Chapter 4

2204 Words
Marahas kong binalik sa kanya ang kanyang coat pagkatapos ay pumasok na ulit ako sa loob ng bar. Hindi ko maitago ang iritasyong nararamdaman dahil sa Engineer na iyon. He is fcking flirting with me! Damn! Napaka walanghiya! Hindi man lang ba niya naisip si Caryl? He’s really a damn as*hole! Oo, mahilig akong makipaglaro sa mga lalaki pero hinding hindi ako mang-aagaw, lalo na kung sa kaibigan ko pa! Ano bang akala ng Engineer Santiago na iyon?! Kaya niya kaming pagsabaying magkaibigan? Pagbalik ko sa loob ay nandoon na ulit si Caryl at Joyce sa pwesto namin. Pinilit kong itago ang iritasyong nararamdaman para hindi masira ang saya namin ngayong gabi. "Nasaan ni Jude?" kunot noong tanong ni Caryl habang palinga-linga sa paligid. "He's outside," I answered. Ang balak kong huling inom kanina ay hindi ko natuloy. Kumuha ulit ako ng isa pang shot ng vodka at walang alinlangang nilagok iyon. "Magkasama kayong lumabas?" napabaling si Caryl sa akin. Magsasalita pa sana ako kaso ay naunahan na akong magsalita ng isang lalaki mula sa likuran ko. Napairap ako nang marinig ang boses niya. "Nauna siyang lumabas, sumunod ako," ani Engineer Santiago na siyang lalong nagpa-init ng ulo ko. What. A. Fcking. As*hole! Gusto ko siyang sampalin ulit ngunit pinigilan ko lang ang aking sarili. "Hindi siya sumunod," mariin at malamig kong sagot. "Oh… yeah," bakas ang pagiging sarkastiko ng kanyang boses. Umupo siya sa tabi ni Caryl, ngunit malalim ang titig niya sa akin. Tila ba tinatakot ako. Hindi ako nagpatalo, matalim din na tingin ang ibinigay ko sa kanya. Gusto kong iparating na hindi ako natatakot sa mga sasabihin niya. Baka nga mas dapat pa siyang matakot sa mga maaari kong sabihin sa aking kaibigan. "Uh… siguro ay umuwi na tayo. Medyo inaantok na ako," ani Caryl, mukhang napansin ang namumuong tensyon sa pagitan namin ng katabi niya. "Oo nga. Maaga pa ako sa trabaho bukas—I mean, mamaya pala," dagdag ni Joyce. Binaling ko ang tingin sa aking mga kaibigan. "Mabuti pa nga. Pagod na rin ako…" sang-ayon ko. Si Engineer Santiago ang nagbayad ng mga ininom namin, o mas tamang sabihin ng mga ininom nila. Nagbayad pa rin ako kahit binayaran niya ang ininom ko. Ayokong magkaroon ng utang na loob kahit kanino, lalo na kung sa isang lalaking tulad niya. Pagdating sa bahay ay bagsak agad ako sa kama. Ni hindi ko na nagawang magbihis dahil sa sobrang pagod. Amoy wine ang katawan ko dahil sa mantsa sa aking damit. Maaga pa rin akong nagising kahit na madaling araw na akong nakauwi. Sobrang sakit tuloy ng ulo ko. Naligo agad ako para kahit papaano ay mawala ang bigat na nararamdaman. Binuksan ko ang shower at hinayaan ang tubig na dumaloy sa aking katawan. Nanatili ako sa tapat nito. Nakapikit ang mga mata ko habang tumatama ang tubig sa aking mukha. May mga pagkakataon na gusto kong maging mahina. Katulad ngayong umaga, ganito ang nararamdaman ko. Hindi ko ito kayang ipakita kahit na kanino – kahit pa kay Mama. Gusto kong ipakita sa lahat na malakas ako. Gusto ko ay ako lang ang nakakaalam ng tunay na kahinaan ko. Ayokong malaman ito ng iba, dahil kapag nalaman nila, maaari nila itong gamitin laban sa akin. Hindi ko gusto iyon. In their eyes I am strong and tough, but deep inside my heart… I am vulnerable… miserable… Pagkatapos kong maligo ay bumaba na ako. Ngiti agad ang sinalubong ko kay Mama at Tita Beverly. Nakisalo ako sa kanilang agahan. "Mabuti naman hindi ka nagmamadali ngayon," ngiti ni Mama sa akin. Lumapit ako sa kanya at hinalikan siya sa pisngi. Umupo ako sa tabi niya. "Wala naman pong masyadong gagawin sa opisina ngayon. Bibisita lang siguro ako doon pagkatapos ay uuwi rin kaagad." "Mabuti naman. Magkakaroon ka na ng oras sa akin," nakangiti siya ngunit alam kong may bahid ng pagtatampo ang kanyang sinabi. "Uuwi po ako kaagad," ngiti ko. "Ano bang gusto mong gawin natin ngayon? May gusto ka bang puntahan?" Umiling siya. Hinawakan niya ang aking mga kamay. "Gusto ko nandito ka lang sa bahay. Tuwing gabi kasi ay wala ka. Kami lang dalawa palagi ni Beverly ang kumakain tuwing hapunan. Sana naman ngayon ay makasabay ka na sa amin." Parang kinurot ang puso ko dahil sa sinabi ni Mama. Sa sobrang abala ko sa trabaho at ibang bagay… hindi ko na namamalayan na hindi ko na nabibigyan oras si Mama. "Sige po," buong puso kong sabi. Kaya naman pagkatapos kong kumain ng agahan ay nagtungo na ako ng opisina. Maaga akong umalis para hindi na maabutan ang traffic. Tutuparin ko ang pangako ko kay Mama. Ramdam ko naman na nagtatampo siya sa akin ngayon. Kahit na hindi niya iyon sabihin, nakikita ko sa mga mata niya ang lungkot tuwing umaalis ako. Simula kasi nang mamatay si Papa ay ako na ang namahala sa kumpanyang inalagaan nila. Noong una, hindi ko alam kung kaya ko bang akuin ang responsibilidad na iyon. Bago mamayapa si Papa ay itinuro niya sa akin kung ano nga ba ang dapat kong malaman. Kaso, natatakot ako na baka ako ang maging dahilan ng pagbagsak ng kumpanyang iningatan nila ng maraming taon. Mahal na mahal ko si Mama at Papa. Sila ang rason kung bakit nandito pa rin ako hanggang ngayon. Sila ang dahilan kung bakit nakaya ko ang lahat ng pagsubok sa buhay. Gagawin ko ang lahat para suklian ang ibinigay nilang pangalawang buhay sa akin. Pagkatapos ng tanghalian ay umalis na ako sa opisina. Inayos ko lang ang schedule ko at niluwagan ito sa mga susunod na araw. Meron akong meeting ngayong hapon ngunit ipinagpaliban ko na iyon dahil sa pangako ko kay Mama. Habang nagmamaneho ako pauwi ay tumigil ang sasakyan ko sa isang pamilyar na building. Tiningala ko ang matayog na gusaling ito. Nakapunta na ako dito. Ngunit hindi na ako babalik kahit kailan. Ang mga alaala ay tila agos ng ilog na bumabalik sa aking isip… "Kellie, ang laki talaga ng building na ito. Hindi ako makapaniwala na sa atin na rin ito ngayon!" namamanghang sabi ni Ate habang tinitingala ang mataas na building na pag-aari ni Martino. "Tara pumasok tayo sa loob!" Hinila ako ni Ate papasok sa loob. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay hindi naman kami karapat-dapat dito. Oo nga't nabihisan na kami ng maganda, wala na sa mukha namin ang pagiging mahirap, pero hindi ko pa rin maramdaman na tama ang mga nangyayari. Pakiramdam ko ay mali ang lahat… Ang mga nangyayari ay mali… Pagpasok namin ay may sumalubong sa aming isang babae. Pormal ang kanyang suot at sa tingin ko ay dito siya nagtatrabaho. Sinamahan niya kami hanggang nakarating sa opisina ni Martino. Nasa ikahuling palapag ang opisina niya. Pagbukas pa lang ng elevator ay malawak na silid na ang bumungad sa amin. Sa mga malilinaw na salamin ng bintana ay nakikita na ang kabuoan ng siyudad, pati ang ulap ay tila abot kamay na rin. Bumaba na ulit ang babaeng naghatid sa amin. Kami na lang ang naiwan ni Ate. Si Martino ay nakatayo sa tapat ng isa sa mga bintana. Ang mga kamay niya ay nakalagay sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon. Humarap siya sa ng may ngiti sa labi nang maramdaman ang presensya namin. "Nandito na kayo," aniya at lumapit na sa amin. Isang hakbang pabalik ang ginawa ko dahil sa hindi malamang dahilan. Gusto kong magtago sa likod ni Ate dahil, sa totoo lang, natatakot ako kay Martino. "Tara…" inilahad niya ang kanyang kamay, kinuha ito ni Ate. Napabitiw ako sa aking kapatid. Maliliit na hakbang ang ginawa ko habang sumusunod sa kanila. Bakit ba kasi kailangan pa akong sumama dito? Lumiban ako sa klase ngayong araw para lamang dito… dahil iyon din ang gusto ni Martino. Si Ate lang naman ang tuturuan niya pero gusto niya'y nandito rin ako. Umupo ako sa sofa habang si Martino ay may tinuturo kay Ate doon sa kanyang mesa. May pagkaing dumating ngunit hindi ko ito ginalaw. Nanatili akong tulala, nag-iisip kung saan nga ba si Nanay ngayon. Ang sabi kasi niya'y binigyan siya ng ticket ni Martino pauwi sa probinsya. Sana'y sinama na lang niya kami ni Ate. "Tito, saan po ang C.R. dito? Iihi muna ako," tanong ni Ate nang nasa kalagitnaan na sila ng kanilang ginagawa. Tiningnan ko ang gawi nilang dalawa ni Martino. "Dito meron, pero sira ang faucet. Doon ka na muna sa baba mag CR," nakangiting sagot Martino. Tumango si Ate. Inayos niya ang kanyang suot pagkatapos ay tumungo na sa elevator. Nagkatinginan kami ni Martino, takot ang bumalot sa aking puso nang ngumiti siya sa akin. Tumayo kaagad ako para sumama kay Ate. Mabuti na lang ay hindi pa nagsara ang pintuan ng elevator kaya naabutan ko siya. Malalim na hininga ang pinakawalan ko dahil sa kabang naramdaman. "Ayos ka lang, Kellie?" "Oo, ate…" nanginginig kong sagot. Isang malakas na busina mula sa likuran ng aking sasakyan ang siyang nagpabalik sa akin sa realidad. Tinuwid ko ang tingin sa daan. Nakalayo na pala ang sasakyang nasa unahan ko. May ibang sasakyan na rin ang nakasingit kaya naipit na naman ako sa mga ito. Humigpit ang kapit ko sa manibela. Galit ang nararamdaman ko sa tuwing naaalala ang pangyayari sa nakaraan. Hanggang kamatayan ay dadalhin ko ang mga panangyayaring iyon. Pakiramdam ko'y hindi ako magkakaroon ng katahimikan hangga't ginugulo niya ang isip ko. Pag-uwi ko, isinantabi ko muna ang mga iyon para hindi mahalata ni Mama na may kakaiba na naman sa akin. Dumiretso agad ako sa kwarto niya. Naabutan ko siyang nagbabasa ng isa sa mga makalumang librong paborito niya. Nakaupo siya sa kama habang nakasandal sa headboard. Inayos niya ang kanyang salamin at dumako ang mga mata niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya pagkatapos ay lumapit na. "Akala ko hindi ka tutupad sa usapan," binaba ni Mama sa kanyang kandungan ang librong hawak niya. "Pwede ba 'yun, Ma?" umupo ako sa tabi niya. Kinuha ko ang libro sa kanya. "Pride and Prejudice, huh? Ilang beses mo na itong nabasa, Ma…" "You know, I love reading when I'm bored," she smiled at me. "Simula nang maging busy ka, lahat ng libro ko ay paulit-ulit ko na lang binabasa." "Hmm, you want me to buy you new books?" sinarado ko ang libro pagkatapos ay inilagay 'yun sa kabilang gilid ko. "Okay. Para mag bago ulit akong babasahin." "Sige, Ma." Ngumiti siya. Noong unang beses akong dumating sa kanila ni Papa, takot na takot ako. Nahihirapan akong magtiwala… lalo na sa mga lalaki. Natatakot ako kay Papa noon. Hindi siya makalapit sa akin. Iniisip ko kasi na baka katulad niya si… But then, I was wrong. Ibang-iba si Papa sa lahat. Marami siyang bagay na itinuro sa akin, sila ni Mama. I am so lost, almost close to giving up. Good thing, they came. Pinulot nila ang isang tulad ko. Isang bata na wala ng patutunguhan. Isang bata na hindi naman nila kaano-ano pero kinupkop pa rin nila. Ang akala ko noon, malupit ang mundo at ang mga tao sa mundong ito ay malupit din. Hindi naman pala lahat dahil may mga tao mabubuting tao rin naman… at ang mundo ay hindi malupit. Hindi nila ako tunay na anak ngunit kahit kailan ay hindi ko naramdaman na iba ako sa kanila. Hindi nila kinuwestyon ang mga naranasan ko. Malaki ang pasasalamat ko dahil natagpuan nila ako. Si Mama ay hindi maaaring magbuntis, kaya kinupkop nila ako nang makita akong nakatira sa isang gasoline station. Hindi ko alam kung bakit ako pa, ano bang espesyal sa akin? Pwede naman silang humanap ng bata sa ampunan, pero bakit ako pa ang napili nilang kunin? Isang batang lansangan. "Kumusta ka na, anak?" hinawakan ni Mama ang aking kamay. Ang sarap talaga sa pakiramdam tuwing naririning ko ang salitang 'anak' mula sa kanya. "Ayos naman, Ma. Madalas pagod," inihilig ko ang aking ulo sa kanyang balikat at sinarado ang aking mga mata. "Huwag kang masyadong magpapagod. Ingatan mo rin ang sarili mo anak." "Opo." Mahabang katahimikan ang bumalot sa amin bago ulit magsalita ni Mama. "May boyfriend ka na ba?" tanong niya. Isang tanong na siyang ikinagulat ko. Napamulat ako. Nagkatinginan kami at kunot ang aking noo. "Ma, alam mo naman na ayoko ng mga ganyang tanong…" iling ko. Ayokong napupunta ang usapan namin tungkol sa ganitong bagay dahil alam naman niya ang magiging sagot ko. "Natanong ko lang naman, 'nak," ngiti niya. Hinawi niya ang aking buhok. "Baka mamaya ay may nakilala ka ng lalaki na magpapabago sa pananaw mo." "Wala na siguro," nagkibit-balikat ako. "Alam mo naman na gusto ko ay iyong katulad ni Papa. Wala siyang katulad dito sa mundo. Ibig sabihin, wala na akong mahahanap na kagaya niya." Ngumiti si Mama. Muli niyang hinawi ang buhok ko pagkatapos ay hinawakan ang aking mga kamay. "Alam mo, Kellie… hindi naman lahat ng lalaki ay nananakit. Minsan meron ding lalaki na bubuo sa 'yo." "Kaya ba nilang buoin ang isang tulad ko, Ma?" mapait kong tanong. "Hindi ako basag… durog ako. Susuko rin sila kapag nalaman nilang ganito ako." "Nasasabi mo lang yan ngayon, anak," malambing na sabi ni Mama. "Pero kapag dumating ang tamang lalaki, magbabago rin ang pananaw mo." Sana… pero sa tingin ko'y malabo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD