Leftover 02

1510 Words
Napakapanglaw ng gabi habang tinitingnan ko ang aming tahanan. Ang ibang bisita ng lamay ng aking ina ay nagsitahakan na papauwi. Napapaiyak na lang akong napatingin sa bangkay ng aking ina. Kanina pa ako ritong nakastambay malapit kay Mama. Ayaw na ayaw kong iwan si Mama sapagkat alam kong malapit na ang araw na hindi ko na talaga siya tuluyang masilayan. Hindi ko inaasahan ang mga pangyayari. Hindi ko lubusang mawari ang kadahilanan kung bakit nawalan ako ng isang ina, na walang tanging hangad, ang mapabuti lamang kaming kanyang mga anak. Lubusang hindi tanggap ni Papa ang pagkawala ni Mama. Panay iyak lamang ito, araw man o gabi. Naaawa na rin ako sa kalagayan ni Papa. Nawalan siya ng katuwang sa aming pamilya. Sina Danvel at Wailex naman ay nawawalan ng ganang kumain. Kaunti lamang ang kanilang ginagalaw sa aking mga inihain. Pinakawalan ko ang aking malalim na hininga. Ramdam na ramdam ko ang mga mabibigat na luha na ngayo'y lumalagaslas mula sa aking mga mata. Ang kakapal na rin ng mga maiitim na bakas ng aking mga mata dulot ng walang saktong tulog at pahinga. Kasalanan ko ito lahat. Pinigilan ko ang hindi humiyaw sa sobrang sakit na aking nararamdaman. Parang pasan-pasan ko ang lahat ng problema ng mga tao sa mundo. Hawak ko ngayon ang aking ulo habang nakadungaw ang aking mga paningin sa sahig. Ang bilis ng bawat luhang aking pinakawalan at ngayo'y pumapatak na, hindi ko mapigilan. Parang may sariling mga buhay ang aking mga luha. “Mama...” tawag ko sa kanya. Nasasaulan ko ang mga nakaraan namin ni Mama. Ang lahat ng kanyang mga sigaw ng pagkainis kapag nagmamatigas ako ng ulo at ng aking mga nakababatang kapatid. Ang mga payo ni Mama na sa tuwing malungkot ako'y siyang aking dala-dala upang mabawasan man lamang ang aking dinaramdam. Sadiyang kakaiba lamang sa ngayon sapagkat ang lahat ng mga payo ni Mama ay hindi na tumabla sa akin dulot ata ng labis na sakit na kasalukuyang nag-uumapaw sa akin. Kailan kaya ito mawawaldas? Mawawaldas nga ba? Tumayo ako sa aking kinatatayuan saka tumungo sa kinaroroonan ng aking mga kapatid. Inayos ko ang kanilang mga kumot. Nanginginig kong hinawakan iyon habang nakasulyap sa kanilang inosenteng mga mukha. Ang babata pa nila ngunit nawalan na ng isang ina, ang ilaw ng aming tahanan. Mas tuluyang hinaplos ang aking puso nang inilapat ko ang tingin doon sa aking ama. Nakakaawa siya. Nakatulog siyang hawak-hawak ang larawan ng aking ina. Tumungo akong muli sa kinaroroonan ng aking ina. Sinulyapan ko siya sa loob ng parihabang kahon. Muling tumulo ang luha ko ngunit, kaagad kong pinahiran iyon. “Mama, ipapangako ko sa 'yong hindi ko pababayaan ang ating pamilya... lalo na ang aking mga kapatid.” Inilibot ko ang aking paningin sa aming tahanan. Ang masayang diwa nito'y pinapalibutan na ng pangungulila. - Abala ako sa paghahain ng aming hapunan. Alam kong pagod na pagod ang aking ama at ang aking mga kapatid kapag uuwi na sila rito sa aming tahanan. Iilang mga Linggo na ang nakalipas ng libing ni Mama. Minabuti kong huminto na lamang sa pag-aaral at ang aking mga kapatid na lamang ang siyang papaaralin. Hindi namin kaya ang pantustos lalo na ngayon, si Papa na lamang ang nagtataguyod sa amin. Isa pa'y walang maiiwan sa aming tahanan at sino na lamang ang siyang maghahanda ng mga pagkain at gagawa ng ibang gawaing-bahay? Sa katunayan, nakakapagod pala talaga ang pagiging ina. Hindi pala talaga madali ang pagiging ilaw ng tahanan. Kailangan mong ipakita sa pamilya mo na kaya mo, sapagkat ikaw ang ilaw nila. Ang isang ilaw ay nagsisilbing liwanag sa kabila man ng kadiliman. Ang kadiliman naman ang siyang simbolismo ng mga masalimuot na pagsubok ng buhay. Kailangan mong magpakatatag at ipakita sa pamilya mo na ayos ka lang. Dapat kang maging positibo sapagkat ikaw ang ilaw na nagdadala ng liwanag sa pamamahay. Kahit sa katunayan, pagod na ako ngunit lumalaban pa rin ako sapagkat may mga taong kailangan ang lakas ko para sila'y maging matatag. Ngunit, ang nakakalungkot lang, kung ako'y nagpapakatatag ay kabaliktaran naman ang aking natunghayan kay Papa. Noo'y napakapositibo niya ngunit ngayo'y halos nalulong na siya sa bisyo. Kapag siya'y papauwi ay palagi siyang lasing at wala sa sarili. Malimitan na rin niya kaming pinapansin ngunit sa kabila man ng kanyang mga inasta ay tinataguyod pa rin niya ang aming mga pangangailangan. Lahat ng suweldo niya ay kanyang ibinigay sa akin. Ang mga ginastos niya sa kanyang mga iniinom na alak ay galing lamang sa libre ng kanyang mga kasamahan sa trabaho. Nawaldas ang malalim kong pag-iisip habang inilapag ko na ang katatapos kong inihandang hapunan nang mamataan ko sa pinto ang kambal na nakangisi sa akin. Ngumisi ako pabalik sa kanila. Galak na galak akong nanumbalik ang dati nilang sigla. Isang Linggo rin akong nagtiis sa malumanay na inasta ng kambal ngunit sa susunod na mga Linggo'y unti-unting nanumbalik ang kanilang sigla. Ang siglang inilaan nila noong buhay rin si Mama. Kaagad silang tumungo at lumapit sa akin. Kinuha agad nila ang aking kamay saka nagmano. Kinumusta nila ako habang sila'y unti-unting umupo sa kanilang sariling mga upuan. “Kumusta ka rito, Ate?” nakangiting sabi sa akin ni Danvel. “Ayos lamang ako rito. Dapat kayo ang tinatanong ko niyan. Oh, kumusta naman kayo sa school, Danvel at Wailex? Nagpapakabait ba kayo sa Teacher Tiffany niyo? Hindi na ba mabaho ang...” Hindi ko natapos ang sinasabi ko nang nagrereklamo na si Wailex. “Ate naman e, ayan na naman siya...” naiiyak nitong turan habang napapanguso. Imbes na maawa ako ay pinakawalan ko ang aking malakas na tawa. “Nakaka-miss ang nguso mo, Wailex!” Napatigil na lamang ako sa aking pagtawa nang sinulyapan ako ng kambal. Sabay nila akong nilaanan ng mariin na titig. “Ate, magkasingtulad kayo ng ngiti at pagtawa ni Mama.” Mapakla akong napatawa sa sinabi ni Danvel. Sa muling pagkakataon, nababaliktanaw ko ang napakagandang ngiti ni Mama. Ang aking paboritong ngiti. Ang kanyang napakagandang ngiti. - Abala ako sa pagwawalis ng aming bakuran. Medyo marami-rami na rin ang mga tuyong dahon dito. Sa kayraming ginawa ko ay ngayon ko lang talaga napaglaanan ng oras itong muling walisan. Napaangat ako sa mga punong-kahoy. Sumasayaw ang mga dahon nito kasabay ng hangin. Wala akong naramdamang kahit na katiting na pagod sapagkat dahil sa kalikasan na kasama ko ngayon. Napaupo ako sa medyo malaking bato na nasa aking gilid. Dito'y mas makapagmuni-muni ako nang mabuti. Naramdaman kong muli ang labis na pangungulila sa masayang pamilyang mayroon ako noon. Kahit mayroong natira pa rin sa akin ay hindi ko maiwasang hangaring muli ang aking ina ngunit, malabo na. Hanggang pangarap na lang ako, isang pangarap na malabong maisakatuparan. Iilang mga minuto lang ay naratnan ko na naman ang aking sariling tumutulo na naman ang mga luha. Noon, madali kong napapatatag ang sarili ko, ngunit ngayon napakarupok ko na. Ang dami ko nang nahalatang matinding pagbabago sa aking sarili. Malimitan na lamang akong ngumiti. Kung ngingiti naman, mabilis namang nawawaldas. Hindi ko alam kung paano katkatin ang kahapisang palaging tumitimo sa aking katauhan. Tumayo na lamang akong muli. Hinawakan ko uli ang walis saka ipinagpatuloy ang kaninang ginagawa. Ibinuhos ko ang lahat ng aking atensyon doon. Mas mabuting sa ganitong paraan ko maipapalabas ang mga hinanakit ko. Napalingon ako kaagad nang mapakinggan ko ang boses ni Papa na tumatawag sa akin. Walang pag-alinlangan kong inilaan ang aking mga mata sa pinagmulan ng boses. Ngunit sa aking paglingon ay wala akong nakitang tao. Hindi ko nasilayan ang aking ama. Ibinalik ko na lang muli ang aking atensyon sa pagwawalis ngunit parang hindi ako mapakali. Bigla akong nabagabag sa napakinggang boses na iyon. Baka dahil lang ito sa parating kulang ko ng tulog. Sinasampal ko na nang mahina ang aking pisngi. “Euri, gumising ka nga. Kung anu-ano na lamang ang napapakinggan mo sa iyong paligid.” Pagpagising ko sa aking sarili. Napagdesisyunan kong bumalik na lamang sa loob upang makainom ng tubig. Napahinga ako nang maluwag nang malunok ko nang sunod-sunod ang laman ng baso. Ilalagay ko na sana ang baso sa mesa nang madulas ko itong nailapag. Napahawak ako sa aking dibdib sa labis na kaba. Napaupo ako sa silya habang napasapo sa aking ulo. Hinilot-hilot ko 'yon upang kumalma man lang ako. “Euri...” Napakinggan ko ang labis niyang paghingal. Pinakawalan ko ang aking tingin sa taong 'yon. Nasilayan ko ang aking kapit-bahay na pawisan dulot ng kanyang pagmamadali. Isa siya sa kasamahan ni Papa sa trabaho. “Manong Oscar, m-may problema po ba?” Unti-unti akong tumayo sa aking kinauupuan saka nanatili pa ring ibinaling ang aking atensyon sa kasamahan ni Papa. Hindi pa rin nawawala ang kaba ko ngayon. Sana mali ang nasa isip ko. Sana mali ang iniisip kong may nangyaring masama kay Papa. “Nadisgrasya ang Papa mo sa kanyang trabaho.” Tuluyan akong napamaang. Hindi na ako muling nakapagsalita pa. Ang tanging ginawa ko ay hinayaan ko ang aking mga paa na tangayin ako sa labas at puntahan ang aking ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD