"Kukunin ba kami ng mga kastila 'nay?" hindi naiwasang tanong ni Felipe sa kaniyang ina, habang sila ay naghihimay ng sitaw. Kahapon lamang ay bumisita ang ilang sundalong kastila sa kanilang lugar upang mangalap ng mga kalalakihang may wastong gulang para pag trabahuhin sa sakahan ni Don. Tamayo, isang malupit at mapang alipustang kastila.
"Hindi, hindi ako makapapayag na kunin ka anak ko," sagot naman ni Germana, sabay haplos sa pisngi ng kaniyang anak. Alam ni Germana ang kalupitan ni Don Tamayo, alam niya rin ang ginawa nito sa kaibigan ng kaniyang asawa na si Dante. Kaya naman hinding hindi papayag si Germana na mapunta si Felipe sa kamay ng mapang aping mga kastila kahit na sa sakahan ni Tamayo nagtatrabaho ang kaniyang asawa na matagal niya ng binabalaan.
"Bakit kaya naghahanap pa sila ng maraming tao?" muling tanong ni Felipe.
Hindi sumagot si Germana kahit na alam niya kung ano ang dahilan. Nangangalap ng maraming tao si Don. Tamayo dahil maaaring marami na naman itong pinaligpit at alam iyon ni Germana base sa mga sinasabi ng kaniyang asawa. Napa lunok na lang ng laway si Germana habang siya ay pinag mamasdan ng kaniyang anak na nag hihintay ng kaniyang sagot, "ah. . .siguro baka marami ng umalis."
Hindi na nag tanong pa si Felipe at ipinag patuloy na lamang ang pag hihimay ng sitaw katulong ang kaniyang ina. Ngayong araw ay katatapos lamang mamitas ni Germana sa kaniyang maliit na gulayan na ginagawa niya ring libangan sa tuwing wala ang kaniyang asawa o 'di kaya'y kapag wala siyang magawa.
Inabot ng oras ng tanghalian ang paghihintay ni Germana sa kaniyang asawa at ang limang taong si Nenita ay kanina pa naghahanap ng pagkain. Kaya naman nagpasya si Germana na mauna na silang kumain kaysa hintayin pa ang kanilang padre de pamilya. Nagustuhan ni Nenita ang nilutong sitaw ni Germana, "Ang galing mo talaga mag luto 'nay." Sabi pa nito ng may mga nakadikit na kanin sa bibig. Si Felipe naman ay binilisang kumain dahil sa mga kaibigan niyang naghihintay sa kaniya sa labas ng kanilang bahay.
Matapos ang tanghalian ay inasikaso kaagad ni Germana ang kanilang mga pinag kainan upang siya ay makapag pahinga na kaagad. Si Nenita ay tuwang-tuwang pinunasan ang kanilang lamesa, kahit na hindi maayos ang pagkaka punas nito ay hinahayaan lamang ito ni Germana upang matuto sa gawaing bahay ang babae niyang anak.
Maya-maya pa ay nakatulog na si Nenita sa kanilang silid at dumating na rin si Daryo. Kagaya ng palagi nitong itsura kapag dumarating, basa ang damit nito na animo'y sinabuyan ng tubig dahil sa pawis. Dali-daling inasikaso ni Germana ang kaniyang asawa, pinunasan ang mukha at hinubaran ng damit. Ganito ang palagi nilang eksena sa tuwing umuuwi si Daryo. "Basang basa ka na naman ng pawis," sabi ni Germana, habang hinihimas ang likuran ng asawa gamit ang ginupit na lumang damit.
"Mainit sa labas eh," saad naman ni Daryo. Una niyang napansin sa kaniyang asawa ay ang tila balisa nitong pagkilos kaya naman tinanong niya ito, "may problema ka ba mahal ko?"
Napahinto si Germana at napa buntong hininga. Tinulungan niyang makapag bihis ang kaniyang asawa at pagkatapos ay naupo sa harapan nito, "kahapon kasi, may nag puntang mga kastila rito. Nag hahanap sila ng mga dagdag na trabahador sa lupa ni Don. Tamayo. Natatakot lang ako na baka kunin nila si Felipe."
Napaisip bigla si Daryo na siyang nakakaalam sa kakaibang bagsik at pamamalakad ni Don Tamayo. "Namukhaan mo ba ang mga sundalo?" tanong ni Daryo.
"Dalawa lang ang natatandaan ko," sagot naman ni Germana. Tandang tanda ni Germana ang sundalong kastila na may kakaibang tingin sa kaniya na nakasuot ng puting rayadillo, at ang Pilipinong umanib sa mga kastila, "isang opsiyal tapos may isang Pilipino."
Alam na kaagad ni Daryo kung sino ang mga tinutukoy ng kaniyang asawa. Hindi siya maaaring magkamali, sina Tinyete Gonzaga at si Rene na dati niyang kasamahan sa sakahan na ngayon ay umanib sa kastila upang mailigtas ang sarili. Ito rin ang sinasabing naging kasangkapan sa pagkamatay ng kaniyang pinaka matalik na kaibigan na si Dante.
Hindi naka imik si Daryo na parang ang kaniyang dila ay bigla na lamang umurong. Napansin kaagad ito ni Germana kaya naman hinawakan niya ang kamay nito, "may problema ba? Kilala mo ba sila?" tanong ni Germana.
"Kilala ko sila," sagot naman ni Daryo na nakatingin sa malayong direksyon. "Bakit dito pa sila nag hahanap?" sa tonong ito ni Daryo ay ramdam ni German ang pang gigigil nito. Ang kaniyang mga kamay ay tumikom sa kaniyang manipis na damit pang ibaba, "hindi ko hahayaang makuha nila si Felipe kapag nagkataon."
"Ano ba nangyayari Daryo? Kulang na naman ba kayo sa sakahan?" tanong ni Germana kasabay ng pagkunot ng kaniyang noo.
"Palagi kaming nag kukulang sa tao " sagot naman ni Daryo, at pagkatapos ay hinawakan sa magkabilang balikat ang asawa at tiningnan sa mga mata, "Huwag mong ibibigay si Felipe kung sakaling wala ako rito." Dagdag pa ni Daryo. Damang-dama ng kaniyang asawa ang takot at pag-aalala dahil sa mga mata nitong nanlalaki.
"Paano kung sapilitan nilang kunin? Kagaya ng ginawa nila sa 'yo," saad naman ni Germana.
Tandang-tanda ni Daryo ang eksena sa kanilang lugar. Sapilitan silang kinuha ng mga kastila, upang gawing trabahador sa lupa ni Tamayo. Kabilang na rito ang kaniyang kaibigang si Dante. Ayaw sana noon ni Daryo na sumama ngunit hindi siya nakapalag sa riple na nakatutok sa kaniyang mukha. Dahil sa bukod na mababa ang pasahod ay malupit pang makitungo si Tamayo sa kaniyang mga trabahador. Hanggang sa natanggap na lamang ni Daryo ang lahat, at hanggang sa masanay na rin siya sa trabaho. Kaya rin pumayag si Daryo na mag trabaho sa sakahan na dapat ay sa kanila, ay upang maprotektahan na rin ang kaniyang pamilya. Ang hindi niya lamang makakayang tanggapin ay pati ang kaniyang anak na lalaki ay kunin ng mga kastila. Kahit na nasa edad labing walo na ito at nasa wasto ng gulang, ay hindi pa rin siya makakapayag dahil iba ang lupit ni Tamayo.