Naiisip ni Amelia na kung sana ay hindi na lang siya lumabas ng gabing iyon ay sana hindi na niya kailangan na mapalayo sa kanyang magulang. Maraming pagsisisi kay Amelia ngunit alam niya na kahit magsisi pa siya habangbuhay ay hindi na niya mababago ang katotohanan na may nakakita sa kanyang itsura.
“Kahit naman ayaw kong lumayo ay wala na akong magagawa dahil nirerespeto ko ang inyong desisyon. Alam ko naman po na para naman sa akin iyon, isa pa ay kasalanan ko kung bakit nangyayari ito ngayon,” naramdaman naman ni Amelia na niyakap siya ng kanyang ama habang nakayakap siya sa kanyang ina.
“Magiging maayos rin ang lahat anak, pangako,” sabi ng kanyang ama sa kanya.
Nasa loob ng kwarto niya si Amelia habang patago siyang nakasilip sa bintana ng kanyang kwarto. Narinig niya kasi na may mga kabataan na kasing edaran niya lang ang nagtatawanan sa labas kaya naman dahil sa kuryosidad ay sumilip siya. Naging maingat naman ang kanyang pagsilip dahil ayaw na niya maulit ang nangyari noong isang gabi. Sa pagsilip naman ni Amelia ay mas lalo lang siyang nainggit sa panunuod niya sa mga kabataan na nagkakasiyahan. Halata sa mga mukha ng mga ito na hindi nila alintana ang kumakalat na balita tungkol sa isang namatang albinos. Napansin rin ni Amelia na may mga hawak itong mga modernong kagamitan habang masayang nakikipagkulitan sa isa’t isa. Dahil sa lungkol na nararamdaman ni Amelia ay mas pinili na lang niya ang huwag na sumilip dahil mas lalo lang siyang nasasaktan at mas lalo lang niya nararamdaman ang pagiging kakaiba niya sa kanila.