Simula

1111 Words
“...pagbilang ‘kong tatlo nakatago na kayo, isa, dalawa, tatlo!” Agad kong inalis ang panyong nakapiring sa mata ko matapos kong magbilang. Wala na ang mga kalaro ko sa kahit saan, ni anino nila ay hindi ko makita. Napakamot ako sa ulo. Ito ang ayaw ko sa larong taguan, kapag ako na ang taya at ako na ang maghahanap. Nagmumukha kasi akong tanga sa paghahanap, kung minsan pa ay nagsisiuwian na ang mga kalaro ko. Napabuntong-hininga ako saka marahang naglakad paalis sa bakuran ng kaharap naming bahay. Doon kami naglalaro dahil bukod sa malawak ang espasyo ay walang mga pananim na halaman ang madidisgrasya. Muli akong lumingon sa bakuran bago ako tumawid sa kalsada. Ayokong maghanap, bahala sila. Pagkatapos kong tumawid ay natanaw ko na ang bahay namin sa ‘di kalayuan. Walang tao roon ngayon dahil umalis si Lolo, Lola, Nanay, Tatay, at Tita Vicky. Ang kapatid ko namang si Nelya ay hindi ko alam kung nasaan, siguro ay nakikipaglaro sa kung saan. Hindi kasi kami pareho nang mga kalaro. Papalapit na ako sa b****a nang aming bakuran nang mapansin ko ang lalaki roon. Matikas ang tindig nang lalaking nakatanaw sa bahay. Alanganing tumabi ako rito saka tumingala. “May kailangan po kayo?” tanong ko rito. Doon niya pa lamang ako nilingon at nginitian. “Sino po ang sadya niyo?” Niyuko ako nito saka pinagkatitigan. “Dito ka ba nakatira, Hija?” tanong nito sa akin sa malumanay na paraan. Napakurap-kurap ako. Mayaman ang mamang nasa harapan ko, halata kasi sa kanyang pananamit. Baka mayaman talaga kami tulad sa teleserye tapos... “Hija?” napakurap ulit ako. “Opo, may sadya po kayo?” Ngumiti ito saka bumuntong hininga. “Wala naman napadaan lang ako.” Napakamot ako sa ulo. Siguro turista lang siya dito sa Pasacao at pumarito para mag-swimming. Binalik nito ang tingin sa bahay namin. Matagal itong tumitig doon kaya pinutol ko iyon. “Turista po kayo? Gusto niyo pong pumasok? Nauuhaw po ba kayo o nawawala o...makikigamit nang banyo?” normal kasi iyon sa mga turista. Mahinang tumawa ito saka ginulo ang buhok ko. “Pwede bang maki-inom nang tubig, kung ganoon?” anito matapos tumawa. “Sige po!” nanguna ako sa paglalakad papunta sa pintuan. “Hindi po mineral water ang tubig namin, ayos lang po ba iyon?” “Ayos lang, hija. Hindi naman ako mapili.” Matapos kong buksan ang magaan naming pintuan ay dire-diretso ako sa kusina. “Pasok po kayo, kukuha lang po ako nang tubig.” Habang nasa kusina ako ay rinig kong nagsalita ito. “Masaya na nga talaga ang aking nobya sa piling ng iba.” hindi ko na lang iyon pinansin. “Heto po tubig.” Abot ko sa baso saka naupo sa tabi nito. Kaedad lang siguro nila Lolo at Lola ang lalaking ito. “Ilang taon ka na, hija?” baling nito sa akin. “Pito po.” “Nasaan ang mga kasama mo rito sa bahay?” nilibot pa nito ang paningin sa kabuoan ng maliit naming bahay. “Umalis po.” tumango-tango ito. “Ano pong pangngalan niyo? Saang lugar po kayo galing? Turista po kayo?” Muli itong tumawa ng mahina. “Manang-mana ka sa Lola mo, hija.” napawi ang ngiti nito saka nag-iwas nang tingin. “Galing ako sa Maynila. Tumira ako rito noon.” Maynila? Wow! Kailan kaya ako makakapunta roon? Sabi ni Lola ay hindi rin daw siya nakapunta roon, sana makapunta kaming pareho. “Ahh.” Muli akong kumamot sa ulo at nagpunas nang pawis gamit ang laylayan ng damit ko. “Pasensya na po ang init dito sa bahay namin.” “Nako, hija. Ayos lang at pasensya ka na kung sa'yo pa ako humingi ng tubig. Heto oh.” Abot nito ng panyo sa akin. “Pamunas mo ng pawis.” Agad ko iyong kinuha. Ang lambot. “Salamat po!” “Hija, salamat dito sa tubig. Aalis na ako at baka mapagalitan ka sa pagpapapasok sa akin.” tayo nito mula sa upuan. Gumaya ako. “Sige po! Ayy! Pwede pong sa akin na itong panyo? Ang lambot po kasi.” Napangiti ito. “Sige sa iyo na yan.” Nanguna akong muli sa paglalakad sa bakuran, natigil lamang ako ng mapigtas ang aking tsinelas. “Ayy!” “Hija, ayos ka lang ba?” agad na alalay sa akin ng lalaki. Nahihiyang ngumiti ako rito. “Ayos lang po ako, Lolo.” Agad kong pinulot ang tsinelas at muli iyong inipit sa butas. Sana magtagal pa ang tsinelas ko. “Hija.” kuha nito sa atensyon ko. “Bakit po?” Dumukot ito sa kanyang bulsa at iniabot ang kulay blue na papel sa akin. Hala! Pera! “Pambili mo iyan nang bagong tsinelas—” “Hala, Lolo! Salamat po!” Napayakap ako sa lalaki sa saya. Nang maramdaman kong lumapat ang palad nito sa ulo ko ay humiwalay na ako. “Salamat po talaga!” “Walang anuman, hija.” Napakabait ng lalaking ito. Pareho sila ni Lolo ang pinagkaiba lang ay mas matangkad itong lalaking nagbigay sa akin nang blue na pera. Makarating sa kalsada ay muli itong bumaling sa bahay kaya napatingin rin ako doon at agad na napangiwi, butas-butas na kasi ang sawaling pader niyon. “Hija, aalis na ako. Mag-iingat kayo ng pamilya mo.” ngiti nito sa akin. “Sige po! Pero ano pong pangngalan niyo para masabi ko kina Nanay kung sino ang nagbigay sa akin nitong blue na pera.” Iwinagayway ko pa iyon sa harap ko. Nakangiti nitong ginulo ang buhok ko. “Ako si Hereneyo, hija. Pero sana ay huwag mo na lamang banggitin ang pangngalan ko sa mga magulang at lola mo.” Hala! “Bakit po?” “Mahabang kuwento, hija. Pwede bang atin-atin na lang ang pangngalan ko?” masuyo nitong tanong sa akin. Napakamot ako sa ulo saka marahang tumango. “Sige po!” “Mauuna na ako, hija.” paalam nito sa akin saka naglakad paalis. “Salamat po ulit, Lolo Hereneyo!” sigaw ko. “Hoy, Neya! Ang daya daya mo talaga!” rinig kong sigaw ng kalaro ko sa bakuran sa harap. Napairap ako sa kalaro ko. Umalis lang madaya na? Hinarap ko ito saka nilagay ang pareho kong kamay sa magkabilang baywang ko. “Excuse me! Hindi ako madaya noh! May kinausap ako kaya ako umalis!” totoo naman ‘yon di'ba? Napairap ang kalaro ko saka mataray na bumalik sa bakuran. Agad kong tinago ang blue na pera sa bulsa ko saka tumakbo pabalik sa bahay. Nawalan na ako nang ganang maglaro. Ano kayang magandang color ng tsinelas?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD