KABANATA 4
NAPAAWANG ang bibig ni Celeste nang maihatid siya ng mga pulis sa lugar kung sa'n sinabi ni Israel na dalhin siya ng mga ito.
"Hillcrest... orphanage? Siraulo ba siya? Bakit niya naman ako ipapadala rito..." mahinang bulong niya sa sarili habang nakatingala sa malaki at may ka-lawakan na orphanage.
Gabi na at madilim pero kahit na kaunting ilaw na lang ang nakabukas ay kita niya pa rin kung gaano naman kasopistikada ang disenyo ng orphanage. Medyo makaluma nang kaunti pero malinis kung titignan sa labas. May malaking gate na itim at matapos pindutin ng hepe ng pulisya ang doorbell, segundo lang ang lumipas ay nagbukas na rin kaagad 'yon, na para bang inaasahan na ng mga tao sa loob ang pagdating nila.
Bumungad ang dalawang madre sa kumpletong attire nito mula ulo hanggang paa. Saka lang napansin ni Celeste ang kumbento, 'di kalayuan sa orphanage building.
"Sister, magandang gabi po."
"Hepe! Good evening, good evening sa inyo."
"Nakausap na raw po kayo ni Israel Guillanes?"
Napadpad ang tingin ng kausap nitong madre sa nag-iisang dalaga na kasama ng mga pulisya.
"Oo! Siya na ba ang dalaga na tinutukoy niya?"
Tumango ang hepe. Habang si Celeste naman ay napilitang ngumiti nang lumapit ang mga madre sa kaniya at bumati habang hawak pa noong isa ang kaniyang kamay.
"Magandang gabi po..."
"Dito ka raw makikituloy? 'Wag kang mahihiya, bukas na bukas ang Hillcrest para sa lahat!" Masigasig na bati nito. "Syempre, maliban na lang sa mga pasaway, kriminal, at makasalanan. Ayaw ng Diyos 'yon, anak."
Naiilang na nangiti at tumango si Celeste, walang maisip na isagot sa narinig.
Napapaisip na rin siya bigla kung tama ba siya ng tutuluyan ngayon dahil sa narinig.
Pinagtripan ba siya noong Israel na 'yon? Sa orphanage talaga siya ipinadala!
"Sige ho, mauna na kami. Tumawag na lang ho kayo kung may kailangan kayo, sister..."
"Maraming salamat!"
Pagpasok sa loob ng malawak na bakuran ng orphanage ay nasira sa imahinasyon at expectations ni Celeste ang pangit na imahe kapag usapang bahay-ampunan. Kung dati, naiisip niyang magulo, masikip, low-budget, marumi dahil maraming bata... ngayon ay nag-iba na!
"Ang laki at ang ganda naman ho rito..." hindi napigilang komento niya habang naglalakad sila papasok sa 4-storey orphanage house.
Ang color theme ay cream at brown mula sa labas hanggang sa loob at agaw-pansin ang magagandang carpet sa hallway hanggang sa grandstaircases. Sigurado rin siyang maganda ang taste ng mga ito dahil sa malalaki at magagarang chandeliers sa ilang parte ng lugar. Malinis, halos kumintab sa linis ang paligid at ang mga furniture na malalaki at sigurado siyang mamahalin na naman.
"Mayaman ho ba ang founder nito?"
Narinig niya ang mahinang pagtawa ng madre.
"Mayaman ang mga sponsor. Lalo na ang main at major sponsor nito. Ayaw niya ng marumi sa tuwing dumadalaw siya kaya asahan mo nang bukod sa strikta ang mga narito sa paglilinis at mga kalat, strikta rin sa hitsura ng mga batang nandito."
Napaawang ang bibig ni Celeste at unti-unting tumango.
"Ang swerte... kung sino man 'yon, paniguradong wala ng magawa sa pera at ipinapamigay na... gano'n ang Daddy ko minsan." Tuluy-tuloy na pagkuwento niya, hindi na napigilan ang bibig.
Nanahimik lang nang matauhan.
"Hindi mo ba kilala kung sino?" Asik noong isang madre. Dumaan sila sa dining area at inalok siyang kumain kaya naman hindi na siya tumanggi pa.
Sinilip niya nang pasikreto ang pinagtunguhan ng madre na malaking refrigerator. Pati ang kusina ng mga ito ay may mga automatic na pangluto, kumpleto at malawak. Mas lalong wala siyang masabi nang makita nang buo ang dining hall!
May tatlong hilera ng mahahabang lamesa, may mahabang puting mantel sa bawat isa sa mga 'yon at mga nakahandang malilinis na kubyertos, may mga hilera rin ng kahoy na upuan sa harapan ng mga hapag, na kung bibilangin ay baka umabot sa 80 kataong pwesto.
"Hindi po, bago lang po ako rito..."
"Ay! Sa susunod kilalanin mo, iha. Para sa respeto at pagpapasalamat lang sa utang na loob na patutuluyin ka niya rito, nakakabastos kung hindi. Naiintindihan mo ba?"
Napakurap-kurap si Celeste. Feeling niya mao-offend siya, hindi pa naman siya sanay na minamanduan ng kung sino lang, prinsesang-prinsesa sa pamilya nila.
"Si Israel Guillanes ang tinutukoy ko, apo 'yon ni Senyora Esmeralda Guillanes! 'Yun ang bali-balitang tagapagmana ng mga kayamanan at ari-arian ng mga Guillanes, kaya gumalang ka ro'n."
Mula sa pagsasandok ng pagkain patungo sa kaniyang plato sa hapag-kainan ay natigilan si Celeste.
"Talaga ho?"
"Oo! Kaibigan ka ba niya?"
Umiling siya kaagad. Naalala ang galit at pagbabanta nito sa kaniya sa presinto.
"Hindi ho... tinulungan lang akong makituloy rito ngayong gabi. Wala kasi akong matutulugan, naholdap po ang lahat ng gamit ko, pati pera..."
Nagkatinginan ang mga madre saka tumango-tango na lamang. Matapos pilitin ang sarili na ubusin ang mga pagkain kahit niya nagustuhan ang ulam ay hinatid siya ng mga ito sa isang guest room. Average sized room na may malambot na kamang pangdalawang tao at may maliit na banyo sa loob.
Mula sa bahagyang nakabukas na bintana ay kitang-kita ang liwanag ng buwan, natatanaw ang ka-lawakan ng kakahuyan, 'di kalayuan sa orphanage. Walang duda na maraming dagat at mga liblib na gubat sa lugar kaya masyadong delikado.
"Magising ka nang maaga bukas kung gusto mong umabot sa almusal. Dahil kung hindi, maghihintay ka na lang ulit ng tanghalian bago malamanan ang sikmura mo. Gano'n ang patakaran dito kahit bisita ka lang." Bahagyang strikta na paalala ng isa sa mga madre habang sinisipat nang bahagya kung maayos ang silid. "Saka 'wag ka nang lalabas ng kwarto kapag ganitong oras, mahigpit na ipinagbabawal dito 'yon."
Tahimik na tumango-tango lang si Celeste habang pinanonood naman ang madre na ituro ang naalala pang sabihin.
"'Yung cabinet diyan, may mga bagong damit. Hindi kagandahan gaya ng suot mo ngayon pero kung gusto mo lang naman magpalit at makomportable sa pagtulog."
"Utos din 'yon ni Israel." Kibit-balikat na dagdag ng isa.
PAGOD NA PAGOD at masakit ang likod nang pabagsak na nahiga si Celeste sa kama matapos maligo at magpalit ng mga damit, iniisip kung ano ang mga planong gawin kinabukasan.
"Wala pa rin akong pera. Wala ring tutuluyan. Pwede naman akong mag-withdraw sa bank pagkatapos kong sabihin na naholdap ang cards ko pero..." napapalatak siya. "Baka maubos din 'yon kaagad sa expenses ko rito at hindi ko pa rin nahahanap ang mga hinahanap ko."
Itinaas niya ang kamay na hawak-hawak ang mga litrato ng parents niya, maging ang kapirasong lukot na papel kung sa'n nakasulat ang address nito. Hindi niya pa rin sigurado kung mahahanap niya 'yon.
"Nakaka-trauma ang first day ko... pero ayoko naman bumalik sa Maynila." Bumuntonghininga siya at tumagilid ng higa para sulyapan ang bintana. "What should I do."
She knows that she's too young to runaway from home, 19 years old pa lang siya pero pakiramdam niya ay sayang pa rin ang mga lilipas na araw at taon kung hindi niya makikilala ang mga magulang niya. Sinubukan niya namang magpatulong sa mga umampon sa kaniyang magulang pero pakiramdam niya ay wala pa ring nangyayari.
Busy ang Daddy niya sa kumpanya, ang stepmother niya naman ay ayaw na ayaw niyang hingian ng pabor. Tingin niya nga ay pinagtitimpian na lang siya nito dahil palagi niyang naipapahamak si Jade sa tuwing isinasama ito sa mga gig niya sa gabi.
Kaya siya na lang ang gagawa.
Pagpikit ng mga mata niya ay hindi na namalayan ni Celeste na hinila na siya ng antok.
KINAUMAGAHAN, nagising siya nang makarinig ng malakas na tunog mula sa kung nasaan mang basag na speaker. Hinila ni Celeste ang unan saka pinilit na itakip sa kaniyang tenga habang halos hindi makadilat sa antok.
"Magandang umaga sa lahat, time check at eksaktong alas sais y media na ng umaga. Ang lahat ay inaasahang nakapaghanda at nakapag-ayos na ng sarili. Maligo, magsipilyo, maghilamos, at magdamit nang unipormeng pang-umaga." Pauna nitong sinabi. "Pagkatapos ng isang minuto ay inaasahan na ang lahat na lumabas ng kaniya-kaniyang silid, pumila nang maayos at magtungo sa dining hall. Maraming salamat."
Saka natauhan si Celeste nang maalala ang sinabi ng mga madre sa kaniya bago siya makatulog kagabi. Dali-daling nagtungo siya sa banyo para mag-ayos at lumabas nang kwarto.
Halos magulat pa ang mga naabutan niyang nakapila nang makita siya. Nagtataka kung sino siya.
"Dito ka na!" Ani noong babaeng nagtaas ng kamay habang nakangiti. Paglapit niya ay hinila siya nito para makasingit sa harapan noon.
"Helena! Dapat dito na lang kayo sa dulo kung ganiyan, nagpasingit ka pa. Baka maubusan na naman ako ng sabaw e!" Angal noong nasa dulo.
"'Wag mong pansinin 'yan. Kasalanan niyang matagal siya sa banyo." Natatawa nitong saad saka sila unti-unting umusad ng lakad sa pila pababa ng hagdan. Kitang-kita ni Celeste ang mas marami pang nakapila sa ibaba, tingin niya ay nakahiwalay ang magkakaedad. Kasing-tangkad niya ang tumawag sa kaniya at narinig niyang tinawag din na 'Helena'.
"Bago ka 'no? Ako si Helena."
"Nakitulog lang ako kagabi..." mahinang tugon niya. "Guest ako."
Saglit na natigilan si Helena, nakaangat ang mga kilay, pinoproseso ang narinig.
"Guest?"
"Ako si Celeste. Nice to meet you."
Ngumiti ito sa kaniya at naglakad sila papasok sa dining hall. Sinusundan niya lang si Helena nang maupo sila sa gitnang bahagi, sa harap ng hapag.
"Ganito talaga dito. Sabay-sabay kumakain. Bawal ma-late kasi mauubusan, pangit din naman kung late sa pila dahil sa huling upuan ka mauupo. E, madalas sabaw, tinapay, keso, at gatas ang agahan. Wala nang sabaw pagkarating sa dulo." Bulong nito sa kaniya.
"Lahat ba kayo rito... open for adoption?" Mahinang asik ni Celeste. Nag-umpisang lumapit ang ilan sa mga madre, sa mga mesa, bitbit ang mga pagkain. Isa-isang nilalagyan ang plato at baso ng mga naroon.
"Oo. Parang mga aso lang 'no, pero gano'n talaga ang reality. Sanay na kami!"
"Ilang taon ka na ba? Matagal ka na ba rito?"
"18 lang ako! Simula 5 years old ako, nandito na ako. Minsan parang gusto ko nga na dito na lang. Crush ko 'yung apo ng mga Guillanes!"
"Si Israel?" Hindi napigilang matawa ni Celeste.
"Kilala mo rin? Pogi 'di ba! Ang macho pa."
"Ang ugali kaya?"
"Ha?"
"Wala."
"Pero hindi mo pa siguro nakita kung hanggang saan ang gagawin ng mga nandito kapag may bisita... mapansin at magustuhan lang silang ampunin."
Pinagmasdan ni Celeste ang bawat isa. At natigil ang atensyon niya sa kabilang mesa. Nahuli niyang inagawan ng tinapay noong nakatalikod na babae sa kaniya ang katabi nito. Natatakot mag-react na nanahimik lang ang lahat ng nakakita maliban sa mga tinignan nito, nagtatawanan sila at ginaya rin ang ginawa noong isa.
"Pero Celeste, maganda at sosyal lang ang hitsura nitong ampunan, pero h'wag ka! Alternate lang sa tatlong mesa na 'to ang nakakakain ng tanghalian bawat araw." Kinakalabit na saad ni Helena nang makitang nakatitig si Celeste sa nangyari sa unang mesa. Ayaw niyang makialam ito hangga't maaari.
"What do you mean?"
"Ngayong araw, tayong Long table # 2 ang may tanghalian mamayang alas dose." Saad nito. "Maglilinis naman ang table 1 at table 3 sa mga palapag. Kaya malas kapag hindi ka nakapag-almusal ngayon. Gutom ka hanggang hapunan."
"'Yung unang table, nakita mo ba 'yon-"
"Hayaan mo na. Gano'n talaga, nandoon ang mga bully, e."
Ginawa 'yon ni Celeste. Hinayaan niya lang, pero no'ng makita niyang kinukuha pa noong mga 'yon ang iba pang pagkain ng mga ka-lamesa nito ay naiiling na tumayo na siya. Lumapit siya sa mga madre at itinuro ang mga nasa mesa na 'yon para magsumbong.
Pinagsabihan at pinatawan ng parusa ang mga itinuro niya. Nilingon siya ng anim na tao na 'yon, apat na lalaki at dalawang babae. Na para bang kinakabisado ang hitsura niya bago sila lumabas ng silid. Nakangiting naglakad lagpas doon si Celeste, just to make a change, siya kasi ang lumaking bully sa buong pag-aaral niya, she felt so proud at that moment for doing what's right.
"Celeste... bakit mo 'yon ginawa?" Nakangiwi si Helena.
"'Yun ang bagay sa kanila."
Nanlaki ang mga mata ng mga nakarinig... hindi sila mukhang natuwa.
Natakot sila.
PAGKATAPOS noon ay sumama siya sa malaking opisina ng punong madre nang ipatawag daw siya nito. Naintimidate kaagad si Celeste nang makitang hindi kasing-'friendly' ng hitsura ng mga naunang madre ang head nila. Nakaupo ito sa harap ng office table.
"Miss Celeste?"
"Good morning po..."
"Maupo ka. I'm Katalina Grace Ysabel Maria Mercedes Santiago. Tinatawag akong Mother Kata rito. Ako ang head at ang namamahala sa lahat."
Matapos matulala ay napatango si Celeste at pilit ngumiti. "Nice to meet you po..."
"Kanina lang sinabi sa 'kin na dumating ka kagabi, kung hindi lang isang Guillanes ang tumawag ay hindi kita tatanggapin dito. Lalo na't 'makikitulog' ka lang..." nakataas ang kilay na saad nito.
Napalunok si Celeste.
"I apologize for the inconvenience, Mother Kata... aalis na rin naman po ako... nagpalipas lang ng gabi." Hindi siguradong tugon niya.
Tinitigan siya mula ulo hanggang paa at iniayos ng madre ang suot na lumang salamin.
"Sa'n ka naman pupunta? Taga-saan ka ba? Hindi ka taga-rito."
"Manila pa po. Pero hindi na po 'ko babalik do'n... naghahanap po ako ng matutuluyan na apartment dito, or hotel. Naholdap lang po talaga ako kahapon."
"Apartment? Hotel?" Mahinang natawa ito. "Malayo tayo sa syudad, iha. At ang syudad dito ay hindi kumpleto sa mga ganiyan... kung titignan pa lang kita, mukhang... hindi ka tumitira sa pipitsugin. Apartment na luma at mababaho ang marami rito, okay lang naman ba sa 'yo 'yon?"
Hindi kaagad nakasagot si Celeste at napalunok.
Sa totoo lang, lumaki siyang maarte at maselan. Siguro kakayanin niyang tumira sa gano'n... pero isang oras lang.
Nagyuko na lang ito ng ulo. "Maghahanap na lang po ako. Kailangan ko lang talaga na mag-stay rito dahil may hinahanap akong mga tao."
"Oh yes, hindi ka lumapit sa presinto dahil wala silang kwenta rito. Sa mga Guillanes lang sila may silbi at mabilis." Tumikhim ito at tumigil. "Kung gusto mo, dito ka sa Hillcrest, pero hindi bilang bisita. Bilang normal na orphan na susunod sa lahat ng house rules at mapapakinabangan sa paglilinis."
Nanlaki ang mga mata ni Celeste sa narinig.
"Libre na ang pagtuloy mo, pati pagkain. Ayoko lang ng sakit sa ulo. Pag-isipan mo."
Natapos ang oras na 'yon na lumabas si Celeste ng silid na tuwang-tuwa. Pwede na rin! Payag siya kaagad!
"ISRAEL." Bungad ng madre pagkasagot ni Israel ng tawag niya sa telepono. "Napapayag ko naman si Celeste. May ipapakiusap ka pa ba?"
"Wala naman na. Thank you so much, Mother Katalina. The grocery goods and monetary support are on their way now to Hillcrest, I just want you to keep an eye on her in exchange. I'd need to meet her in person pero hindi pa ngayon."
"Maaari ko bang malaman kung bakit?" Seryoso ang kausap kaya sigurado ang madre na hindi simple at maliit na rason lang ang sagot sa tanong niya.
"No."