Ilang linggo ang mabagal na lumipas. Halos bilang na bilang ni Dylan ang bawat araw. Bantay na bantay niya ang bawat pagsapit ang araw at gabi. Ang hindi niya mabilang ay kung ilang beses na bang pumasok ang secretary niya para dalahin ang mga papel na pipirmahan niya at ipaalala sa kaniya ang sunod-sunod na meeting niya sa bagong owner ng Akira Group.
“Ikaw na naman,” ungol ni Dylan nang pumasok ang secretary niyang si Nica sa loob ng opisina.
“Mananawa ka talaga sa akin ngayon,” gusot ang mukhang anito.
Matagal nang nagtatrabaho si Nica sa kompanya nila. Ang ama pa niya ang CEO ay nandoon na ito kaya naman hindi na halos iba ang turing niya dito.
“May kulang na naman ba?” tanong niya sabay sandal sa swivel chair. Inalis niya ang salamin sa mata at pinisil-pisil ang bandang itaas ng ilong.
“Sobra,” tugon ni Nica sabay baba ng makapal na papel sa harap niya. Nakakunot na ang noo nito habang titig na titig sa kaniya. “Inaasahan ko na mas magiging pursigido ka na magtrabaho ngayon dahil successful ang pakikipag-meeting mo sa owner ng Akira Group pero simula nang makabalik ka parang may kulang na sa’yo.”
Wala sa loob na naipikit niya ang mga mata. Tama ito sa sinabi nito. Dapat ay mas pursigido siya ngayong magtrabaho lalo pa at successful ang pakikipag-meet up niya sa Akira Group. Hindi niya malilimutan kung paanong noong una ay ayaw niyang pumunta sa meeting na iyon. But after his encounter with Lexie, his mind changed which was a good thing. Hindi ang tito niya ang naka-negotiate niya that time kundi ang pinsan niya, ang panganay na anak nito. Gusto na rin pala ng mga itong ayusin ang lahat sa kanila pero ang pride ng tito niya ang kalaban nila. His Uncle Allan was hurting yet ready to forgive after he heard his father explanation before. Naunahan lang ito ng pride at pagdududa sa ama niya. The good thing was hindi na natiis ng mga anak nito ang lungkot at pananabik na nakikita sa sariling ama kaya sila na ang nakipagkita sa kaniya.
And as a symbol of truce and peace, nag-sign sila ng contract between Averiel Holdings and Akira Group.
“Gaya niyan, nililipad ang isip mo. Hey, Dylan, please come back to earth!” Sinamahan pa ni Nica ng tuktok sa mesa ang pagsasalita kaya bumalik ang atensiyon ni Dylan dito.
“Sorry. I’m just thinking about something.”
“Something o someone?” nagdududang tanong ni Nica.
Ngumisi siya. “Itigil mo ang pagmamarites mo. Iwan mo na lang diyan ang mga papel at ako ng bahala.”
Sinamaan siya nito ng tingin. “Grabe ka. O baka naman inlove ka na kaya ka nagkakaganiyan.”
Pagkasabi nito ng salitang inlove ay biglang rumehistro sa isip niya ang cute na mukha ni Lexie.
Kumusta na kaya siya? Paano na kaya ang lottery ticket niya?
“Iyan! Iyan ang mukha ng inlove!” matinis na bulalas ni Nica.
“Magtigil ka diyan! Just go outside!” malamig niyang utos sabay ikot ng swivel chair patalikod.
“KJ,” pangungulit pa ni Nica pero itinaas na niya ang kamay at sumenyas na paalam. “Kapag kailangan mo ng advice, sabihin mo lang.”
Hindi na siya nagsalita. Dinig niyang sumara ang pinto kaya tumayo siya. Naglakad siya patungo sa glass wall. Nakapamulsang tumanaw siya sa ibaba. Mula roon ay tanaw na tanaw niya ang iba pang nagtataasang building. Ang taas ng Averiel ay higit pa sa ibang building. Mula sa kinatatayuan niya ay para lang ding mga laruan sa paningin niya ang mga sasakyan at maliliit na establisyemento sa ibaba.
Sa isang pitik niya lang pwede niyang makuha ang gusto.
Pero hindi iyon ang turo sa kaniya ng mga magulang. Kapag gusto, pag-isipan mo at paghirapan mo. Kaya naman hirap na hirap siya ngayon kung anong dapat gawin. Aalisin ba niya sa sistema si Lexie na simula nang makausap niya sa tabing-daan ay laman na ng isip niya o pupuntahan ito.
Pero hindi naman niya alam kung anong dapat sabihin.
Madalas na nagpi-play sa isip niya ang mga pinagsasabi nito o kaya ay ang cute nitong mukha. Hindi rin mawala sa isip niya na kung hindi dahil sa paninindigan nitong mananalo sa lotto ay hindi siya susubok makipagkita sa mga taga-Akira.
Wala sa loob na napabuntonghininga siya sabay suklay ng daliri sa buhok. Hindi na talaga maganda ito. Hindi siya mapapakali kapag hindi nakita muli ang dalaga.
Kailangang may gawin siya.
Mabilis na kinuha ni Dylan ang susi ng kotse sa ibabaw ng mesa bago dali-daling lumabas ng opisina. Sa paglabas niya ay nakasalubong niya si Nica.
“Sir, sa—“
“Cancell all my meetings for today,” putol niya sa mga sasabihin sana nito.
“Pero, Sir,” pagtutol ni Nica.
“May importante akong gagawin,” aniya sabay talikod na.
“Hi—“
Naputol na lahat nang sasabihin ni Nica nang pumasok siya sa private elevator niya. Siya lang o ang ama niya ang pwedeng gumamit ng elevator na iyon. Kadalasan ay ginagamit niya lang kapag emergency.
And this moment was considered emergency.
Dahil baka mawala na siya sa katinuan kapag hindi pa nakita si Lexie.
BAGSAK ang balikat ni Lexie habang nakatingin sa mga numerong nakasulat sa malaking blackboard sa harap ng STL. Mali siya ng akala sa mapalad niyang araw. Ilang linggo na rin ang nakalilipas at tinatayaan niya pa rin ang mga numero niya pero bigo siya. Imposible talaga na manalo siya.
Ang nasa isip na lang niya ngayon ay mabuti na lang at hindi niya naisipang hingan ng bayad o kunin ang tseke noong Dylan kung hindi nakakahiya siya. Ang yabang-yabang pa niyang magpaliwanag dito noong isang araw ng kung ano-ano.
“Daldal mo kasi, Lexie,” kastigo niya sa sarili habang naglalakad.
Day off niya ngayon kaya pupunta muna siya sa talyer. Tutulong siya o kaya ay tatambay para makipagkwentuhan sa mga manggagawa doon. Naaaburido kasi siya sa bahay. Ang papa niya, kahit bawal nang maggagalaw ay naroon sa talyer at doon tumitigil. Ang mama niya ay abala sa mga pa-order nito. Kahit dapat matutulog siya, hindi naman niya magawa kaya ang ending ay sa talyer muna siya.
Mga around fifteen minutes din ang lakarin simula sa bahay nila papuntang talyer. Kahit may motor sa bahay ay naglalakad siya para naman maehersisyo ang katawan niya.
Abala sa pag-iisip si Lexie kung tataya ba ulit siya mamaya o bukas ng may mahinang bumusina mula sa likuran niya. Sa paglingon niya ay isang pamilyar na sasakyan ang papalapit sa kaniya. Bumagal iyon hanggang makasabay niya sa paglalakad.
“Hi, Lex!” bati ng nagmamaneho ng asul na kotse.
Napakurap siya habang nakatingin sa binata. Ilang linggo na ang nakakaraan at hindi niya akalaing makikita pa ito.
“Dylan?” takang tanong niya.
Lumapad ang ngiti ng lalaki. “Mabuti naman at tanda mo pa ako.” Magtatanong pa sana si Lexie kung bakit ito naroon nang magsalita muli ito. “Magpa-park lang ako,” paalam nito at medyo pinabilis ang andar ng kotse.
Sa tapat ng isang kainan ito nag-park. Nagpatuloy naman siya sa paglalakad. Nang makababa ito ng kotse ay sinalubong siya.
“Kumusta, Lex?”
Bahagyang kumunot ang noo niya. Kanina pa niya naririnig ang tawag nitong Lex.
“Lexie ang pangalan ko,” pagtatama niya.
“It suits you.”
“Ewan ko sa’yo. Bakit pala naligaw ka?”
Sumabay ito sa paglalakad niya. “Busy ka ba?” tanong nito sa halip na sagutin ang tanong niya.
Tiningala niya ito. Noong unang beses niyang makita ito ay hinangaan na niya ang taglay nitong katangkaran. Ngayong kasabay niya na ito sa paglalakad ay hindi niya mapaniwalaan kung gaano ito katangkad.
O baka naman talagang maliit lang siya.
Bakit naman kasi sa dinami-dami ng makukuha niya sa ina ay ang pagiging petite pa nito? Pwede naman sanang ang kutis nito o ang matangos nitong ilong. Pwede rin sanang ang galing nitong pagluluto. Bakit kasi height pa?
Tapos dumagdag pa na naka-black walking shorts at white polo shirt ito na may black stripes sa hem ng sleeves. Hindi lang siya basta matangkad. Halatang alagang gym ang katawan nito.
In fairness, gwapo na siya noon. Mas gwapo pa lalo siya ngayon.
“Uyy,” untag sa kaniya ni Dylan na bahagya siyang siniko.
“Bakit mo naman naitanong?” sagot niya sa tanong nito kanina sabay balik sa unahan ng tingin.
“Hindi pa tapos ang usapan natin.”
“Aling usapan?”
“’Yung tungkol sa nawawala mong lotto ticket.”
Lihim na nakagat niya ang pang-ibabang labi. Halatang hindi marunong sa lotto ang isang ito. Matagal nang nabola ang nawawalang ticket niya.
“Hayaan mo na,” mahinang aniya.
“Pero bakit? Sayang naman iyon?” inosenting tanong ni Dylan.
Sinulyapan niya ang binata. Seryoso ang mukha nito habang naghihintay ng sagot niya. “Hayaan mo na nga,” giit niya.
“Hindi ko pwedeng hayaan iyon. Sayang ang 1% mo.”
“One percent ko?”
“Yup. ‘Di ba sinabi ko na sa limang milyong tao, isa lang ang possibleng manalo at napakaliit ng tsansa na ikaw. Sinagot mo akong ikaw ang isang iyon.”
Lalong lumaylay ang balikat niya dahil sa sinabi nito. Pinaalala pa nito ang pagyayabang niya. “Wala na ‘yung ticket.”
“Oo nga. Kaya nga papalitan ko ng pera.”
“Hindi mo naiintindihan,” harap niya dito sabay bagsak ng dalawang kamay. “Makita ko man ang ticket na iyon, wala rin. Hindi nabola ang mga numero ko. Talo ako. Ilang beses na din akong tumaya pero hindi pa din ako manalo.”
Natahimik si Dylan dahil sa sinabi ni Lexie. Walang mabasa si Lexie sa mukha ng binata. Gayunman, ang mahalaga, nasabi niya na ang side niya. Wala itong kailangang bayaran sa kaniya. Tapos ang usapan nila at hindi nito kailangang balikan siya.
Pero sana all nagka-comeback. Ilang araw ding nasa isip niya ang lalaki. ‘Di yata ay naging crush niya pa ito.
“Mas lalong kailangan mo ngayon ng isang milyon,” bulong ni Dylan. Mahina lang ang pagkakasabi ng lalaki pero dinig na dinig niya iyon.
“Ano?”
“Halika,” pag-aaya ni Dylan. Bago pa nakapagsalita si Lexie ay nahawakan na nito ang kamay niya at iginagaya siya patungo sa kotse nito.
“Hoy, teka lang!” pigil niya rito.
“Sumama ka na lang sa akin.”
“Teka nga lang,” awat ni Lexie sabay alis nang pagkakahawak ng lalaki sa kaniya.
“Bakit?” lingon sa kaniya ni Dylan.
“Masiyado kang mabilis. Dalagang Pilipina ako.”
Ikiniling ni Dylan ang ulo. Halata sa mukha nitong naguguluhan sa sinasabi niya.
Ipinilig ni Lexie ang ulo. “Wait lang ha. Ipapaalala ko lang sa’yo na hindi tayo lubos na magkakilala. Pangalawa, kinamalayan ko ba kung scammer ka, kidnapper ka, o anuman.”
“Hindi ako kidnapper o scammer,” mabilis na wika ni Dylan. Dumukot pa ito sa bulsa at kinuha ang wallet. “Heto ang mga ID ko.”
Natilihan si Lexie nang ipakita nito ang driver’s license. Sinundan iyon ng kung ano-anong ID. Iisa ang sinasabi ng mga ID nito. Kompletong-kompleto ito. Pero iisa ang umagaw ng pansin niya.
“Single ka pa?” naibulalas niya ang tanong na dapat ay sa isip lang.
Tumaas ang sulok ng labi ni Dylan. “Yep.”
Pakiramdam niya ay lalong nag-init ang magkabilang pisngi niya dahil sa paraan nito ng pagngiti. “Okay. Sabihin na nating hindi ka scammer o kidnapper pero hindi ras—“
“Wala akong sabit, Lex.”
“Lexie nga iyon.”
“Mas bagay sa iyo ang pangalang Lex.”
“Ginawa mo naman akong Lex Luthor,” irap niya dito.
“Fine. Lexie or Lex, you have to come with me to claim your payment.”
“Wala kang payment na kailangang bayaran.”
“Kung sasama ka sa akin ay ipapaliwanag ko sa’yo kung bakit kailangan mong kunin iyon.”
Pinaningkitan niya ito ng mata. Wala naman talaga siyang nararamdamang takot sa binata. Ang totoo ay magaan ang loob niya dito. Nag-iingat lang siya.
“Oh sige, sasama ako.”
Tumango si Dylan at pinagbukas siya ng pinto ng sasakyan. Kinilig naman siya sa part na iyon. Hindi lang pala gwapo ito, gentleman pa.
Nang makasakay siya ay umikot naman ito sa kabilang side para sumakay. May kung anumang excitement siyang nadama nang unti-unting umandar ang sasakyan. Hindi niya alam kung bakit pero bumibilis ang kabog ng dibdib niya sa paraang nabubuhay lahat ng himaymay at pandama niya.
“Kumain ka na ba?” tanong ni Dylan.
“Kala-lunch ko lang,” tugon niya.
“Well, diretso tayo sa main goal natin.”
Tumango na lang siya. Ilang minutong sinikap niyang manahimk pero baka bago sila makarating sa destinasyon ay lagnatin siya kaya nagpasiyang magtanong. Magsasalita pa lang siya nang tumigil sila sa tapat ng isang bangko. Akala niya ay bababa na ito pero kinuha muna nito ang cellphone. “May bank account ka?” baling nito sa kaniya.
“Uhuh.”
“Number,” anito sabay lahad sa kaniya ng cellphone nito. Mas lalong nawala ang pagdududa niya nang makita ang cellphone na gamit nito.
Sana all naka mansanas na may kagat. Tapos ‘yung latest pang labas. Siguro magandang pang-selfie iyon.
“Lex…” untag ni Dylan.
“Huh?”
“Lutang ka,” puna nito.
“Hindi ah. Iniisip ko lang kung bakit kailangan pati iyon?”
“Trust me, Lex,” masuyo ang pagkakasabi nito ng mga salita kaya parang nagayuma siyang kinuha ang cellphone nito at isinulat doon ang number. Ibinalik niya ang cellphone dito. Pinanood niyang nagpipindot ito bago nakarinig siya ng sunod-sunod na tunog.
“Let’s go,” pag-aaya nito sa kaniya.
Nag-aalangan man ay sumunod siya dito. Pumasok sila sa bangko.
“Sir Dylan,” bati kaagad ng guard na naroon.
“Nandiyan si Kit?”tanong ni Dylan.
“Yes po.”
“Thank you.”
Lutang pa rin na pumasok sila sa loob. Hindi sila sumama sa mga nakapila at naghihintay na may number. Pumasok sila sa pinto kung saan may nakalagay na unauthorized person is not allowed.
“Dylan…” nag-aalangang tawag niya.
“Trust me, Lex. You gambled on that lottery. Gamble with me at this moment.” Naging seryoso ang tingin ni Dylan sa kaniya. Kakaiba ang kislap ng mga mata nito. Para bang may gustong sabihin, hindi lang nito magawa. Sa huli ay tumango siya bilang pagsang-ayon.