Tahimik ang gabi sa condo ni Althea, ngunit ang katahimikang iyon ay hindi nagbibigay ng kapayapaan kundi lalo lamang nagpapalalim sa kanyang pag-iisip. Mag-isa siyang nakaupo sa gilid ng kanyang kama, hawak ang kanyang cellphone, paulit-ulit na binabasa ang huling mensahe ng kanyang ina. Isang simpleng paanyaya—isang salo-salo sa bahay kinabukasan—ngunit may kalakip na misteryo at bigat na hindi niya maipaliwanag. “May importante akong sasabihin,” iyon ang linyang paulit-ulit na naglalaro sa kanyang isipan. Isang taon pa lamang ang nakalilipas mula nang mawala ang kanyang ama, at mula noon, tila naging tahimik at malungkot ang kanilang tahanan. Kaya’t ang ideya ng isang handaan ay tila kakaiba, halos hindi akma sa kanilang sitwasyon. Napabuntong-hininga si Althea, pilit na inaalis ang kaba sa kanyang dibdib, ngunit hindi niya ito magawa.
Kinabukasan, bumalik siya sa bahay na matagal niyang hindi tinirhan mula nang magdesisyon siyang bumukod. Habang papalapit siya sa kanilang gate, napansin niyang may kakaibang sigla ang paligid—may mga sasakyan na nakaparada, may mga ilaw na nakasabit, at may maririnig na mahihinang tawanan mula sa loob. Hindi ito ang bahay na iniwan niya noon na puno ng lungkot at katahimikan. Pagpasok niya, agad siyang sinalubong ng kanyang ina na nakasuot ng maayos, may kaunting make-up, at may ngiting matagal na niyang hindi nakita.
“Anak, dumating ka na,” masiglang bati ng kanyang ina, sabay yakap sa kanya.
Saglit na natigilan si Althea. Hindi siya sanay na makita ang kanyang ina na ganito kasaya matapos ang lahat ng nangyari. “Ma… ano bang meron?” tanong niya, hindi maitago ang pagkalito.
“Malalaman mo rin mamaya,” sagot ng kanyang ina, sabay hawak sa kanyang kamay. “Basta, samahan mo muna ako.”
Habang tumatagal, mas dumarami ang bisita—mga kamag-anak, kaibigan, at ilang taong hindi niya kilala. Lalong tumindi ang kaba ni Althea. Hindi ito simpleng salo-salo lamang; may mas malalim itong dahilan. At naramdaman niya na siya ay nasa gitna ng isang bagay na hindi niya pa nauunawaan.
Maya-maya pa, biglang tumahimik ang paligid nang may dumating na bisita. Lahat ng mata ay napunta sa pintuan. Dahan-dahang lumingon si Althea, at doon niya nakita ang isang lalaking may presensya na hindi matatawaran—matangkad, maayos ang pananamit, at may aura ng kapangyarihan. Kilala niya ito sa mga balita—si Governor Zachary.
Ngunit hindi iyon ang nagpatigil sa kanyang puso.
Kundi ang biglaang paghawak ng kanyang ina sa kamay ng lalaki.
“Salamat sa pagpunta,” malambing na sabi ng kanyang ina.
At doon nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ni Althea.
“Althea,” tawag ng kanyang ina, puno ng saya ang boses. “Halika, may gusto akong ipakilala sa’yo.”
Mabigat ang kanyang mga hakbang habang papalapit. Hindi niya alam kung bakit, ngunit parang may mali. Parang may paparating na bagyo na hindi niya kayang pigilan.
“Anak,” patuloy ng kanyang ina, “siya si Governor Zachary.”
Tumango ang lalaki, may magalang na ngiti. Ngunit hindi iyon ang napansin ni Althea—kundi ang paraan ng pagtingin nito sa kanyang ina. Malambing. Malapit. Parang… may relasyon.
At doon niya naramdaman ang unti-unting pagguho ng kanyang mundo.
“Ma… bakit?” halos pabulong niyang tanong.
Ngumiti ang kanyang ina, tila ba matagal na nitong hinihintay ang sandaling ito. “Anak… magpapakasal kami.”
Parang tumigil ang mundo.
Hindi niya agad naproseso ang narinig. Paulit-ulit itong umalingawngaw sa kanyang isipan—magpapakasal kami.
Isang taon.
Isang taon pa lang mula nang ilibing nila ang kanyang ama.
At ngayon…
“Hindi,” bigla niyang sabi, masyadong mabilis, masyadong matalim. “Hindi pwede.”
Napalingon ang lahat sa kanya. Nawala ang ingay ng usapan, napalitan ng mabigat na katahimikan.
“Althea…” mahinahon na sabi ng kanyang ina, ngunit may halong babala.
“Hindi pwede, Ma!” ulit niya, mas malakas na ang boses. “Isang taon pa lang! Isang taon pa lang mula nang mawala si Papa!”
Unti-unting nanginginig ang kanyang katawan, at ang emosyon na matagal niyang kinimkim ay nagsimulang sumabog.
“Paano mo nagawa ‘to?” sigaw niya, puno ng sakit. “Paano mo siya napalitan agad?!”
“Anak, hindi ganun—” tangkang paliwanag ng kanyang ina.
“Hindi ganun?!” putol ni Althea, halos hysterical na. “Ano ‘to? Party? Celebration? Para saan—para ipakita na okay ka na? Na wala nang halaga si Papa?!”
May mga bisitang nagkatinginan, hindi alam kung ano ang gagawin. Ang iba ay dahan-dahang umatras, ramdam ang tensyon sa hangin.
“Althea, tama na,” mahigpit na sabi ng kanyang ina, ngunit nanginginig ang boses nito.
Ngunit hindi na napigilan ni Althea ang sarili.
“Hindi pa ako tapos!” sigaw niya, lumuluha na. “Ako, hindi pa ako okay! Ako, hindi ko pa siya nakakalimutan! Tapos ikaw—ikaw masaya ka na? Nakangiti ka pa?!”
Napahawak siya sa ulo niya, tila ba sasabog ang kanyang damdamin.
“Ang bilis mong kalimutan si Papa…” mahina ngunit puno ng galit na sabi niya.
Sa unang pagkakataon, nakita niya ang sakit sa mukha ng kanyang ina.
“Hindi ko siya kinalimutan,” mahinahon ngunit matatag na sagot nito. “At hinding-hindi ko gagawin iyon.”
“Pero nagpapakasal ka na!” balik ni Althea. “Ano pa bang tawag doon?!”
Tahimik ang lahat. Walang gustong makialam.
“Anak…” lumapit ang kanyang ina, ngunit umatras si Althea.
“Huwag mo akong lalapitan!” sigaw niya, halos mawalan na ng kontrol. “Hindi kita kilala ngayon! Hindi ikaw ‘yung nanay ko!”
Tumulo ang luha ng kanyang ina, ngunit nanatili itong matatag. “Kung hindi mo kayang tanggapin ngayon, maiintindihan ko. Pero sana, huwag mong isipin na pinapalitan ko ang tatay mo. Walang makakapalit sa kanya.”
Ngunit sarado na ang isip ni Althea.
Para sa kanya, isa lang ang malinaw—pinagtaksilan ng kanyang ina ang alaala ng kanyang ama.
At sa gitna ng party na dapat ay masaya, siya ay tuluyang nawalan ng kontrol. Ang kanyang iyak ay umalingawngaw sa buong bahay, puno ng sakit, galit, at pangungulila. Wala na siyang pakialam sa mga taong nakatingin, sa mga bulong, o sa kahihiyan.
Dahil sa sandaling iyon, siya ay isang anak na nasasaktan—at hindi niya kayang tanggapin na ang kanyang ina ay natutong magmahal muli, habang siya ay nananatiling nakakulong sa nakaraan.
At habang patuloy ang kanyang paghysterical, isang bagay ang malinaw—ang gabing iyon ay hindi lamang simpleng pagtitipon, kundi simula ng mas malalim na sugat sa kanilang mag-ina, isang sugat na hindi madaling maghilom.
Pagkalabas ni Althea sa kanilang bahay, hindi niya na maalala kung paano siya nakarating sa sasakyan niya. Parang lutang ang buong pagkatao niya—ang mga boses, ang ilaw, ang mga tingin ng tao sa kanya ay nagsama-sama sa isang magulong ingay sa kanyang isipan. Nanginginig pa rin ang kanyang mga kamay habang sinusubukang paandarin ang sasakyan, at ilang beses siyang napapikit, pilit pinipigilan ang tuluyang pag-agos ng kanyang luha. Ngunit wala na siyang kontrol. Sa sandaling nakaandar na siya, doon tuluyang bumigay ang kanyang emosyon. Tahimik siyang umiiyak habang nagmamaneho, ang bawat hikbi ay parang may kasamang piraso ng puso niyang napupunit.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta sa una. Hindi niya kayang bumalik sa condo—masyadong tahimik, masyadong mag-isa. At lalong hindi niya kayang bumalik sa bahay ng kanyang ina. Sa gitna ng kanyang pagkalito, isang pangalan ang pumasok sa isip niya—si Mara. Ang kanyang matalik na kaibigan, ang nag-iisang taong palagi niyang nalalapitan sa tuwing pakiramdam niya ay guguho na ang mundo niya. Nang makarating siya sa apartment ni Mara, hindi na siya nag-abala pang mag-text o tumawag. Kumakatok siya nang sunod-sunod, halos desperado.
Pagbukas ng pinto, nagulat si Mara sa itsura niya. “Althea? Anong nangyari sa’yo?” agad nitong tanong, puno ng pag-aalala.
Hindi na nakapagsalita si Althea. Sa halip, bigla na lamang siyang napayakap kay Mara at doon tuluyang humagulgol. Parang lahat ng kinimkim niyang emosyon ay sabay-sabay na lumabas—ang galit, sakit, pagkalito, at pangungulila.
“Hey… hey… kalma lang,” mahinahong sabi ni Mara habang hinihimas ang likod niya. “Ano bang nangyari?”
Inakay siya ni Mara papasok at pinaupo sa couch. Ilang minuto rin bago tuluyang kumalma ang pag-iyak ni Althea, ngunit nananatiling nanginginig ang kanyang katawan. Hawak niya ang isang baso ng tubig, ngunit hindi niya ito mainom nang maayos dahil sa panginginig ng kanyang kamay.
“Magpapakasal si Mama,” sa wakas ay nasabi niya, mahina ngunit puno ng sakit.
Napakunot ang noo ni Mara. “Ha? Biglaan naman. Pero… bakit ganyan ka kaapektado? I mean—”
“Isang taon pa lang, Mara!” biglang putol ni Althea, muling tumataas ang emosyon. “Isang taon pa lang mula nang mawala si Papa!”
Tahimik si Mara, nakikinig lamang.
“Hindi pa nga ako nakaka-move on,” patuloy ni Althea, nangingilid na naman ang luha. “Araw-araw ko pa rin siyang naiisip. Araw-araw ko pa ring hinahanap ‘yung presensya niya. Tapos si Mama… parang okay na siya. Parang ang dali lang sa kanya.”
“Althea…” maingat na sabi ni Mara, ngunit hindi ito pinatapos.
“Hindi, Mara! Nakita mo sana kung paano siya ngumiti kanina. Parang wala lang. Parang walang nangyari. Parang hindi niya minahal si Papa ng ganun katagal!” halos sigaw na niya, muling napapaiyak.
Huminga nang malalim si Mara, sinusubukang intindihin ang pinanggagalingan ng kaibigan. “Siguro… hindi naman ganun,” mahinahon nitong sabi. “Iba-iba lang talaga ang paraan ng pag-move on ng tao.”
“Move on?” mapait na natawa si Althea. “Ganun ba ‘yon? Magpapakasal agad sa iba?”
Tahimik ulit si Mara. Ramdam nito na hindi ito ang tamang oras para kontrahin ang nararamdaman ni Althea.
“Pakiramdam ko… pinapalitan niya si Papa,” mahina na ulit na sabi ni Althea. “At ang mas masakit… parang wala siyang pakialam kung nasasaktan ako.”
“Nasabi mo ba sa kanya ‘yan?” tanong ni Mara.
“Nasabi ko?” ulit ni Althea, napailing. “Hindi ko lang sinabi, Mara. Sinigaw ko. Sa harap ng lahat.”
Saglit na natahimik si Mara. “Ah…”
“Oo,” mapait na sabi ni Althea. “Pinahiya ko siya. Pero sa totoo lang… hindi ko na iniisip ‘yon kanina. Ang nasa isip ko lang… galit ako. Sobrang galit.”
Napayuko siya, pinipiga ang kanyang mga kamay. “Pero ngayon… hindi ko na alam kung ano ‘yung nararamdaman ko.”
Lumapit si Mara at hinawakan ang kanyang kamay. “Normal lang ‘yan, Althea. Nasaktan ka eh.”
“Pero bakit parang ako lang?” tanong ni Althea, puno ng pagkalito. “Bakit siya… parang okay na?”
“Hindi ibig sabihin na nagpapakasal siya, okay na siya,” sagot ni Mara. “Baka… natuto lang siyang magpatuloy.”
“Ang bilis naman,” bulong ni Althea.
“Althea,” seryosong sabi ni Mara, “hindi mo pwedeng diktahan kung gaano katagal dapat magluksa ang isang tao. Kahit pa nanay mo siya.”
Napatingin si Althea sa kanya, may halong gulat at pagtutol sa mga mata.
“Alam kong masakit,” patuloy ni Mara. “Pero hindi ibig sabihin na kapag masaya na ulit siya, nakalimutan na niya ang tatay mo.”
Napailing si Althea. “Hindi ko pa kayang tanggapin ‘yon.”
“At okay lang,” agad na sagot ni Mara. “Hindi mo naman kailangang tanggapin agad. Pero… subukan mong intindihin.”
Tahimik si Althea. Unti-unting humuhupa ang kanyang emosyon, napapalitan ng pagod at kalungkutan.
“Na-miss ko si Papa,” bulong niya, muling pumatak ang luha. “Sobrang na-miss ko siya.”
Agad siyang niyakap ni Mara. “Alam ko.”
“Siya lang ‘yung taong hindi ako iiwan,” patuloy ni Althea, halos pabulong. “Tapos bigla siyang nawala. At ngayon… pakiramdam ko pati si Mama, nawawala na rin sa’kin.”
“Hindi siya nawawala,” mahinahon na sabi ni Mara. “Nagbabago lang ang buhay niya.”
“Pero hindi ako handa sa pagbabago na ‘yon,” sagot ni Althea.
“Wala naman talagang handa,” sabi ni Mara. “Pero darating ka rin doon.”
Napapikit si Althea, pinapakinggan ang mga salita ng kaibigan. Hindi niya alam kung tama ba ito o hindi, pero kahit papaano, may konting ginhawa siyang naramdaman.
“Galit pa rin ako,” amin niya.
“Okay lang ‘yan,” sagot ni Mara. “Hindi naman agad nawawala ‘yan.”
“Pero… may part sa’kin na naguguilty,” dagdag ni Althea. “Dahil kahit paano… nakita ko na masaya si Mama.”
Ngumiti nang bahagya si Mara. “Kita mo?”
“Pero hindi ko pa rin tanggap,” mabilis niyang dagdag.
“Hindi naman kailangan agad,” sabi ni Mara. “Ang mahalaga… inaamin mo kung ano talaga ang nararamdaman mo.”
Napabuntong-hininga si Althea at sumandal sa couch. Pagod na pagod na siya—emosyonal, mental, at pisikal.
“Pwede ba akong dito muna matulog?” tanong niya.
“Of course,” agad na sagot ni Mara. “Andito lang ako.”
Napangiti nang bahagya si Althea. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan, may isang bagay siyang sigurado—hindi siya nag-iisa.
At habang unti-unti siyang pinapatulog ng katahimikan ng gabi sa apartment ni Mara, dala-dala pa rin niya ang sakit, galit, at pagkalito. Ngunit sa unang pagkakataon mula nang mangyari ang lahat, may kaunting puwang sa puso niya para sa pag-unawa—hindi pa buo, hindi pa malinaw, pero naroon.
At marahil, iyon ang unang hakbang patungo sa pagtanggap, kahit gaano pa ito kahirap.