"Ayoko. Hindi ako papayag sa pakiusap mo," pagmamatigas na pahayag ni Luchie habang ito ay nakatanaw sa labas ng bintana ng kanyang bahay.
"Parang awa mo na ate. Gutom ang aabutin namin ni Cyndie kung hindi ako mag-a-abroad," pagmamakaawa ng isang babae. Sapo nito ang kanyang mukha at halos humagolgol na sa pag-iyak.
Awtimatikong pinihit ni Luchie ang ulo sa direksyon ng babaeng umiiyak.
"Sinabi ko naman kasi sa'yo na walang maidudulot na mabuti ang Aurelio na iyon. Pero anong ginawa mo? Sumama ka pa rin sa kanya. Naniwala ka na binata pa ang lalaking iyon at nagpabuntis ka. Nang dahil sa pagiging tanga mo sa walang kwentang pag-ibig na 'yan, nagkaroon ka ng pasanin sa buhay," panenermon pa niya.
Hindi mapigilan ni Luchie na ipamukha sa kapatid ang katangahan na ipinamalas nito simula nang makilala ang ama ni Cyndie.
Siya ang tumustos sa pag-aaral nito ng pumasok ito sa kolehiyo. Malaki ang tiwala niya sa kapatid at mataas ang kumpiyansa niya sa sarili na makakapagtapos ito ng pag-aaral. Nang sa gayon, ay magiging katuwang niya ito sa pagbibigay suporta sa iba pa nilang mga kapatid.
Ngunit bigla na lamang naglaho ang kanyang mga pangarap na binuo ng isang araw ay nalaman na lamang niya na buntis na ang kapatid sa lalaking kahit na kailan ay hindi niya matatanggap.
Kaya simula noon ay pinutol niya ang kanyang ugnayan dito at nagpatuloy na lamang sa buhay.
"Alam ko naman ate ang pagkakamali ko. At alam ko rin na kahit anong gawin ko hindi mo ako mapapatawad dahil sa pagbigo ko sa iyo. Pero sana naman, kahit ngayon lang, mapagbigyan mo ako," pagsusumamo ng babae na patuloy pa rin sa pag-iyak.
***
Mula sa isang maliit na butas sa pinto ay nakuhang sumilip at makinig ng batang Cyndie sa usapan ng kanyang ina at sa ipinakilala sa kanya na tiya. Hindi niya alam na maykaya pala ang tiyahin na palaging ikinukwento sa kanya ng ina. Natakot siya sa unang pagkikita nila. Matapang kasi ang mukha nito sa kanya at nakakunot ang noo.
"Parang awa mo na ate."
Ito ang kanyang narinig ng sinubukan niyang makinig sa usapan nila. Iniwan siya ng mga ito sa sala at tuloy-tuloy na pumasok ang dalawa sa isang kwarto.
"Gutom ang aabutin namin ni Cyndie kung hindi ako mag-a-abroad."
Abroad? Aalis si Mama? Gulat na tanong niya sa kanyang sarili habang nakikinig.
Dinig niya ang pag-iyak ng kanyang ina at pagsusumamo nito sa tiyahin. Hindi naman itinago sa kanya ng ina ang tungkol sa ama. Pero bakit kailangan niya pang mag-abroad? Alam niyang mahina na ang kita ng tindahan nila sa bayan at halos malubog na sila sa utang. Pero ang iwan siya ng ina para mag-abroad? Iyon yata ang hindi niya kayang payagan.
"Ipinapangako ko sa'yo ate na hindi ako kukulangin sa pagpapadala ng pera sa inyo ni Cyndie," paniniguro ng ina sa kanyang tiyahin.
Nakita nito ang pag-iba ng mukha ng tiyahin sa narinig.
"Anong akala mo sa akin, Belinda? Tagapangalaga ng mga anak niyo? Aabutan niyo ng konting halaga na akala niyo sapat na?" pagtataas nito ng boses.
Lalong humahulgol ang kanyang ina. Awang-awa siya dito. Bigla siyang nakaramdam ng inis sa tiyahin. Kung ayaw niya, sabihin na lang niya na hindi. Huwag iyong iinsultuhin pa ang mama niya at pagsasalitaan ng kung anu-ano. Akmang bubuksan na niya sana ang pinto para yayain ang ina na umuwi ng marinig niya ang boses ng tiyahin.
"Tigilan mo na 'yang kakaiyak mo at naririndi na ako. Papayag na ako sa ilang kondisyon," naiiritang sabi nito.
Napatigil sa pag-iyak ang ginang at napatingin kay Luchie.
"Una, siguraduhin mong walang mintis ang pagpapadala mo ng pera dahil ayokong gamitin ang kinikita ko sa pasugalan sa pagtustos sa anak mo," panimula nito.
"At pamangkin mo rin ate," sabat ng ginang.
Inikot lang ni Luchie ang kanyang mga mata at saka nagpatuloy sa pagsasalita.
"Pangalawa, sa oras na madelay ka sa pagpapadala, huwag mong asahan na makakusap mo ang anak mo. Gagawin ko 'to para maisip mo na may anak kang iniwan dito na kailangan mong tustusan at balikan."
"At panghuli, huwag na huwag mong susubukan na hanapin ang Aurelio na iyon sa Qatar, dahil sa oras na malaman kong hindi ka pa tapos sa kahibangan mo sa kanya, sisiguraduhin ko sa'yo na wala ka ng babalikan dito," pagbabanta nito.
Sunod-sunod lamang na mga tango ang iginawad ng ginang bilang pagtugon sa mga kondisyon ng kapatid.
Halos hindi naman makapaniwala ang batang Cyndie sa mga narinig. Totoong pumayag na ang kanyang tiyahin sa pakiusap ng ina. Paano na ngayon siya?
***
Nakahinga ng maluwag si Belinda sa narinig na sagot mula sa kapatid. Tatanawin niyang malaking utang-loob ito.
"Maraming salamat ate at pumayag ka. Asahan mong hindi kita bibiguin sa pagkakataong ito," lubos na pasasalamat niya.
Matapos iyon ay lumabas sila ng kwarto. Laking gulat nito na nasa labas ng pinto ang anak at umiiyak.
"Cyndie, bakit ka umiiyak? May umaway ba sa'yo sa labas?" nag-aalalang tanong ni Belinda at sinubukang patahanin ang anak.
Dinala niya ito sa sala at umupo sa sofa. Pinunasan nito ang mga luha ng anak gamit lamang ang kanyang mga kamay.
"Tahan na. Ba't ka ba kasi umiiyak? Sabihin mo kay mama," pag-aalo nito sa anak.
"Totoo po ba, Ma? Iiwan niyo na ako?" humihikbing tanong ni Cyndie.
"Oo anak pero pansamantala lang naman. Mag-iipon lang si Mama para sa pangcollege mo. Di ba sabi mo, gusto mo maging sikat na writer?"
Tumango lamang ito.
"Eh pano ka magiging writer kung walang pampa-aral sa'yo ang Mama? At saka, mabilis lang si mama mawawala. Pag nakaipon na ako, uuwi ako kaagad. Pramis ni mama iyon," nakangiting sabi ni Belinda sabay taas ng kanyang kanang kamay na nanunumpa. Pinigilan niyang huwag maiyak at baka hindi na bumitaw ang bata sa kanya.
Hindi kumibo si Cyndie kaya tinanggap iyon ni Belinda bilang sagot ng kanyang anak.
"Dito ka muna kay Tita Luchie mo. Babalik muna si Mama sa tindahan ha. May mga gamit lang ako na kukunin. Magpakabait ka dito," pagpapaalam ng ginang.
Ilang sandali pa'y nagpaalam na ito kay Cyndie at sa kapatid. Lingid sa kaalaman ni Cyndie, iyon na pala ang huling beses na makikita niya ang ina.
***
Magdadapit-hapon na pero hindi pa rin bumabalik ang mama ni Cyndie. Kasalukuyang nakaupo sa hagdan ng bahay ang batang babae. Yakap nito ang dalawang tuhod habang nag-aabang sa pagbalik ng ina.
Sa kanyang paghihintay, may narinig siyang usapan mula sa isang grupo ng mga kababaihang may mga edad na nagsusugal sa loob ng bahay.
"Naku pano ba yan Luchie, mukhang may aalagaan at palalamunin ka na naman," kantiyaw ng isang matinis na boses.
"Oo nga. Kahit kailan talaga hindi ka na nadala. Naniwala ka na naman sa kapatid mo na iyon? Aba, sigurado akong hindi na iyon babalikan ang anak at hahayaan niya na lang na ikaw na ang tuluyang magpalaki sa batang iyan," dagdag pa ng isang babae na may himig ng pangungutya.
"Wala akong pakialam sa kung ano man ang gawin ng babaeng iyon. Basta't huwag lamang siya pumalya sa pagpapadala ng pera nang sa ganun eh wala kaming problema," pahayag ni Luchie.
Halos mangiyak-iyak si Cyndie sa mga narinig. Hindi niya yata kayang mabuhay sa piling ng kanyang tiyahin lalo pa't iyon ang tingin nito sa kanyang ina.
Bumitaw siya sa pagkakayakap ng kanyang mga tuhod at biglang tumayo. Kinapkap niya ang kanyang bulsa. Mabuti na lamang at hindi niya ibinili ang paboritong pudding sa bakery ni Mang Jerry kaninang umaga ang perang ibinigay ng kanyang ina.
Sinilip muna niya kung nasaan ang tiyahin. Nang makita itong abala sa pakikipagkwentuhan sa mga nagsusugal, agad siyang bumaba sa hagdan at lumabas ng gate.
Naghanap siya ng masasakyan. Nag-abang siya ng traysikel. Pupuntahan niya ang kanyang ina sa tindahan nila. Ito ang tanging iniisip niya habang pumapara ng traysikel. Wala silang bahay. Isinanla kasi ng ina ang kanilang bahay nang malubog sila sa utang at nagdesisyon na doon na lamang sila sa kanilang tindahan tumira.
Nang makarating sa bayan ay dali-dali niyang tinungo ang tindahan nila.
"Ma, ma. Buksan niyo po itong pinto. Si Cyyndie po 'to," sigaw niya habang patuloy na kumakatok sa pinto ng tindahan nila pero walang sumasagot.
Luminga-linga siya. Nang makita niya si Mang Jerry sa kabilang kalsada ay dali-dali niya itong tinungo.
"O Cyndie, bakit andito ka? Akala ko ba doon ka na nakatira sa tita mo?" nasorpresang tanong ng matanda.
"Hindi po. Hinahanap ko po si Mama. Nakita niyo po ba siyang umuwi?" tanong niya. Umaasa siyang may binili lang ang kanyang ina kaya sarado ang tindahan nila.
"Oo, kanina nakita ko siyang pumasok sa tindahan niyo pero ilang minute lang lumabas din siya. May dala-dala na siyang maleta at isang bag," sagot ni Mang Jerry.
"May sinabi po ba siya kung saan siya pupunta?" tanong ulit ni Cyndie. Halos maiyak na siya dahil hindi niya alam ang gagawin kung sakaling hindi bumalik ang nanay niya.
"Eh naku, hindi eh. Hindi nga siya dumaan dito sa akin. Mukhang nagmamadali ata siyang umalis. Teka, sino ang kasama mong pumunta dito?" biglang naitanong ng matanda nang mapansin nitong mag-isa ang bata.
"Ah eh...yung tita ko po. Nandun po siya sa karinderya," pagsisinungaling niya sabay turo sa karinderya sa unahan. "Sige po. Babalik na po ako kay tita. Salamat po." Iyon lang at dali-dali siyang umalis.
Nagpaikot-ikot siya. Wala na siyang pera pamasahe. At saka ayaw rin niyang bumalik sa tiyahin niya.
Sa kanyang paglilibot, bigla siyang nakaramdam ng gutom. Luminga-linga siya sa kanyang paligid. Wala siyang kakilala doon. Gustuhin niya man na pumunta kay Mang Jerry ay hindi pwede. Tiyak malalaman ng matanda na naglayas siya.
Natanaw niya ang karinderyang tinuro niya kanina. Walang tao sa loob.
Hindi na niya namalayan na naglalakad na siya palapit sa karinderya. Nang makahinto sa harap nito, agad nasamyo ng kanyang ilong ang nakakatakam na amoy ng bagong pritong manok.
"Hmmmm...ang bago naman. Lalo tuloy akong nagutom," sabi niya sa sarili.
Sinundan nito ang amoy papasok sa loob. Nang mapagtanto niya na nakapasok na siya ay napahinto siya.
"Naku lagot na! Tsk. Gutom na talaga ako," sambit niya sa sarili.
Naghanap siya ng mauupuan. Pumuwesto siya sa bandang kanan na malapit sa pinto ng karinderya. Hindi niya alam kung ano ginagawa niya doon. Pero wala naman siyang mapupuntahan. Dito na muna siya hanggang sa magsara sila.
"Siguro lumayas ka sa inyo 'no?" bungad na tanong ng binatilyo sa batang babae na naka-pig tails at nakasuot ng berdeng bestida. Kasalukuyan itong nakaupo sa bandang dulo ng kanilang karinderya. Kanina pa niya ito ino-obserbahan. Sa kilos pa lang nito at ang aura nung pumasok ito, ay halatang alam na niya ang nangyari.
"P-po? Hindi po," nauutal na sagot ng batang babae. Kunwari itong nagpalinga-linga sa kanyang paligid pero nang makita niya na hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan ang binatilyo na nasa harapan niya ay nagpasya siyang ibaling dito ang tingin.
"Hinihintay ko lang dito 'yung Tita ko. Sabi niya kasi, dito ko raw siya antayin," tila kinakabahan na paliwanag niya. Paano ba siya hindi kakabahan eh hindi umaalis ang tingin sa kanya ng binatilyo.
Naningkit ang mga mata ng lalaki at tinitingnan niya ang batang babae na parang kinikilatis niya ito at napapaisip kung totoo nga ba ang sinasabi.
"Talaga ba? Eh bakit mag-isa ka lang pumasok dito? Hindi ko nakita 'yung Tita mo na naghatid sa'yo dito," sunod- sunod na tanong nito sa babae. Parang gusto niyang mahuli ito sa sariling bibig. Ngunit bago pa man ito makasagot ay may bigla siyang narinig na sigaw mula sa likuran niya.
"Naku, talagang bata ka! Nakikipagkwentuhan ka na naman diyan? Kasing taas na ng bundok ang mga nakatambak na pinggan doon sa kusina. Maghugas ka na dun!" boses ng isang babae na nasa edad trenta y singko ang nakapamaywang na nakatayo sa estanteng gawa sa kristal.
Napakamot sa ulo ang binatilyo. Tila nakaramdam siya ng hiya sa batang babae dahil sa sermon na inabot mula sa nanay niya.
"Sandali lang ha. Babalikan kita, wag kang aalis diyan." akangiting sabi nito sa batang babae saka siya tumalikod at nagsimulang lumakad papalayo.
"Sandali..."
***