Tinupad ni Dylan ang pangakong tutulungan siya. Simula sa pagpapaayos ng bakuran nila, pagtatayo niya ng munting negosyo para sa pamilya, pagbili ng mga kailangan sa talyer hanggang sa mga bagay na dati ay pangarap lang niyang mabili, kasa-kasama niya ang binata. Ang binata din ang naging guide niya sa tamang paggastos ng pera.
Isa sa una niyang inalis sa mga gastos ay ang pagtaya sa lotto. Hindi dahil may isang milyon na siya. Hindi dahil iyon ang gusto ni Dylan kundi dahil panalo na siya. Hindi pala siya mali ng akala sa mapalad niyang araw. Nawala man ang lottery ticket niya, nanalo naman siya, higit pa sa premyong nakaabang kung sakali.
“Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan, Dylan,” anas ni Lexie habang nakaupo sila sa dike at nag-aabang ng paglubog ng araw.
“Thank you is enough,” mutawi ng binata.
Mahabang katahimikan ang dumaan bago muli siyang nagsalita. “Malaki na ang nabawas sa pera.”
“Nanghihinayang ka?”
Binalingan niya ito. “No… Sobra-sobra pa iyon.”
“Masaya ka ba?” biglang tanong nito sabay harap sa kaniya.
“Masaya. Ikaw?”
“Masaya rin lalo at alam kong masaya ka.”
“Salamat ulit,” masuyong wika niya sa binata. Nginitian siya nito at iyon ang hinintay niyang pagkakataon. Kinuha niya ang kamay ng binata at inilagay sa palad nito ang card na matagal niya ring itinago at ginamit.
Nagtatakang bumaba ang tingin ni Dylan sa pamilyar na card sa kamay niya. Ibinalik niya ang tingin sa dalagang may masuyong tingin sa mga mata. “Bakit, Lexie?”
“Konti na lang ang natira diyan, Dylan,” simula niya. “Pero ibinabalik ko na.”
“Pero sa’yo na ito, Lexie.”
Umangat ang kamay niya sa pisngi nito. Buong akala niya ay hindi totoo ang mga prince charming at ang fairytale. Akala niya ay imposibleng makakilala ng lalaking katulad ni Dylan—mapagpasensiya, mabait, mapagpakumbaba, at may pagmamahal sa pamilya. Bunos na iyong pagiging ubod ng gwapo nito at yaman. “Masarap gumastos kapag marami kang magagastos. Pero mas masarap gumastos kung pinaghirapan mo at pinagpaguran mo. Hindi ko na maiibalik ang laha—“
“Stop it, Lexie.” Hinawakan nito ang kamay niyang nakahawak sa pisngi nito. “I told you kung bakit binigay ko ang pera sa’yo. Maraming nabibili ang pera pero mabibili ba noon ang samahan nina daddy at tito? Mabibili ba ng pera ang masasayang panahong kasama kita? Mabibili ba noon ang mga sandaling tumatawa ako kasama mo? Hindi, Lexie. Maubos man ang pera, pwedeng kitain iyon, pero mahirap makahanap ng taong marunong magmahal ng kapwa nila at hindi ng material na bagay lang.”
“Maikling panahon pa lang tayong magkakilala, Dylan. Hindi mo pa ako lubusang kilala.”
“Kung maikli pa sa’yo ang labing-isang buwan, handa akong mag-stay pa sa tabi mo hanggang sa mga darating pang buwan at taon.”
“Hindi man lang ba nagbago ang tingin mo sa akin?” May pagdududa sa puso niya. Mayaman ang pinanggalingan nitong pamilya samantalang siya? Hindi nga ba’t kaya lang napaayos ang ilang part ng bahay nila ay dahil ng binigay nitong pera.
“Bakit naman magbabago? May isang milyon ka na pero gumigising ka pa rin ng maaga para pumasok bilang saleslady. Pumupunta ka pa rin sa talyer kapag day off mo. Ginamit mo ang pera hindi sa luho mo at—“
“Ibinili natin ng mga tusok-tusok,” sabat niya.
Tumawa ito. “Kasama iyon sa basic needs dahil pagkain iyon. Pero kahit ano pang sabihin mo, hindi magbabago ang nararamdaman ko sa’yo.”
“Dylan naman…”
“Your worth is more than a million,” anas nito sabay dala ng likod ng palad niya sa mga labi nito. “Hindi matatawaran ng kahit anong halaga ang isang gaya mo, Lexie. Hinding-hindi.”
Hind niya napansin ang pagbagsak ng mga luha habang nakatingin kay Dylan na buong pagmamahal na nakatitig sa kaniya.
“Oh, bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong nito. “May nasabi ba akong masama?”
Umiling ito. “Masaya lang ako!” bulalas niya sabay agaw ng kamay dito at pinunasan ang mga luha. Para tuloy siyang bata na walang tigil sa pagbagsak ang mga luha sa mata.
“Masaya ka pero umiiyak ka.”
“Oo. Ganoon sadya ha. Sa mga pelikula ay umiiyak kapag sobrang saya ng bida. Mamaya, ipapanood ko sa’yo’yung mga download ko.”
“Ikaw talaga,” usal nito sabay kabig sa katawan niya upang yakapin siya.
At siya? Hindi na siya pumalag. Mag-iinarte pa ba siya gayong kulang na lang ay ibigay sa kaniya ni Dylan ang langit at lupa, isama na ang mga bituin sa kalangitan. Mag-iinarte pa ba siya kung si Dylan ang imahe ng isang almost perfect man?
No. Hindi na.
Nang hapon ding iyon ay sinagot niya ang binata. Eksaktong Linggo ng araw na iyon kaya walang talyer. Bumisita ang kaniyang mga kapatid na lalaki sa bahay kasama ang mga hipag at pamangkin niya. Nang inianunsyo nila ni Dylan na sila na ay hindi magkamayaw ang saya ng mga ito. Tanggap ng mga ito si Dylan hindi dahil maganda ang pinagmulan ng lalaki.Tanggap nila ito dahil tao itong pumunta sa tahanan nila.
Nang malaman nga ng mga magulang niya ang tungkol sa isang milyon ay kaagad kinausap si Dylan para ibalik iyon. Umayaw lang si Dylan. Pero pagkatapos ng pag-uusap nila kanina, tinanggap na nito ang natirang pera. Ika nito, ipopondo nila iyon para sa future nila.
Hindi rin nagtagal ay muling dinala ni Dylan si Lexie sa bahay nila. Nakilala na ni Lexie ang mga magulang nito noon pero bilang magkaibigan pa sila. Ngayong magkasintahan na sila, medyo kinakabahan siya.
“Bakit ba kakabahan ka?” tanong ng ina sa kaniya habang nag-aayos siya. Mamaya ay parating si Dylan para sunduin siya. Sa bahay ng kasintahan sila maghahapunan.
“Ma, iba na ngayon. Dati kaibigan ko lang siya.”
“Anak, noon pa’y hindi na basta nililigawan ang tingin sa’yo ni Dylan at tiyak akong alam iyon ng pamilya niya. Kung noon pa’y aayaw na nila sa’yo, sana noon pa nila sinabi,” pagpapaliwanag ng kaniyang ina.
“Pero hindi ko mapigilang mag-isip.”
“Hay, batang ito. Kumalma ka muna at mamaya andiyan na si Dylan.”
Sinunod niya ang payo ng ina. Kumalma siya at hinintay ang pagdating ng kasintahan. Nasa silid pa siya nang biglang may kumatok.
“Pasok,” aniya habang nakatayo sa harap ng salamin. Inaayos niya ang pagkakakulot ng buhok. Hindi niya hinahayaang lumampas sa balikat ang buhok kaya naman nang makulot niya ay mas lalong umiklii iyon.
“Hi!”
Napalingon si Lexie nang marinig ang tinig ng kasintahan. “Dylan?”
“Wow! You look beautiful!” anas ni Dylan habang nakatitig sa kaniya. Kumikislap ang mga mata nito dala ng magkahalong paghanga at pagmamahal.
“At ang gwapo mo rin… Palagi naman,” natatawang puri niya sabay lapit dito.
Bumaba ang tingin nito sa suot niyang color red na high heels. Two inches ang taas noon pero hindi man lang sumapat para magpantay ang mukha nila ni Dylan. Hanggang leeg lang siya nito.
“Bagay ba?” tanong niya sabay tigil sa tapat nito. Hindi pa rin ito nagsasalita kaya humakbang muli siya ng isa. “Uyy. Pangit ba?” tanong pa niya sabay hawak sa dress. Burgundy off shoulder with bell sleeves ang style ng kaniyang dress. Humahakab iyon sa maliit niyang bewang at halos umabot lang sa may itaas ng tuhod. Ipinares niya ang suot na pulang stiletto. Hindi naman sa trying hard siyang magmukhang matangkad. Actually may advantage ang pagiging maliit.
Inaalala pa niya ang advantage na iyon nang kanina lang ay nakatayo siya ngayon ay nasa ere na siya. Sa isang iglap ay buhat na siya ni Dylan at naglalakad na ito patungo sa kama niya.
“Hey, anong ginagawa mo?” awat niya habang pilit bumibitaw.
“Parang ayaw ko ng isama ka sa bahay,” nangingiting anito sabay upo sa gilid ng kama. Sinunod siyang iupo nito sa kandungan.
“Dylan, hindi pwede. Nakakahiya kung hindi tayo dadating.”
“I know pero saglit lang. Gusto ko munang masolo ang gandang ito,” anas nito habang nakatitig sa kaniyang mukha na para bang kinakabisa nito ang bawat bahagi ng mukha niya. “Hindi lang ikaw ang pinakamaingay na babaing nakilala ko. Ikaw rin ang pinakamagandang babaing nakilala ko,” bulong nito habang bumababa ang mukha nito palapit sa mukha niya.
Pasimple niyang kinurot ito sa tagiliran. “Grabe ka sa pinakamaingay.”
“At least alam mong hindi puro pambobola ang sinasabi ko sa’yo.”
“Oo na lang.” Natatawa niyang usal at hinuli ang panga nito sa dalawang palad niya. Hinapit niya iyon palapit at pinagpingki ang ilong nila. “Mahal na mahal kita, Dylan.”
“Mas mahal na mahal kita, Lexie. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko.”
Hindi na napigilan ni Lexie ang sariling hapitin ang ulo ng kasintahan para maglapat ang mga labi nila. Siya ang mapalad dahil dumating si Dylan sa buhay niya pero sa tuwina ay palaging pinararamdam ni Dylan na ito ang mapalad.
Kumibot ang labi niya at isinabay sa pagalaw ng labi nito. Hindi si Dylan ang first boyfriend niya pero ito ang first kiss niya. She was hoping na siya na din ang last.
Abala ang labi nila sa isa’t isa nang makarinig sila ng mga bulungan. Natigil sila sa paghahalikan at nagkatinginan.
“Bakit kaya hindi pa sila lumalabas?” tinig iyon ng ina ni Lexie.
“Aba’y hindi ko alam. Baka naman ginagawa na nila ang apo ko,” ani naman ng ama niya.
“Ha? Ngayon na?”
“Aba mas maganda iyon at nang makarami. Hindi na sila mga bata.”
“Ganoon ba? Siya halika na at baka maabala pa sila.”
Nawala na ang mga bulungan pero napalitan iyon ng kanilang malakas na halakhak.
“Aprubado na silang gumawa na tayo ng apo,” biro ni Dylan.
“Tsee! Manahimik ka diyan,” irap niya at akmang tatayo na pero mabilis siyang pinigilan nito. “Dylan naman. Paalis pa tayo.”
“I know, but I can’t wait anymore,” anas ni Dylan at inayos siya nang pagkakaupo sa kandungan.
“Ano?” namimilog ang matang tanong niya. “Ano bang sinasabi mo diyan?”
“Hindi na ako makakapahintay pa,” papahinang anas ni Dylan habang may kinukuha sa pantalon.
“Huyy, lalaki!” nagsisimula ng kabahan si Lexie habang tinitingnan ang kasintahang para bang hirap at pawis-pawisan. “B-bakit ka ba nagkakaganiyan?” nauutal niyang tanong. Medyo kinakabahan na siya. Mahal niya si Dylan pero may mga bagay na hindi dapat minamadali. Aprubado man ang ama niya na magkaapo na, hindi pa sa ngayon.
Dahil sa mga naisip ay dali-dali siyang umalis sa kandungan ng kasintahan. Lumagapak siya sa sahig.
“Lex!”
“Awww,” impit niyang sabi habang hawak ang pang-upo.
“Bakit ba kasi bigla ka na lang umalis?” nag-aalalang tanong ni Dylan.
“Ikaw kasi!” paninisi niya habang masama ang tingin dito.
“Anong ako? Sabi ko lang hindi na ako makakapaghintay pa.”
“Iyon na nga,” angil niya dito habang inaalalayan siyang tumayo. “Bakit ba kasi excited ka? Hindi ba pwedeng kasa muna?”
“Ha?” gulong-gulo ang mukha ni Dylan habang nakatingin sa kaniya. “Hindi ba ito muna dapat bago kasal?”
“Hoy, hindi ha! Dalagang Pilipina ako. Anong akala mo sa akin basta na?”
Natitilihang tinitigan siya ni Dylan. “Ano bang sinasabi mo diyan?”
“Iyang basta… Hindi pa natin pwedeng gawin…” nahihiyang wika niya habang nakaiwas ng tingin. Nag-iinit ang magkabilang pisngi niya.
“Lexie…” pabulong na tawag ni Dylan at lumapit sa kaniya nang dahan-dahan.
“Huyy, ikaw ay magtigil di—“
Natigil siya sa pagsasalita nang biglang lumuhod sa harap niya si Dylan. Sa kamay nito ay naroon ang isang kumikinang na singsing. “Mamaya ko sana gagawin ito pero nang makita kita, iyang cute mong mukha. Parang ayaw ko nang maghintay ng mamaya. S, Miss Lexie Alvarez, will you marry me?”
“Oh Dylan!”
“I love you so much! Will you take every risks of life with me?”
Hindi na napigilan ni Lexie ang sarili at itinapon payakap ang sarili sa kasintahan. “Yes. Oo. I do!” luhaang saad nito habang mahigpit na nakayakap sa kaniya.
Mahinang humalakhak si Dylan at niyakap siya nang mahigpit bago muling binitawan. Kinuha nito ang kamay niya at isinuot doon ang singsing. “I love you, Lexie,” bulong nito at hinalikan ang likod ng palad niya.
“Oh, I love you too!”
Nang gabing iyon, hinarap nina Lexie at Dylan ang kanilang pamilya at inianunsyo na engaged na sila. Maikli man ang panahon na nagkasama sila, tiyak naman nilang mahal nila ang isa’t isa.
Ilang araw pagkatapos magpo-propose ni Dylan kay Lexie dumating ang pamilya nito sa tahanan nina Lexie para mamanhikan. Naghilera ang magagarang sasakyan sa labas ng bahay nila at ang buong tahanan ay puno ng masasayang kwentuhan at halakhakan. Gusto ng pamilya ni Dylan na bigyan sila ng engrandeng kasal pero dahil may napapag-usapan na silang magkasintahan noon, natapos ang usapan na masaya na sila sa simpleng kasal basta kompleto at maligaya ang pamilya.
Ilang buwan din ang matiyaga nilang hinintay bago sumapit ang kasal. Isang church wedding ceremony ang ginanap. Maluha-luhang inihatid ng ama ni Lexie siya sa altar. Natatawa pa siyang ilang buwan itong uminom ng herbal at nag-ehersisyo para daw malakas kapag hinatid siya. Kaya naman hindi pagsidlan ang saya niya. Tuwang-tuwa din si Dylan habang nakatingin sa ama at sa tito na magkausap sa gilid ng aisle.
Nang humarap sina Dylan at Lexie sa altar at bitiwan ang kanilang mga vows sa harap ng isa’t isa, labis din ang pasasalamat nila at pinagtagpo sila. At nang maglapat ang mga labi nila palatandaang mag-asawa na sila, napuno ng sigawan at palakpakan ang buong simbahan.
Humarap si Lexie sa lahat habang nasa tabi ang gwapong-gwapo at napakabait na asawa. Iyon pa lang, daig pa niya ang tumama sa lotto.
*****
THE END :)