Leftover 04

1493 Words
Inilapag ko ang aming tanghalian sa aming gawa sa kahoy na mesa. Isang pares na tuyo ang aming uulamin. Paghati-hatian namin itong tatlo at saka mainit na sinabawang malunggay na aking itinanim sa bakuran. Tinawag ko sina Danvel at Wailex na panay ang paglalaro sa labas. Kagaya ko'y tumigil na rin sila sa pag-aaral sapagkat wala nang magtataguyod pa sa aming magkakapatid. Mayroon kaming mga kamag-anak ngunit malayong-malayo naman sa aming kinaroroonan ngayon at wala kaming koneksyon sa kanila. Sa katunayan, nang mawala sina Mama at Papa ay ang tanging aming mga bisita sa kanilang lamay ay ang aking mga kapit-bahay. Lubusan silang naawa sa kalagayan naming magkakapatid. Malungkot man ang aming sitwasyon ngayon at napakahirap ngunit kahit papaano ay natutuwa ako sapagkat umaalok sila ng tulong paminsan-minsan. Masaya akong binibigyan nila kami ng pagkain. Kahit natitirang kanin na hindi na nila gagamitin ay sa amin napupunta. Ginagawa kong lugaw para lamang magkalaman ang tiyan namin ng aking mga kapatid. Hindi man madaling maitaguyod sila ngunit sisikapin kong matustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa aking sariling paraan. Pawisan silang tumungo sa loob. Pinahiran ko kaagad sila sa kanilang mga likod. "Tara na! Tayo na'y kumain." Pag-anyaya ko sa kanila. Ngumiti sila sa 'kin. Ang mga ngiti nila ang tanging pinagkukunan ko ng lakas. Kahit na sa katunayan sobrang pagod na ako ay kakayanin ko. Kahit sa murang edad ko na ito, susubukan kong maging mabuting magulang para sa kanila. "Ate Euri, ayos ka lang ba? Tila'y namumutla ka po," nag-aalalang wika sa 'kin ni Danvel. Ginulo ko ang kanyang buhok. "Ayos lamang ako, Dan. Pagod lang si Ate." Nabigla ako sa kanyang pagtayo saka lumapit ito sa 'kin. Hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi at nabigla ako sa sumunod na nangyari. "Pampawala po ng iyong pagod, Ate." Hindi niya winaldas ang kanyang ngiting inilaan sa 'kin pagkatapos niya akong mahalikan sa aking noo. Bumalik siya sa kanyang dating puwesto. Akala ko ay uupo na siya ngunit hindi pa pala. Hinila niya si Wailex na ngayon ay nagpahila naman sa kanyang kambal. "Dagdagan mo ang halik na ibinigay ko kay Ate, Wailex. Halikan mo rin si Ate sa noo. Since kambal tayo, dapat gagaya ka sa 'kin." Natawa na lamang akong napatingin sa dalawa. Kahit kailan talaga para itong aso't pusa. "Ate Euri, dapat ikaw po ang mag-a-adjust. Ikaw po ang hahalikan, eh." Nakanguso na naman ito. Kabaliktaran ang ginawa niya sa kanyang kambal. Imbes na siya ang hahawak sa aking mukha ay ako ang gumawa. Inilapit ko ang aking noo sa kanya. Pangalawang matamis na halik ang natanggap ko sa dalawa kong mga kapatid. "Ate, tumabla ba? Nawala na ba ang pagod mo?" nakakunot-noong tanong ni Danvel. Halatang handang-handa na niyang malaman ang kalalabasan ng kanilang ginawa. Tumango kaagad ako at mayamaya’y panay palakpakan ang dalawa. "Ang galing talaga ng mga powers natin. Napagaling natin si Ate. Yehey!" Nag-apir sila sa isa't isa. Napailing na lamang ako sa kanilang inasta sabay tawa. "Oh siya! Kumain na." Kaagad naman nilang ginalaw ang pagkaing aking inihain. - Pawisan man ngunit pilit ko pa ring inihakbang ang aking mga paa sa saan mang hantungan. Iniisip ko na lang palagi na ang lahat ng aking pagsasakripisyo ay para sa mga kapatid ko. Nagtitinda ako ng mga sari-saring gulay na itinanim ko mula sa aming bakuran. Matiyaga kong inaalagaan ang mga gulay na itinanim ko. Kahit papaano ay kumikita naman ako kahit kaunti. Mas mainam kung nauubos ang mga paninda sapagkat marami-rami ring kilong bigas ang aking mabibili sa tindahan. Ang matitira ay pambili ng uulamin ngunit, ang mas prioridad ko ay ang bigas. Mas maayos na walang ulam kaysa walang kanin. Napatingin ako agad sa aming tahanan pagkatapos kong mailako ang mga panindang gulay. Ibang-iba na talaga ang diwa nito. Ang noong puno ng sayang tahanan ay mapanglaw na. Unti-unti akong pumanhik papunta sa loob ngunit kaagad akong mayroong namamalayan. Bakit napakatahimik? Nasaan na kaya ang mga batang 'yon? Ipinatong ko kaagad ang kanina ko pang hawak na buslo saka tumungong muli sa labas upang hanapin ang dalawa. Bumungad sa akin ang aking mga kapatid na ngayo'y nasa loob ng isang sasakyang hindi ko naman pamilyar. "A-Ate, tulungan mo kaming pakawalan dito. Kukunin nila kami ni Danvel," nagmamakaawang sigaw ni Wailex. Hindi ako nag-alinlangang tumakbo sa kinaroroonan ng sasakyan na ngayo'y papaandar na. "A-Ate!" tawag sa 'kin ni Danvel. "Kukunin kami ng kamag-anak ni P-Papa. Tulungan mo k-kami, Ate!" Mabilisang umandar ang sasakyan at panay habol ko pa rin dito. "Ibalik niyo sa 'kin ang mga kapatid ko! Nagmamakaawa ako! W-Wailex! Danvel!" Naluluha na ako habang panay pa rin ang pagtakbo. Ngunit, kahit anong pagsusumikap ko sa pagtakbo ay hindi ko kayang maabutan sila. Napaiyak na lang akong napaupo sa kalsada habang tuluyan nang nawalan ng pag-asang lumaban pa. - Walang lakas akong pumasok sa loob ng aming bahay. Hindi ko kayang kumalma. Sobrang nawalan ako ng lakas sa lahat ng mga kaganapan na hindi ko naman inaasahan. Isang liham ang aking naaninag sa gitna ng mesa. Kaagad kong kinuha iyon at binuksan. Isang mensahe ang kaagad na bumungad sa akin. Hindi ako nag-alinlangang hindi basahin iyon. Euri, Kamag-anak kami ng iyong ama. Nalaman namin ang nangyari sa inyong pamilya kaya nais kong ipaalam na handa kaming alagaan ang mga kapatid mo. Papalakihin namin sila nang maayos at bibigyan namin sila ng magandang edukasyon. 'Wag kang mag-alala sapagkat kung tunay kang nagmamalasakit sa mga kapatid mo at iniisip mo ang kinabukasan nila ay hahayaan mo kaming gawin ang naiwang responsibilidad ng 'yong ama't ina. Huwag mo nang hanapin ang mga kapatid mo. Hinalughog ko pa ang laman ng sulat kung mayroon pa bang nakalagay na pangalan ng sumulat ngunit wala akong nakalap. Hindi man lang siya nagpakilala. Kinakabahan ako para sa mga kapatid ko. Kung tunay ngang aalagaan nila ang mga kapatid ko at malinis ang kanilang intensyon ay hindi sa ganitong paraan nila kukunin ang mga kapatid ko. "Danvel, Wailex! 'Wag kayong mag-alala. Hahanapin kayo ni Ate E-Euri." Tuluyan na akong napaupo at panay hikbi. - Naramdaman ko ang labis na panunuyo ng aking lalamunan. Ang sakit-sakit na rin ng aking mga paa sa kakalakad. Natamo ko ang mga sugat. Gustong-gusto ko pang maglakad nang maglakad ngunit ang mga paa ko’y ayaw na ayaw na niya. Patuloy lang din sa paglagaslas ang mga pawis ko. Ang sakit-sakit na sa mga mata. Nagdadala rin ito ng hapdi sa aking mga natamong sugat. Ayaw kong sumuko sa paghahanap. Kahit saang lugar ako maghahanap ay ayos lamang at nagbabasakali akong mahanap ang aking mga kapatid. Sinubukan kong lumapit sa mga pulis ngunit wala akong napala. Sinabihan lang akong wala silang magagawa sapagkat wala naman daw akong mga ebidensyang ibinigay sa kanila para gamiting ideya upang mahanap nila ang mga kapatid ko. Sa katunayan lang din ay nawawalan na rin ako ng pag-asang hanapin sila sapagkat tunay naman talaga. Wala akong katiting na alam sa mga dumukot sa mga kapatid ko. Napatigil na lamang ako sa paglalakad nang bumuhos nang malakas ang ulan. Hindi ko man maaninag ang daanan sa labis na pagbuhos nito ay hinayaan ko na lamang ang aking mga paa sa paghahanap ng masisilungan. Sa isang sulok ng punong nagsisilbing masisilungan o lilim. Napayakap ako sa aking sarili. Kasabay ng pagbuhos ng bawat butil ng ulan. Ganoon din ang mga luha ko. Bakit nagkakaganito ang buhay ko? Sa bawat tunog ng paglagaslas ng ulan mula sa kalangitan hanggang sa kalupaan. Sumasabay ang paghagulhol ko ng iyak. Labis na pagsikip ng dibdib ang natunghayan ko sa aking sarili. Nakasulyap ako sa kawalan. Hindi ko alam kung saan ba papatungo ang mga tingin ko. Ang tanging nakikita ko lang ay napakasalimuot ng mundo. Bumibitaw na ang ugat ng pundasyon ng aming pamilya. Ang mga sanga nito ay patuloy na sa pagputol kasabay ng mga dahon na lumalagaslas mula sa sanga ng punong-kahoy. Ang mga bunga nito ay nadudurog at naging kulay-kapeng nagpapahiwatig ng pagkalanta. Ito ay nagpapakahulugang ang nutrisyong nagpapalakas ng pundasyon at pagtayo ay hindi na mapakikinabangan sapagkat wala nang mahahanap na araw sapagkat kumikimkim na ang dilim. Lumubog na ang araw at nawalan ng sikat. Inilihig ko ang aking ulo sa punong-kahoy at ipinikit ang mga mata. Pinakiramdaman ko lang ang aking paligid. Natamasa ko na ang sobrang lamig ngunit pinakiramdaman ko lang ito. Kahit saglit gusto ko ng payapa. Kahit ngayon lang. Ang bigat-bigat na ng pakiramdam ko. Guhong-guho na ako. Durog na durog at ubos na ubos na ako nang labis. Kahit maliit lang na pag-asa ayaw ko nang yakapin pa. "Malas ka, Euri. Malas ka!" Mapakla akong napatawa habang nanatili pa rin akong nakapikit. Ang bigat-bigat na ng mga mata ko. Alam kong namamaga na ito sa labis na pag-iyak. Kanina pa ako ritong humahagulhol at tinatamasa ang tangis. Ayaw kong bumangon pa. Kahit na kaunting kilos ayaw kong tahakin. Mas mainam na uupo na lamang muna ako at tamasain ang kahapisan. "Euri, wala ka nang makakapitan pa. Iniwanan ka na ng lahat."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD