“Hoy, anong problema mo? Lasing ka ba?” Hindi pa tuluyang nakakatunghay ang lalaki sa salubong niya kaagad. “Ang lawak-lawak ng high way dito mo pa naisip maglaro ng patintero. Ab—“
Nabitin lahat nang sasabihin niya nang tuluyan siyang harapin ng lalaki. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, mapalad na si Lexie kung sa paggising niya makakasalubong siya ng lalaking bagong paligo, maayos ang pagkakasuklay ng buhok, malinis na malinis ang damit at katawan, umaalingasaw sa bango, at ganito katangkad. May pagkakataon naman na nakakakita man siya ay tanging sa loob lang ng mall.
Pero iba pa ring klase itong nasa harap niya.
“M-Miss, sorry. Hindi ko sinasadya,” hinging paumanhin ng lalaki. Nakatingin ito sa kaniya pero tila wala din ito sa sarili. Mas natauhan pa si Lexie nang magsalita ang lalaki. Bumalik siya sa huwisyo.
“Anong sorry?” mataray niyang tanong. Walang kaso sa kaniya kung nakasuot ang lalaki sa harap niya nang magarang suit, maayos na nakasuklay ang buhok, bagong paligo, umaalingasaw sa bango, at sobrang tangkad na para bang gusto mo na lang magpapasan sa kaniya. Wala ring kaso sa kaniya kahit na mala-Adonis ang lalaking nasa harap niya. Wala talaga!
Talaga lang, Lexie? Sure ka na diyan?
Naipilig na lang niya ang ulo para alisin ang kung anong naiisip.
“Miss, hindi ka naman natamaan,” malumanay na giit ng lalaki. May kakaiba sa pagsasalita nito pero hindi iyon pinansin ni Lexie. Hindi siya natutuwa sa mga irresponsableng driver na dahil lang may maganda silang kotse ay pwede ng gawin nila ang kahit anong maibigan nila sa gitna ng kalye.
“Hindi nga! Pero kung nagkataon ay muntik na!”
“Look, Miss. Humihingi na ako ng sorry. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko tapos sumabay pa ang sasakyan ko.”
Umarko ang kilay niya sabay sulyap sa sasakyang nasa likod. Sanay siya sasakyan dahil may talyer ang kapatid niyang namana mula sa ama nila. Sa isang tingin pa lang ay alam niya nang magandang klaseng sasakyan ang dala nito.
“Huwag mo nga akong idinadaan sa ganiyan,” nakamaywang na saad niya.
“Miss, look—“
“Huwag mo akong ma-look-look diyan,” aniya sabay taas ng kanang kamay dito, palatandaang pinatitigil itong magsalita. Sa kasamaang-palad siya ang natigilan habang nakatingin sa kanang kamay.
‘Bakit parang may kulang?’
Nagsalita ang lalaki pero wala sa sinasabi nito ang isip niya. “Miss, hindi ko talaga sinasadya. Tsaka ang layo mo pa naman sa sasakyan. Kung iginigiit mong mali ang na—“
“Wahhhh! Asan na iyon?” bunghalit niya sabay baba ng kanang kamay. Iniharap at ibinaligtad pa niya iyon pero wala ang hinahanap niya.
“Ano?” takang tanong ng lalaki.
“’Yung maliit na papel na hawak ko!” malakas niyang tugon bago dali-daling kinapa ang bulsa ng suot na jumper dress. Wala roon ang papel. Tanging cellphone at wallet lang ang laman. Binuksan niya ang wallet sa pag-aakalang inilagay doon ang papel pero wala siyang nakita. “Hindi! Hindi pwedeng mangyari ito!” atungal niya habang patuloy na kinakapkapan ang sarili.
“Miss, ano bang sinasabi mo?” naguguluhan na rin ang lalaki sa kaniya. Lumilingon-lingon ito sa paligid kahit na hindi naman talaga alam kung anong hahanapin.
“Ikaw?” turo niya sa lalaki. “May lotto ticket akong hawak kanina ‘di ba?” tanong niya sa matinis na tinig.
“Huh?” Nagsalubong ang kilay ng lalaki habang titig na titig sa kaniya. Gulong-gulo ang isip nito at halatang hindi siya maunawaan.
“’Yung lotto ticket! ‘Yung palatandaan na iyon ang tinayaan kong mga numbers.”
“Alam ko kung ano at para saan ang lotto ticket. Pero bakit sa akin mo hinahanap?”
“Nawawala kasi. Hawak ko lang iyon kanina,” tarantang turan niya. Sa pagkataranta niya ay sinipat niya rin sa loob ng undershirt niya at sa loob ng bra. Malay ba niya kung doon niya nailagay. Gawain niya ding magtagao ng pera doon minsan.
“Goodness,” bulong ng lalaki na ikinaangat niya ng tingin. Namumula ang tenga nito habang nakatingin sa kaniya. Dali-dali niyang inayos ang damit at matalin na tiningnan ito upang itago ang pagkapahiyang naramdaman. “Anong itinitingin-tingin mo diyan?” kunwa’y angil niya.
“Sorry, Miss, but you’re in front of me,” magalang pa ring ani ng lalaki kahit na pati pisngi nito ay bahagyang namumula. Halatang tisoy ito at hindi sanay sa mainit na sikat ng araw.
Kaso wala pa ngang alas-nuwebe. Mainit man ay hindi pa gaanong masakit sa balat. Iba talaga ang kutis ng mayaman.
Pero hindi ito ang oras para pagpantasiyahan niya ang kutis nito, ang mahalaga ngayon ay makita ang lotto ticket niya.
“Pero nasaan iyon?” tanong niya at luminga-linga.
“Gaano ba kaimportante iyon at ganiyan ka na lang mataranta?” kakamot-kamot sa ulong tanong ng lalaki.
Marahas niyang nilingon ito. “Hoy lalaki! Napakahalaga ng lotto ticket na iyon baka hindi mo alam! Paano na lang kung tumama ako? Eh di sayang na.”
Waring nagulat ito sa reaksyon niya dahil halos mapaurong ito habang nagsasalita siya. “Hindi ka naman nakakasigurado na tatama ka. Sa araw-araw ay libo-libong tao ang tumataya. Napababa ng porsyento na tatama ka.”
“Kahit pa gaano kababa ang porsyento wala akong pakialam.”
“Miss, out of 5, 235, 641 na tao ay 1 lang ang posibilidad na pwede kang tumama.”
Lihim siyang napangiwi sa logic nito pero wala siyang balak magpatalo. “Paano kung dito sa araw na ito magaganap ang isang porsyentong iyon, aber? ‘Di wala na kaagad. Nasayang na kaagad ang kahiihintay ko at katataya ko!”
Walang magawa si Dylan kung hindi ang mapabuntonghininga habang nakikinig sa estrangherong babae. Petite ito at hindi pa halos umabot sa may balikat niya. Sa height niyang 5’11, duda siya kung anong height nito pero kung magsalita ay halos siya na ang lamunin nito. Kung gaano kaliit ito ay siya namang laki ng paniniwala nito na mananalo ito sa lotto.
“Miss, mabuti pa ay iiwan na kita. May kai—“
“Hindi pwede!” maagap nitong putol sa mga sasabihin niya sana.
“What?”
“Ikaw ang dahilan kung bakit nawala ang lotto ticket ko kaya hindi ako makakapayag na basta ka na lang aalis.”
“Miss, hindi ko nga kinuha ang lotto ticket mo. Mas lalong walang dahilan para kunin ko iyon, nagtatrabaho ako ng akin at hindi umaasa na mananalo lang.” Ang balak ni Dylan ay ipaliwanag lang ang side niya pero sa biglang paniningkit ng mga mata ng babae ay siguradong may nasabi siya na hindi maganda. “Wait lang—“
“Hoy, lalaki!” Nakapamaywang na humakbang palapit sa kaniya ang babae. Wala sa loob na napaurong siya. “Anong ibig mong sabihin? Na umaasa lang ako sa pagtaya?”
“Miss, I don’t mean anything bad.” Pakiramdam ni Dylan ay sasabog na ang utak niya sa pakikipag-usap sa babae.
“Don’t mean anything bad!” sarkastikong panggagaya nito. “Sa pagsasalita mo ay iyon ang ipinahihiwatig mo. Para sabihin ko sa’yo, nagtatrabaho ako bilang isang saleslady. Kapag wala ako sa regular na trabaho ko ay nasa talyer ako ng pamilya namin at doon tumutulong,” mahaba nitong salaysay na halos kapusin ng hininga dahil sa pagsasalita.
Huminga nang malalim si Dylan bago nagsalita. “Again, that’s not what I meant. I’m just stating that instead of using your money in betting in lotto, why not use it in recreational or more meaningful way.” Itinaas niya ang dalawang palad na para bang pinapaamo ang dalagang nasa harap. “See this, miss. Let’s say five times in a week you’ll pay fifty pesos for the lotto ticket. So, it will surely get your two hundred fifty pesos. Then kung tumataya ka linggo-linggo, magiging one thousand na iyon. At kung tataya ka sa loob ng isang taon, aabutin iyan ng mahigit twelve thousand. Why don’t you just save the money?”
Kumibot-kibot ang maliit na labi ng babae. Geez, but she could be cute.
“Mister, makinig ka sa akin.” Bahagyang huminahon ang tinig ng babae kaya bahagya siyang nakahinga nang maluwag. “Unang-una, wag na wag mo akong ma-English ha. Naiintindihan kita pero naiirita ako sa mga Pinoy na kung maka-English ay parang wala sa sariling bayan. Pangalawa, ‘wag mong ibigay sa akin ang logic mong iyan. Ilang beses ko na iyang narinig sa kapitbahay ko sa tuwing sinasaway niya ang asawang manigarilyo.”
“Iyon nam—“
“Hindi pa ako tapos,” putol ng babae sa kaniya. Hindi siya sanay na ginaganoon pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay naaaliw siyang tingnan ang babae sa harap na naglilitanya. Kahit may distansiya sa kanila ay masasabi niyang hanggang dibdib niya lang ito. Bagay na bagay dito ang suot na puting undershirt at black na jumper dress na umabot hanggang itaas ng tuhod. Naka-flipflops ito kaya alam niyang walang kadaya-daya sa height nito. Para lang itong bata sa harap niya pero walang katakot-takot sa kaniya. Take note, halos sila lang dalawa sa daan na iyon. May mga bahay at ilang tindahan hindi kalayuan sa kanila pero may kani-kanila ding iniintindi.
“Well, clue in,” hamon niya dito.
Sa halip na mainis sa ginawi ng babae ay pinakinggan niya pa ang sinasabi nito. “Lagi ding sinasabi ng asawa ni Ka Lito na kung ang ipinapanigarilyo nito ay itinatago na lang at nang nakakabili sila ng sasakyan. Isipin mo walong piso na ngayon ang isang stick ng sigarilyo. Kung bibili siya ng isang kaha, one hundred fifty pesos na iyon kaso nakakadalawang kaha siya sa maghapon kaya bale three hundred twenty pesos na lahat. So kung sa isang buwan ay ipagpagalagay nating naka-fifty kaha siya. Fifty pesos times one hundred fifty, gagastos siya ng seven thousand five hundred. Kung aabutin pa ng taon ay mas malaki pa. Tama ba?”
Nakangiting tumango siya. Aliw na aliw sa pagpapaliwanag nito. “Tama.”
“Kitams!” pakli nito. “Sa palagay mo ba ay tumigil siya sa paninigarilyo dahil nalaman niya kung gaano kalaki ang nagagastos niya?”
“Well, maybe…” nag-aalangang tugon niya na sinabayan pa nang pagtaas ng balikat.
“At sa palagay mo ay may sasakyan na sila?” tanong nito.
“Yes?”
“Bakit parang duda ka?”
“Come on. I don’t even know them.”
“Well, apparently, mali ang logic ninyo dahil kahit ilang taon na siyang tigil ng paninigarilyo, wala pa rin silang sasakyan.” Humalukipkip ito at tinaasan siya ng kilay.
Natatawang napailing na lang siya sa kwento nito. “Maybe he didn’t manage his wisely.”
“Wala na akong pake kung kahit tumigil siya nang paninigarilyo ay wala pa rin siyang sasakyan. Ang tanong ay nasaan ang lotto ticket ko?”
“Miss, wala nga sa akin,” giit niya. Dahil nakukulitan na siya ay ipinakita niya ang bulsa ng pants at suit.
“Hayyy!” Frustrated nitong naisuklay ang daliri sa hanggang balikat na buhok. Even that hair fit perfectly on her small face. She had those almond eye-shaped, small nose, and small pinky lips. She looked small, yet it seemed that she’s so big.
Tumingin-tingin siya sa paligid bago sa kaniyang relo. It’s already 9:20. May meeting siya ng ten o’clock. Hindi siya sure kung dadating ba siya ng sakto sa oras dahil sa sitwasyon niya ngayon. Idagdag pa ang sasakyan niya.
“Alam mo bang madami ka nang mabibili doon sa isang milyong mahigit,” bulong pa ng babae. “Pera na naging bato pa.”
Gusto niyang matawa sa babae dahil sa pagmamaktol nito pero mas hinahangaan niya ang kakaibang paninindigan nito. She might be sound irrational and funny, but surely you would learn something from her.
“Sige, babayaran ko na lang ang lotto ticket na iyon,” aniya na ikinalingon ng babae.
“Huwag na. Fifty pesos iyon kaya ko na.” Sa sinagot nito ay hindi niya alam kung matatawa o maiirita dito.
“No. That’s not what I meant.”
Nagtatakang sinulayapan siya nito.
“How much is the prize when you win?”
“Huh?”
“Magkano ang makukuhang premyo kapag nanalo sa lotto?”
“Mas malaki na ngayon. One million four hundred fifty thousand na. At bakit mo itinatanong? Tataya ka na rin?” Kung paanong iritang-irita ang mukha nito kanina, siya namang biglang aliwalas ng mukha nito pagkatanong niya.
Mukhang dakilang mananaya pa talaga itong babaing nasa harap niya.
“Ako tataya?” tanong niya sabay turo sa sarili.
“Oo. Wala sa hitsura mo pero malay mo, ito na ang chance mo.”
“Hindi iyan ang ibig kong sabihin.”
“Oh, ay ano?”
“Malaki ang one million four hundred fifty thousand. Halos isa’t kalahati na iyon. Pero ayos na sa’yo ang isang milyon?”
Tumuwid ito ng pagkakatayo. “Oo naman. Marami ka nang mabibili at mababayaran doon.”
“Really?”
“Naliliitan ka sa isang milyon?”
“Hindi naman.”
“Okay. Wait me here.”
Magsasalita pa sana si Lexie pero tinalikuran na siya ng lalaki. Bumalik ito sa kotse.
‘Aba’t ano kayang nasa isip nito?’
Hinintay niya ito hanggang bumalik sa kaniya. May dala itong maliit na papel at ballpen. May isinulat ito sa papel bago iniabot sa kanya. Nag-aalangang inabot niya iyon.
“Ano i—“ Naputol ang lahat ng sasabihin niya nang mapagtanto kung ano ang papel na iniabot niito. Hindi lang iyon basta papel. Isa iyong tseke na nagkakahalaga ng isang milyon. May pangalang nakasulat sa baba.
Dylan Dave Montelibano.
Napalunok siya. Alam niya ang ganoong klase ng tseke. Nag-angat siya ng tingin at tiningala ito.
“Malaki ang paniniwala mo na mananalo ang lotto ticket mong iyon?” usisa ng lalaki, mataman itong nakatingin sa kaniya.
Bigla ay naumid ang dila ni Lexie. Oo kanina ay palagay at tiwala siyang mananalo ang mga numero niya pero ngayon ay parang nag-aalangan na siya. Wala pa siyang nasasabi ay biglang ngumiti ang lalaki. Isang nakakaunawang ngiti, walang halong pagyayabang o panlilibak. “Bakit parang natahimik ka?” tanong nito.
Lumunok siya at inipon ang lahat ng lakas ng loob na nagtago pagkakita sa tseke. May pag-aalangan man ay hinakbang niya ang munting distnsiya na meron sila at kinuha ang palad nito sabay lapag ng tseke doon.
“Why?” nagtatakang tanong ng lalaki. Halata sa mukha nitong hindi inaasahan ang gagawin niya.
“Hindi ba at dapat ako ang magtanong niyan?”
“Well, sa buong sandaling magkausap tayo dito. To think na hindi naman tayo magkakilala tapos nakwento mo na ang trabaho mo, business ng pamilya mo, at pati na rin ang kapitbahay mo. Sige, naniniwala na akong malaki ang chance na mananalo ang lotto ticket mong sinasabing mong nawala dahil ko.”
Muntik na siyang mapasipol sa sinabi ng lalaki. Madalas talaga hindi niya napapansin ang kadaldalan niya. “At anong dahilan at binibigyan mo ako ng isang milyong tseke.”
“Actually, papel pa lang ito,” tugon nito sabay pakita sa kaniya ng tseke. “Hindi mo pa makukuha ito kung wala akong pirma.”
“Ikaw si Dylan Dave Montelibano?”
“Yes, miss.”
Sandaling nanahimik si Lexie at pinakatitigan ang lalaki. Kahit saang anggulo tingnan mukha naman itong healthy at nasa katinuan. “Nang-aasar ka ba?” hindi mapigilan ang sariling tanungin ito.
“Mukha ba akong nang-aasar?” tanong nito sabay turo sa mukha.
Noon lang na-realize ni Lexie na the whole time na ang ingay niya at naglilitanya siya nang napakahaba ay tahimik at kalmado lang ito. Siya pa nga itong parang gigil na gigil. “Bakit mo ako bibigyan ng ganiyang tseke?”
“Dahil nawala na ang ticket mo. Ayoko namang umalis nang ganiyang nagmamaktol ka.”
“Hindi ako nagmamaktol!” maagap niyang pagtatama dito.
“Really?” he asked as he smiled, showing his set of perfectly white teeth. Grabe, ano kayang toothpaste niya?
Ipinilig niya ang ulo at inalis sa isip kung anong toothpaste ang ginagamit ng lalaki.
“Hindi nga ako nagmamaktol,” mas kalmado na niyang wika.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Okay. Naniniwala na ako. But I have to go. May meeting ako ng ten at kailangan ko ng umalis.”
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa narinig. “Oo nga pala. May pasok pa rin ako ng ten. Dadaan pa ako ng talyer at maghahanda pa sa pagpasok!” nagsimula na naman siyang mataranta. Akmang lalagpasan na niya ito pero mabilis na nahagip nito ang pulsuhan niya.
“Hey, wait lang. Iiwan mo na lang ako basta dito?”
“Kailangan ko ng umalis. May pasok pa ako,” pilit bumibitaw na tugon niya.
“At sa palagay mo ako ay wala?” tanong ng lalaki.
Napasulyap sya sa suot nito at napangiwi. Naalala din niya ang sinabi nitong may meeting ito.
“Pero kasi…”
“Isama mo ako sa talyer ninyo.”
“At bakit ko naman gagawin iyon?” manghang aniya dito.
“Sira ang sasakyan ko kaya kailangang magawa.”
Nilingon niya ang magandang kotse nito. Mabuti at kahit papaano ay naiparada nito nang maayos sa gilid ng daan. Marunong siyang tumingin kung anong posibleng sira ng sasakyan. Nilingon niya ang lalaki. “May gamit ka ba diyan?”
“Bakit?”
“Titingnan ko muna bago mo dalahin sa talyer.”
Napilitan si Dylan na buksan ang hood. Pinanood niya ang babae na sumilip-silip sa mga makina. Halata sa kilos nitong walang pakialam kahit marumihan ang kamay o masira ang composure dahil sa pagtingin sa sasakyan ng isang estranghero.
“Hindi naman gaanong malaki ang sira. May cable lang na kailangang pagdugtungin. Mabilis lang itong magagawa sa talyer. Kompleto ang gamit ng kapatid ko kaya madali lang ito.”
“So?”
“Sumunod ka sa akin,” mabilis nitong sabi sabay baba ng hood.
Napilitang isama ni Lexie si Dylan sa talyer. Wala doon ang kaniyang kapatid kaya iniutos na lang niya sa isang mekaniko nila na bilisang ayusin ang sasakyan. Dahil kailangan niyang maghanda para sa pagpasok ay iniwan na niya si Dylan sa mga ito.
“Mauna na ako. Sila na ang bahala sa sasakyan mo,” paalam niya dito pagkatapos makuha ang iniuutos ng ina.
“Paano ang…”
“Bibili na lang ako ng bagong ticket,” nakangiting aniya at nilisan na ang lugar.