Iang linggo na ang nakakalipas simula ang insidenteng iyon. Isang linggo na din siyang naghahanap ng trabaho, pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nahahanap. Hindi niya alam kung malas ba siya o tinutohanan talaga ng dati niyang amo ang sinabi nito noon sa resort.
Kahit isang dish washer lang sa mga maliliit na karenderya ay hindi pa rin siya tinanggap. Napabuga siya ng hangin saka napaupo sa isang upuan. Anong gagawin niya kung hindi pa rin siya makakahanap ng trabaho? Unti-unti ng nauubos ang kanyang ipon sa pang-araw-araw nila, at baon ng mga kapatid niya.
Hindi magtatagal ay mauubos na ‘yun. Napahilamos siya sa sariling mukha. Napakalaki ng problema niya ngayon. Hindi niya naisip na mangyayari ito sa kanya. Masasabi na tuloy niyang sumpa ang mukha niya. Kung hindi siya gwapo ay hindi magkakaroon ng interest ang matanda sa kanya.
Nagta-trabaho lang sana siya ngayon ng tahimik. Napabuga siya ng hininga. Napakunot-noo siya ng may pares ng high heels na huminto sa tapat niya. Napaangat siya ng tingin para malaman kung sino ang may-ari nito. Biglang sumama ang mukha niya ng makita ang taong dahilan kung bakit siya nahihirapan ngayon.
“Anong ginagawa mo dito?” walang gana niyang tanong.
Ngumiti ito sa kanya, pero inikutan niya lang ito ng mga mata. Hindi siya isang masungit na tao, pero kapag ito ang kaharap, at kausap niya ay nagiging masungit talaga siya. Nag-iiba ang kanyang ugali.
“Mukhang hindi ka pa nakakahanap ng trabaho, Jeremy.”
Napangisi siya sa sinabi nito. “At sa tingin mo hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nahahanap ng trabaho?” Tumayo siya saka bahagya itong tinulak. “Dahil sa ‘yo hanggang ngayon ay walang tumatanggap sa akin.”
Hindi man lang ito natinag sa pagtulak niya. Pinaikot-ikot nito ang buhok sa sariling daliri. Naningkit ang mga mata niya. Kung makaasta talaga ito, akala mo isa pang-dalaga, samantalang unti-unti ng kumukulubot ang balat.
“Bakit ako? Sa pagkakaaalam ko ang asawa ko ang may sabi na sisiguraduhin niya na walang kahit na anong kompanya ang tatanggap sa ‘yo.”
“Talaga lang, ah. Sa pagkakaalala ko kasi ang sinabi lang ni Sir, sa kahit anong kompanya. Hindi ko alam na kompanya na din pala ang mga karenderya.” Masama niya itong tinitigan habang lumalapit dito. “Ano bang gusto mo? Umalis na nga ako sa cafe, bakit ba pinipiste mo pa rin ako?”
Ngumiti pa rin ito at hinawakan pa ang matipono niyang mga braso. “Sinabi ko naman sa ‘yo, Jeremy. Lahat gagawin ko mapasaakin ka lang. Okay. Fine.” Itinaas nito ang mga kamay bilang pagsuko. “Aaminin ko, ako ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay walang tumatanggap sa ‘yo dahil ayoko magka-trabaho ka. Gusto ko kapag wala ka ng choice, sa akin ang bagsak mo.
“Huwag mo na kasing pahirapan pa ang sarili mo, Jeremy. Nasa harap mo na ang pera, at karangyaan na kaya kong ibigay sa ‘yo.” Kagat-labi nitong hinaplos ang dibdib niya. “Just say yes, in an instant may malaki ka ng pera. Pwede din kitang pabalikin sa cafe with a higher status. Sabihin mo lang, Jeremy. Gagawin ko ang lahat para sa ‘yo.”
Marahas na hinawakan niyang hinawakan ang kamay nito saka tinanggal sa dibdib niya. Mahigpit niya itong hinawakan sa panga.
“Layuan mo ‘kong matanda ka! Kahit anong sabihin mo ay hinding-hindi ako papayag na mapunta sa ‘yo. Sa tingin mo ba talaga, sa lahat ng ginawa mo sa akin pupunta pa ako sa ‘yo? You wish!” Marahas niyang binitawan ang panga nito saka naglakad papalayo.
“Wala ka ng magagawa, Jeremy. Sa akin pa rin ang huling bagsak mo!”
Hindi na niya ito nilingon saka nagpatuloy sa paglalakad. Umuwi na naman siyang bigo. Walang trabaho. Pabagsak siyang naupo sa upuan nilang gawa sa kawayan. Napasandal siya at tulala sa kisame. Anong gagawin niya ngayon? Kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya titigilan ng matanda. Malapit na ding maubos ang itinabi niyang pera.
“Oh, anak. Maaga ka ata ngayon, ah. Maaga ba kayo nagsara?” Napatingin siya sa nanay niya na kakapasok lang ng bahay at may bitbit na malaking basket na may lamang mga damit. Agad siyang tumayo saka tinulungan ito. “Salamat, anak.”
Ngumiti siya dito saka inilagay ito sa maliit nilang sala. “Tulungan ko na din po kayo sa pagtutupi ng mga damit, ‘Nay.”
Bahagya nitong ginulo ang buhok niya. “Ang bait mo talagang bata.” Ngumiti lang siya dito.
Sabay nilang tinupi ang mga damit. Habang tinitingnan niya ang ginagawa ay may naisip siya bigla. Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng pamilya niya na wala na siyang trabaho. Ayaw niya din kasi itong mag-alala. Pero ngayon ay kailangan na niyang sabihin dito.
“Nay, paano kaya kung ako na ang magtatanggap ng mga labahin?” Napatingin sa kanya ang ina niya na nagtataka. “Para hindi na kayo mahirapan pa, at makapagpahinga na lang kayo dito sa bahay,” pagdadahilan niya.
“Maganda naman ang trabaho mo, ah. Iyong sahod mo ay nakakaraos tayo sa pang-araw-araw.” Napakagat-labi siya. Nagpatuloy ito sa ginagawa. “Isa pa, kaunti na lang ang mga nagpapalaba sa akin. Baka nga sa susunod na araw ay wala ng magpalaba sa akin.”
Nagtaka naman siya. “Bakit naman, ‘Nay?”
“May bago na kasing laundry shop diyan sa kanto lang natin. Yung iba kong nilalabahan noon ay doon na nagpapalaba dahil madali lang.” Napabuntong-hininga ito. “Hindi ko nga alam kung anong gagawin kung wala na akong malalabahan.”
Bigla siyang napayuko. Bigla ay parang umurong ang kanyang dila, at nawalan siya ng lakas ng loob para sabihin dito na wala na siyang trabaho. Anong gagawin niya? Ayaw niya din naman na lumapit sa matandang iyon para lang makahaon.
NAPATINGIN si Jeremy sa alkansya niya at napabuntong-hininga ng makitang two hundred pesos na lang ang laman ng alkansya niya. Bigla siyang napaupo sa kama at tulalang nakatingin sa pera niya. Anong gagawin niya sa two hundred pesos? Mabuti na lang at walang pasok ang mga kapatid niya ngayon kaya hindi nito kailangan ng baon.
“Nak?” Itatago sana niya ang nabukasan na niyang alkansya, pero huli na dahil nakita na ng ina niya. “Oh, binuksan mo na pala ang alkansya mo. Bakit? May bibilhin ka ba?” Napatitig siya sa ina niya.
“Anong gagawin ko, ‘Nay?” Nagtaka ito sa naging tanong niya at biglang nataranta ng hindi na niya mapigilan ang luha niya na bumagsak.
Agad itong lumapit sa kanya saka naupo sa tabi niya. “Anong problema, Jeremy?” Pinunasan nito ang mga luha niya.
“Pasensya na, ‘Nay. Sorry kung naglihim ako sa ‘yo.” Patuloy pa rin siya sa pag-iyak. “Wala na po akong trabaho.”
Napatakip ito sa bibig. “Kailan pa?”
“Tatlong linggo na po.”
“Kaya ba—” Niyakap siya ng ina. Napayakap din siya dito, at parang bata na umiiyak sa kandungan nito. “Anong nangyari?”
Sinabi niya dito ang lahat-lahat. Wala siyang nilihim. Maliban sa ayaw niyang maglihim dito ay gumaan ang pakiramdam niya. Ilang linggo niyang dinala-dala ang sakit sa dibdib niya. Wala siyang mapagkwentohan sa nararamdaman niya, at ngayon nga ay nilalabas na niya.
“Hindi ko alam na ganyan na pala ang pinagdadaanan mo, anak.”
Humiwalay siya mula sa pagkakayakap dito. “Huwag kayong mag-alala, ‘Nay. Maghahanap pa rin ako ng trabaho. Hindi ako susuko.”
Pinunasan nito ang mga luha niya. “Huwag kang mag-alala, anak, may awa ng Diyos. Hindi niya tayo pababayaan. Makakahanap ka din ng trabaho. Malalagpasan din natin ang lahat ng ito.”
Napatango siya saka niyakap muli ang ina.