A TWIST IN TIME

1252 Words
Umuwi si Nancy sa bahay ng kanyang magulang para takasan ang problema niya sa bahay at sa kanyang asawa. Ganito ang palagi niyang ginagawa tuwing hindi sila magkasundo ni Wyatt. Sa loob ng tatlong taon nilang naging magkasintahan ay tuwing nagkakatampuhan sila o may hindi pagkakaunawaan ay nareresolbahan naman nila agad. Nasa edad na dalawampu't limang taon na sila no'ng nagpasya silang magpakasal. Si Wyatt ay isang pulis at si Nancy naman ay isang accountant. At pareho silang nagtatrabaho sa munisipyo ng Makati. "Ma, ayaw ko na po talaga! Gusto ko ng makipaghiwalay sa kanya. Pagod na pagod na po ako. Palagi na lang kasi kaming nag-aaway sa mga walang kuwentang bagay," hilam sa luhang sabi ni Nancy sa kanyang inang si Margaret. "Anak, gusto mo bang malaman ang buhay namin ng papa mo no'n pagkatapos naming ikasal?" pag-iiba ng mama niya sa usapan. "Mama naman! Bakit kailangan pa nating pag-usapan ang tungkol sa inyo ni papa?" naguguluhang tanong ni Nancy sa kanyang ina habang wala pa ring patid sa pagpatak ang luha sa kanyang mga mata. "Malalaman mo anak ang dahilan kung bakit ko ikukuwento sa 'yo. Kaya maupo ka na muna rito sa tabi ko at makinig na muna sa akin," nakangiting sagot naman nito sa kanya pagkatapos ay sinenyasan siyang umupo rin sa kanyang kama. Hindi na siya nakipagtalo pa sa kanyang ina. Dahil sa tono pa lang ng boses nito ay mukhang seryoso itong magkuwento sa kanya ng tungkol sa kanila ng kanyang papa. Kaya agad siyang tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig. Pinunasan muna niya ang mga luha sa kanyang mukha pagkatapos ay agad siyang tumabi sa kanyang ina. "Madalas kaming pumunta sa SM Megamall para lang maglaro sa Arcade ng walang kasawaang Time Crisis. Kaso di sinasadyang may biglaang lumapit sa kanyang babae at bigla siyang niyakap." "Ano naman ma ang ginawa mo? Kung ako 'yon baka nasampal ko pa 'yon." "Ginawa ko? Siyempre nagulat ako. Pagkatapos ay hinila ko ang braso ng babae at tinulak siya nang malakas." Pumalakpak si Nancy dahil sa narinig. Halatang tuwang-tuwa siya sa ginawa ng kanyang ina. "Tama lang 'yon sa kanya. Pagkatapos ma? Umalis na ba 'yong babae no'n?" Ngumiti muna si Margaret bago ulit nagsalita. Natuwa siya dahil alam niyang napukaw niya ang interes ng anak. "Hindi siya umalis bagkus ay dinuro-duro niya ako saka sinabihang buntis siya at ang ama ay 'yong papa mo. Siyempre magpapatalo ba ako sa kanya? Edi dinuro-duro ko rin siya at sinabihang nangangarap lang siya nang gising dahil kahit kailan hindi sumisiping sa iba si Papa Jamiel mo." "E, si Papa Jamiel anong ginawa? Naku si papa talaga may pagkamaloko rin pala." "Siyempre ang papa mo todo tanggi sa paratang ng babae. Matagal na raw kasi itong may gusto sa kanya. Kaklase niya raw no'n si Roselle noong 2nd Year College sa Philippine Military University. Pero dahil di niya gusto ang babae ay lagi niyang tinatapat 'to tuwing magtatangka si Roselle na may pagtingin ito sa kanya. Saka tiwala ako sa papa mo na di siya nito niloloko dahil kahit ni minsan ay hindi 'to umuuwi ng wala sa oras at hindi nagpapaalam. Saka kilala ko ang papa mo dahil kababata ko siya. Dahil sa taglay na kaguwapo at kakisigan ng papa mo ay maraming naghahabol na mga babae sa kanya. Mabuti na lang talaga patay na patay ang papa mo sa akin kung di wala ka sana sa harap ko ngayon." "Mabuti pa po kayo mama ganyan mag-isip pero ako bakit hindi ganyan mag-isip? Tuwing nag-aaway kasi kami ni Wyatt ay palagi kong iniisip na baka di na niya ako mahal kaya gano'n siya sa akin minsan." "Naku anak ganyan talaga kapag mag-asawa. Dapat lagi kang may baon na pasensya at pang-unawa. Isa pa kasal na kayo at buntis ka kaya ka ganyan masyadong sensitive. Alalahanin mo malapit na kayong maging isang buong pamilya kaya dapat 'yang mga away o tampuhan na 'yan ay isinasantabi niyo na munang mag-asawa. Huwag kang agad-agad na maglalayas na bata ka. Lalo na at malapit ka nang manganak." Biglang napahimas si Nancy sa kanyang magsi-siyam na tiyan. Naisip niyang tama nga ang kanyang ina. Baka nga dala lang ng kanyang pagdadalang-tao ang nararamdaman niya. Simula kasi ng tumigil na siya sa pagtatrabaho niya bilang accountant ay wala na siyang ibang ginawa kung di ang asikasuhin ang asawa. "Opo mama. Sorry po at inistorbo pa kita. Mabuti na lang wala pa si papa kaya di ako mapapagalitan no'n." "Mabuti nga wala talaga ang papa mo kung di iuuwi ka rin agad niya sa inyo. Ipapasundo na kita sa kanya. Sigurado akong alalang-alala na sa 'yo si Wyatt. Kaya umuwi ka na ha? Huwag nang matigas ang ulo. Maawa ka naman sa unang apo ko. Alam mo namang ikaw lang ang nag-iisang anak namin ng papa mo." "Opo ma," malambing na sabi ni Nancy pagkatapos ay yumakap nang mahigpit sa mama niya. "Alam mo anak masuwerte ka kay Wyatt kasi kahit anong hilingin mo sa kanya ay tinutupad niya. Kahit na pahanapin mo siguro siya ng karayom sa gitna ng dagat ay gagawin ng asawa mo para mapagbigyan ka lang. Para talaga siyang papa mo. Kaya kung maibabalik ko ulit ang oras para maging bata ulit ay gusto kong ang papa mo ulit ang makatuluyan ko." "Si mama naman nagi-imagine ka na naman." "Ikaw talaga Nancy kahit kailan di ka talaga marunong makinig sa kinukuwento ko." Mayamaya ay may narinig silang tumigil na sasakyan. Tumayo si Nancy pagkatapos ay sumilip sa bintana. Nakita niyang umibis si Wyatt sa kotse pagkatapos ay tumingala sa kanyang kinaroroonan. Mukhang naramdaman nitong nakatingin si Nancy sa kanya. Ngumiti si Wyatt kay Nancy nang magkatagpo ang kanilang mata. Kumaway naman si Nancy at sumenyas sa asawa na pumunta sa kinaroroonan niya. "Nancy, pupunta na ako sa baba at sasabihan ko si manang na magluto ng hapunan natin. Makipag-ayos ka na asawa mo ha?" "Opo ma," nakangiting sagot ni Nancy. "The best talaga kayo ni papa. Salamat po kasi kayo ang naging magulang ko. Hindi niyo pa rin ako pinapabayaan kahit may sarili na akong pamilya," nangilid sa luha ang mga mata ni Nancy habang nakatingin sa kanyang ina. "Naku anak. Siyempre 'no baby ka pa rin ng papa mo. Saka hindi porke't may sarili ka ng pamilya ay tapos na ang obligasyon namin ng papa mo bilang magulang. O siya, nandyan na ang asawa mo," nakangiting sabi ni Margaret sa kanyang anak. "Good evening po ma! Pasensya po at naabala na naman po namin kayo," bati ni Wyatt sa kanyang biyenan pagkatapos ay humawak sa kanang kamay nito at nagmano. "Good evening din anak. Naku ayos lang 'yon. Sanay na ako kay Nancy. Sana 'wag kang magsasawang intindihin ang anak kong 'yan ha? Ganyan talaga 'yan sumpungin." "Ayos lang ma. Saka hindi ako magsasawa sa kanya sa kakaintindi dahil mahal na mahal ko siya pati ng magiging anak namin," nakangiting sabi ni Wyatt kay Nancy. Humakbang siya papunta sa may bintana kung saan nakatayo si Nancy habang namumulang nakatingin sa kanya. "Ka-kahit ka-kailan talaga Wyatt bolero ka. Sorry asawa ko kung umalis akong di nagpapaalam. Mahal na mahal din naman kita e." "Oo na po asawa ko. Kahit kailan talaga matampuhin ka pa rin. Mamaya uuwi na tayo sa bahay natin ha?" Tumango naman si Nancy bilang tugon pagkatapos ay parang batang yumakap kay Wyatt. "Marriage is a means of survival for two people. Kaya sa konting sakit lang na naramdaman mo ay makikipaghiwalay ka agad, talo ka. Dahil kapag nag-asawa ka panghabambuhay na 'yon. Kaya bago mo sabihing ayaw ko na. Ba't di mo subuking lumaban kasama siya? WAKAS...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD