Chapter Two

1658 Words
Maagang gumising si Daryo para mag intindi ng kaniyang sarili. Alas kuwatro pa lamang ng madaling araw at mahimbing pa ang tulog ng kaniyang mga anak na sina Felipe at Nenita na nakahiga sa banig na gawa sa dahon ng niyog. Bagamat nakapikit ang kaniyang asawang si Germana, ay alam ni Daryo na ito ay gising na. Marahil ay iniisip pa rin ng kaniyang asawa ang sinabi niya tungkol sa kaniyang kaibigan na si Dante. Kinagabihan kasi no'n ay halos hindi sila nag-imikang mag asawa dahil sa masamang balita na iyon. Ang una ay namatay ang kaibigang matalik ni Daryo, at ang pangalawa naman ay hindi matutustusan ang pang matrikula ni Felipe sa paaralan. Nag punta si Daryo sa kanilang maliit na kusina hawak ang maliit na lampara upang mag silbing liwanag sa kaniya. Ang mga huni ng kuliglig ay maririnig pa rin sa paligid dahil ang kanilang lugar ay halos napapaligiran ng mga puno. Kumuha siya ng basong gawa sa lata at sumalok ng tubig mula sa tapayan at saka uminom. Siya ay lumbas at kumuha ng panggatong na kahoy na gagamitin niya sa pagpapa-init ng tubig. Matapos iyon ay nag timpla siya ng kape sa tasa na kaniyang pinag inuman. Habang humihigop ng mainit na kape ay naramdaman niyang lumabas mula sa silid si Germana. Sandali niya itong pinakiramdaman at hindi nililingon hanggang sa ito ay mag salita, "talagang pupunta ka pa ro'n?" bigla nitong tanong. Ibinaba ni Daryo ang hawak niyang tasa ng kape sa lamesa at saka huminga ng malalim at nilingon ang kaniyang asawa habang siya ay nakaupo, "mahal, kailangan kong mag trabaho para sa 'tin." Mahinang sabi nito na iniiwasang marinig ng kaniyang mga anak. "Gusto mo rin bang mamatay kagaya ni Dante? Gusto mo rin bang iwanan kami ng mga anak mo?" hindi napigilan ni Germana ang kaniyang boses, kaya napasilip si Daryo sa kanilang silid dahil narinig niyang umungol si Nenita. "Ano Daryo?" muling sabi ni Germana. Tumayo si Daryo at hinarap ang kaniyang asawa, "hindi ako mamamatay Germana. Wala naman akong kasalanan sa kanila." Marahang sabi nito. "Eh bakit nila pinatay si Dante? Kasi wala siyang kasalanan?" sa pagkakataong ito ay napansin ni Daryo ang nangingilid na luha sa mga mata ng kaniyang asawa. Alam niya na natatakot lamang ito para sa kaniya at hindi niya ito masisisi sa kabila ng nangyari sa kaniyang kaibigan na pinatay ng walang awa ng mga kastila. Hindi niya rin masabi kay Germana na maging siya, ay natatakot din para sa kaniyang sarili. Nilagay ni Daryo ang kaniyang palad sa makinis na pisngi ng kaniyang asawa. Hinimas niya ang malambot nitong balat gamit ang kaniyang hinlalaki, "huwag kang mag-alala mahal ko, walang mangyayaring masama sa 'kin." Ang totoo ay malaki ang tiyansang may mangyaring masama sa kaniya. Dahil sila ay napapaligiran ng mga kastila na halos tatlong daan taon ng naninirahan sa Pilipinas. Mahirap mag trabaho sa isang lugar na napapaligiran ng mga dayuhang kastila na hindi mo malaman kung ano ang tinatakbo ng kanilang mga bituka. Si Daryo at Dante ay pawang magsasaka sa lupang dapat ay pagmamay-ari nila, dahil ang mga lupang iyon ay pagmamay-ari pa ng kanilang mga ninuno. Ngunit ang lahat ng ito ay inagaw ng mga prayleng kastila mula sa kanila simula noong matuklasan ng mga ito ang kanilang lugar na may matabang lupa. Tandang-tanda ni Daryo ang araw na ibinagsak ng mga kastila na parang baboy ang walang buhay na katawan ni Dante sa kanilang harapan. Ang salakot nito at nagka pira-piraso at ang kamiseta nito ay nabahiran ng sarili niyang dugo dahil sa mga tama ng bala mula sa baril ng mga kastila. Nanlambot ang kaniyang mga tuhod ng makita niya ang kaaawa-awang si Dante na wala ng buhay. Napaluhod na lamang siya sa lupa at napa hagulgol sa iyak. Gusto niyang gumanti ngunit hindi niya magawa dahil wala siyang kakayahan. Kaya imbes na gumanti ay pinili na lamang niyang manahimik. May mga nagsabi na kaya pinatay si Dante ay dahil nag nakaw raw ito ng salapi mula sa mga kastila. Ngunit hindi naniwala si Daryo dahil kilala niya ang kaniyang kaibigan. Ang pag nanakaw ay kailan ma'y hindi naging ugali ni Dante. Niyakap ni Germana ang kaniyang asawa ng napaka higpit na parang ito na ang araw na huli niya itong mayayakap. Nag-aalala siya para sa kaniyang asawa, gano'n din para sa kaniyang mga anak na ano mang oras ay puwedeng maulila sa ama. Gustuhin niya mang pigilan si Daryo ay hindi niya magawa dahil na rin sa kagustuhan ni Daryo. Wala siyang magawa kung 'di ang mag dasal na lamang sa Diyos na sana ay palagi niyang gawing ligtas ang kaniyang minamahal na asawa at ama ng kaniyang mga anak. Sumapit ang hapon sa nayon ng Lansay. Masayang nakikipag kuwentuhan si Felipe sa mga kapwa niya kabataan habang binabantayan ang kaniyang nakababatang kapatid na nakikipag laro sa mga anak ng kanilang karatig bahay. Sa gitna ng kanilang kuwentuhan ay may biglang dumating na limang sundalong kastila sakay ng mga kabayo. Ang lahat ay nakasuot ng matingkad na kulay asul na rayadillo. Sa kanilang mga baywang ay ang mga pistolang naka lagay sa kabulan na gawa sa balat ng hayop. Nagulantang ang lahat ng naroroon maging ang mga bata na masayang nag lalaro sa lupa na dali-daling kinuha ng kani-kanilang mga magulang, maliban kay Nenita na agad na tumakbo at nag tago sa likod ng kaniyang kuya Felipe. Ang ilan naman ay nagsitakbo patungo sa kani-kanilang mga tahanan maliban kay Felipe at sa dalawa niya pang kausap. Ilang saglit pa ay dumating naman ang dalawa pang lalake, sakay ng kabayo na nag lalakad papunta sa limang sundalo. Ang isa ay naka suot ng puting rayadillo, ang ibig sabihin ay isa itong opisyal. Ang isa naman ay isang pilipinong lalake na nakasuot din ng matingkad na kulay asul na rayadillo. Ang ibig sabihin lamang nito ay sumapi siya sa hukbo ng mga kastila at marahil ito ay ang nagsisilbing taga saling wika ng opisyal na kaniyang kasama. Humarap ang nakaputing opsiyal na sakay ng itim na kabayo sa harapan ni Felipe at ng kaniyang mga kausap. Ang kabayo ay humalinghing pa sa kanilang harapan. Agad namang lumapit ang pilipinong sundalo sa tabi ng kaniyang opisyal. Nakaramdam si Felipe ng takot habang nag tatago sa kaniyang likuran si Nenita. "Buenas Tardes!" malakas na sigaw ng opisyal. "Magandang hapon," agad namang sabi ng pilipinong taga salin wika. "Estamos aquí para reunir a hombres adultos," dagdag ng opisyal. "Kami ay naririto upang mangalap ng mga lalaki na may sapat na gulang," sabi naman ng taga salin wika. "Para dar empleo a la finca del señor Tamayo," muling dagdag ng opisyal. "Upang mag trabaho sa sakahan ni senyor Tamayo," sabi naman ng taga salin wika na tila anino ng opisyal. Napatingin si Felipe sa kaniyang paligid at wala siyang nakita na ni isang lalake maliban sa kaniya at sa kaniyang mga kausap. Si senyor Tamayo ay ang taong nagmamay-ari ngayon ng lupang sinasakahan ng kaniyang amang si Daryo. Marahil ay naghahanap sila ng taong ipapalit sa kaniyang tiyo Dante na sinasabing pinatay mismo ng mga sundalong kastila. Habang tinatago ni Felipe ang kaniyang kapatid sa kaniyang likuran ay napatingin siya sa pilipinong umanib sa hukbo ng mga kastila. Dito malaki ang galit ni Felipe, sa mga pilipinong nagpapagamit at sunud-sunuran sa mga dayuhan, kaya naman tinitigan niya ito ng masama. Kahit na sa murang edad ay alam na ni Felipe ang mga nangyayari sa kaniyang paligid. Alam niya na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espanya, ilang daang taon na ang nakalilipas. Matulis ang pagkaka tingin niyang iyon napansin siya ng pilipinong taga salin wika, "ang talas ng tingin mo sa 'kin bata ah!" Nakangiti nitong sabi. Hindi umimik si Felipe. Ngunit sa kaniyang puso ay gusto niya ng sabihin kung gaano niya ikinakahiya na naging kalahi niya ang taong ito na binihisan lamang ng mga kastila ay tila naging isang aso na kung maka sunod sa mga ito, na halos lahat ng iutos ay kaniyang gagawin alang-alang sa kaniyang kaligtasan. Taksil sa bayan, sa isip-isip ni Felipe. Napasingap naman ang lahat at ang limang sundalo ay napabunot ng kani-kanilang mga pistola nang lumabas mula sa pinto ng tahanan si Germana. Dali-dali itong tumakbo papunta sa kaniyang mga anak at agad itong iginapos sa kaniyang bisig, lalo na si Nenita. Napatingin siya sa mga sundalong kastila na nakasakay sa kabayo at sa opisyal na nakasuot ng puting rayadillo at pati na rin sa pilipinong katabi nito, "pumasok na kayo sa loob mga anak." Mabilis na sabi ni Germana sa kaniyang mga anak na agad naman nilang sinunod. Inakay ni Felipe ang kaniyang kapatid at dali-daling tumakbo sa kanilang tahanan, at ang dalawang kausap ni Felipe ay kumaripas na rin ng takbo palayo. Muling tiningala ni Germana ang mga kastila at ang pilipinong katabi ng opisyal. Alam niya na isa itong Pilipino dahil sa istura nito, at dahil sa wala rin itong sapin sa paa na 'di kagaya ng sa mga kastila. "Anong kailangan niyo?" matapang na tanong ni Germana sa Pilipino. "Hindi ako maaaring magkamali," malayong sagot ng Pilipinong utusan. "Ikaw ang asawa ni Daryo!" Napalingon ang opisyal sa kaniyang taga salin wika. Kilala niya si Daryo na isa sa mga magsasaka sa lupain ni Senyor Tamayo. Ibinaling ng opisyal ang kaniyang tingin kay Germana. Pinagmasdan niya ang maganda at maamo nitong mukha at habang ginagawa niya ito ay hindi niya maiwasang mapangiti dahil sa kagandahang taglay nito. Napansin ni Germana na kakaiba ang tingin sa kaniya ng opisya, malagkit at malapot na tingin na tila gusto siyang iuwi na parang laruan. Mas lalong kinilabutan si Germana ng kindatan siya nito. Kaya sa halip na makipag-usap pa ay tinalikuran ni Germana ang mga kastila at dali-daling naglakad papasok sa kanilang tahanan. Habang ang opsiyal naman ay nakangiti pa rin siyang pinagmamasdan. "Vamos!" sigaw ng opisyal at saka sila ay umalis sa lugar na iyon sakay ng mga kabayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD