“Maganda ang damit na napili mo Sir Tom pero masyado yatang maliit iyan para sa asawa mo? Pasensya na kayo Sir, pero ganyan rin kasi ang sinusuot ng panganay na anak na babae ko, alam niyo na nagdadalaga,” natatawang sabi ni Gerardo saka siya nagkamot ng kanyang ulo. Habang si Tom naman ay hindi alam kung ano ang kanyang isasagot dahil bigla siyang nakaramdam agad ng kaba ngunit agad naman na nakabawi siya pero hindi nakikita niya pa rin kay Gerardo na nagtataka pa rin ito.
“Gusto lang subukan ni misis,” iyon na lang ang isinagot ni Tom sa kanya saka siya nagpaalam dito na aalis na. “Paano Konse, una na ako. Nagluto kasi ng agahan si Susana eh.”
“Kung sakali ay maaari ba kami ulit makakain sa inyong bahay? Aba’y namimiss na ng asawa ko ang luto ni Ma’am Susana.”
“Oo naman konse, bukas ang tahanan namin para sa inyo,” napangiti naman si Gerardo sa sagot sa kanya ni Tom.
Habang naglalakad si Tom ay hindi niya alam na nakatingin pala sa kanyang likuran si Gerardo.
“May kahinala-hinala talaga sa kanilang mag-asawa eh. Kailangan malaman ko kung ano iyon,” dati pa kasi naghihinala si Gerardo sa kanilang mag-asawa kaya naman hindi na niya hahayaan na hindi niya malaman iyon sa pagkakataong ito.