KABANATA 5
"IBIG MONG sabihin... dito ka na rin titira talaga araw-araw?" Masaya at nagagalak na paglilinaw ni Helena sa kausap na si Celeste. Nagkita sila sa labas ng silid na kinabibilangan nito at hawak-hawak pa ang mga braso ni Celeste nang ibalita ng huli ang update na 'yon.
"Dito na kakain, dito na matutulog. Hindi na bilang guest."
"Yes!" Masayang-masaya si Helena at nagtatalon sa tuwa. "Sobrang saya ko, Celeste kasi ewan ko ba! Feeling ko lang masaya ka maging kaibigan! Hindi kagaya ng mga nandito... ang boring nila. Sobrang tahimik at mga parang tutang bahag ang buntot palagi."
"Pwede ba, Helena." Tumikhim ang nakarinig at nang lingunin nila ay nagtuluy-tuloy ito ng paglalakad sa gitna nila mula sa pinto ng kwarto na pinanggalingan. Nakaharang kasi ang dalawa sa daanan at doon naguusap. "Ang sabihin mo sa kaniya, likas na maingay ka lang at magulo."
"Ang importante hindi pa ako mine-menopause kahit 18 years old pa lang!" Parinig nito sa umalis nang babae na sumingit sa usapan nila kanina.
Natatawang tinapik na lamang siya ni Celeste para sawayin.
"Pero tingin ko... susubukan ko lang muna ng mga dalawang linggo. Titignan ko muna kung okay rito mag-stay."
Itinikom ni Helena ang mga labi sa matigas na diretsong linya saka dali-daling isinara ang pinto ng kwarto na kalapit nila, bago niya hinila si Celeste na maglakad sa mahabang hallway.
"Tingin ko, kung ako ang tatanungin mo... okay naman dito. Mababait naman ang mga madre. Ay, maliban na lang pala sa head."
"Si Mother Kata?"
"Oo! Sobrang suplada no'n." Mariin na sambit nito sa mahinang mahina ngunit puno ng ekspresyon na bulong. "Bawal do'n ang hindi 'pangbabae' na galaw, bawal tumawa nang malakas! Kapag lalaki ka naman, dapat 'gentleman' ka, kung hindi ay may parusa ka talaga!"
"Hindi naman siguro ako magkakaproblema sa gano'n. Afterall, pinalaki ako ng parents ko na kumilos nang tama."
Ilang segundong hindi nakaimik si Helena kaya napansin 'yon ni Celeste.
"Kapag nandito ka pala, 'wag ka magbabanggit ng kahit ano tungkol sa 'parents' mo, 'kumpletong mga magulang at pamilya'. O kahit ano na related sa mga gano'n. Mukhang mahal na mahal ka ng mga magulang mo, masaya 'ko para sa 'yo pero iba-iba ang sensitivity ng mga tao rito kapag 'yun ang topic, alam mo na, nasa bahay-ampunan ka. Ikaw ang mag-aadjust, hindi sila..."
Natauhan, tumango si Celeste at humingi ng mahinang paumanhin.
"Pero bakit ka nga pala nandito kung may mga magulang ka naman pala?"
Nakarating sila sa malawak at malaking veranda ng ikalawang palapag ng orphanage, lumapit sa railing at doon tumambay. May ibang tao rin, mga kaedad nila, at mga bata sa paligid na pare-parehong nagpapahinga at nag-uusap-usap sa tahimik na paraan.
"Mahabang kwento."
"Makikinig ako. Tutal naman ay hindi ang grupo o mesa natin ang naka-toka na maglinis ngayon, kumbaga free time natin ngayong araw at hindi tayo abala." Ngumuso si Helena sa mga taong nasa ibaba, sa bakuran at abalang-abala sa kaniya-kaniyang tasks. "Sila lang."
"Hindi ko tunay na mga magulang ang tinutukoy ko kanina. 'Yung totoong mga magulang ko ang hinahanap ko... kaya kung tutuusin, hindi na nga 'ko naiiba sa inyo."
"Talaga?"
Pinagmasdan ni Celeste ang mga taong natatanaw niya mula veranda at halos mangiwi siya nang pasikreto.
Nagbubungkal ng lupa ang iba at gumagawa ng gawaing pang-hardin. Ang iba naman ay nagbubuhat ng mabibigat para mapaganda ang paligid, at ang iba ay nagpapaligo ng mga alagang hayop sa bahay-ampunan. Sumagi pa sa isipan niya ang mga nadaanan at nakita kanina sa loob ng bahay-ampunan na naglilinis ng bawat palapag gamit ang mga basahan. Maalikabok pero walang pwedeng mag-inarte.
Pwede kaya siyang ma-except sa gano'n?
Saka niya naalala ang usapan nila ni Mother Kata kanina lang. Kailangan niyang sumunod sa house rules at dapat mapakinabangan gaya ng mga orphan sa bahay-ampunan na 'yon.
"Pero sana kahit kaunti maiba ako sa inyo, especially sa mga paglilinis." Natatawang bulong nito. "Hindi ko kasi... kaya. I mean, I'm not used to it. You know, household chores, gawaing pang-kasambahay lang namin 'yan..." ipinakita nito ang mga kamay na malalambot.
Natatawang kumibit-balikat lang si Helena at itinuro ang mga madre saka sumenyas sa leeg na parang 'dead' kung sakaling may susuway.
"Helena?"
"Po, Sister Betty?!"
Nilingon nilang dalawa ang madre na sumingit sa kanilang usapan. Nakangiti at maamo ang mukha, nakilala ni Celeste ang madre bilang isa sa mga naghanda ng silid na tutulugan niya noong nakaraang gabi.
"Mukhang wala naman kayong pinagkakaabalahan ni Celeste, utusan sana kitang i-introduce mo sa kaniya ang mga routine natin dito sa ampunan. Nabalita mo na ba sa kaniya, Celeste?"
"Na dito na po ako tutuloy simula ngayon? Opo. Maraming salamat po sa pagtanggap sa 'kin..."
INILIBOT ni Helena si Celeste sa paligid, nag-umpisa sila sa pinakamababang palapag ng ampunan hanggang sa ikaapat na palapag. Matapos din ibigay ng madre ang spare keys at uniporme ay sinamahan na ni Helena si Celeste sa magiging bago nitong tutulugan.
"Ang lahat dito ay share-share ng kwarto. Kaya medyo walang privacy, hindi kagaya noong guest room na tinulugan mo. Bawat floor may tatlong silid, tatlo lang pero malalaki at malalawak.
Nakita ni Celeste na nasa Room 303 siya idinagdag. Hindi nga nagbibiro si Helena nang sabihin nitong malawak at malaki ang silid, nakahilera ang bahagyang magkakalayo na single bed, na kung bibilangin ay sa tingin niya aabot ng sampu. May maliliit na bedside table sa bawat pagitan at may kaniya-kaniyang single closet sa opposite na direksyon ng mga kama.
"Ang gising sa umaga alas singko y media o 5:30 para makapag-ayos ka pa. Alas sais naman ang pila sa labas para sa almusal. Pagkatapos ng almusal, maglilinis na ang mga naka-toka sa cleaning."
Napangiwi na naman si Celeste.
"Hindi ka ba sanay sa gano'n?"
Umiling ito.
"Tsk. May ibang paraan naman para makaiwas kaya lang... try mo muna!" Mahinang siniko siya nito.
Mahinang bumuntonghininga si Celeste.
Tinanggap niya na lang at bahala na para sa araw ng bukas. Ang importante ay libre ang pagkain at matutuluyan niya, maiipon niya pa ang natitirang pera sa bangko para sa paghahanap ng mga magulang niya.
"Okay. Ang importante rin ay pumayag ang mga madre na palabasin ako tatlong beses sa isang linggo para sa paghahanap ko sa mga magulang ko. Dito na lang ako babawi sa... paglilinis." Labas sa ilong na aniya.
Tumingala si Celeste nang mapansin ang fourth floor.
"Hindi ba tayo aakyat ng fourth floor?"
"Hindi!" Mabilis na iling ni Helena saka ngumiti. "Walang kwarto riyan ang mga kagaya natin. Para lang kila sister at Mother Kata 'yan, diyan din sila nagmi-meeting kapag dadating ang mga sponsor ng Hillcrest." Ani nito sa kaniya saka naalala ni Celeste na roon nga ang opisina ni Mother Kata na pinuntahan niya kanina lang. "Lalo na ang mga Guillanes!"
"Tuwing kailan sila bumibisita?"
"Dalawang beses sa isang buwan. Kada a-kinse at a-trenta ng buwan."
Namilog ang mga mata ni Celeste. "Sa susunod na linggo?"
Kumindat at tumango lang si Helena. "Sana kasama ang apo nila. Ang gwapo-gwapo!"
Natahimik na si Celeste at hindi na dinugtungan pa ang usapan matapos 'yon.
Kapag nagkita sila no'ng Israel Guillanes na 'yon ay sigurado siyang sisingilin siya nito sa ginawa niya. Ang kaniya lang naman ay gusto niya lang tumulong... 'yon nga lang ay mukhang marami pa siyang hindi alam sa binata kaya napasama pa siya.
"H'wag mo sabihing crush mo rin si Israel?"
"No!" Malakas na tanggi ni Celeste. "Never. Mataas ang standards ko sa mga lalaki... though marami na 'kong naging boyfriend at flings, pero hindi ako basta-basta nagkakagusto. Lalo na kung hindi kami matched ng vibes at... personality." Paliwanag niya pa.
Ngumiti lang si Helena at hinila na siya papasok sa loob ng Room 303.
"'Yung uniform, anim na set 'yan, depende sa kulay. Wash day kapag linggo, kahit anong damit mo, pwedeng suotin sa araw na 'yon. Pero laundry day din 'yon, maglalaba tayong lahat pagkatapos ng Banal na Misa."
"Banal na Misa?"
"Oo! Doon sa mansyon ni Dracula!"
Nangunot ang noo ni Celeste sa pagtataka kaya naman natawa si Helena sa ekspresyon nito.
"May kumbento rito, maganda, malaki pero dahil sa katandaan nagmukha nang mansyon pero mansyon ni Dracula!" Ani nito. "Pwera biro, doon 'yon makikita sa likod nitong bahay-ampunan, may pari na dumarating kapag linggo at required ang lahat na umattend!"
Itinuro ni Helena ang magiging kama niya, nasa dulo 'yon pero malapit sa malaking bintana ng silid.
"Si Celeste nga pala! Siya na ang ookupa ng kama na 'to simula ngayon." Magiliw na anunsyo ni Helena sa mga nadaanan nilang kaedaran lang din nila sa silid.
Ang isa ay nag-aayos ng mga damit sa sarili nitong cabinet, ang ilan ay nasa kama at nagpapahinga, nagkukuwentuhan, habang ang iba ay may kaniya-kaniyang ginagawa pa.
Nagtinginan sila kay Celeste.
"Hi." Bati ni Ceelste.
"Hello." Isa lang ang tumugon, ang halos lahat sa kanila roon ay nanahimik, ang iba ay nag-iwas ng tingin. "Ako si Cherry. Magkatabi lang ang kama natin."
Naka-bun ang buhok ni Cherry at may salamin ito sa mga mata, maputi ang kulay ng balat at medyo chubby. Tahimik at maamo ang awra kaya mukhang mabait. Habang si Helena naman ay may maikling buhok, kayumanggi ang kulay ng balat at katamtaman lang ang hubog ng katawan, natatapatan ng awra nito ang ugali ni Celeste kaya nagkasundo kaagad sila.
"Iyan si Cherry mabait iyan, malakas lang yata humilik sa gabi."
"Sobra ka, Helena!" Natatawa nitong tugon.
"Pero pwera biro, ikaw na ang bahala rito sa kaibigan ko kapag wala ako. Alam mo na."
"Oo naman, gusto ko nga itong makilala talaga si Celeste sa totoo lang, swerte na rito pa siya sa tabi ng kama ko nalipat." Tumatango-tango na ani ni Cherry saka lumapit. "Ako na ang bahala."
Makahulugan si Helena na tumingin sa paligid, kaya agad na naunawaan 'yon ni Cherry. Nahuli 'yon ni Celeste kaya naman itinagilid niya ang kaniyang ulo at nagtanong.
"Alam ang alin?"
Nangingiwing ngumiti si Cherry sa kaniya at siya na ang nagpaliwanag.
"Naalala mo ba ang ginawa mong heroic scene kanina sa dining hall?"
Bahagyang napaisip si Celeste. "'Yung sinumbong ko ang mga bully kila sister? What about it?"
Nagkatinginan si Helena at Cherry saka lalong hininaan ang mga boses.
"Natatakot ang mga tao rito na lapitan at kaibiganin ka dahil do'n. Hindi naman lahat, hindi ako kasali do'n, tingin ko nga ay ang astig mo dahil do'n!" Nakangiting iniayos ni Cherry ang suot na salamin sa mga mata.
"Pero karamihan sa mga 'to ay ayaw na kaagad lumapit sa 'yo." Pagpapatuloy ni Helena. "'Yung mga isinumbong mo kasi... hindi lang sila basta-basta bully rito, Celeste."
"Sila ang namamahala sa amin. Pailalim. Hindi alam ng mga madre pero sila talaga ang nasusunod, takot ang lahat sa kanila at nakukuha nila ang lahat ng gusto nila dahil do'n."
"Really?" Napanguso si Celeste. "Hindi ako takot. Isusumbong-"
Pinigilan siya ni Helena sa braso at sinenyasan ng palad.
"Hindi pwede. Lugi ka. Kapag sila na ang gumanti sa 'yo at napili ka na nilang pagtripan, wala ka nang magagawa kundi tanggapin na lang na aapihin ka nila."
Natatakot na niyakap ni Cherry ang sarili saka nagtingin-tingin sa paligid bago bumulong ulit kay Celeste.
"Kapag sila pa naman ang nang-frame up, palaging grabe ang nangyayari, kaya grabe rin ang parusa mula kila sister." Ani nito. "Ang malala kung umabot pa kay Mother Kata."
Nag-angat ng kilay si Celeste. Hindi naman siya natakot, ganoon siguro kapag siya rin mismo ay bully noon. Alam niya ang galaw ng sikmura ng mga kapwa niya ganoon.
Pero kaya pala napansin niyang iniiwasan siya ng mga tao sa paligid niya, kahit tignan lang siya ay ayaw ng mga itong gawin. Ayaw palang madamay.
"Hindi naman ako natatakot. E 'di subukan nila ako kung gusto nila."
Napasinghap si Cherry. "Hindi mo alam ang sinasabi mo, Celeste..."
"'Yung huling nagsabi ng ganiyan dito, ginawan nila ng kalokohan sa araw ng pagbisita ng mga Guillanes. Galit na galit ang mga Guillanes!" Ani Helena. "Kaya sa sobrang dismayado ni Mother Kata, magdamag siyang pinaglinis ng malaking kampa sa kumbento."
Kamot-noong kumibot na lang ang bibig ni Celeste saka pinagkrus ang mga braso sa dibdib. "Hay, sino ba ang mga bully na 'yan, gusto kong makilala."
"Kung sa bagay, kaibigan mo pala si Israel Guillanes, kaya siguro malakas ang loob mo." Ani Cherry kaya sabay na nilingon siya ni Helena at Celeste. "Bakit? Iyon ang chismis, galing 'yon sa isa sa mga sister na nag-share kung paano ka napunta rito. Kaibigan mo raw si Israel, magkikita na ulit kayo sa susunod na linggo."
"Dadating siya?"
"Oo!"