"Paano naman niya napagaan ang loob mo?"
"Nakilala ko siya sa Memorial Chapel kung saan nakaburol ang ama ko. Naunang naiburol ang sa ama ko kaysa sa kaniyang namatay na mahal sa buhay. Tapos nagulat ako na may isang lalaki na umiiyak mag-isa sa loob ng isang kwarto. Nakita ko na ang ina niya siguro ang nakaburol sa loob. Hindi ko alam kung bakit pero mas lalo rin akong naiyak nang makita ko ang sitwasyon niya. Saka ko napagtanto na sobrang hirap talaga na mawalan ng isang magulang. Lalo na at maiiwan ka na lang na mag-isa sa mundong ito. Inabangan ko ang lalaki na 'yon na lumabas mula roon. Mga dalawang araw ng burol ng aming mga magulang nang malapitan ko siya. Kinausap ko siya that time."
Sa kwento niyang 'yon ay saka ko naaalala ang nangyari sa Memorial Chapel noon. Ngayon ko lang din na-realized na siya rin pala ang babae na nakausap ko noon sa Memorial Chapel.
"Gusto mo ba ng gatas?" alok sa akin ng babae na hindi ko kilala kung sino. Nagulat ako nang may biglang lumapit sa akin na babae. Hindi ko na sana siya papansinin, ngunit hinarang niya muli ang dadaanan ko. "Mukhang schoolmate tayo dahil sa uniporme na suot mo ngayon," dagdag pa niya.
Napatingin naman ako sa suot ko ngayon. Ito pa ang suot ko simula pa noong araw na namatay si Mama. Hindi ko na binalak pa na maligo o magpalit man lang ng damit ko. Mas ginusto ko na lang na manatili lang sa tabi ng ina ko. Lalo na at nalalapit na rin ang araw kung kailan siya ibuburol. Naka-uniporme rin ang babae, ngunit hindi ko siya kaklase. Mukhang galing siya sa ibang section. Pero dahil sa name tag niya sa gilid ng uniporme niya, nalaman ko na parehas lang kami ng year level ngayon. Tinanggap ko naman ang gatas na ibinibigay niya sa akin.
"Binili ko talaga 'yan para sa 'yo. Nakikita ko kasi na parang hindi ka na umaalis sa pwesto mo at hindi ka man lang kumakain ng kahit na ano. Mabuti naman at lumabas ka na ngayon. Inaabangan din kita na lumabas, e," kwento pa niya sa akin.
"Salamat dito. Hindi mo naman ako kailangang bigyan ng kahit na ano," mahinang sambit ko. Tiningnan ko ang itsura niya at nakangiti lang siya sa akin. Pero kita ko sa kaniyang mga mata ang lungkot niya, Pakiramdam ko ay parehas kaming nag-iisa ngayon. Kung narito siya sa Memorical Chapel, mukhang nawalan din siya ng mahal sa buhay.
"Ayos lang naman, maliit na bagay lang 'yan. Mabuti nga at tinanggap mo."
Lumapit naman siya sa akin kaya bigla akong napalayo sa kaniya. Nagulat din siya sa naging reaksyon ko. "P-Pasensya ka na... Huwag kang lumapit sa akin dahil ilang araw na akong hindi nakakaligo at ang baho ko ngayon," nahihiyang sambit ko. Hindi ako sanay na makipag-usap sa mga babae. Ngayon lang ako may nakausap nang ganito.
"Ha? Ayos lang naman sa akin kung hindi ka naligo. Ako rin naman ay walang oras na maligo. Magkaamoy lang tayo. Tsaka hindi rin naman kita aamuyin. Gusto ko lang ng kausap. Nakakalungkot kasi roon sa kwarto ni Daddy. Ako lang mag-isa at sobrang tahimik." Itinuro pa niya ang isang kwarto. Daddy? Ibig sabihin ay namatay ang kaniyang ama?
"Bakit ka naman mag-isa lang?" nagtataka na tanong ko. Nagsimula na kaming maglakad dalawa palabas sa Memorial Chapel. Ngayon ko na lang nakita ang liwanag ng araw at nakalanghap ng sariwang hangin sa labas. Pakiramdam ko ay isang taon akong hindi nakalabas at hindi nakakita ng araw.
"Ayaw pumunta ni Mommy sa burol ni Dad. Kaya mas nadagdagan ang lungkot na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung sino ang maaari kong kausapin. Sorry kung kinakausap kita ngayon kahit na hindi naman natin kilala ang isa't-isa."
"Ayos lang. Salamat din dahil kinausap mo ako kahit na ganito ang itsura ko. Nalulungkot na rin ako ng sobra dahil sa pagkamatay ni Mama. Ngayon ay ako na lang mag-isa ang mabubuhay sa mundo na ito. Mabuti ka pa at may mga makakasama ka pa rin."
"Parang magiging mag-isa na rin ako siimula ngayon. Hindi naman ako mahal ng Mommy ko. Si Daddy lang ang kakampi ko sa lahat. Ilang beses na akong binalak na ipalaglag noon pa ni Mommy. Ngunit sadyang malakas ang kapit ko sa tiyan niya. Hanggang sa lumalaki ako ay sinusubukan niya ako na patayin. Binubugbog niya rin ako kung kailan niya gusto. Si Daddy lang ang naging kakampi ko sa lahat. Siya nag nagliligtas sa akin kapag naabutan niya na sinasaktan ako ni Mommy kapag galing na siya sa trabaho. Sa pagkakaalam ko ay kaya gano'n si Mom sa akin ay dahil hindi niya ginusto na magkaanak ng maaga. Nasira raw ang career niya nang dahil sa akin. Ginawa naman ni Dad ang lahat, ngunit hindi pa rin 'yon naging sapat. Hanggang sa araw-araw na silang nag-aaway. Hindi naging masaya ang pamilya namin. Isang beses ay gusto nang makipaghiwalay ni Daddy at isasama niya ako. Ngunit hindi pumayag si Mommy. Magpapakamatay daw siya kapag nawala kami sa piling niya. Tapos namatay si Dad dahil sa aksidente. Pagod na pagod na siya galing trabaho at naabutan niyang sinasaktan ako ni Mom sa bahay. Sobrang kalat ng bahay namin noong araw na 'yon. May mga bote ng alak na basag na at nakakalat sa sahig. Nagmadali si Dad na makapunta sana sa kinaroroonan ko, kaya hindi niya napansin ang basag na bote sa sahig. Naapakan niya 'yon at nadulas siya, kaya bumagsak ang ulo niya sa mga malalaking bubog. Doon siya nawalan ng buhay," mahabang kwento niya sa akin.
Nagsimula na rin siyang umiyak habang sinasabi sa akin ang mga hinanakit niyang 'yon. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit hindi pumunta ang kaniyang ina sa burol ng kaniyang ama. Parehas lang kami na namatayan ngunit magkaiba ng karanasan. Nasaksihan niya kung paano namatay ang kaniyang ama. Samantalang ako naman ay nadatnan ko na lang na naghihingalo na si Mama saka siya namatay. Mahirap para sa amin na namatayan na agad kami ng magulang sa murang edad lamang. Kinailangan namin na malampasan ang mga nangyari sa aming mga magulang. Niyakap ko naman siya.
"Pasensya ka na sa magiging amoy ko. Pero mukhang kailangan mo ng yakap ngayon. Parehas lang tayo na nawalan ng magulang ngayon. Ang pinagkaiba lang ay kung paano sila namatay. Alam ko na masakit para sa atin ang nangyari ngayon. Pero sana ay mas tatagan mo pa ang sarili mo at magpalakas ka pa. Lalo na ngayon at mag-isa ka na lang din. Matuto ka nang lumaban sa iyong ina kapag nagkataon na saktan ka niya muli. Kung hindi mo naman kaya na labanan siya, mas mabuti na umuwi ka na lang sa bahay ninyo kapag alam mo na tulog na ang ina mo," suhestiyon ko naman.
"Salamat... medyo gumaan na ang pakiramdam ko ngayon dahil nailabas ko ang dinidibdib ko. Ikaw ba ay kamusta? Alam ko naman na mabigat din ang pakiramdam mo ngayon... Nabalitaan ko ang nangyari sa iyong ina." Napansin ko na nag-aalangan pa siya na sabihin sa akin 'yon. Pero nginitian ko lang siya ng kaunti.
"Hindi ako ayos ngayon dahil hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Mama. Pero mas mag-alala ka para sa sarili mo at huwag mo na akong intindihin pa."
Simula no'n ay hindi na kami nakapag-usap pang muli. Napansin ko na mabilis na nailibing ang kaniyang ama.. Mas matagal ng ilang araw ang kay Mama bago siya nailibing. Hindi na rin siya nakapagpaalam sa akin, siguro ay dahil wala ako no'n sa loob ng kwarto ni Mama. May araw kasi na umalis ako sandali upang maligo na. 'Yon siguro ang araw na umalis na siya.
Saka ko lang naalala na ang boses ng babae na tumawag sa akin sa music room ay kaboses nga ng babae na nakausap ko noon sa Memorial Chapel. Hindi ko inaasahan na makikilala niya ako noong gabi na 'yon. Hindi ko na naisip pa noon kung sino man ang babae na 'yon dahil nasa peligriyo ang buhay ko. Pero dahil sa mga kwento niya ngayon, saka ko lang nalalaman ang lahat. What a small world. Naikwento ni Paige ang lahat ng mga naaalala ko noon. Gano'n na agad siya ka-open sa aming lahat. Alam na namin ang talambuhay niya.
"Nagpakamatay si Mama noong bumalik ako sa bahay galing sa eskwelahan. Kaya sobrang naging memorable sa akin ang gabi na 'yon sa music room, dahil 'yon din ang araw na namatay si Mama. May suicide note rin siya na iniwan para sa akin. Nakalagay doon na sana ay mapatawad ko siya sa lahat ng mga nagawa niya sa akin. Sinisi niya ang kaniyang sarili sa pagkamatay ni Daddy. Simula no'n ay mas pinili ko na maging malakas at matatag. Naalala ko pa ang pangalan ng lalaki na 'yon. Kien ang pangalan niya. Nalaman ko kasi ang pangalan niya dahil usap-usapan sa aming eskwelahan noon ang pagkamatay ng kaniyang ina. Gusto ko nga sana siyang kausapin sa eskwelahan, ngunit hindi ako makatiyempo at nahihiya rin ako," kwento pa niya.
"Grabe, ang hirap pala ng naging buhay mo. Hindi ko akalain na sa ganda mong 'yan ay naranasan mo ang buhay mo na gano'n," kumento naman ni Zephyr.
"Pero hanga ako sa 'yo dahil nagawa mong makausad at nakaangat ka ngayon. Tapos malapit mo na rin na makamit ang pangarap mo ngayon. Sigurado naman ako na proud sa 'yo ang mga magulang mo dahil nakaya at nakaabot ka sa kinaroroonan mo ngayon," dagdag pa ni Nixon.
"Ayos naman na ako ngayon at hindi na ako nalulungkot kahit isipin ko pa 'yon. Kaya huwag kayong mag-alala sa akin. Kayo ba, ayos naman siguro ang mga buhay ninyo 'no? Mukha naman kayong galing sa mga mayayaman na pamilya."
"Well, suportado naman ako ng parents ko. Pero ito namang si Zephyr, pagdodoktor talaga ang gusto niya. Pero ang mga magulang naman niya ay gusto siyang maging isang detective. Wala naman siyang nagawa kaya sinunod na lang niya ang kaniyang mga magulang. Tapos ito namang si Kyson--"
Pinigilan ko na agad si Nixon sa kaniyang pagsasalita. Ang daldal naman ng isang ito at idadamay pa ako. Alam nila na napatay ang ina ko noon at nag-iimbestiga pa rin ako sa kaso ng patago. Pero wala naman silang ideya sa tunay na pangalan ko at kung saan akong probinsiya na nagmula. Wala rin silang ideya na ako ang lalaki na tinutukoy sa kwento ni Paige kanina. "Ayokong madamay sa usapan ninyo, kaya huwag ka nang magsabi pa ng tungkol sa akin," singit ko naman.
"Ang sungit mo naman. Matagal din naman tayo na magkakasama-sama, kaya mas mabuti pa na kilalanin na natin ngayon ang isa't-isa. Lalo na at kayong tatlo ay magkakakilala na. Tapos ako ay hindi niyo pa gaanong kilala at hindi ko rin kayo gaanong kilala pa."
"Wala namang nagsabi na ikwento mo sa amin ang nangyari sa buhay mo noon. Kaya hindi rin naman required na ikwento namin ang tungkol sa buhay namin," masungit pa na tanong ko. Kahit na nalaman ko kung sino siya, wala akong balak na ipakilala ang sarili ko sa kaniya. Lalo na at hindi ko alam kung sino ba ang kalaban ko. Pakiramdam ko ay hanggang ngayon, hinahanap pa rin ako noong lalaki na pumatay sa aking ina.
"Tara na at umuwi na tayo sa dorm upang makapagpahinga na rin. Masiyado na kayong seryoso," sambit agad ni Nixon. Tumayo na ako at nauna nang lumabas kaysa sa kanila. May mga dorm din kaming mga rookies. Kasama ko sina Nixon at Zephyr sa dorm at wala namang dorm para sa mga babae. Bihira lang din naman ang babae na naging rookie sa station, kaya panigurado na ssa apartment nakatira si Paige.
Nagpaalam na sila kay Paige saka ako sinundan. "Ang sungit mo talaga. Parang takot ka na makipag-usap sa mga babae," sambit ni Nixon. Nagkibit-balikat naman ako. "Sinabi ko lang naman kung ano ang totoo. Hindi required na ikwento rin natin sa kaniya ang naging buhay natin bago tayo nakarating sa kung ano tayo ngayon. Siya rin naman ang nagkusa na ikwento sa atin kung ano ang naging buhay niya."
"Kung sabagay. Hindi ko na rin magagawang maikwento ang nakaraan ko. Lalo na at hindi ko na gusto pa na maalala 'yon at hindi ako komportable na pag-usapan. Pero mukha namang mabait si Paige. Makakasundo rin naman natin siya. Ewan ko lang dito kay Kyson na parang malaki ang galit sa mundo, kaya pati sa ibang tao ay mukhang may galit ka."
"Naalala ko na naman ang naging sagutan nila kanina ni Detective Cason. Hanggang ngayon ay kiinikilabutan pa rin ako sa sigaw ni Detective Cason sa atin. Unang araw pa lang ay tinuruan na niya agad tayo at ipinakita na hindi talaga madali ang trabaho na mayroon tayo."
Hindi ko na sila pinakinggan pa. Nang makarating kami sa dorm ay dumeretso na ako sa kwarto ko. Tatlong kwarto ang mayroon sa dorm namin at tig-iisa kaming tatlo. Binuksan ko naman ang laptop ko at muling tinitigan ang itsura ni Benjamin Cason na nasa gitna.
Sa nagdaan na anim na taon ay nag-iimbestiga ako ng patago tungkol sa kaso ni Mama at ng estudyante na namatay noon. Na-closed na ang kaso na 'yon nang makaalis ako sa probinsiya namin. Hindi ko alam kung anong dahilan at hindi na itinuloy pa ang kaso na 'yon. Namatay din ang Mayor ng probinsiya namin noon dahil hindi kinaya ang kamatayan ng kaniyang anak. Hindi rin nagawang bigyan ng hustisya ang kaniyang anak. Parehas kami na hindi nabigyan ng hustisya. Kaya naman kahit anim na taon na ang nakakalipas ay hindi pa rin ako tumigil sa pag--iimbestiga. Ginawa ko ang lahat para imbestigahan ang kaso ni Mama.
Nagsimula ako sa detective o pulis na kasabwat ng kriminal na nakaharap ko. Ibinigay ko kay Detective Cason ang necklace na nakuha ko at iyon ang tanging ebidensiya na naiwan sa ina ko. Pero bigla na lang nakarating sa kriminal ang necklace na 'yon. Tapos hindi na sinagot ni Detective Cason ang tawag ko noong mga oras na 'yon. Kaya naman siya ang pinaka-iniisipan ko na nagbigay ng necklace na 'yon. Siya rin ang may hawak ng kaso ni Mama at ng babae na nagahasa at pinatay noon. Nakakagulat na bigla na lang niyang sinara ang kaso na 'yon. May isa akong article na nabasa na kaya isinara ang kaso ay dahil walang witness, walang mga ebidensiya na nakuha, at hindi mahanap ang kriminal. Pero para sa akin ay hindi sapat na dahilan 'yon para itigil nila ang isang kaso.
Hanggang ngayon ay wala rin akong nahahanap na ebidensiya. Kaya naman ay napagdesisyunan kong maging isang detective at magtrabaho sa kinaroroonan ni Benjamin Cason. Nang sa gano'n din ay mas mapadali ang trabaho ko at pagkuha ko ng mga impormasyon tungkol sa kaniya. Malalaman ko rin ang bawat kilos niya. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakakamit ang hustisya na para sa nanay ko.
Hindi ako titigil hangga't hindi nahuhuli ang kriminal.