Sa loob ng isang bakanteng classroom, tanging ang tunog ng aircon at ang mahinang pagdaing ni Liam ang maririnig.
Seryoso ang mukha ni Thea habang maingat na nililinis ang sugat sa labi ng binata.
"Liam, listen," mahinang sabi ni Thea habang dahan-dahang hinahawakan ang magkabilang pisngi ni Liam para iharap ito sa kanya.
"Huwag mo nang uulitin 'to. Hindi tama na nakikipag-away ka... saka kaibigan ko lang si Marco. Ang bait nga nung tao,
kwinelyuhan mo agad. Hindi tama 'yun."
"Eh tanga siya, eh! Hindi makaintindi," gigil na sagot ni Liam, kahit ramdam niya ang hapdi ng alcohol. "Sinabi ko nang huwag lalapit sa'yo, lapit pa ng lapit. Kulit ng lahi."
"Seriously, Liam? Dahil lang doon?" napailing na lang si Thea, hindi makapaniwala sa katwiran ng binata.
"Buti hindi mo ako sinasapak, lapit din ako nang lapit sa Kuya mo."
Biglang natigilan si Liam. Tumingin siya nang diretso sa mga mata ni Thea, ang kaniyang pagkairita ay biglang napalitan ng isang malalim at seryosong emosyon.
"Hindi ko naman magagawa sa'yo 'yun," bulong niya.
Nag-iwas ng tingin si Thea, nakaramdam ng panandaliang pagkailang. "Mag-sorry ka kay Marco, ha? Nakakahiya."
"Ayoko nga," mabilis na sagot ni Liam sabay nguso na parang bata.
Diniinan ni Thea ang hawak na tissue sa sugat sa labi ni Liam, dahilan para mapangiwi ito sa sakit. "Aray! Ano ba, Teach!"
"Magsosorry o hindi?" banta ni Thea habang naniningkit ang mga mata.
"Fine! Magsosorry! Pero bakit kailangan ko pang mag-sorry kasi? Ano bang mapapala ko roon?" reklamo ni Liam, habang ang kaniyang kamay ay dahan-dahang humawak sa kamay ni Thea na nasa kaniyang mukha.
"Wala naman kasi siyang ginagawa sa'yo. Ikaw 'tong naunang umasta ng hindi maganda sa kanya, kahapon binastos mo din siya," paliwanag ni Thea, pero hindi niya binawi ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ni Liam.
"Kung gusto mong i-respeto ka ng mga tao, lalo na ng Kuya mo, ipakita mo na marunong kang tumanggap ng pagkakamali."
Bumuntong-hininga si Liam. "Gagawin ko lang 'to dahil sinabi mo. Pero kapag inalok ka na naman niya ng kape, hindi ko na maipapangako ang susunod na mangyayari."
Binitawan na ni Thea ang mukha ni Liam at nagsimulang iligpit ang kaniyang gamit. Pero bago siya makatayo, hinila ni Liam ang dulo ng kaniyang damit.
"Thea... tungkol sa deal natin," panimula ni Liam, ang boses ay wala nang halong pang-aasar. "Kahit anong mangyari, huwag mo munang sasabihin kay Kuya na... na nagbago na ang ihip ng hangin."
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Thea.
"Wala. Sabi ko ang ganda mo 'pag nagagalit," bawi ni Liam sabay tayo at hablot sa bag ni Thea.
"Tara na. Mag-so-sorry na po kay 'Toothpaste Model'. Pero pagkatapos nun, ililibre mo ako ng ice cream. Masakit ang labi ko, kailangan ng palamig."
Napangiti na lang si Thea habang sinusundan ang pasaway na tutee niya. Alam niyang mahaba pa ang pasensyang kakailanganin niya, pero sa unang pagkakataon, naramdaman niyang ang pag-aalaga niya kay Liam ay hindi na lang dahil sa isang "deal."
Paglabas nila ng silid, saktong nag-uusap pa sina Lucas at Marco sa hallway. Bakas pa sa mukha ni Marco ang inis, habang si Lucas naman ay tila humihingi pa rin ng paumanhin para sa kapatid.
Huminga nang malalim si Liam. Tumingin muna siya kay Thea—na binigyan siya ng isang "gawin-mo-na-look"—bago siya lumapit sa dalawa. Nagulat si Lucas nang makitang hindi maangas ang lakad ng kapatid.
"Marco," tawag ni Liam. Tumigil ang dalawa sa pag-uusap. "Sorry. Sorry sa ginawa ko kanina. Hindi na mauulit."
Halos malaglag ang panga ni Lucas. Sa loob ng maraming taon, kilala niya si Liam bilang matigas ang ulo at hinding-hindi hihingi ng tawad kahit siya pa ang mali. Pero heto siya ngayon, tila napaamo ng isang Thea Aquino.
"Pero sa isang kundisyon," dagdag ni Liam, at bumalik ang seryosong awra sa kaniyang mga mata. "Basta huwag ka nang lalapit kay Thea, ha? Kami na."
Bago pa man makasagot ang dalawa, mabilis na tumalikod si Liam. Sakto namang nandoon si Thea sa likuran niya. Walang sabi-sabing inakbayan ni Liam si Thea nang mahigpit at nagsimulang maglakad palayo patungo sa susunod nilang klase, iniwan silang tulala sa gitna ng hallway.
"Liam! Ano 'yung sinabi mo?" bulong ni Thea habang pilit na naglalakad sa bilis ng hakbang ni Liam. "Bakit ganoon na lang ang reaksyon nila? Bakit para silang nakakita ng multo?"
Hindi huminto si Liam sa paglalakad, pero mas hinigpitan pa niya ang akbay sa dalaga, sapat para maramdaman ni Thea ang init ng kaniyang katawan.
"Sabi ko tayo na," seryosong wika ni Liam. Wala ang pamilyar na tawa. Wala ang pang-aasar. Ang boses niya ay malalim at tila naninindigan.
Napatigil si Thea sa kalsada, dahilan para mapatigil din si Liam.
"Anong 'tayo na'? Liam, hindi naman totoo 'yun! Ang usapan lang natin ay maging sweet ako sa'yo para hindi mo isumbong kay Lucas ang sikreto ko!"
Hinarap siya ni Liam, ang mga mata nito ay nakatitig nang diretso sa kaniya.
"Sabi mo gagawin mo ang lahat para hindi malaman ni Kuya, 'di ba? O, ayan. Kapag nalaman nilang 'tayo na', hindi na magtataka si
Kuya kung bakit kita laging kasama. Safe ang secret mo, 'di ba?"
"Pero—"
"Saka..." pinutol ni Liam ang sasabihin niya. Inilapit nito ang mukha sa kaniya. "Mas gusto ko nang paniwalaan nilang 'tayo' kaysa panoorin kang lapitan ng kung sino-sinong lalaki na akala mo ay laging may chance sa'yo. Deal is a deal, Teach. At sa school na 'to, mula ngayon... girlfriend na kita."
"Liam, naririnig mo ba 'yang sarili mo?" habol ni Thea habang mabilis na naglalakad ang binata. "Bakit mo ikukulong ang sarili mo sa akin? Bakit mo ba ginagawa 'to? Para lang ba inisin ako?!"
Huminto si Liam at dahan-dahang humarap sa kaniya. Sa isang iglap, nawala ang distansya sa pagitan nila nang yumuko si Liam para itapat ang kaniyang mukha sa mukha ni Thea. Ramdam ni Thea ang hininga nito sa kaniyang balat.
"Oo, Thea. Gusto ko kasi, nakikita kitang naiinis sa akin," bulong ni Liam, ang kaniyang mga mata ay tila nagniningning sa tuwa.
"Ang ganda-ganda mo lalo sa paningin ko kapag ganyan ang hitsura mo." Biglang tumawa nang malakas si Liam, ang tawang palaging nagpapakulo ng dugo ni Thea. "Saka ayaw mo pa ba? Ang gwapo ko kayang jowa mo."
Hindi na nakapagpigil si Thea. Sa gitna ng kaniyang inis at pagkalito, mabilis niyang hinawakan ang kwelyo ni Liam at hinila ito nang bahagya pababa. Natigilan si Liam. Nawala ang tawa sa kaniyang mga labi at napalitan ng gulat ang kaniyang mga mata. Hindi niya inaasahan na si Thea—ang mahinhin na tutor—ay may ganitong tapang.
"Hanggang kailan 'to?!" mariing tanong ni Thea, ang kaniyang mga kamay ay nanginginig nang bahagya habang mahigpit pa ring nakahawak sa kwelyo ng binata. "Hindi pwedeng sunod-sunuran ako sa'yo, Liam. Hindi pwedeng laro-laro mo lang ang lahat!"
Nanatiling tahimik si Liam habang nakatitig sa mga mata ni Thea. Doon, sa malapitang distansya, nakita ni Liam ang halo-halong emosyon sa mga mata ng dalaga—galit, pagod, at isang klase ng kaba na hindi maipaliwanag.
"Hmmm? Pag-iisipan ko," wika ni Liam sa isang seryosong tono na nagpatahimik kay Thea. "Gusto mo hanggang ngayon lang? Bukas, break na tayo... pero sasabihin ko mamaya kay Kuya na gustong-gusto mo siya."
Muling napalambot ang hawak ni Thea sa kwelyo nito. Ang kaniyang mga balikat ay bumagsak. "Liam naman, eh..." halos pabulong na wika niya.
"See?" muling bumalik ang pilyong ngiti ni Liam. "Hindi mo rin kayang pakawalan ang 'deal' natin. So, panindigan na lang muna natin 'to."
Inayos ni Liam ang kaniyang kwelyo na medyo nagusot ni Thea. "Huwag kang mag-alala, Teach. Kahit 'fake' lang 'to sa paningin mo, sisiguraduhin kong mag-e-enjoy ka bilang girlfriend ko. Sino ba namang hindi mag-e-enjoy na makasama ang isang Liam Malvar?"
Bago pa makasagot si Thea, muling inakbayan ni Liam ang dalaga at naglakad na sila patungo sa klase. Pero habang naglalakad, napansin ni Thea na hindi na maingay si Liam.
Tahimik lang itong nakatingin sa harap, habang ang kaniyang kamay na nasa balikat ni Thea ay tila nanginginig din nang bahagya.