One hour early kami na-dismiss kaya umupo na lang muna ako sa benches sa parking area habang hinihintay si Kuya Jess. 'Di pa man din ako nagtatagal ay may isang babae nang lumapit sa akin.
"Mark, anak? Ikaw ba yan? Hala, dito ka pa rin pala nag-aaral?" sabay yakap niya sa'kin.
Lord, kung may nagawa man po ako para sumama ang loob niyo kaya ako nalalagay sa ganitong mga sitwasyon, please patawarin niyo na po ako. Bakit sa dami ng tao na pwedeng makakita sa'kin, bakit si Tita Maricel pa? Bakit nanay pa ni Vince?
"Ay. Hello po, Tita. Opo, tapusin ko na raw po muna HS dito sabi ni Daddy," sabi ko sabay mano.
"That's good, anak! At least now I know na may isa pang matinong kaibigan ang anak ko," sabi niya. "Why are you still here pala? Nasaan driver mo?"
"3pm po kasi sabi ko kaso napaaga po 'yung dismissal. Mabilis na lang po yun," sagot ko.
"Ay nako, sumama ka na lang sa'min kumain ng dinner. I'll text your driver na kami na maghahatid sayo pauwi," alok niya.
"'Wag na po Tita, I'll wait for him na lang po. Next time na lang po. Mukhang family dinner po 'yan," sabi ko sabay kuha ng bag para maglakad na sana palayo.
"No, I insist. Sige ka, magtatampo ako sayo. Parang anak na kita eh. Tara na, samahan mo kong hanapin si Vince," sabay kapit sa braso ko.
'Di talaga ako makatanggi kay Tita. Sobrang bait kasi niya sa akin sa tuwing pumupunta ako sa bahay nila. Sa tuwing nagkikita kami, para siyang nanay na laging nagpapakwento sa kung anong nangyayari sa buhay ko. Tuwing recognition day din, si tita ang sumasama sa akin sa stage para kumuha ng medals kasi nga nasa ibang bansa si daddy at katulong lang kasama ko sa bahay. . Sa totoo lang, sobra pa sa tunay na anak ang naging turing sa akin ni Tita Maricel.
Nakita namin si Vince sa may guardhouse na parang may hinintay.
"Tita, parang may lakad naman po ata sila ng barkada niya," sabi ko, hoping na pakawalan na ako ni Tita.
"Ay hindi, anak. Hinihintay niya yung girlfriend niya. Nag-transfer na rin kasi dyan sa school niyo. Gusto na raw kasi niyang ipakilala samin," sabi ni tita sabay ngiti sakin.
"Girlfriend po? Ipapakilala sa inyo?" pag-ulit ko.
"Ay, hindi ba niya naikwento sayo si Jasmin?" nagtatakang tanong niya. "Nako, 'yun ang topic nilang boys buong summer. Excited na nga si tito mo at kuya niya na makilala 'yung babae. Gusto na ngang sumama sa pagsundo. Buti na lang napilit ko na mauna na sa restaurant," kwento pa ni Tita.
Biglang nanikip yung dibdib ko. Ramdam kong may konting luha na sa mga mata ko. Ang daming tanong na pumasok sa isip ko. Kung wala lang siguro si Tita sa tabi ko baka humagulgol na ako.
"So, Jasmin, paano ka ba napasagot nitong si Vince?" tanong ni Tito Vlad sa girlfriend ni Vince.
"Nako, Tito, he was very persistent sa panliligaw. Pati mga kaibigan ko nga naging kasabwat na rin niya. Pero I said yes to him po when he sent me a confession letter," sagot ni Jasmin.
Magsasalita na sana ulit siya nang napatingin lahat sila sa akin. Sinamid kasi ako bigla sa iniinom kong tubig at itong gag*ng Vince naman tuwang-tuwang sa nakitang reaksyon ko.
"Are you okay, Mark?" tanong ni Jasmin. I gave her an "ok" sign kasi 'di na ako makapagsalita.
"As I was saying po, he told me in the letter yung mga bagay na nagawa ko to make him happy—" natahimik na naman silang lahat kasi nalaglag ko naman ngayon yung kutsara't tinidor. Gusto ko na sana gumapang sa ilalim ng lamesa nung kinukuha ko yung kutsara't tinidor. Kung pwede lang, nagpakain na ako sa lupa noong mga oras na 'yun. Kitang-kita rin sa mukha ni Vince na pigil na pigil na rin siya sa pagtawa.
"Excuse me po, I'll go to the washroom lang po," sabi ko para makatakas man lang kahit sandali .
Kung kasya lang sana ako sa bintana ng banyo ng restaurant, baka tumakas na ako paalis kaso ang lapad ko masyado. Hiyang-hiya na ako hindi lang dahil sa nagawa ko tonight pero dahil na-realize kong parang katawa-tawa lang para kay Vince 'yung confession na ginawa ko. Mukhang tama na naman si Chin na mukha nga akong tanga.
"Hoy, tulala ka nanaman dyan," sabay bunggo sakin ni Vince.
"Uy, bakit ka nandito?" tanong ko.
"Ay, sayo na pala 'tong CR?" sabi niya sabay tawa. "Buti napapayag ka ni Mama sumama sa amin. 'Di na kita nakita ulit pagkatapos ng lunch eh. Oo nga pala, kaklase mo si Jasmin diba? Galing ko pumili diba?" dugtong niya bigla.
Tumango na lang ako. Hindi ako makapagsalita. Hindi ko rin naman alam ang sasabihin. Ang alam ko lang nung mga oras na 'yun, wala talagang pake si Vince sa confession letter ko.
Palabas na sana ako ng banyo nang bigla niya akong akbayan.
"Kapag ready ka nang pag-usapan yung sinend mo sa akin message o lapitan mo lang ako ha. Tulad pa rin nang dati," sabi niya.
"Kalimutan mo na 'yun. Joke lang naman talaga 'yun. Masyado mo namang sineryoso.Tara na baka tapos na sila kumain," sabi ko sabay tangggal ng braso niya sa akin.
Binalik niya agad yung pag-akbay pero ngayon mas hinigpitan pa niya.
"Tulad pa rin nang dati ha. Walang iwasan. Baka 'di mo na ako pansinin," sabi niya.
"Joke lang yun, ikaw naman. Asa ka pang type kita. Excuse me, mataas kaya ang standards ko," sabay tanggal na naman ng pagkakaakbay niya.
"Sakit naman," pahabol niyang sabi.
Buti na lang at maagang dumating si Kuya Jess sa restaurant kaya maaga akong nagpaalam sa kanila.
Pagkauwi ko nang bahay binuksan ko agad yung phone ko para matawagan si Chin.
"Mare, it's offiicial. Ayaw ko na sa kanya. Sobrang gag* —" sobrang hysterical ko na pero bigla akong napatigil sa sagot sakin ni Chin.
"Pare, parang maling account ata 'yung natawagan mo. Si Christopher 'to, pre," sabay baba ng call.
Nakalimutan kong umuwi na nga pala 'yung tatay niya. I was about to say sorry nung bigla siyang nagchat.
Chin: Hoy g*ga! Bakit ka tumawag? Narinig ka ni Papa buti na lang nagawan ko ng palusot
Mark: Huhu sorry
Nagdinner kasi kami ng family ni Vince kanina
Chin: Oh? So very happy ka ngayon ganern?
Mark: G*ga. Kasama yung bago niyang jowa... kaklase pa natin.
Chin: Ayown lang...
Sino dun? Pretty?
Mark: Si Jasmin, mare...
Kaya nga sabi ko it's official ayaw ko na sa kanya.
Chin: Okay, sige sabi mo eh. Kunwari na lang naniniwala ako.
Mark: Alam mo, hahanap na talaga ako ng bagong friend.
Btw, bakit pala may number 37 sa class list na sinend mo eh wala naman pangalan?
Chin: Ay, transferee daw sizt. Di pa ata kasi sure nung prinint yan.
Pero alam ko papasok na raw bukas.
The following day, sobrang aga kong pumasok sa school para wala akong makasabay na kahit sino. Sakto naman at may kailangan ipagawa sa akin si Ms. Santos kaya napatawag rin ako sa faculty room.
"Mark, I have a favor to ask sana. I'm not sure if alam mo na pero we have a transferee coming sa school and sa class natin. Please help him get along with everybody, okay? Turo mo na rin sa kanya how we normally do things dito," pakiusap ni Ma'am sakin.
"Okay po Ma'am. From what school po pala siya?"
"He's from Xavier pero they recently moved here so he had to transfer schools. Lucky for us kasi varsity siya ng swim team. Help him din sa studies niya ha. I'll assign him as your study buddy," kwento ni Ma'am.
"Talaga po Ma'am!?" nakangiti kong sagot. Buong gabi rin kasi ako kinakabahan na baka si Vince ulit ang ibigay sa akin para maging study buddy. Kung nagkataon, 'di ko na alam kung anong gagawin ko.
"Yep. Together with Vince. Kaya mo namang dalawa diba?" dugtong ni Ma'am.
"Sige, Ma'am," mahina kong sagot. 'Di ko naman kaya tanggihan si Ma'am kasi malaki rin ang utang na loob ko sa kanya.
Nakalabas na ako ng faculty room nung naalala kong hindi ko pala natanong yung pangalan ng transferee. Ito rin namang si Ma'am hihingi na lang ng tulong kulang kulang pa 'yung info na binigay. Sabagay, kilala ko naman halos lahat ng guy classmates ko kaya madali ko na rin mahahanap 'yung transferee.
Paakyat na ako ng hagdanan nang biglang may kumalabit sa aking babae.
"Excuse me anak, do you know where the faculty room is?" tanong sakin noong babae na mukhang parent ng estudyante.
"Oh, it's the room on the left, Ma'am," sagot ko. Ang aga-aga ubos na agad english ko. She said thank you tapos tinawag na niya yung kasama niyang lalaki. I'm not sure if student din 'yun dito or visitor lang din kasi naka-jacket.
After mag-ring noong bell, pumasok na si Ma'am Santos kasama 'yung same guy na nakita kong kasama noong babae kanina. Doon ko na lang na-realize na siya pala yung transferee na sinasabi ni Ma'am. 'Di rin napigilan ng ibang mga kaklase ko ang mapatitig sa sobrang tangkad niya. Nagmukhang elementary student si Ma'am dahil hanggang dibdib lang siya ni transferee kahit 5'2 naman ang height niya.
"Okay class, today we'll be adding one more student to our class, okay? Please introduce yourself to everyone," sabi niya dun sa new student.
"Hi everyone, I'm Vince Robert but you can call me Vin. I'm originally from here but my parents and I went to Manila when I was still in elementary. Before coming back here, I studied and played for Xavier, if you guys know that school," sabi niya sabay ngiti.
Hindi ko alam, pero kakaiba yung ngiti ni Vin kahit may braces siya. Yung ngiting parang wala siyang kayang gawing masama sayo? Yung ngiting parang kapag binentahan ka ng insurance bibilhin mo agad? Sobrang tangos ng ilong at ganda pa ng mga mata niya. Yung mga matang 'di mo kaya matitigan nang matagal? Yung titigan ka lang niya kaya mo nang ibigay lahat ng pag-aari mo? Basta, para siyang isang model sa commercial na bigla na lang lumabas sa tv. Pati tindig, braso, at balikat niya mapapansin mo sa sobrang ganda, laki, at lapad. Panigurado, pagkakaguluhan 'to ng mga babae naming kaklase.
"Vin is actually a swimmer. He plays both locally and internationally na. Okay. Vin, you may take that empty seat on the second row," sabi ni Ma'am kay Vin.
"Hey, you're Mark right? Long time," sabay ngiti na naman niya sa akin.
"Hi! Oo. Pinakilala na ako ni Ma'am sayo?" tanong ko sa kanya. 'Di ko rin kasi sure kung bakit alam na niya agad yung pangalan ko.
"Seriously? You don't remember me? We went to the same school 'nung elementary. Adviser mo rin si Teacher Tan noon, right?" sunod-sunod niyang tanong.
"Teacher Tan? Sorry ha, pero Grade 3 lang kasi ata tayo nun? Medyo mahina na kasi memory ko. Pero parang familiar nga 'yung name mo. Anyways, nice to meet you... again?" sabi ko.
"It's okay. Small world, right? At least now I know someone in this campus na. I might need your help from time to time, okay?" sabi niya sabay ayos ng upo.
Magiging sinungaling naman ako kung sasabihin kong hindi pogi si Vin. Pero, 'di siya yung tipo na magugustuhan ko. Mukha kasi siyang sobrang mabait. Medyo baliw rin kasi ako, gusto ko ata yung siguradong sasaktan ako katulad ni Vince. At, quota na ako sa mga straight, kailangan ko na sanayin ang puso ko na 'di magkagusto sa mga taong sa umpisa pa lang ay wala na akong pag-asa.
Nung nag-ring 'yung bell for recess ay nagpasama si Vin sa'kin papuntang canteen. 'Di nga ako nagkamali, sobrang bait at makwento ni Vin. Masarap sana siyang kakwentuhan kaso puro siya english. To be honest, medyo nahihiya ako sa english skills ko kung ikokompara sa kanya kaya sobrang tahimik ko.
"Mark, are teachers here lenient with, like, school submissions or lessons?" tanong niya sa'kin.
"Uhmmm, I think yes naman mas lalo na if like you're a member of the varsity. They try to understand naman your situation. Though may mga times din na sinusumpong sila ganun," sabi ko.
"You see, when I was in Xavier kasi, all I did was really practice swimming. Like I don't even go to class. Mom said kasi na here in the province, school is different."
Ramdam ko sa expression ni Vin na talagang kinakabahan at namromroblema siya sa magiging situation niya sa school. I can see how down he is and parang ayaw naman talaga niya dito.
"Don't worry, ako bahala sayo. Binilin ka naman na rin sa'kin ni Ma'am, so if ever man may problem ka with acads or anything related to school, don't hesitate to reach out to me," sabi ko sa kanya in a bid to comfort him.
"Thanks Mark! I don't like people looking at me as if I'm stupid just because I don't go to class often," sabi ni Vin.
"Don't mind them. For sure, inggit lang sa'yo yun. Lahat naman tayo may kanya-kanyang talino tsaka mga passion. 'Yung iba magaling sa arts or sa case mo, sa sports. Ako naman I excel medyo sa acads ko pero wala naman akong ibang talent sa anything. Kaya, 'di ko rin gets yung mga taong nag-ba-base lang sa diploma or sa degree para masukat yung achievements ng tao," pagpapaliwanag ko.
Ngumiti lang siya sakin and I can feel na medyo napasaya ko siya. Sawa na rin kasi ako sa mga teachers na kung makapagsabi sa iba naming mga kaklase, akala mo wala na silang kinabukasan. Hindi lang naman Calculus or Chemistry ang importante sa mundo, diba?
"Oh, this is our canteen na pala. Check mo na lang 'yung food," sabay turo ko sa mga pagpipilian ng pagkain. "Una na ako sa taas ha. Remember, 20 minutes lang yung break so bilisan mo ang pagkain."
"Wait lang. Come eat with me na. My treat! It's kinda awkward kasi If I eat alone. I don't want people to think I'm a loner," sabi niya sabay hila sa akin.
Bago pa man din ako makatanggi ay nakabili na si Vin ng dalawang set ng lunch meal.
"By the way Vin, alam mo eating alone naman doesn't make you a loner or a loser. Sometimes nga people prefer to eat alone kasi mas tahimik. Like me, minsan gusto ko rin ako lang mag-isa para makapag-isip ako, ganun. And look at you! Baka by now lahat ng nakakita sayo, crush ka na... loser loser ka dyan."
"Well, I'm not used to eating alone or being alone in general kasi. I had lots of friends kasi back in Xavier. Pero no offense meant kanina dun sa sinabi ko. Sorry," sabay abot sakin ng food.
"None taken. Gusto ko lang mag-share, hehe. Sa taas na natin 'to kainin? Baka ma-late tayo," aya ko sa kanya.
The next few weeks, laging si Vin na ang kasama ko tuwing recess time at in between classes. Buti na lang at magaling siya makaintindi ng tagalog kaya 'di na ako nahirapan kausapin siya. Naging kaibigan na rin niya si Chin nang dahil sa akin.Tuwing after school din, tinuturuan ko siya sa library since clueless talaga siya sa mga lessons namin sa school dahil iba ang turo sa dati niyang school. Though alam ko namang alam na niya na bakla ako, sinusubukan ko paring 'di masyadong pahalata kapag kasama namin siya dahil alam kong sobrang iba ang ugali niya sa amin ni Chin.