Simula
Margarette
Minsan iniisip kong hindi mabait ang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay sa mundo, kasi kung totoong mahal niya ang mga tao, wala sanang katulad ko.
"Bilisan mo nga diyan! Magbubukas na ang bar!" may sigarilyo sa pagitan ng mga daliring sigaw ni Mommy Eida, ang may-ari ng bar kung saan ako nagtatrabaho bilang tigalinis.
Tanging tango ang itinugon ko bago mas binilisan ang paglalampaso. Kung sana kasi bumili siya ng mop at hindi lang face towel na sira-sira ang pinamumunas ko, kanina pa sana ako natapos.
Bumukas ang pinto at pumasok ang bumbay na nagpapautang kay Mommy Eida. Nag-usap ang dalawa ngunit ang mga mata ng lalake ay panay ang tutok sa akin. Sa pagkailang ko ay binilisan kong lalo ang paglalampaso nang makapanhik na sa itaas. Naroon ang VIP at sa dulong bahagi ay ang maliit na storage room kung saan ako natutulog. Nang makaakyat ay naabutan ko si Daphne, anak ni Mommy Eida sa kano at ngayon isa na rin sa mga babae sa bar.
"Marga, may mga bago akong libro. Gusto mo hiramin? Regalo ng afam ko. Sabi ko gusto ko ng mga gano'n pero ang totoo bibigay ko lang naman talaga sa'yo," aniya habang ngumangata ng chiklet.
Napangiti ako. "Salamat, Daphne. Tagalog ba?"
Tumango-tango siya. "Bobo tayong pareho sa English, gaga."
Natawa kaming pareho. Maya-maya ay nagsindi na rin siya ng Marlboro saka niya inipit ang bagong rebond na buhok sa likod ng tainga.
"Hindi na yata talaga kukunin si ate Lumi. Baldado pala kaliwang katawan," balita niya.
I sighed. Nang magtungo ako sa banyo ay sumunod siya para makapagsalamin. "Sayang naman. Ang liit pa man din ng kita ng asawa niya sa pagbabarker."
"Eh, wala tayong magagawa. Na-stroke, eh." Marahan niya akong tinapik sa balikat. "Baba muna ako. Tignan ko si Mommy."
Tanging tango ang isinagot ko. Nang makaalis siya ay piniga ko sa banyo ang pamunas bago isinampay. Nang makapagsabon ng mga kamay ay dumiretso ako sa storage room at binuklat ang nabili kong diksyunaryo noong nakaraan.
Labing walong taong gulang na ako ngunit hindi pa rin ako gaanong mahusay magbasa. Tanging iyong mga simpleng wikas Ingles lamang ang naiintindihan ko dahil kahit kailan naman ay hindi ko naranasang tumapak sa eskwelahan.
Ang alam ko lang, sanggol pa lamang ako ay bitbit na ako ni Mama rito. Isa siya sa pinakamatagal na naging babae ni Mommy Eida. Maraming parokyano at malakas magpasok ng pera sa bar. Nabuntis daw noon ng mayamang lalake kaya lang ay hindi naman ako inako kaya bumalik sa bar pagkapanganak sa akin.
Kapag nasa trabaho raw ang Mama ko, rito sa storage room ako iniiwan. Nagsasalit-salit ang mga tagalinis sa pagbabantay sa akin noong sanggol ako. Nang medyo lumaki na, hinahayaan na lamang akong libangin ang sarili. Nagbago lamang iyon noong nagsimula nang magtrabaho sa bar si Nanay Lumi.
Ang bar na ang mundong kinamulatan ko, at kung hindi dahil kay Nanay Lumi, baka hindi ako natuto ng ibang mga bagay maliban sa pagpuputa.
Kumirot na naman ang dibdib ko nang maalala si Nanay Lumi. Siya ang nagtuturo noon sa akin kung paano ang tamang pagligo, pagsisipilyo, pati na pagsusuot ng mga damit na siya rin ang nagbibigay. Tinuruan niya ako kung paano ang magsulat at magbasa, pero dahil limitado lamang ang aming oras para sa mga ganoong bagay dahil busy rin siya sa bar, kaunti lang ang natutunan ko.
Matagal niya na akong gustong ampunin kahit salat din silang mag-asawa sa buhay. Kaya lang ay sa laki ng utang na iniwan ng Mama ko matapos niyang umalis sa bar at hindi na muling nagpakita, hindi ako pinayagang umalis ni Mommy Eida.
Na-mi-miss ko na si Nanay Lumi. Na-stroke daw noong isang buwan kaya tinanggal ni Mommy Eida sa trabaho. Balak ko sanang dalawin kung makaungot ako kahit isandaan kay Mommy Eida mamayang gabi tutal Sabado naman at maraming parokyano ngayon panigurado.
Sinubukan kong basahin ang mga salitang may katumbas na wikang Filipino. Dinig ko na ang lakas ng musika sa ibaba pero dahil hindi naman ako nagtatrabaho sa bar kung wala pang lilinisin, inabala ko na lamang ang sarili sa diksyunaryo hanggang sa lumalim ang gabi.
Maya-maya ay kinalampag ako ni Mommy Eida bago niya pwersahang ibinukas ang pinto. "Bumaba ka ro'n at linisin mo 'yong suka ng isang customer. Letse talaga, ang dumi sa ibaba!"
Kaagad akong tumayo at sumunod sa kanya. Nang makuha ko ang panlinis ko ay bumaba ako sa ground floor ng bar. May ilang mga matang sa akin na naman ang tutok habang naglilinis ako kahit na kupas na tee shirt lang naman at tokong na maong ang suot ko. Mukha na nga akong tomboy kung tutuusin pero siguro ay ganoon talaga ang mga lalakeng hayok sa laman. Kahit balot na balot ka ay pagpapantasyahan ka.
Pinagpatuloy ko ang paglilinis. Maya-maya ay tinapik ako ni Mommy Eida. "Umupo ka ro'n sa tabi ng naka-polo."
Kumurap ako't tiningnan ang direksyong itinuro niya. Nang magtama ang tingin namin ng lalakeng tingin ko ay pwede ko nang maging tatay ay payak siyang ngumiti sa akin.
Nalunok ko ang bara sa aking lalamunan. "M-Mommy Eida, hindi naman po ako pokpok, eh."
"Hindi ka nga raw iti-take home. Makikipagkwentuhan lang sa'yo," maganda ang mood niyang sagot. Ngumingisi-ngisi pa siguro ay dahil naabutan na ng pera ng lalakeng nagpapatawag sa akin. "Sige na, huwag ka nang maarte. Mabait naman 'yan. Makapal pa ang bulsa. Kung ayaw mong doon sa grupo ng mga mukhang hindi naliligo kita ibigay, pumunta ka ro'n."
Gumapang ang takot sa aking sistema nang makita ang titig sa akin ng ibang customer. Alam ko namang darating din talaga sa araw na ito dahil mismong anak nga niya ay inilalako niya. Hindi ko lang inasahang ganito kaaga.
Kinurot ako ni Mommy Eida sa tagiliran kaya kahit ayaw ko sana ay para akong tuta na takot na takot habang palapit sa lalakeng pormal ang suot. Nagtataka ako kung bakit dito siya nagtungo samantalang pipitsuging bar lang naman itong Sway.
Ngumiti ang lalake, ngunit hindi gaya ng sa ibang customer, ang kurba sa kanyang mga labi ay tila. . . sa isang ama. May kislap din ng tuwa sa mga mata na para bang ako ang tumapos sa paghahanap niya. Kung bakit ganoon ay hindi ko rin matukoy.
"Hi, bati niya, tila sinusubukang pawiin ang takot ko.
Alanganin akong sumulyap. "H-Hello po."
"I'm Robert. Ikaw si Margarette?"
Pinaglapat ko ang aking mga labi bago ako tumango. "O-Opo."
Lumawak ang ngiti niya ngunit hindi pa rin sa nakatatakot na paraan. "I'm glad to meet you, Margarette." Pinasadahan niya ng tingin ang paligid bago siya bumuntonghininga. "Hindi ka bagay sa lugar na 'to. Masisira ang buhay mo rito, hija."
Napatitig ako sa kanya. "P-Po?"
Muli siyang ngumiti, sa pagkakataong ito ay may dumaan nang awa sa mga mata. "Gusto kitang alisin dito. Babayaran ko sila kung kinakailangan."
Napakurap ako. "I-Ibabahay ho ninyo ako?" Hindi ba ay ganoon ang ginagawa sa ibang babae ni Mommy Eida?
"Oh, not exactly how you think." Inilabas niya ang kanyang mamahaling cellphone. "See? May asawa't anak ko, Margarette."
Muli akong lumunok nang uminit ang aking pisngi, takot na baka napansin niyang masyado akong natutok sa anak niyang lalakeng nakangiti sa larawan. Tila masungit ang mga mata ngunit matamis ang kurba sa mga labi. Guwapo ngunit may kung anong nakatatakot sa awra.
"K-Kung gano'n po ay. . . bakit kayo nandito? Hindi n'yo ba mahal ang asawa n'yo?"
Mahina siyang natawa. "Mahal na mahal ko si Emma. Sadyang may dahilan lang ako kung bakit ako nandito." Payak siyang ngumiti. "Aalisin kita rito, Margarette. Titira ka sa bahay namin, mag-aaral ka, babaguhin mo ang kapalaran mo."
"P-Pero. . . bakit ho ninyo 'yon gagawin?"
Lumamlam ang mga mata niya. "Dahil kilala ko ang tatay mo, Margarette. . . at ipinangako kong hahanapin kita."
Umawang ang aking bibig. "P-Po?"
A small smile made its way to his lips. "Anak ka ng best friend kong si Alan. . . at hindi nababagay sa lugar na ito ang nag-iisang anak ng isang namayapang bilyonaryo so I'm going to save you from this place, Margarette. That's the oath I made to your father before he passed away. . . "
Gusto kong tumawa noong una, ngunit nang tawagin na niya si Mommy Eida para sabihing babayaran niya kung ano man ang kailangang bayaran ay pakiramdam ko masyadong naging mabilis ang mga pangyayari.
"Isasama ko na siya ngayon," sabi ni Robert kay Mommy Eida bago ako sinenyasang tumayo.
Masyado akong naguluhan. O siguro ay nagulat sa mga rebelasyon. Bilyonaryo raw ang tatay ko? Aalis na ako sa lugar na ito?
Nagtama ang tingin namin ni Daphne. Kahit siya ay sumenyas na kumilos na ako kaya kahit hindi ko pa lubusang napuproseso ang lahat ay natagpuan ko ang sariling bumubuntot kay Robert palabas.
"A-Ano ho ang. . . itatawag ko sa inyo?" nahihiya kong tanong habang panay ang silip sa malaking bahay kung saan niya ipinarada ang mamahaling kotse.
Ngumiti siya sa akin. "You can call me Dad from now on. Wala nang ibang kamag-anak si Alan na pwedeng kumupkop sa'yo at nakasulat sa last will and testament niyang ako at ang asawa ko ang magiging legal guardian mo oras na mahanap kita." Kinalas niya ang kanyang seatbelt. "Let's go, Margarette. Ipakikilala kita kina Emma at Rig."
Humigop ako ng hininga bago ko inalis ang seatbelt ko. Nanginginig pa ang kamay ko kaya medyo nahirapan. Mahina tuloy siyang natawa bago ako tinulungan.
"There you go."
Pilit akong ngumiti saka na lumabas ng kotse. Halos malula pa ako nang mas matitigan nang maayos ang napakalaking bahay. Parang palasyo! Puti ang pintura't may ilang detalyeng kulay ginto. Kahit saan din tumingin ay malinis. Pakiramdam ko tuloy ay ako lamang ang marungis sa lugar.
"Good evening po, Sir. Hindi pa ho kumakain sina Ma'am Emma at Sir Rig. Hinihintay ho kayo pero nasa dining room na ho sila," bungad ng katulong na panay ang sulyap sa akin.
Daddy Robert smiled at the maid. "Pakihanda mo 'yong guest room na katabi ng kwarto ni Rig. Bukas ko na pabibilihan ng ibang mga kailangang gamit."
Tumango ang maid. Inaya naman ako ni Daddy Robert na dumiretso sa dining room pero dahil panay ang ikot ng mga mata ko sa paligid para hangaan ang lugar ay hindi ko na napansing nakaawang ang bibig ko nang marating namin ang dining room.
"Emma, I found her," may tuwa sa tinig na balita ni Daddy Robert sa may edad na rin ngunit pagkaganda-gandang babae.
Ngumiti siya sa akin nang tumayo upang lapitan ako. "Kahawig nga ni Alan, honey." Inipit niya ang ilang hibla ng aking buhok sa likod ng tainga. "Ang ganda-ganda mo, hija--"
"Who is she?" tanong ng baritonong boses. Hindi man lamang sinubukang itago ang disgusto sa kanyang tono.
Sabay-sabay naming nilingon ang lalakeng nakaupo sa silya't salubong ang masusungit na mga kilay. Nang nagtama ang aming tingin ay umigting pa ang kanyang panga't inirapan ako bago ibinaling kay Daddy Robert ang kanyang atensyon.
"We don't need a new maid," aniya.
"Rig, please," sita ng ginang bago ako hinawakan sa magkabilang braso. "From now on, ang itatawag mo sa akin ay Mommy Emma. You're now a part of this family."
Lumunok ako. "H-Hindi ho ako. . . gaanong mahusay sa Ingles, ha?"
Umismid ang lalakeng nagngangalang Rig. "Bobo."
"Rig," may pagbabanta nang sita ni Daddy Robert.
Tumayo si Rig. Ang masungit na mga mata ay matalim na tumitig sa akin, at nang humakbang siya palapit sa aming direksyon ay tila biglang lumagabog ang dibdib ko lalo na noong tapatan niya ako't pinakatitigan na tila sinusubukan akong sindakin sa kanyang tangkad.
"Sino kang sampid ka, hmm?" tanong niya.
"Will you stop? Anak siya ng tito Alan mo, so please. Huwag mong pakitaan ng kagaspangan ng ugali mo," si Daddy Albert.
Ngumisi si Rig. "Anak pala ng trumaydor sa'yo, Dad tapos patutuluyin mo rito?" Naningkit ang mga mata niya sa akin. "Do us a favor. Lumayas ka rito o pagsisisihan mong tumapak ka sa pamamahay na 'to."
"Don't listen to him, Margarette. He's just having a bad day," si Mommy Emma bago tinitigan si Rig saka umiling-iling.
Inakay na niya ako upang maupo, at nang muli kong sulyapan si Rig ay nalunok ko na lamang ang aking laway matapos makita kung gaano kadilim ang titig niya sa akin bago siya lumabas ng dining room. Tinatawag pa siya ni Daddy Robert ngunit talagang hindi na siya lumingon. Napabuntonghininga tuloy ako.
Mukhang si Rig ang magiging numero unong dahilan kung bakit pagsisisihan kong sumama ako rito. . .