Leftover 03

1489 Words
Ang kabuuan ng kanyang mukha ay labis na nanghihina. Ang kanyang mga matang noo'y masigla, ngayo'y malungkot na nakapikit. Ramdam ko ang unti-unting panghihina ng kanyang hininga. Pilit niyang hinahabol iyon. Lumalaban siya. Ang mga galos sa kanyang katawan ay pulang-pula. Halatang ito'y mahapdi. Muling naglaan ito ng bakas ng dugo kahit na ginamot na. Bakit ba nangyari sa amin ang lahat ng ito? "Papa..." Hinawakan ko ang kamay ni Papa habang nakaratay siya sa kama ng ospital. Nalaman ko na ang dahilan kung bakit siya nadisgrasya at nahulog mula sa itaas ng kanyang pinagtratrabahuan ay dahil sa kanyang paglalasing. Wala akong kaalam-alam na bago siya pumanhik sa kanyang pinagtratrabahuan ay nakipag-inuman na naman siya. May balak ata siyang iwanan kami. Hindi ko lubos maisip kung bakit unti-unting pinakawalan ni Papa ang kanyang pagiging positibo sa buhay. Siya pa naman ang nagturo sa akin na sa kabila man ng mga dagok na susubok ay dapat magpapakatatag at hindi mawalan ng pag-asa. Ngunit, sa mga tinuran ni Papa'y hindi ko nakikita ang mga payo niya. Ang kanyang mga salita ay kabaliktaran mismo sa kanyang mga gawa. Hindi ganitong haligi ng tahanan ang aking nakilala. Napakatatag ni Papa. Kahit anumang problema noon ay nakangiti niyang nilampasan. Madaling mawaldas ang kanyang mga nararamdamang hinanakit noon. Kung maaari nga ay hindi niya ito pinapalagpas ng bukas. Kahit tinangay si Papa ng ilang beses ng mga problema ay pilit pa rin siyang kumapit para magkaroon pa rin ng pagkapanalo sa laban. Ngunit ngayon, hindi ko na natunghayan ang ganoong siya. Nakalimutan ata ni Papa na mayroon pa siyang mga anak na nangangailangan ng kanyang pagkalinga at pagmamahal. Hindi ko masisisi si Papa sapagkat sa katunayan, ako naman talaga ang may kasalanan. Sa katunayan, pagod na pagod na rin ako ngunit pinilit kong lumaban sapagkat kahit nawalan ako ng isang piraso ng pagkatao ko, mayroon pa ring natitirang iilang piraso. Kung magiging mahina ako, sino ang magiging lakas nila? Kailangan kong maging matatag sa kabila man ng lahat ng nangyayari sa akin. Mayroon pa akong kadahilanan para mabuhay at lumaban. Hanggang andito pa rin sina Papa, Danvel at Wailex ay pipilitin kong kakayanin. Ganoon naman ata ang pagmamahal. Magsasakripisyo ka kahit ikaw ang mahihirapan. Mas nanaisin mong ikaw ang makatamasa ng kapighatian kaysa ang mga mahahalagang tao sa 'yong buhay. Hindi ko winaldas ang titig doon kay Papa. Nais ko lamang siyang bantayan nang bantayan hanggang sa gumising siya at magmulat ng mga mata. Iilang mga oras na ang nakalipas ay hindi pa rin ito gising. Naintindihan ko nang lubusan ang pinagdadaanan ni Papa. Sana maintindihan niya rin na kailangan niyang magpakatatag para sa aming kanyang mga anak. Humugot ako ng malalim na hininga at muling nag-isip. Pinahiran ko ang aking nangingilid na mga luha. "Papa, huwag mo nang gawing itong muli. Matitiis mo ba kaming iyong mga anak?" Nakikipag-usap ako ngayon kay Papa kahit alam kong hindi niya ako mapakikinggan. "Pa-Papa! Ikaw na lang ang natitirang magulang namin. Nawa'y maisip mo na kahit w-wala na si Mama. Andito pa rin kaming tatlo, nangangailangan sa 'yo. Sa 'yo kami humuhugot ng lakas, Papa..." naluluha kong aniya. Napaangat ako ng tingin sa itaas. Ipinikit ko ang aking mga mata habang hindi pa rin binitawan ang mga kamay ni Papa. "Hinding-hindi, Anak. Sa anumang pagkakataon ay andiyan Siya palagi sa 'yo. Simula nang ika'y gigising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi. Mapanatag tayo sapagkat andiyan lang Siya palagi. Kaya anak, huwag kang mawalan ng pag-asa sapagkat iiwanan ka man ng lahat. Hinding-hindi ka Niya iiwanan." "Alam kong tunay ka. Patunayan mo, Panginoon. Huwag mong pabayaan ang aking ama." Napamulat akong muli at nataranta nang mapakinggan ko ang daing ni Papa. Daing ng labis na paghihirap. "N-Nurse! Dok! Si... si... Papa!" Agad siyang inasikaso ng mga doktor at nurse. Pinalabas muna nila ako mula sa operating room. Matindi ang kabang nararamdaman ko. Habang papalayo ako sa loob ng kinaroroonan ni Papa ay hindi ko iwinaldas ang aking titig sa kanya. Nakikita ko ang kanyang paghihirap sa paghinga. Sa katunayan, labis ang impak ng pagkahulog ni Papa. Hindi ko alam kung kakayanin nga ba niya. Ang nasa isip ko lang ngayon, paano na lang kami kung mayroong mangyayaring hindi kaaya-aya kay Papa? - "I'm sorry. Hindi niya nakayanan ang labis na impak ng dulot nang kanyang pagkahulog. Pinilit niyang labanan ang kamatayan. Ngunit, mas naging mahina ang pagtibok ng puso ng 'yong ama." Walang boses na lumabas mula sa aking bibig. Napasabunot ako sa aking buhok. Napaupo ako sa gilid ng hallway ng ospital. Nalaman ko rin na may iniinda rin pa lang sakit si Papa. Noon pa man talaga ay mahina na ang kanyang puso. Hindi na rin ako magtataka sapagkat buwis-buhay ang trabaho ni Papa. Araw-araw kahit man may face masks siya'y nakakalanghap pa rin siya ng mga alikabok mula sa kanyang trabaho. Nahinuha ko sa aking sarili na hindi madali ang mga pinagdaanan ng aking mga magulang. Ngunit, bakit kay aga nila kaming iniwan? Hindi ko na makayanan pa ang ibang mga isiniwalat ng doktor sa mismong harapan ko. Kaagad akong tumayo at nagsimulang tumakbo sa hallway ng ospital para tuluyan nang makatahak sa labas. Imbes na puntahan ko ang bangkay ng aking ama ay hindi ko muling pinuntahan. Ayaw kong makita ang masalimuot na sinapit ng aking ama - nang mawalan siya ng buhay. Takbo lang ako nang takbo kahit hindi ko naman alam ang patutunguhan. Medyo madilim na ang daanang aking tinatakbuhan. Ramdam na ramdam ko ang panghihina ng aking mga tuhod nang mapagtanto kong medyo malayo-layo na rin pala ang aking itinakbo. Unti-unti akong umupo sa kalsada. Sigaw ako nang sigaw. Hiyaw ako nang hiyaw. Nais kong pakawalan ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko iniinda ang magaspang na kalsada. Inilaan kong muli ang paningin ko sa kalangitan. "Sinunggaling ka! Si-Sinunggaling ka! Pinabayaan mo ang mga magulang ko..." Iniyukom ko ang aking mga kamao. "Hindi raw pababayaan. Tss, kalokohan!" Sinubukan kong muling tumayo. Yumuko ako at dumukot ng mga maliliit na bato saka pilit na nagsagawa ng pagtawa. Kung mayroon mang makakita sa 'kin dito ay mapagkakamalan talaga akong isang baliw. Pero, bahala sila. Wala akong pakialam! Isa-isa kong itinapon ang mga batong naidukot ko mula sa lupa. Pinaghahagis ko ito roon sa malayo. Sumigaw na naman ako nang todong-todo. Gusto kong mapaos. Nais kong maubos ang boses ko. "Papa at Mama, b-bakit?!" Labis na ang pinakawalan kong iyak. Humahagulhol na ako. Hindi ko kayang pigilan. Ang sakit-sakit! Napakalaking kamalasan ang lahat ng ito! Muli akong napaupo sa kalsada. Napapagod na ako. Labis na kalungkutan ang nanghihimok sa akin. Ayaw ko na! Ayaw ko na! Kusang naglaro na lang sa aking balintataw ang aking mga kapatid. Kung gaano kami kasayang kasama ang aming mga magulang. Ang saya-saya namin noon at hindi ko akalain na sa isang iglap kagaya ng kisap-mata. Ganito kadali ang pagkawala at pagkawalay namin sa piling ng aming mga magulang. "Wala na nga si Mama, Papa. Sumunod ka naman kaagad sa kanya. B-Bakit mo nagawa sa akin ito, P-Papa?!" Medyo masakit na ang lalamunan ko. Nauubusan na ako ng boses. Napaka-unfair ng mundo. Hindi ko naman hangad ang hatid na kayamanan sa mundo. Ang nais ko lang naman ay kompletong pamilya. Nawala na nga ang mga pangarap kong masuklian sila. Tinalikuran ko na nga ang lahat para sa aking pamilya. Pero, wala pa ring kuwenta ang mga iyon. Mas nais ni Papang iwan kami at sasabay siya sa pagpanaw kay Mama. Ang punong dulot talaga ng lahat ng ito ay ako. Kung hindi lang talaga ako sumagot at pinakialaman ang mga grupo ng babaeng 'yon ay siguradong hindi ito mangyayari sa amin. Unti-unti akong tumayo saka muling ibinaling ulit ang atensyon sa himpapawid. Napakalungkot ng gabi. Walang makakitaang mga bituin sa kalangitan. Ang tanging nasilayan ko lang ay ang himpapawid na lubusang maulap. Pinilit kong pakawalan ang aking mapaklang ngiti. Napakagat ako sa aking ibabang labi. Patuloy na lumalagaslas ang mga luha kong walang planong tumigil. Hinayaan ko lang ang aking sariling maipalabas ko ito. Wala na akong makakapitan pa. Wala na ang mga magulang ko. Oras na rin sigurong hindi ko na rin Siya bibigyan ng halaga sapagkat wala Siyang ibang ginawa kundi ang hayaang sumampal sa amin ang dagok na ito. "Simula ngayo'y hinding-hindi na ako tatawag sa 'Yo! Tandaan Mo 'yan!" Sabay turo ko sa kalangitan. Kung kasalanan ko ang lahat, mas kasalanan Niya. Sino ba ang may hawak ng buhay ng tao? Hindi ako kundi Siya. Kinamumuhian ko Siya. Maling-mali ang ipinahayag sa 'kin ni Papa. Hindi raw kami pababayaan. Saan na ako ngayon? Nasa kaluwalhatian. Ngayon, tatayo akong muli sa aking mga paa na hindi na Siya kasama. Magsusumikap ako para sa aking mga kapatid. Pipilitin kong kayanin ang mga responsibilidad na iniwan sa akin ng aking mga magulang. Babangon akong walang kinikilalang Diyos. Lalaban ako nang mag-isa. Sa sarili kong mga kamay ibabangon ko ang aking natirang pamilya. Sa abot ng aking makakaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD