Araw ng lunes at dahil matumal ang araw na iyon ay nagpasya ang mag-ina na sadyain ang mga magulang ni Rita. Sa kagustuhan ni Melissa na makilala ang kanyang Lolo at Lola kaya napapayag n'ya ang ina.
"Maganda po ba ang suot ko, 'Nay?" sabik na tanong ng batang si Melissa na nakasuot ng bagong biling tsinelas ng ina at floral dress na may pink ribbon sa kanyang buhok.
Nagniningning ang kanyang mga mata at malawak ang pagkakangiti dahil sa excitement.
"Napakaganda ng anak ko!" puri ng ina.
Bata pa lang si Melissa ay mapapansin na ang kagandahan ng mukha nito. Sabi ng ina sa ama daw s'ya nagmana.
"Maganda na po kayo sa suot ninyo, halika na alis na tayo!" sabi ni Melissa sabay hila sa ina.
Mababasa ang pilit na mga ngiti na nakaguhit sa labi ng ina.
"Nanay, magkakasundo din po kayo nila Lolo at Lola." Pagpapakalma sa ina.
"Ayoko na masaktan ka o sumama ang loob mo sa kanila, hindi ko maiwasan ang kabahan" nag-aalala na tugon ng ina.
"Chill lang po!" saad ni Melissa.
"Chill? Saan mo napulot ang salitang iyan?" napangiti na tanong ng ina.
Naibsan ang pag-alala nito dahil sa kakwelahan ng anak.
"Doon po sa labas ng simbahan, iyan ang sinabi ng lalaki sa kanyang nobya para mawala ang kaba." Kwento ng bata.
Ginulo ni Rita ang buhok ng bibo na si Melissa.
"Nanay, ginugulo mo naman ang buhok ko eh." Mahaba ang nguso na reklamo n'ya sa ginawa ng ina.
"Pasensya ka na po. Nanggigil kasi ako sa iyo dahil ang bibo mo. Proud ako sa iyo ngayon pa lang kaya gagawin ni nanay ang makakaya para sa matalino ko'ng anak." Natutuwang saad ni Rita.
Binigyan ng mabilis na halik sa pisngi ni Melissa ang ina at sabay sila naglakad papunta sa pinakamalapit na sakayan.
"Malayo po ba ang bahay nina Lola?" tanong ng bata.
"Medyo, naiinip ka na ba?" tugon ng ina.
"Hindi naman po. Sabik lang ako makilala sila," sagot ni Melissa.
Sakay sila ng dyip at bumaba sila sa isang public terminal. Pagdating doon ay sumakay ulit sila ng tricycle papasok sa isang eskinita. Medyo mahaba ang tinahak ng tricycle. Mapapansin ang makitid at magulong lugar dahil sa mga nakakalat na mga basura at hindi ito nagkakaiba sa kanilang pinanggalingan. Nagkakandahaba ang leeg ng bata habang nakatanaw sa kanilang nadadaanan at hawak ng ina ang kanyang bewang.
"Salamat kuya!" saad ni Rita at inabot ang bayad rito.
Bitbit ang isang supot ng grocery bilang pasalubong ay akay n'ya sa kanyang kamay si Melissa.
"Dito na po tayo?" tanong ni Melissa.
"Maglalakad pa tayo," sagot ni Rita.
Panay lingon ang ginagawa ng bata habang nakisabay sa bawat hakbang ng ina.
"Uy Rita, kumusta? Iyan na ba ang anak mo?" bati ng isang matabang babae.
"Opo, si Melissa. Anak ko po. Sila Mama po ba nandiyan?" tanong ni Rita sa nakasalubong.
"Hindi ko napansin eh. Baka nandiyan," sagot nito.
Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa. Damang-dama ni Melissa ang panlalamig at pagpapawis ng kamay ng ina. Hinigpitan n'ya ang pagkakahawak rito upang maipadama na nariyan lang s'ya sa tabi nito Bahagya itong napalingon sa kanya. Pagdating sa dulo ay natigil ang ina at kumatok sa pintuan ng naturang bahay. Maliit ito at luma na rin. Masasabi na mas matibay naman ito kaysa sa tagpi-tagpi nilang bahay.
"Ma? Pa?" tawag ni Rita.
"Umalis yata sila." Sagot ng kapitbahay.
"Alam n'yo po ba kung saan sila nagpunta?" tanong ng ina.
"Rita ikaw pala. Hindi kita nakilala, pasensya na!" natatawang tugon ng baklang kapitbahay.
Isa ito sa mga magigiting at pinakamatingkad na chismosa sa kanilang lugar.
"Okay lang po," nahihiyang sagot ni Rita.
"Naku, alam mo naman ang mga magulang mo. Iyong nanay mo saan pa ba nagpipirme iyon? Umaga hanggang gabi ay walang humpay sa paglalaro ng baraha at iyong tatay mo ay andun busog na kakatoma." Kwento nito.
Napabuntong-hininga si Rita sa tinuran ng kapitbahay.
"Wala po palang nagbago sa nakalipas na pitong taon," malungkot na sagot ni Rita.
"Asa ka pa! Bakit ka nga pala nandito?" usisa nito nagbabaka-sakali na may mahitang chismis.
"Dadalaw lang sana ako sa kanila. Matagal din kasi na hindi kami nagkita," magalang na saad ni Rita.
"Ah, teka. Ito na iyong ipinagbubuntis mo noon kaya ka pinalayas noh?" pagtatanong nito nang mapansin si Melissa na palipat-lipat ang tingin sa dalawa.
"Opo!" walang patid na sagot ng ina.
"Napakagandang bata. Eh iyong asawa mo, bakit hindi mo kasama?" usisa pa nito.
Ngumiti lang nga matipid si Rita at hindi sinagot ang tanong ng kapitbahay.
"Naghiwalay kayo? Iniwanan ka? Naku! Iyan na nga ba ang sinasabi ko kung maagang nagbuntis at nag-asawa, sa hiwalayan din ang punta. So paano kayo nabubuhay ng anak mo? Kaya ka ba bumalik rito dahil kailangan mo ng magulang mo? Sus, huwag ka ng umasa dahil baka lalong mapariwara lang buhay ninyo ng anak mo." Mahabang pagdadaldal nito.
Nakakabingi para sa isang bata na gaya ni Melissa. Nakakarindi ngunit hindi na nila pinag-aksayahan ito ng pansin. Tila bingi ang mag-ina sa lahat ng sinabi ng kapitbahay.
"Hihintayin na lang po namin sila rito," saad ni Rita.
"Sige, kayo ang bahala." Nakaismid na tugon ng kausap na tila hindi natuwa sa kanilang pambabalewala.
Matagal na nakaupo ang dalawa hanggang sa nakatulog na ang bata sa kanyang kandungan.
"Gusto mo na ba na umuwi muna tayo, 'nak? Babalik na lang tayo sa ibang araw," bulong ni Rita.
"Naku, walang pinipiling araw ang mga magulang mo kaya sa pagbabalik ninyo tiyak ganito pa rin ang mangyayari sa inyo." Sabat ng baklang kapitbahay.
Napailing na lang si Rita at pilit na nagtitimpi sa kabastusan ng kapitbahay. Sabat ito ng sabat kahit na hindi naman ito ang kinakausap. Madilim na subalit wala pa rin ang mga magulang. Gusto ng umuwi ni Rita dahil naaawa na s'ya sa kanyang anak.
"Salamat, mga Pare. Hinatid pa ninyo ako, sabi ko naman sa inyo kaya ko na eh! Hek!" Halos hindi na makalakad na sigaw ng kanyang ama na si Tasyo.
Wala pa itong singkwenta ngunit mas matanda ito tingnan marahil na rin sa bisyo nito. Nagising si Melissa dahil sa ingay. Nagtatawanan at nagbibiruan ang mga ito hanggang sa naipasok na ng mga kumpare nito ang ama ay hindi pa rin gumagalaw sa kanilang puwesto ang mag-ina. Hindi ito ang inaasahan na reunion ni Melissa. Nakaramdam man ng pagkadismaya ay pinalipas ito ng bata. Akay s'ya ng ina at sumilip sa naka-bukas na pintuan.
"Sino iyan?" nakapikit habang nakahiga sa lumang bangko ang ama.
Halos hindi ito makabangon sa matinding kalasingan.
"Pa, si Rita po." Sagot ni Rita sa ama.
"Sino? Wala akong kilalang Rita," sumisinok na tugon ng ama.
Nakamasid lang si Melissa ngunit nagsisimula na s'yang kabahan.
"Si Rita po, ang anak ninyong babae. " Saad ni Rita at pilit inaabot ang isang supot na grocery.
Tinitigan s'ya ng maigi ng ama at kumukumpas ito sa hangin.
"Wala akong anak. Hindi kita kilala kaya umalis ka na rito," bulyaw nito.
"Pu**ng ina naman oh! Lasing ka na naman? Araw-araw na lang ba ha,Tasyo? Kahit kailan wala kang kuwentang asawa. Wala ka na ngang ambag dito sa bahay may gana ka pa magbisyo at magbarkada," sermon ng ina na hindi napansin agad ang bisita.
Nagmano si Rita ganun din si Melissa sa bagong dating na babae. Nagulat ito nang mapansin ang dalawang bisita.
"Ma, pasensya po kayo kung ngayon lang ako nakadalaw. Nagdala po pala ako ng kaunting grocery para sa inyo." Paputol-putol na na saad ni Rita sa ina na halatang kabado.
Kinuha nito ang supot na pilit na inaabot ni Rita saka hinagis.
"Bakit ka nagpunta rito? Ano ang kailangan mo?" galit na bungad ng ina.
Napayuko si Rita sa inasta ng ina.
"Di ba ang sabi ko huwag ka ng umuwi pa rito kahit kailan?" Sigaw ng ina.
"Ma, nagpunta po ako dito dahil gusto po sana kayong makita at makilala ng anak ko. Si Melissa po pala," mahina ang boses na pagpapakilala sa kanya ng ina.
"Isa ka ding walang kuwenta gaya ng ama mo. Sa palagay mo mapapalambot ako ng batang iyan, ha?" bulyaw ulit ng babae kay Rita.
Napahikbi ng tuluyan sa narinig ang batang si Melissa.
"Matagal na kitang ibinaon sa limot. Wala ng dahilan pa na bumalik ka rito pagkatapos mong magbuntis at bigyan ako ng kahihiyan," sermon ng ina na hindi tinablan sa sinabi ni Rita at sa pag-iyak ng bata.
"Ma, alam ko malaki ang naging kasalanan ko sa inyo pero sana mabuksan ulit ang inyong isipan at mabigyan ako ng isa pang pagkakataon kasama ang anak ko." Pagmamakaawa ni Rita.
"Mabuti naman at alam mo na ang pagkakamali mo. Pero hindi ka na sana bumalik pa rito dahil hindi ka na kailangan rito. Bakit ka nga ba bumalik dito? Dahil pinagsisihan mo na ang katangahan mo? Nasaan na ba ang magaling mong boyfriend, iniwanan ka na rin ba? Iyan kasi ayaw mo makinig," mahabang pahayag ni Marietta.
"Hindi ko kakapalan ang mukha ko na harapin kayo kung hindi dahil sa pakiusap ng anak ko na makilala kayo. Mahal ko kayo dahil magulang ko kayo. Alam ko masama ang loob ninyo sa akin kaya ganyan katindi ang galit ninyo pero sana huwag ninyo idamay ang anak ko. Humihingi ako ng tawad at pagkakataon na makilala kayo ng anak ko," humihikbi na sagot ni Rita.
"Utang na loob ko pa pala sa batang ito kaya ka nasilip rito? Wala akong anak at wala akong apo kaya umalis kayo dito!" pagtataboy nito.
"Ma!" pakiusap ni Rita.
"Ano ba iyan ang ingay? Tumahimik nga kayo at matutulog na ako!" sabat ng ama na tuluyan ng nahiga sa bangko.
"Pwede ba matagal na akong nasusuka sa buhay ko kaya tama na tuluyan ka ng mawala. Kung gusto mo isama mo din itong ama mo," taboy ulit ni Marietta.
Tuluyan ng naiyak si Melissa sa narinig at sa nasaksihan kung paano tratuhin ng mga magulang ang kanyang ina.
Tahimik s'yang umiiyak sa sobrang sama ng loob. Hinatak s'ya ng ina palabas ng bahay at napaupo.
"Sinabi ko naman sa iyo eh sana hindi ka na nagpakita. Kita mo kung paano ka nila kutyain, tsk tsk." Sundot pa ng kapitbahay na bigla na lang sumulpot.
"Pwede ba. Huwag kang makisawsaw dahil hindi ka naman kasali," bulyaw ni Rita kaya natameme ito.
Sa sobrang galit at sama ng loob ay hinatak n'ya nang malakas si Melissa saka mabilis na naglakad palayo. Umiiyak ang bata dahil nasasaktan ito sa kanyang ginawa at sa nangyayari.
"Nay, sorry po! Sana hindi na tayo nagpunta dito." Umiiyak na pagsusumamo ng bata kaya napatigil si Rita upang lingunin ang anak.
"Wala kang kasalanan. Sadyang napaka-unfair ng mundo. Umuwi na tayo," puno ng pait ang pagkakabigkas ng bawat salita ng ina.
"Hindi po ba tayo sasakay?" naiiyak na tanong ng bata dahil napagod na ito sa haba ng kanilang nilakad.
Kapwa pawisan na sila ngunit balewala ito sa ina. Nalunod na ito sa sama ng loob na hindi na nakikiramdam sa paligid maging sa kanyang kasama. Nakabitiw si Melissa sa ina sa sobrang pagod, napaupo sandali sa isang sulok at hindi ito napansin ni Rita. Isang malakas na kalabog ang nagpagising sa diwa ng bata. Hinanap n'ya kung saan ito nanggaling. Ganun na lamang ang kanyang pagkagulantang nang makita na nakahimlay ang ina nakabulagta sa gitna ng kalsada at walang malay. Duguan ito at hindi na gumagalaw. Napatakbo s'ya sa gitna upang damayan ang ina, maging ang mga tao sa paligid ay mabilis na lumapit at ang iba naman ay nagtawag na ng ambulansya. Iyak ang tanging maririnig mula kay Melissa. Hindi n'ya inaakala na sa kanyang kagustuhan na makilala ang kanyang pamilya ay s'ya pa pala ang magpapahamak sa sariling ina.
"Nay, sorry! Huhuhu, sana hindi na kita pinilit na pumunta doon. Sana hindi ito nangyari sa iyo," puno ng pagsisisi na bulahaw ng batang si Melissa.
Sa tulong ng mga nagresponde na ambulansya ay agad na nadala sa hospital ang kanyang ina ngunit hindi nagtagal ay nai-deklara ng Doctor na dead on arrival na ito.