Nagulat naman ako nang marinig ko ang sinabi ni Paige. Seryoso ba siya sa kaniyang sinabi? Gabi noong kumanta siya sa music room sa kanilang eskwelahan at memorable pa sa kaniya ang gabi na 'yon? Biglang bumalik sa akin ang alaala noong tumatakbo ako sa eskwelahan namin dahil hinahabol ako noong kriminal. Ngunit hindi ko rin naman siya magawang tanungin ngayon. Mabuti na lang at si Nixon na ang kumausap sa kaniya.
"Bakit naman gabi na ay nasa eskwelahan ka pa? Tapos kumakanta ka pa sa music room? Hindi ka ba natatakot? Nakakatakot kaya sa eskwelahan kapag gabi na."
"Oo nga! Naalala ko noon na may mga ilang kaklase kami na nakakakita ng mga multo kapag inaabot ng gabi sa university. Kaya hindi ko na binalak pa na umabot ng gabi sa eskwelahan kahit na may mga kasama pa ako. Pero ikaw ay mag-isa ka lang sa eskwelahan at gabi pa?" hindi makapaniwala na kumento rin ni Zephyr. Natawa naman si Paige sa kanilang mga reaksyon.
"Naglayas kasi ako sa bahay noong gabi na 'yon. Nagkaroon ng problema sa bahay namin noong umuwi ako galing sa eskwelahan. Hindi ko kinaya ang nangyayari roon, kaya naman naisipan ko na lang na lumabas muli ng bahay. Wala naman akong ibang mapupuntahan, kaya naisipan ko na lang na tumambay sa music room sa aming eskwelahan. High school pa ako no'n. Madilim nga sa buong eskwelahan no'n at wala ring mga guwardiya. Pero hindi naman ako natakot. Hindi ako naniniwala sa mga multo," kwento pa niya sa amin.
"Ang lakas pala ng loob mo. Tapos? Bakit naging memorable ang pagkanta mo sa music room noong gabi na 'yon?" usisa pa sa kaniya ni Zephyr. Umaakto pa rin ako na para bang wala akong pakialam sa usapan nila. Patuloy lang ako sa pagkain, ngunit ang totoo ay kuryso rin ako sa susunod na kwento ni Paige. May gusto akong makumpirma.
"Ah, 'yon ba? May kakilala ako noon na hinahabol siya ng isang 'di ko kilala na lalaki. Nagulat kasi ako na na-open ko ang speaker ng music room, kaya naman naririnig sa buong eskwelahan ang pagkanta ko. Ayos lang naman sa akin 'yon dahil alam ko naman na walang ibang tao na naroon. Ngunit ayon nga, nakita ko ang kakilala ko na tumatakbo at nagtatago sa science laboratory. Na-broadcast ko tuloy kung nasaan siya dahil nagtataka ako. Late ko na nakita na may humahabol pala sa kaniya," kwento niya muli.
"Hindi mo ba naisip na mas naipahamak mo siya dahil sa ginawa mo na pangbo-broadcast kung saan siya nagtatago? I think it's already common sense na kung tumatakbo at nagtatago siya ay may humahabol sa kaniya. Hindi mo ba 'yon naisip?" singit ko naman sa usapan nila. Natahimik naman silang tatlo dahil sa sinabi ko. Binitawan naman ni Paige ang kaniyang kinakain.
"Well, late ko na 'yon na naisip. Nagulat lang talaga ako na may iba pang tao sa eskwelahan. Siniguro ko rin kung tao ba talaga ang mga nakita ko noong gabi na 'yon, o baka naman--"
"But you just said earlier that you don't believe in ghosts. Kaya bakit mo aakalain na hindi tao ang mga nakita mo noong gabi na 'yon?" pangbabara ko agad sa sinasabi niya. Ewan ko ba kung bakit naiinis ako bigla ngayon. Bumabalik sa akin kung paano ako muntik na mapahamak noong gabi na 'yon. Tapos nalaman ko pa na siya pala ang babae na 'yon. Inaalala ko ang pangalan niya, pero hindi ko talaga siya kilala. Kaya nagtataka ako kung paano niya nalaman ang pangalan ko noon.
"I wanted to say sorry to him, but he's nowhere to be found. May kumalat noon na balita sa aming probinsiya na patay na raw siya. Hindi ko alam kung totoo. Bigla na lang din kasi siyang hindi pumasok sa eskwelahan matapos ang gabi na 'yon at hindi na rin siya umuwi pa sa bahay nila."
Inaasahan ko naman na ang balita na 'yon. Gusto ko rin na isipin na lang nila na namatay na ako. Kaya nga naisipan ko na magpapalit ng pangalan bilang Kyson Leonidas. Nanirahan na rin ako sa malayo sa aming probinsiya noon. Nagbago ako ng buong pagkatao ko. Hindi ko na makita sa sarili ko ngayon ang dating ako.
"Masiyado ka namang seryoso. Akala ko ba ay wala kang pakialam sa usapan namin?" singit naman ni Nixon. Siniko pa niya ako ng bahagya, kaya naman ay nagpatuloy na lang ako sa pagkain. "Pero mas may memorable pa na nangyari sa akin noong gabi na 'yon," pag-iiba naman ni Paige sa usapan.
"Talaga? Ano pa?"
Handa na sanang makinig si Zephyr sa kwento ni Paige, ngunit sabay-sabay na tumunog ang aming mga cell phone. Tiningnan ko naman kung sino ang nagpadala ng mensahe sa akin. "Bumalik na raw tayo sa Detective Station District," sabay na sambit nilang tatlo. 'Yon din naman ang mensahe na natanggap ko. Tumayo na kami at inayos ang aming pinagkainan.
"Itutuloy ko na lang ang pagkekwento ko kapag kumain ulit tayo."
Bumalik na kami sa district at nakitang nagkakagulo na ang lahat sa loob. "Mabuti naman at narito na kayo! Kunin niyo na ang mga bulletproof vest doon at mga legal guns sa gilid. Kumilos na kayo agad at hihintayin namin kayo sa labas," utos sa amin ni Detective Walker.
Mabilis naman kami na kumilos kahit na hindi pa namin alam kung ano ang mayroon. Nagpunta kami sa banyo upang ilagay sa loob ng damit namin ang mga bulletproof vests. Sunod naman ay inilagay namin sa aming katawan ang tig-iisang baril. Naturuan naman na kami sa mga unibersidad na pinanggalingan namin kung paano gumamit ng baril. Kahit na hindi pa talaga kami legal na gumamit nito ngayon dahil mga rookies pa lang kami. Pero pinapadala na sa amin ngayon siguro ay para sa kaligtasan namin.
Nang makabihis naman kami ay tumakbo na kami palabas ng district. "Ikaw ang mag-drive!" utos agad ni Detective Cason kay Zephyr. Binato pa niya ang susi sa kaniya. Nakita ko naman na nag-aalangan si Zephyr. Halata naman na kinakabahan na siya.
"Hindi pa ba kayo kikilos?! Kumilos na kayo dahil may hahabulin pa tayong kriminal!" sigaw pa niyang muli. "Ako na lang ang magmamaneho--"
"Hayaan mo sila na matuto, Detective Walker. Ito ang unang case para sa kanila."
"Ako na lang ang magmamaneho," sambit ni Nixon. Kinuha na niya ang susi mula kay Zephyr. Narinig ko pa na nagpasalamat siya kay Nixon, bago kami sumakay sa loob ng van. Nasa likuran ako at katabi ko si Paige. Samantalang katabi ni Zephyr si Detective Cason. Si Detective Walker naman ay nasa tabi ni Nixon sa harapan.
"Saan po ang punta natin ngayon?" tanong ni Nixon habang palabas na kami sa district. "Sa centro tayo. May nakitaan doon na magnanakaw at drug dealer din. Kaya kailangan natin na mahuli. Sinubukan din niya na gahasain ang isang tindera roon," sagot ni Detective Walker.
"Grabe naman ang lalaki na 'yon!" kumento pa ni Paige.
"Maghanda kayo ng ayos. Sa oras na tumigil ang sasakyan natin ay lalabas na tayo at hahabulin ang lalaki. Nata-track ko siya ngayon dahil nakikita siya sa mga CCTV na nakakalat sa centro," sambit naman ni Detective Cason. "Hindi kayo pwedeng pumalpak. Kailangan natin siyang mahuli kahit ano pa ang mangyari. Bilisan mo ang pagmamaneho!" dagdag pa niya.
Mabilis naman na binilisan ni Nixon ang pagmamaneho niya. Nago-overtake siya sa mga sasakyan. Dahil naka-van kami ay para akong nakasakay sa isang roller coaster. Napapakapit na rin ako dahil sa bilis niyang magmaneho. Bigla ay naipreno niya ang sasakyan dahil sa traffic.
"Detective, traffic po!" sigaw ni Nixon.
Nakita ko naman na masuka-suka si Zephyr at Paige dahil sa paraan ng pagmamaneho ni Nixon. Mga nakatakip pa sila sa kanilang mga ilong. Ako naman ay bahagyang nahilo lang. Nakita ko na inilabas ni Detective Walker ang wangwang saka inilagay sa taas ng van. "Magsitabi kayo sa daanan!" sigaw pa niya.
Nagsimula naman na bumusina si Nixon, para tumabi ang mga sasakyan na nasa harapan namin. Nakakausad kami hanggang sa nakita naming may banggaan pala na naganap kaya mayroong traffic. "Ang malas naman! Bumaba na tayo at habulin ang lalaki. Papunta na rin naman siya sa gawi natin ngayon. Maiwan ka na rito sa sasakyan, Detective Walker."
Hindi na kami nagsalita pa at mabilis na lang na sumunod kay Detective Cason. Lumabas na kami sa van at sinundan siya sa pagtakbo. Apat kami ngayon na nakasunod sa kaniya. Mabilis kaming tumakbo ni Nixon, ngunit napansin ko na nahuhuli sina Zephyr at Paige. Halos malaglag pa ang suot na salamin ni Zephyr dahil sa pagtakbo niya.
"Ayon siya!" sigaw ni Detective Cason. Itinuro niya ang isang lalaki na may suot na pantalon at kulay puting damit habang mabilis na tumatakbo. Hinabol naman namin ang lalaki na 'yon. Hindi namin siya pwedeng hayaan na makatakas, 'yon ang bilin sa amin ni Detective Cason. Lalo na at ito ang unang misyon namin. Ayoko naman na pumalpak pa kami rito. Makakabawas lang 'yon sa puntos namin upang matanggap bilang mga detectives.
Mas binilisan ko pa ang pagtakbo ko ngunit nagawa niyang maipagulong sa amin ang mga prutas na nakita niya sa daan. Kaya naman ay bahagya siyang nakawala sa amin. Sobrang daming mga gulay na gumulong papunta sa amin. Kaya naman ay inilagan pa namin ang mga 'yon at hindi hinayaan na ma-damage. May dalawang likuan naman sa kanto.
"May nakapansin ba sa inyo kung saan lumiko ang lalaki na 'yon?!" sigaw naman ni Detective Cason. Ngunit wala ni isa sa amin ang nakapansin. Nakita ko naman na mas lalo siyang nainis. Hinihingal na rin sila sa kakahabol sa lalaki na 'yon. Lalo na at may katandaan na rin si Detective Cason.
"Kayong tatlo ay roon magpunta. Tayong dalawa ay rito," utos ni Detective Cason. Ako ang napili niya na sumama sa kaniya. Hindi na ako umangal pa at nauna nang tumakbo sa kanan kaysa sa kaniya.
Nakakita ako ng isang bike. Namataan ko na ang kriminal na hinahabol namin at nakakalayo na siya mula sa kinaroroonan namin ngayon. Mabilis kong nilapitan ang bike at ginamit 'yon. Narinig ko pa na sumigaw si Detective Cason. "Hoy! Hoy! Hindi pwede na gumamit n'yan! Para ka na ring nagnakaw!"
Hindi ko siya pinansin at deretso pa rin ako na nag-bike ng mabilis para mahabol ang lalaki. Bigla ay nakarating sa kaniyang harapan ang tatlo ko pang mga kasamahan. Na-corner na siya. Akala ko ay hindi na siya makakatakas pa ngunit mabilis niyang ibinalibag si Nixon. Si Zephyr naman ay halatang natakot kaya umatras. Ngunit sumugod si Paige at sinubukan niya na labanan ang lalaki. Mas binilisan ko pa ang pagmamaneho ko dahil ayoko naman na may masaktan pang iba kong mga kasamahan dahil sa kagagawan ng lalaki na 'yon.
Nang makarating ako sa kinaroroonan nila ay nakita kong tumalsik si Paige dahil sa ginawa ng lalaki. Tatakbo na sana muli ang kriminal nang kunin ko ang baril ko at pumutok sa itaas. "Tumigil ka! Kung ayaw mo na patamaan kita ng baril na hawak ko," banta ko sa kriminal.
Napatigil naman siya sa kinatatayuan niya. "Itaas mo ang mga kamay mo at humarap ka sa akin. Sa oras na subukan mo pang tumakas ay mas magiging malala ang sitwasyon mo," banta ko pang muli. Dahan-dahan naman na humarap siya sa amin. Hinihingal na nakarating sa pwesto namin si Detective Cason. Tinuro pa niya ang kriminal.
"Magpapahuli ka rin pala sa amin, pinahirapan mo pa kami," hinihingal na sambit niya. Sinenyasan niya si Paige na posasan na ang lalaki. Kinuha naman ni Paige ang posas sa likuran niya saka lumapit sa lalaki. Ngunit laking gulat ko nang bunutin ng lalaki ang baril ni Paige saka niya kami pinaputukan. Mabuti na lang at agad akong nakaiwas dahil sa akin niya pinuntirya ang bala. Tatakbo na sana siya ngunit humarang naman ang van namin sa harapan niya. Tumakbo na agad ako at sinapak siya. Kinuha ko ang posas na dala ko saka siya mabilis na pinosasan.
"You're under arrest for stealing, for being a drug dealer and for attempting a r**e. You have a right to remain silent and you can call your own attorney."
"Ipasok na 'yan sa van. Pinahirapan pa tayo!"
Mabilis na siyang dinala sa distrito namin. Nang maikulong na siya, dahil bukas pa raw siya kekwestyunin, pinapunta kaming apat sa meeting room. Pumasok na rin mula roon ang dalawang detective na kasama namin.
"Unang misyon pa lang ay hindi ko na agad nagustuhan ang ipinakita niyo sa akin. Una sa lahat, hindi ka man lang makatakbo ng ayos at mabilis dahil sa salamin mo at sa pagiging malabo ng mata mo, Spencer? Pangalawa, hindi mo ba kayang makipaglaban ng ayos? Akala ko ba ay hindi lang talino ang mayroon ka? Kaya ayoko ng babae sa team. Pangatlo, bakit ganoon ka magmaneho? Gusto mo ba na mahilo na kaming lahat at hindi na magawang mahuli ang kriminal? Daig mo pa ang lasing kung magmaneho ka dahil paliko-liko ka. At panghuli, sino ang nagsabi sa 'yo na maaari mong paputukin ang baril na gamit mo? Ang baril na 'yon ay maaari lang gamitin sa oras na kailangan na talaga at nanganganib ang mga buhay ninyo dahil sa mga kriminal."
Sunod-sunod ang pangaral niya sa aming apat. Tinuturo pa niya kami isa-isa. "Kumalma ka muna, Benjamin. Hindi rin naman nila alam ang tungkol doon at sinunod lang nila ang utos na hulihin ang kriminal kanina. Hindi na rin nila 'yan gagawin sa susunod dahil alam na nila ngayon. Ang mahalaga rin naman ay nahuli ang kriminal kanina," sagot naman ni Detective Walker sa kaniya.
"Sumasakit ang ulo ko sa inyo. Tapos nagnakaw ka pa ng bisekleta! Kung ano pa ang sitwasyon, hindi pa rin tama na magnakaw ng gamit nang iba. Ano ang kaibahan mo sa mga magnanakaw kung gano'n ang ginawa mo?" dagdag pa niya sa akin.
"Naisauli na rin naman ang bisekleta kanina at hindi rin naman nagkaroon ng damage. Kung hindi ko 'yon ginawa ay malamang nakatakas ang lalaki na 'yon."
"Aba at sumasagot ka pa--"
"Magpahinga na kayo. Bukas na muli namin kayo kakailanganin. Good work for today."
Nagpaalam na kami sa kanila saka kami lumabas ng meeting room. Nagyaya na naman na kumain sina Nixon dahil napagod daw sila sa nangyari kanina. Pumayag lang ako dahil wala rin naman akong pupuntahan. Nakarating kami sa isang fast food restaurant. Tubig at burger lang ang binili ko.
"Grabe, kinabahan ako kanina! Akala ko ay mababaril na ako," kumento ni Paige.
"Kailangan na natin na mas mag-ingat sa susunod. Tama naman si Detective Cason. Hindi talaga basta-basta ang trabaho na ito," ani Nixon.
"Ituloy mo na lang ang kwento mo sa amin kanina, Paige," sambit naman ni Zephyr. Kahit napagalitan na siya kanina ay para bang hindi man lang siya namroblema.
"Namatay ang nanay ko noong gabi na 'yon. Patay na siya nang makauwi ako sa bahay dahil sa heart attack."
Natahimik naman sila dahil sa sinabi ni Paige. "Pero may isang lalaki ako na nakikila at tinulungan niya akong mapagaan ang pakiramdam ko noon."