin ang lalaki ay agad kong kinuha ang acid at ibinato sa kaniyang mukha.
"Ah! Ahhhh!" sigaw niya dahil sa sakit na naramdaman niya. Nakita ko na umuusok na ang kaniyang kalahating mukha dahil sa acid na ibinato ko. Para bang nasusunog 'yon at unti-unti nang dumudugo. Patuloy ang pagsigaw niya, kaya 'yon na ang naging pagkakataon ko na makaalis sa lugar na 'yon. Hinila pa niya ang paa ko, ngunit sinipa ko na siya. Kaya naman natumba siya sa sahig at nakatakbo na ako.
"Maglibot kayo sa buong paligid. Baka narito pa ang kriminal at ang bata."
May narinig ako na mga yabag na papalapit sa kinaroroonan ko ngayon. Mukhang ang mga pulis na 'yon. Pero hindi ko alam kung ano ang naisip ko at agad akong nagtago. Ayoko na makita nila kung nasaan ako ngayon. Pakiramdam ko ay ang tamang gawin ko ngayon ay ang magtago at magpakalayo-layo na sa lugar na ito.
Nang makalagpas na ang mga pulis, mabilis na akong nanakbo palayo sa eskwelahan. Umiiyak ako nang lumabas mula roon. Patuloy lang ang pagtakbo ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na gugustuhin pa na mabuhay. Saka ko lang din naalala na hindi ko nakuha ang necklace mula sa lalaki na 'yon. Walang kasiguraduhan kung mahuhuli ba ng mga pulis ang kriminal na 'yon. Inilabas ko ang cell phone ko at agad ko 'yon na ibinato sa sahig at sinira. Tinapakan ko pa. Pati ang sim card no'n ay sinira ko.
Nanakbo ako hanggang sa makarating sa bus station ng aming bayan. Hindi ko alam kung saan ako mismo pupunta ngayon. Pero ang gusto ko lang ay ang makalayo mula sa lugar na ito. Hindi ligtas ang buhay ko rito. Wala akong magiging katulong at kakampi sa lugar na 'to. Pakiramdam ko ay hindi basta-basta ang kinakalaban kong kriminal.
Ngunit sisiguraduhin ko na babalik ako rito kapag handa na ako at ipaghihiganti ang pagkamatay ng aking ina.