Chapter 4

2194 Words
Ramona Nagising na lang ako dahil sa maliliit na sampal sa pisngi ko. Ano ba ang nangyari? Pagmulat ng mga mata ko ay naaninag ko si Henry at Manang Iska. Halata sa mga mata nila ang pag-aalala. Pero bakit kaya? Napakalambot ng inuupuan ko. Alam kong walang ganitong klaseng upuan sa bahay namin. Ang sarap mahiga at matulog dito. "Hey! Do you still need a rest or what? Kaya mo ba talagang magtrabaho dito?" Namilog ang mga mata ko sa narinig ko. Ang boses na iyon ang labis na nagpatindig ng balahibo ko. Saka ko lamang naalala si-- Trebor! Napabalikwas ako mula sa pagkakaupo sa malambot na sofa. Paglingon ko sa aking kanan ay nakita ko doon si Papa Trebor. Nakasandal sya sa wooden cabinet na may modernong desenyo. Malagkit ang mga tingin nya sa akin. Naalala kong bigla na napasubsob ako sa makisig nyang dibdib kanina. Kumapit sa ilong ko ang halimuyak ng pabango nya. Nakatitig lamang ako sa kanya at hindi nawala ang ngiti sa mga labi ko. Bigla kong naramdaman ang malakas na pagsiko sa akin ni Henry sa tagiliran. "Ouch! Ano ba?" Pagrereklamo ko Inilapit nya ang bibig nya sa tenga ko. "Tinatanong ka nya kung kaya mo daw ba ang trabaho? Hinimatay ka lang naman kanina." Bulong ng bakla kong kaibigan. Tumindig ako ng maayos. Kaya pala ang lalim ng mga tingin sa akin ni Trebor ay dahil inaakala nyang hindi ko kaya ang trabaho dito sa kanyang mansyon. Ang hindi nya alam ay kakayanin kong lahat basta para sa kanya, basta makasama ko lang sya araw-araw. "Sir, kakayanin ko po ang trabaho dito. May inspirasyon ako para magawa ang lahat ng gawain ko dito sa mansyon. Kahit anong trabaho kakayanin ko." Sabi ko nang hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ko. Nakita kong napahalukipkip si Trebor at mas nilaliman pa ang tingin sa akin. Ganito pala ang pakiramdam kapag kaharap mo na ang taong mahal mo. Hindi ako makakilos sa mga tingin nyang nakakabaliw. "Then, who is your inspiration young lady?" Tanong nya. Napalunok ako sa tanong nya. Napakagat labi ako at napahawak sa aking batok. "Yari ka ngayon girl." Dinig kong bulong ni Henry. Ngunit ngumisi lang ako sa kanya. Winagayway ko ang aking buhok at kinindatan ko si Papa Trebor. Nagkunot ang noo nya sa akin. Nawiwirduhan siguro sya sa mga ikinikilos ko. Panahon na siguro para malaman nya ang pagmamahal ko sa kanya. Matagal ko na itong itinatago at hindi na mapigilan ng puso ko. Kailangan na nyang malaman-- na mahal ko sya. "Ikaw ang inspirasyon ko Trebor. Mahal kita. Mahal na mahal!" Sabi ko Ang mga ngiti ko ay abot hanggang tainga. Si Henry ay napanganga sa mga sinabi ko. Kaagad  nyang hinatak ang buhok ko na para bang binabalaan ako. Nakakainis naman ang kaibigan ko, panira ng magandang moment. Pati si Manang Iska ay napahawak sa braso ko at pinisil nya iyon ng bahagya. Pero bakit? May mali ba sa mga sinabi ko? Nagpapakatotoo lang naman ako. Ilang saglit lang ay narinig ko ang malakas na tawa ni Trebor. Ikinagulat namin ang mga halakhak nyang iyon. Ako naman ang nagbigay sa kanya ng kunot na mga noo. Ano bang nakakatawa? Nakakatawa ba ang sinabi kong mahal ko sya? "You are so funny young lady. You made my day." Wika nya Kaagad na syang tumalikod at umalis sa harapan namin. Pero patuloy pa rin sya sa pagtawa na tila nababaliw na. Kakaiba naman si Trebor, tinawanan lang nya ang mga sinabi ko. Kung alam lang nya na bukal sa puso ang mga sinasabi ko. Nakakainis naman. "Nababaliw ka na talaga Ramona! Bakit mo sinabi iyon kay Sir? Wala ka na talagang natirang kahihiyan sa katawan?" Biglang wika ni Henry Lumapit pa sa akin si Manang Iska at hinawakan ang mga palad ko. "Hija, sa susunod ay maghinay-hinay ka sa mga sasabihin mo kay Sir Trebor. Hindi sa lahat ng oras ay nasa magandang kondisyon ang utak nya. Ayoko ng mauulit iyon. Ituring nyo syang amo. Ilayo nyo ang sarili nyo sa kanya dahil magkaiba ang mundong ginagalawan natin kaysa sa kanya. Maliwanag ba?" Mahabang sermon ni Manang Iska Napayuko ako at tila ngayon lang tinablan ng kahihiyan sa balat. "Sorry po Manang Iska. Hindi na po mauulit." Wika ko Napakagat labi ako at labis na nagsusumamo sa kapatawaran ni Manang. "Oh sya sige na, ihahatid ko kayo sa kwarto nyo at maya-maya lang ay magsisimula na tayo ng trabaho." Wika nya Tumango lang ako. Tila pinanghinaan ako ng loob. Hindi pala maganda ang ipinakita ko kay Trebor kanina, masyado akong natuwa at nakampante nung kausapin nya ako. Sya pa rin pala ang amo namin. At kailanman ay hinding hindi magtatagpo ang mga mundo naming dalawa. "Okay lang yan Friend. Bonus na lang sa atin na lagi natin syang makikita. Tanggapin mo na lang na hanggang doon na lang tayo. Hanggang tingin na lang tayo sa kanya. Hanggang pangarap na lang sya." Wika ni Henry na lalong dinagdagan ang bigat ng nararamdaman ko. Marahan akong tumango sa kanya. Bagsak balikat akong naglakad papunta sa aming kwarto habang sinusundan si Manang Iska. Napalingon muli ako sa direksyon kung saan nagtungo si Trebor. Sana magkaroon ng himala. Sana ay matulungan ako ng libro ng gayuma na binili ko para makuha ang pag-ibig ni Trebor. Ngayong malapit na sya sa akin ay maisasakatuparan ko na ang mga nakasulat sa libro kung paano mapapaibig ang taong gusto ko. Pero syempre ililihim ko iyon kay Henry dahil napakadaldal nyang nilalang. -- Pagdating namin sa kwarto... Medyo nabigla ako dahil malaki ang kwartong iyon para sa amin ni Henry. Mas doble ang laki nito kaysa sa tinutuluyan kong barung-barong. "Ayos lang ba sayo hija na magkasama kayo ni Henry sa iisang kwarto?" Tanong ni Manang Iska Napalingon ako kay Manang. Inilalagay ko kasi ang mga gamit ko sa malaking built-in cabinet nang magtanong sya sa akin. "Ayos lang naman po Manang. Mas babae pa sa akin yang si Henry eh." Wika ko "Kaloka!" Sambit ni Henry Ngumiti sa amin si Manang. "Ayusin nyo muna ang mga gamit nyo. Hihintayin ko kayo sa kusina para ipaliwanag ang gawain nyo dito sa mansyon." Wika ni Manang Iska "Sige po Manang. Salamat po." Wika ni Henry "Salamat po ng marami." Dagdag ko Pagkaalais ni Manang Iska ay kaagad kong inilabas mula sa aking bag ang malaking picture frame na may larawan ni Trebor. Sabik na sabik kong ipinatong ang picture frame sa lamesita na nasa gilid ng kama ko. Masaya kong pinagmasdan ang mahal ko. Kinuha ko muli ang frame at pinunasan ito. Tila may alikabok kasing nakakapit doon. Ayokong nadudumihan ang mukha nya. Larawan pa lang nya ay alagang alaga ko na, ano pa kaya kung sa totoong buhay na? Kaagad ko ring ibinalik ang picture frame sa pwesto nito at pinagmasdan ko ang kagwapuhan ng mahal kong si Trebor. Maya-maya lang ay nakaramdam ako ng malakas na batok galing sa aking kaibigang si Henry. Kahit kailan talaga ang baklang ito oh, laging panira ng maganda kong pag-iilusyon. "Ano friend? Tititigan mo na lang si Sir Trebor dyan? Hinihintay na tayo ni Manang sa kusina. Baka mapatalsik ka agad kapag babagal bagal ka!" Bulyaw nya sa akin. Sa narinig ko kay Henry ay kaagad akong tumayo ng tuwid. Hindi ako pwedeng mapatalsik sa mansyong ito. Hindi ko pa nga nagagayuma ang mahal ko, kaya hindi ako maaaring umalis dito. "Halika na. Ikaw ang makupad kumilos eh. Bilis!" Wika ko Ang bilis kong narating ang labas ng pintuan ng kwarto at umakto akong pinagmamadali ang kaibigan ko. Napanganga sya sa akin dahil naunahan ko sya doon. Akala nya siguro ay hindi ako seryoso sa pagtatrabaho sa mansyong ito. Nandito na ako sa balwarte ng mahal ko kaya hindi ko sasayangin ang bawat segundo ng buhay ko dito. Pagdating namin sa kusina... Naabutan namin doon si Nanay Iska kasama ang dalawang babae na sa tingin ko ay kasambahay din sa mansyong ito. Ngumiti sa amin ang isang babae at kumaway. Malambing sya at sa tingin ko ay palaging masayahin. Sa tingin ko rin ay nasa beinte dos anyos na ito. Ngunit ang isa namang babae ay pinagmasdan lang kami at nagbigay ng isang masamang tingin sa amin, lalo na sa akin. Pinagmasdan nya ako mula ulo hanggang paa at umarko ang kilay nya nang mapadako ang tingin nya sa aking buong mukha. Nakaramdam ako ng kaunting pagkailang sa kanya. Hindi ko alam kung bakit tila mainit ang dugo nya sa akin. Sa tingin ko naman ay nasa beinte sinco anyos na sya. "Hi guys, ako nga pala si Grace. Isa ako sa mga makakasama nyo dito." Magandang bungad nung babaeng masiyahin at mabait. Napatingin si Manang Iska sa aming gawi. "Oh, tamang tama ang dating ninyong dalawa. Maupo muna kayo dito at mag-almusal bago tayo magsimula ng ating gawain." Wika ni Manang Inayos ni Grace ang mga silya na syang pag-uupuan namin ni Henry, talagang likas ang kabaitan nya. Yung isa namang babae ay patuloy lang sa pagnguya ng kinakain nyang sinangag at itlog. "Sila nga pala ang mga makakasama nyo dito sa mansyon. Sina Grace at Lilibeth. Magpakilala naman kayo sa kanila hijo at hija." Wika ni Manang Iska. Hindi ko talaga alam kung ano ang problema nung Lilibeth. Lalong umasim ang mukha nya sa amin ni Henry. "Hellooo! I'm Henry. Mabait, masipag at masunurin. Sana ay maging magkakaibigan tayong lahat." Masayang pagpapakilala ng bakla kong kaibigan. Si Grace ay tuwang tuwa sa kanya at nakipag-high five pa sa kaibigan ko. Nagulat naman ako kay Lilibeth dahil tila gusto nya rin si Henry, napangiti sya nang magsalita ang kaibigan ko. Akala ko ay hindi nya rin gusto ang kaibigan ko pero sa nakikita ko ay parang natutuwa sya kay Henry. Nakakainggit naman. "Mukhang magkakasundo tayo." Maikling wika ni Lilibeth Ilang saglit pa ay napatingin silang lahat sa akin. Hinihintay nila akong lahat na magpakilala. "Ang gandang bata naman nito. Napakaperpekto ng mukha. Ang tangos ng ilong, ang pula at ang kipot ng mga labi. Yung mata nya kulay brown? Sana all, maganda!" Wika ni Grace. Bigla akong nahiya sa mga sinabi nya. Ayoko pa naman na napapansin ang itsura ko. Saka, hindi ako nagagandahan sa sarili ko. Napakasimple ko nga lang eh. Pero salamat na rin at may nakakapansin ng kagandahan ko. Napahawak tuloy ako sa aking batok sa sobrang kahihiyan. Biglang nagawi ang paningin ko kay Lilibeth. Bigla akong natakot sa itsura nya. Sobrang galit na galit sya. Hindi ko alam kung kanino sya galit. Sa akin ba? Hindi ko alam. "Ahhmm, a-ako n-nga pala si Ramona. Mona for short. Sana maging maayos ang samahan natin dito." Wika ko na halata ang kaba sa aking boses. Naupo na akong muli sa aking silya at hindi na tumingin pa kay Lilibeth. Pakiramdam ko ay mas lalong lumalalim ang pagka-irita nya sa akin. "Naku, gusto nga kitang gawing bestfriend eh, para kahit paano may maganda akong kaibigan." Natutuwang wika ni Grace Pilit akong ngumiti sa kanya dahil talagang naiilang ako sa Lilibeth na iyon. Iritableng tumayo si Lilibeth at nagpunta sa kung saan. Bahagyang lumuwag ang dibdib ko nang mawala sya sa paningin ko. "Sige kumain na kayo." Pagyaya ni Manang Iska Kanina pa rin ako nagugutom kaya tamang tama ang pagyaya sa amin ni Manang. Sa tingin ko ay mas kumportable ako kapag wala ang presensya ni Lilibeth. Ngunit maya-maya lang ay bumalik ulit ang babaeng kinaiilangan ko-- si Lilibeth. Bumalik sya sa kanyang silya. Sa pagkakataong ito ay naka-red lipstick na sya. May hawak din syang maliit na salamin at inaayos ang lipstick na inilagay nya sa kanyang labi. Sa tingin ko ay eksperto sya pagdating sa paglalagay ng make-up. Hindi ko agad naialis ang mga tingin ko sa kanya kung kaya't nahuli nya akong nakatingin sa kanya. "Anong tinitingin tingin mo dyan? Bilisan mong kumain dahil madami pa tayong gagawin!" Bulyaw nya sa akin. Kaagad kong isinubo ang pagkain sa bibig ko na halos mabilaukan ako sa aking ginawa. "Oh, dahan-dahan lang Mona. Ikaw naman kasi Lilibeth, tinatakot mo ang bata." Wika ni Grace. Mas lalong umangat ang kanyang mga kilay na syang lalong ikinatakot ko. "Hindi ko sya tinatakot. Gusto ko lang malaman nya na dapat mabilis ang kilos dito." Parang naiiritang wika pa ni Lilibeth Binigyan ako ng tubig ni Manang Iska. Uminom ako ng tubig dahil halos hindi ako makahinga sa ginawa kong sunod-sunod na pagsubo ng pagkain kanina. Sa mansyong ito, nakatitiyak ako na ang makakasundo ko at may mabuting puso ay sina Manang Iska at Grace. Nararamdaman ko ang pag-aalala nila sa akin. Ngunit ang Lilibeth na iyon? Ramdam ko ang matinding galit nya sa akin na hindi ko alam kung saan nagmumula. Imbes na ganahan ako sa pagtatrabaho ay may isa pa akong poproblemahin dito. Lagi kong iisipin ang galit sa akin ni Lilibeth. Lagi akong mangangamba dahil mabigat ang dugo nya sa akin. Gusto ko lang namang magtrabaho. Gusto ko lang naman alagaan at pagsilbihan ang mahal kong si Trebor. Pero paano na kung may isang tao ang laging nakamasid sa akin at pakiramdam ko ay laging nag-aabang sa pagkakamali ko. Mukhang isang malaking hadlang sa kaligayahan ko si Lilibeth dito sa mansyong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD