005

2940 Words
Kabanata 5 A L E X A Hindi mawala-wala ang ngiti ko habang napapatingin kay Liam na nakatitig lamang sa akin habang ine-enjoy ang kanyang inumin. Mukhang namang nagustuhan niya ang beer na binigay ko sa kanya. Siguro dahil hindi naman matapang 'yon. Mababa lang din ang alcohol content no'n, tama lang para sa mga hindi masyadong sanay uminom tulad niya. "Tahimik ka na? Akala ko ba gusto mo akong magkwento?" Gusto kong tanggalin ang ngisi sa mga labi ko dahil ayokong isipin niya na pinagkakatuwaan ko na lang siya. Kaya lang hindi ko talaga mapigilan ang kusang pagsilay ng mga ngiti sa labi ko. Ang hirap pigilan. Parang may sariling isip ang mga labi ko at kusa na lang umaangat. Ganito ba talaga kapag kinikilig? Ang hirap magtago ng ngiti? Alam kong masyadong unprofessional ang ginawa kong paghalik sa kanya sa pisngi pati na din ang pakikipaglandian ko sa kanya dito. Pero gusto ko talaga siya at gusto ko lang subukan ang magkagusto sa isang tao. “Go ahead. Magkwento ka lang.” “Parang hindi ka naman interesado.” Ngumiwi ako. “What gives you the impression that I'm not interested in your stories?” Ngumuso ako. “Wala lang. Ang tahimik mo kasi. Parang wala ka namang pakialam sa ikukwento ko. Bored ka lang siguro kaya kinakausap mo ako ngayon.” “Kung bored lang ako, hindi ako pupunta dito para magpalipas ng oras. Marami akong inaasikasong trabaho para magpalipas ng pagkabagot sa lugar na ito.” “Maraming inaasikasong trabaho? What do you mean? Ano bang trabaho mo?” “I own several businesses.” Namilog ang mga mata ko at napaawang ng malaki ang aking mga labi. Alam ko naman na mayaman siya, halata naman iyon sa kanya pero hindi ko pa din inasahan na ganito pala siya ka-bigtime. May-ari siya ng hindi lang isang business? Ibig sabihin… Oh my God! Bigla tuloy akong nahiya sa inakto ko sa kanya kanina pati na din ang mga sinabi ko. Hinalikan ko pa siya sa pisngi. Hindi ko naisip na… labas pala siya sa liga ko. Hindi pala siya pwede dahil masyado siyang mataas para sa akin. Fvck! “Oh! Uh, sandali lang bathroom break,” paalam ko at mabilis na iniwan ang pwesto ko. Shit! Ni hindi ko alam kung paano ko siya haharapin ulit ngayon pagkatapos kong malaman ang pagkatao niya. Jusko! Kaya naman pala ang lakas ng dating, bigtime naman pala talaga. Nakakahiya, nilandi-landi ko pa. Ang lakas naman masyado ng loob ko para landiin ang lalaking katulad niya. Nakakahiya sobra. Parang ayoko ng lumabas ulit at harapin siya… Sobra akong nahihiya. Kaya naman ginamit ko na ang lunch break ko at umasa na sana nakaalis na siya pag nakabalik ako sa pwesto ko. Isang oras din ang lunch break namin kaya siguro naman aalis na din iyon kapag ganoon katagal akong hindi lumabas. Nakahinga ako ng maluwag nang lumabas ako at hindi ko na siya nakita sa pwesto niya kanina. Mukhang umuwi na nga. Mabuti naman kung ganoon. Nahihiya na talaga akong harapin siya pagkatapos ng mga inakto ko. Ang lakas naman ng loob mong landiin ang ganoong klaseng tao, Alexa. Pipili ka na lang ng lalandiin iyong ganoon pa kataas at suntok sa buwan na magustuhan ka din. “Huy, hinahanap ka ni pogi kanina. Ang sabi ko nag break ka lang. Umuwi na siya pero nag-iwan siya ng tip sa’yo. Ang laki, girl!” ani Nina, isa din sa mga kasamahan ko sa trabaho. Ngumiti lang ako at tinanggap ang tip na inabot niya. Tinitigan ko ang perang iyon sa kamay ko at napabuntong hininga bago inilagay sa bulsa. “Type ka siguro no’n. Hinahanap ka pa, eh. Ang swerte mo, girl. Mukhang mapera ‘yon, ah.” Umiling ako. “Hindi nababagay sa akin ang mga lalaking ganoon.” “Bakit naman? Dahil mahirap ka lang at mayaman siya?” “Hindi lang naman siya basta mayaman. Basta. Suntok sa buwan ang mga ganoong klaseng lalaki.” “Grabe ka naman. Nega agad? Malay mo naman, di ba? Maganda ka pa naman. Hindi malayong magkagusto ‘yon, girl,” pamimilit ni Nina. Umiling-iling lamang ako at ipinagpatuloy na lang ang trabahong naiwan ko. Pag-uwi ko sa bahay ay agad akong nakatulog sa pagod pero miski sa panaginip ko, naiisip ko ang lalaking iyon. Liam… Napabuntong hininga na lang ako nang bumangon ako. Magkakagusto ka na lang, Alexa sa ganoong klaseng lalaki pa. Hindi ka papatulan no’n. Baka laro-laro ka lang sa kanya. Nakatanggap ako ng message mula sa babaeng nakausap ko sa girl’s room ng school noong isang araw. Si Leanne. Inaaya niya akong sumabay ng lunch sa kanya ngayong araw. Saktong-sakto, wala akong pasok ngayon sa school dahil Sabado. Pumayag akong makipagkita sa kanya. Naligo at nagbihis lang ako at umalis na din sa bahay. Magkikita kami sa isang mall malapit lang din sa pinapasukan naming school. Medyo nakaka-excite dahil ngayon lang yata ako lalabas kasama ng isang kaibigan. Kaibigan? Maituturing ko na nga ba siyang kaibigan? Nakakausap ko siya paminsan-minsan sa text at nagkakasundo naman kami sa madaming bagay. Nakakagulat nga at kahit magkaiba kami ng estado sa buhay ay nagkakasundo kaming dalawa. Pagdating ko sa restaurant na sinabi niya ay agad ko siyang nahanap. Kumaway-kaway siya sa akin nang nakita ako. Ngumiti ako at lumapit sa kanya, medyo naaasiwa pa dahil sa pang mayaman pa talaga niya napiling kumain. Ayos lang siguro ito, may tip naman akong nakuha kagabi, iyon na lang siguro ang ipambabayad ko dito. “Hi,” aniya nang naupo ako sa harap niya. “Hi, kanina ka pa?” tanong ko, medyo nahihiya na nauna pa siya sa akin dito. Hindi naman ako late kaya ayos lang siguro ito. “Oo, nauna na ako kasi nagkita pa kami ng boyfriend ko.” Ngumisi ako at tumango. Minsan na naming napag-usapan ang boyfriend niya at base sa mga kwento niya sa akin ay mahal na mahal niya ito. Ang alam ko nga may konti silang pagtatalo dahil sa mga babaeng nakapaligid araw-araw sa boyfriend niya. Pero ngayon na nagkita sila ibig sabihin mukhang okay na ang lahat sa pagitan ng dalawa. “Oh, stop with the teasing smile. I know what you're thinking.” Lalo akong napangisi. “Ano? Wala naman akong sinasabi.” “Yeah, right. Pero alam ko kung ano ang iniisip mo sa tingin at ngiti mo pa lang. You probably think I'm marupok.” Hindi ko na napigilang matawa sa sinabi niya. Nagsimula kaming magkwentuhan ulit tungkol sa relasyon nila ng boyfriend niya. Nakakatuwa lang dahil kahit wala pa naman akong nagiging karelasyon ay may natututunan ako sa isang ito na pwede kong magamit once na magkaroon na din ako ng boyfriend. Pero kailan pa ‘yon? Matagal pa siguro ‘yon dahil napakarami ko pang pinagkakaabalahan sa buhay. Wala pa din naman akong nahahanap na lalaking papasa sa akin tulad ni… At hindi din naman ako naghahanap ng lalaki. Mas priority ko ang makapag-ipon. Hinanda ko na ang pambayad ko kaya lang nabayaran na pala niya lahat ng in-order namin. Nahiya ako s’yempre kaya sinubukan kong magbayad na lang sa kanya pero hindi naman niya tinanggap kaya hinayaan ko na lang. Next time siguro ako naman ang manlilibre sa kanya. Nasundan ng nasundan ang pagkikita namin ni Leanne. Kapag nasa school halos kami ang palaging magkasama. Lalo na kapag break. Minsan pag wala siyang klase pinupuntahan niya ako sa class ko at ganoon din ako sa kanya kapag ako naman ang walang klase. Madalas din kaming magkwentuhan sa phone calls. Naikwento ko na nga yata ang halos buong buhay ko sa kanya. At dahil doon mas gumaan ang loob ko sa kanya at mas naging komportable. Hindi ko akalain na magkakaroon ako ng kaibigan na tulad ni Leanne. Masyado siyang iba sa akin pero kampante ako kapag kasama ko siya. Masaya ako. Minsan naiisip ko para ko na siyang kapatid, kasi halos lahat ng problema ko sa kanya ko sinasabi at pinapakinggan niya lang ako. Ganoon din naman siya sa akin kapag may problema siya. Hindi na ulit bumalik si Liam sa bar. Dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang huling punta niya. Inaamin ko hinahanap-hanap ko siya paminsan-minsan pero mas okay na siguro ‘yon dahil hindi ko na din naman alam kung paano ko siya pakikitunguhan ulit pagkatapos kong malaman kung gaano siya ka-bigtime. Sobrang layo ng agwat niya sa akin kaya imposibleng magkagusto iyon sa akin. “Seriously, who’s Mr. Goodboy? Why can't you say his name? Is he active on social media? I'm curious. I want to see him even if it's just in pictures,” ani Leanne, isang araw habang nasa cafeteria kami. Pinanliitan ko siya ng mata. Bakit naman kaya siya nakukuryoso sa lalaking kinuwento ko sa kanya noong isang araw habang lunch namin. “What? Bakit ganyan ka makatingin? Masama ba? Stalk ko lang naman, hindi ko naman aagawin sa’yo,” natatawang sabi niya. “Wala naman akong sinabing aagawin mo saka hindi ko naman pag-aari ‘yon para sabihin mo ‘yan.” “Sus, drama! O, ano na nga? May social media ba siya?” “Wala. Mukha din namang wala siyang hilig sa mga ganoong bagay.” Ngumuso si Leanne. Pero na-search ko ang pangalan niya isang beses at lalo lang akong nahiya sa sarili ko nang makita ang mga article tungkol sa kanya. Sobrang sikat niya pala talaga sa larangan ng pagnenegosyo. Isa kasi siya sa mga pinakabatang naging CEO ng malaking company. Nakakatuwa lang kasi kahit maaga siyang nagka-asawa hindi naging hadlang iyon para bumagal ang pag-angat niya. Matalino pala talaga siya kung ganoon. Matalino din naman ako at ang mga kapatid ko. Hindi nga lang kami pinanganak na mayaman kaya kahit todo kayod, wala pa ding nararating hanggang ngayon. Pero kung sa bagay, bata pa naman ako. “Eh, ano nga kasing pangalan? Bakit ayaw mong sabihin?” Kasi alam kong tatawanan mo lang ako kapag nalaman mo kung gaano kasuntok sa buwan ang lalaking pinapangarap ko. “Ayoko lang siyang pag-usapan. Hindi ko na din naman kasi siya nakikita. Hindi na kasi siya bumalik ulit sa bar.” “Why? So, sad ka? Gusto mo ipakilala kita sa ibang kaibigan kong lalaki para mabalin ang atensyon mo sa ibang lalaki? O siya talaga ang gusto mo? Come on, madami pang ibang lalaki d’yan. For sure makakahanap ka pa ng mas better kay Mr. Goodboy,” may ngisi sa labing sabi niya. Umiling-iling ako at tinawanan lang ang suhestiyon niya. “O, bakit? Ayaw mo? May kilala ako. Gwapo at matalino din. Gusto mo ipakilala kita? Kahit isang date lang?” “Ano bang sinasabi mo, Leanne. Wala akong panahon sa ganyan.” “Dali na, Alexa. Isang beses lang naman pumayag ka na. Isang date lang at ako na ang bahala mag arrange ng lahat. Ako na din ang bahala sa restaurant na kakainan niyo. Basta pumatyag ka lang. Isang beses lang talaga, promise. Subukan mo lang. Malay mo magustuhan mo din iyon? Matalino naman iyon kaya sigurado akong hindi ka madidismaya doon. Alam ko naman ang mga tipo mong lalaki ay iyong matatalino tulad mo.” “Hindi naman sa ganoon, Leanne, at hindi naman ako naghahanap ng boyfriend, ano! Wala akong alam sa mga date-date na ‘yan, baka mapahiya lang ako doon sa kaibigan mo.” “Uy, ayaw niyang mapahiya. Hindi ako naniniwala na mapapahiya ka doon, ano. Sa ganda at talino mong iyan? Baka nga ligawan ka agad no’n sa unang date niyo pa lang, eh.” Umiling-iling ako. “Wala naman akong oras sa kanya kaya hindi din ako magpapaligaw kung sakali.” “Eh, sige na naman. Minsan lang naman. Ngayon lang din naman ako humiling sa’yo. Isang araw lang naman at wala namang masama kung susubukan mo, di ba? Malay mo magustuhan mo pala ang pakiramdam na may boyfriend. Iyong may kasangga ka sa mga problema mo at may nag-aalala sa’yo, may nag-aalaga. Ayaw mo ba noon? Please, Alexa. Isang araw lang talaga, promise.” Tinaas niya pa ang kanang kamay niya na para bang nanunumpa. Muli akong natawa. “Seryoso ka ba talaga d’yan? Wala nga akong experience sa mga ganyan.” “Kaya nga susubukan mo, hindi ba? Para may experience ka na.” Bumuntong hininga ako at sa wakas ay pumayag na din sa gusto niyang mangyari. Mukha naman kasing hindi siya tatanggap ng no bilang sagot. Saka gaya nga ng sabi niya, minsan lang naman ito. Isang araw lang naman at wala namang mawawala kung papayag ako kaya ito, pumayag na nga ako. “Ako na ang mag se-set ng dinner date niyo. Kailan nga ulit ang off mo sa work?” “Bukas pwede ako.” “That’s great! Tomorrow then,” aniya tila tuwang-tuwa at excited na. Napailing ako. Hindi pa nga niya nakakausap ‘yong lalaki kung pwede ba ito bukas, eh. “Basta siguraduhin mong hindi mayabang ‘yan, ah. Alam mong ayokong ayoko ng ganoong lalaki.” “Oo naman. Akong bahala. Hindi ako pipili ng guy na alam kong hindi mo naman magugustuhan, ano. Mabait iyong ipapakilala ko sa’yo huwag kang mag-alala. Pogi din at matalino tulad mo. Nagtatrabaho na din tulad mo pero mas matanda siya sa atin. Hindi ba gusto mo naman mas older sa atin?” Tumango ako at nagkibit balikat. Wala naman akong matandaan na may sinabi akong ganoon sa kanya pero baka nga ganoon ang pagkakaintindi niya nang sabihin kong gusto ko sa lalaki iyong matured mag-isip. “Mabuti pa mag shopping tayo ng susuotin mo bukas.” “Huh? Ano ka! Huwag na! May damit pa naman ako sa bahay na matitino. Mamimili na lang ako ng maganda-ganda.” “Hindi pwede. Gusto ko ako ang mamimili ng susuotin mo bukas. Don’t worry, sagot ko.” “Kaya nga mas lalong ayoko, eh. Naku, huwag na, Leanne, May matitino pa talaga akong damit, I swear. Pwede pa ‘yon.” Sumimangot siya at halatang nagpapa-awa nanaman para pumayag ako sa gusto niya. Ang isang ito, ang lakas mangbudol. Hindi ko magawang humindi-hindi sa kanya dahil sobrang galing niyang mamilit. Hindi ka talaga niya tatantanan. Bumuntong hininga ako. “Hays, ikaw na nga ang bahala.” At tulad nga ng gusto niyang mangyari. Binilan niya ako ng mga mamahaling damit, at oo, hindi lang isang damit ang binili niya para sa akin kundi sandamakmak. Ilang beses ko siyang inawat pero ayaw naman niyang magpaawat. Akala ko nga noong una namimili siya ng para sa sarili niya. Puro sa akin pa din pala ang pinapamili niya. Hindi na ako nakatanggi dahil nabil na niya at nabayaran. “Salamat dito, ah. Hindi ko kayang palitan ito sa ngayon pero malay mo balang araw, di ba?” Ngumisi siya at umiling. “Ano ka ba! Huwag mong isipin ‘yan. Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit. Saka ganito talaga ako sa mga kaibigan ko.” Napangisi din ako. “Mabuti na lang pala at mayaman kayo, ‘no? Kundi mamumulubi ang mga magulang mo sa’yo.” Tumawa lang siya. Hinatid niya ako sa malapit sa bahay. Hindi na nakapasok sa loob ng eskinita ang sasakyan nila kaya sa may labas niya lang ako naihatid. Kinakantyawan pa ako ng ibang mga kapitbahay na nakakasalubong ko. Kesyo nakahanap na daw ba ako ng sugar daddy na mag-aahon sa akin sa hirap. Alam ko naman na biro lang iyon kaya hindi ko na minasama iyon. Ganoon talaga dito sa lugar namin, ginagawa na lang biro ang mga ganoong bagay. Sa sumunod na araw, pinuntahan ako ni Leanne sa bahay. Wala din kasi akong pasok sa school, pareho kami. Nahiya nga ako sa kanya dahil sa napakaliit ng bahay namin pero mukha namang wala siyang pakialam doon. Sinamahan niya akong magpa salon para daw mas mukhang handa ako sa date ko mamaya. Hindi na lang ako tumanggi dahil alam ko naman na hindi siya magpapaawat sa gusto niya. Siya na din ang naghatid sa akin sa restaurant para hindi na daw ako ma-hassle sa traffic. Sobrang supportive niya na magkaroon ako ng boyfriend, hindi ko alam kung bakit. Pagdating ko sa restaurant ay naroon na ang lalaking sinasabi ni Leanne. Agad siyang tumayo nang nakita ako. Iginiya lang ako ng receptionist sa table na iyon pero ang totoo wala talaga akong kaide-ideya kung ano at kung sino ang ime-meet ko. Chinito, maputi, mas maputi pa sa akin ang balat at sobrang tangkad. Sa itsura pa lang alam ko ng may lahing chinese ang lalaking ito. Hinila niya ang upuan sa harap niya para makaupo ako. Ngumiti ako at nagpasalamat sa kanya. “Uh, Alexandra Ignacio, right?” aniya sa pormal na boses. Tumango ako at marahang ngiti. “Alexa na lang,” sabi ko. Inilahad niya ang kanyang palad upang pakikipagkilala. Bigla akong may naalala sa gesture na iyon… Isang lalaking imbes na kamayan ko ay hinalikan ko sa pisngi. Napangiti ako ng hindi sinasadya ngunit agad din namang tinanggap ang pakikipagkamay niya. “Gabriel Lim,” pakilala niya. Nilawakan ko ang ngiti ko. “It's a pleasure to meet you, Gabriel.” “Ganoon din sa’yo, magandang binibini,” aniya halatang sumusubok na maging pormal at malalim ang pananagalog kahit halata sa kanyang accent na hindi siya sanay sa wikang iyon. Ngumiti na lamang ako. Ang cute lang. Agad nga lang nawala ang ngiti ko nang mapadako ang tingin ko sa lalaking nakaupo sa lamesang malapit lang sa amin. Napaawang ang mga labi ko nang magtama ang tingin naming dalawa. Mataman siyang nakatitig sa akin at bahagyang ngumisi bago nag-iwas ng tingin. Fvck! Anong ginagawa ni Liam dito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD