Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Nelya. Maging si Nilo ay nagtatakang napatingin sa kanyang ina.
"Nay, akala ko ba po bukas pa?" Mabilis na tanong nito sa ina, ayaw pang umalis.
Bumuntong hininga naman ang kakambal kong si Nelya, "Kailangan na kasi, Nilo," nagpapaintindi ngunit may pagmamadali sa tono ng boses nito.
Tumingin ito sakin ng may lungkot sa mata at pagpapaalam pero wala akong naging tugon kung hindi ang tipid na ngiti dahil sa kaba. Sa ikinikilos ng kapatid ko, talagang kakabahan ako. Gusto kong magtanong pero may nagbara sa lalamunan ko dulot ng kaba sa dibdib ko. Sana lang maayos ang lahat.
Tumikhim naman si Corro na kanina pa pala nagmamasid at nakikinig sa usapan namin. "Nelya, ngayon na ba kayo aalis?" Tanong nito sa kakambal ko.
Agaran at mabilis na tumango ang kapatid ko. "Oo, biglaan kasi eh. pasensya na ah?"
"Ipapakuha ko lang yung mga gamit niyo. Ipapahatid ko na lang din kayo para makasigurado ako sa kaligtasan niyo." Pag-aasikaso ni Corro sa kapatid at pamangkin ko. "Tapusin niyo na muna ang kinakain niyo para busog kayo sa biyahe." ani pa nito bago bumaling sa akin.
Nilalamon man ng kaba ay ngumiti ako rito. "Salamat," mahinang saad ko.
Humalik ito sa noo ko bago nagbilin. "Ubusin mo ang kinakain mo, babe. Aasikasuhin ko lang muna ang mga kakailanganin nila Nelya." paalam nito bago tumayo. Nang tumango ako ay saka lang ito umalis ng dining area.
"Nelya," tawag ko sa kunot ang noo at hindi mapakaling kapatid ko. "Sino ang tumawag?" Kabadong tanong ko.
Kumagat ito sa kanyang labi saka tumingin sa akin na parang nahihirapan, tila may ipinapahiwatig. "Si Tita Vicky kasi inatake ng altapresyon," nag-aalalang sabi nito pero parang may gusto pang sabihin dahil bumubulong-bulong parin sa hangin.
"Po? Na naman?" pagsasabat ni Nilo sa usapan. Pinandilatan naman ito ng kanyang ina dahil hindi maganda ang ganitong pagsasabat sa usapan ng mga matatanda.
Ipinagsawalang halaga ko ang pagbubulong nito. Hindi tulad ni Nelya, hindi kami gaanong malapit ni Tita Vicky, pareho kasi silang bungangera kaya close sila. Kaya naman ganito na lang ang mga iniaakto ni Nelya dahil tinuturing niya na ring nanay si Tita Vicky.
Nag-aalala ako syempre pero normal na kasi samin na atakihin si Tita Vicky ng kanyang altapresyon at masasabi kong si Nelya ang huwarang pamangkin na over kung maka-react kapag ganon. Kung gaano ako mag-alala at kabahan ngayon ay mas doble ang sa kakambal ko.
Pumasok ng dining area si Corro. "Magkakarga lang daw ng gasolina yung driver, Nelya."
"Nako! Salamat Cor! Hindi ko narin isasama si Neya pabalik ng Bicol para maenjoy niyo yung pamamasyal niyo." Mahabang pasasalamat nito kay Corro, kilala ko ang kapatid ko.at masasabi kong pilit ang ngiting ipinakita niya sa amin ngayon-ngayon lang. Siguro ay kinakabahan talaga sa lagay ni Tita Vicky.
Ngumiti naman ng maluwag si Cor. "Kung sasama man si Neya ay sasama rin ako." saka ito ito bumaling sa akin na tinugon ko na lamang ng ngiti.
Nag-aalala ako sa lagay ni Tita, pero kinikilig talaga ako sa mapapangasawa ko. Pwede naman sigurong mag-alala habang kinikilig?
"Dito lang yan!" Agad na kontra ng kakambal ko kahit wala pa naman akong desisyon.
Napapabuntong-hiningang napangiwi na lang ako.
Pagkatapos kumain ay naghanda na ang kakambal at pamangkin ko para sa pag-alis nila. Gusto ko mang sumama ay siguradong tututol si Nelya at ayaw ko rin namang iwanan si Corro pagkatapos ng pag-aalok niya ng kasal kanina.
Muli akong napangiti ng maalala ang proposal na iyon ni Corro sa Luneta. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan.
Dinama at tiningnan kong mabuti ang singsing sa aking daliri at napangiti ng matamis. Simple lang naman ang singsing na kumikinang pero, labis-labis ang ibig sabihin nito para sa aming pareho ni Corro. Simbolo iyon ng kahandaan namin sa susunod na yugto ng aming relasyon.
Ang Luneta kung saan inirekomenda pa ni Lola, ang pagsilay ng araw kaninang umaga, ang pumpong ng mababango at magagandang rosas, singsing na may tampok na maliit at makinang na diyamante, at ang lalaking nagbigay ng lahat ng iyon sa akin. Si Corro na ipinaramdam ang importansya ko at ang pagmamahal niya sa akin ngayong araw at sa mga susunod pa. Napakaswerte ko namang babae. Ano kayang nagawa ng mga ninuno ko sa nakaraan para swertehin ako ng ganito?
Napukaw ako mula sa pag-iisp ng biglang may yumakap mula sa likuran ko. Mahigpit ngunit puno ng lambing ang yakap na iyo. Si Corro ang yumakap, walang iba. Amoy pa lang ay kabisado ko na.
"Aren't you sleepy, Babe?" tanong nito sa akin habang isinisiksik ang mukha nito sa gatla ng leeg at balikat ko kahit nakayuko na ito.
Napangiti akong muli, "Mamaya na lang ako magpapahinga kapag naihatid na natin sina Nelya." sabi ko saka hinalikan ang mabangong buhok nito.
Nakangiting nag-angat ito ng tingin sa akin. "Ganda mo, Babe." pambobola nito saka humalik sa sentido ko.
Nangingiting tinapli ko na lang ang braso nitong nakayakap sa akin, kapagkuwan ay may tumikhim sa aming likuran kaya sabay kaming napabaling doon, si Corro ay hindi bumitas sa pagkakayakap sa akin.
"Istotbo lang ho, Sir." ngiti ng katulong na si Nay Cristy. "Naghihintay na ho sina Ma'am Nelya at Nilo sa garahe." pagpapaalam nito samin.
"Susunod na po kami, Nay. Salamat po." ganting ngiti ng mapapangasawa ko.
Nang magtama ang paningin namin ni Nay Cristy ay sabay kaming nagtanguhan at ngumiti. "Salamat po." mahinang saad ko rito.
"Walang anuman." maluwag na ani nito saka tumalikod at umalis na.
Kumalas sa pagkakayakap sa akin si Corro saka nakangiting naglahad ng kamay. "Let's go?" hindi na ata mawawala ang malaking ngiti sa labi, mata at mukha nito.
Nata-touch na iniabot ko naman ang kamay nito saka kami naglakad papunta sa kanilang garahe.
Naroon na sina Nelya at Nilo sa tabi ng sasakyan ng madatnan namin.
"Corro, alagaan mo tong kapatid ko ah?" ratsada agad ng kakambal kong si Nelya.
Napangiti na lang si Corro rito. "Habang-buhay kong aalagaan ang kapatid mo." paniniguro nito.
"Ayieeee!" kinikilig na tili nito. "Pag yan pinaiyak mo nako! Lagot ka sa itak ni itay!" pananakot ng kapatid ko na ikinatawa namin.
"Oo nga, Tito Cor! Lagot ka kay Lolo Leo." sabat rin ng pamangkin ko na binaggit pa ang pangalan ng kanyang lolo na itay ko.
Bumaling naman sa akin si Nelya. "Ikaw naman, alagaan mo rin yang mapapangasawa mo!" pangaral naman nito sakin. "Alaga lang muna ha? Huwag muna sa kama." derederetsong pagdaldal nito na parang walang batang nakikinig.
"Bibig mo nga, Nelya." saway ko rito saka isinenyas ang ang pamangkin na nakangiwi.
"Aalis na kami ah? Mag-iingat kayo pareho." pamamalam nito sa amin.
"Tawag ka na lang, Nelya. Mag-iingat rin kayo." pagbilin ko saka bumaling kay Nilo. "Maging good boy ka sa biyahe nyo ah?"
Ngumiti naman ito sa akin saka tumango. "Oo naman, Tita! Magiging ring bearer pa ako sa kasal niyo. Di ba, Tito Cor?" baling nito kay Corro.
Nangingiting ginulo ni Cor ang buhok nito saka sumang-ayon. "Ikamusta mo ako kina Itay."
"Neya ha? Iyong mga bilin ko! Ayaw ko pang magka-pinsan si Nilo ng di ka pa kasal." ratsada na naman nito.
Napailing na lang ako. "Oo!"
Sumakay na ang mga ito sa inihandang sasakyan ni Corro.
"Bye, Tito! Bye, Tita!" kaway sa amin ni Nilo.
Kumaway rin si Nelya, "Mauna na kami! Dios Mabalos!"
"Ingat kayo." kaway ko ng dahan-dahan ng umalis ang sasakyan na kinalulunadan ng mga ito.
"Ingat!" tanging sigaw ni Corro saka muling yumakal sa akin. "Magpahinga kana." puno ng pag-aalaga talaga ang mapapangasawa ko.
Tumango na lang ako saka kami sabay na pumasok sa loob ng bahay nila.