"Gising na! Sasamahan mo ako ngayon!" Naalimpungatan ako nang marinig ko ang malakas na pagsigaw ni Cassiel. Ang aga-aga, bibig niya kaagad ang sumalubong sa akin.
Tinakpan ko ng unan ang aking tainga at mukha nang sa gano'n ay hindi ko marinig ang nakaririndi niyang boses. Tumatagos ito sa tainga ko na para bang may bubog at paulit-ulit na nababasag.
"Huwag ka nang magtakip ng tainga mo! Samahan mo ako sa siyudad!" sigaw niya pang ulit at pilit niyang tinatanggal ang unan na nakatakip sa tainga ko. Nakikipag-agawan siya sa akin at hindi naman ako nagpapatalo sa kaniya. Nang malakas na ang paghatak niya sa unan ay nilakasan ko rin ang paghatak dito dahilan ng pagtumba niya sa akin.
Tumama ang naglalakihang dibdib niya sa aking braso at napunta sa likuran ko ang mukha niya. Nabigla ako sa pangyayari kaya agad-agad ko siyang itinulak at umayos ako ng upo.
"Aray!" Nakita ko siyang napatalsik sa sahig at tumayo, inunat-unat niya ang baywang niya kaya natawa ako nang napakalakas. Tinitigan niya ako nang masama dahilan ng pagtigil ko. Ngunit napukaw ng aking mga mata ang suot niya, kulay lila na bistida na bumagay sa mahaba at kulot niyang buhok.
Maganda rin siya kung tutuusin, ngunit mas nagpapaganda sa kaniya ang mala dama de noche niyang mga mata.
"Samahan mo na ako, pakiusap," pagmamakaawa niya sa akin. Napabuntong hininga na lamang ako dahil sa kakulitan niya. Kapag hindi ako pumayag ay patuloy niya pa rin akong kukulitin kaya wala rin akong magagawa kung 'di ang samahan siya kaysa marinig ko ang boses niyang nakaiirita.
"Paano 'yong matanda? Ano 'yan, iiwan mo rito?" tanong ko sa kaniya. Nabigla ako sa pagngiti niya at pagkinang ng mga mata niya. Hindi ko alam kung ano ang mali sa sinabi ko at nagkaganiyan siya.
"Nag-aalala ka kay Manang, ikaw talaga. Isasama natin siya, nakahanda na nga siya, e. Labas na po, Manang," pagtatawag niya sa matandang kasama namin. Nagulat ako sa suot niya dahil pormang-porma ito. Nakasuot din siya ng bistidang mahaba at may sumbrero sa ulo, napailing na lang ako dahil sa dalawang babaeng 'to.
"T-Teka? Ano ang ginagawa natin? Saan tayo pupunta?" ani ng matandang nakapamaywang sa pinto. Nahampas ko ang ulo ko dahil sa sobrang pagkairita sa kanila, kakaiba talaga sila.
"Sino kayo?" ani nitong muli. Tumawa nang malakas si Cassiel at nagsalita, "Ako po si Angel."
Napaisip ako dahil sa sinabi niya, Angel? Palayaw niya rin ba 'yon?
"Ahhh, ikaw ang anghel ko." Ngumiti si Cassiel sa kaniya at lumabas silang pareho sa kuwarto ko. Nakahinga ako nang maluwag dahil ang akala ko ay nakalimutan na niyang ayain ako pero nagulat ako sa biglaang pagdungaw ng kaniyang mukha sa pintuan.
"Magbihis ka na. May damit ka naman diyan," aniya. Huminga ako nang malalim, ang akala ko pa naman ay makatatakas na ako sa kaniya.
Sandali akong napatitig sa damit na nakalagay sa lamesang katabi ng hinihigaan ko. Tinitigan ko ito, kulay itim na damit at pang-ibaba. Buti na lang at kulay itim ito dahil kung hindi, hindi ko ito susuotin.
Pagkabihis ko ay lumabas na agad ako dahil rinig na rinig ko na ang malakas na pag-angal ni Cassiel sa akin.
"Cassian?" Napako ang tingin sa akin ni Cassiel at hindi siya kumukurap kaya iwinagayway ko ang isa kong kamay sa mukha niya. Ano'ng mali sa itsura ko? Ayos naman ang suot ko base sa salamin na nagsisilbing repleksyon ng katauhan ko.
"Ang guwapo mo," aniya habang dahan-dahang ibinababa ang kaniyang paningin. Natigilan siya sa maselang parte ko kaya napatakip ako ng dalawa kong kamay. Ano ba sa tingin niya ang ginagawa niya? Nakaiiritang pagmasdan, kababae niyang tao.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" tanong ko sa kaniya. Napaayos siya sa sarili at lumapit sa matandang nakaupo, inaayos nito ang buhok niyang marami ng kulay puti.
Humarap ito sa akin at ngumiti siya nang napakalapad. "Kamukhang-kamukha mo talaga siya."
Napakunot ang aking noo dahil sa sinabi niya. Ito na naman siya, 'yan na naman siya sa kamukha ko tapos kapag nag-umpisa akong magtanong ay tatanungin niya rin ako kung sino ba ako. Nakaloloko na 'tong matandang 'to, ginagawa akong tanga.
"Sino po?" masiglang tanong ni Cassiel. May nag-udyok sa akin na pakinggan ang magiging sagot ng matanda. Hindi ko alam pero gusto ko rin na malaman kung sino ba ang tinutukoy niya.
"Ang lalaking mahal ko." Bigla akong nakaramdam nang kakaiba nang sabihin niya 'yon. Bumilis ang t***k ng puso ko at nagsimulang malungkot ang pakiramdam ko. Hindi ko alam kung ano na naman ang nangyayari sa akin.
"Sino kayo?" aniya. Napatingin ako kay Cassiel na nag-iba bigla ang ekpresyon. Hindi ko maipinta ang kaniyang mukha dahil sa halo-halong emosyon.
"Baka nagbibiro lang si Manang," sabi niya. Napatango ako at napagdesisyonan na namin ang umalis.
Habang naglalakad ako ay ramdam na ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin na dumadaplis sa aking balat. Napatitig ako sa araw at tirik na tirik ito gaya na rin ng kalangitan, ang liwanag nito at walang nagbabadyang ulan.
Nang marating na namin ang sasakyan ay napatingin ako sa mga taong tinititigan ako mula ulo hanggang paa, may problema ba sa itsura ko? Hindi naman ako nag-anyo bilang demonyo kaya bakit parang gulat na gulat sila sa kanilang nakikita.
"Ang guwapo mo kasi," bulong ni Cassiel sa tainga ko. Napaatras ako dahil sa ginawa niya, may naramdaman akong kiliti dahil sa pinakawalan niyang hangin na nanggagaling sa loob ng katawan niya.
"Nagsasabi lang ng totoo," pang-aasar niya pa. Hindi ko siya pinansin at ipinagpatuloy lang ang paglalakad hanggang sa marating ko na ang upuan na para sa akin. Katabi ko si Cassiel at si manang na tuwang-tuwa base sa kaniyang nakangiting mukha.
Ngayon na lang ba siya nakagala kaya ganiyan ang kasiyahang nararamdaman niya? Gaano ba siya katagal nakulong sa tahanan ni Cassiel?
"Hayaan mo na si Manang." Napatingin ako kay Cassiel at nabigla ako dahil sa sinabi niya. Huwag niyang sabihin na, naririnig niya rin ako.
"Naririnig mo ako?" tanong ko sa kaniya. Nagtataka ako dahil paano niya nasasagot ang mga katanungan na nasa utak ko lang.
"Hindi naman ikaw ang kausap ko. Itong katabi ko kaya ano'ng pinagsasabi mo riyan?" Napakamot ng ulo ang katabi niyang lalaki at napairap na lang ako sa kawalan.
Mabuti na lang at hindi niya nagagawa 'yon kung 'di, malalaman niya ang lahat ng plano ko at kapag nangyari 'yon, hindi ko na matutupad ang mga nais ko.
Mabuti na lang at wala siyang gano'ng kakayahan kung 'di, hindi ako mag-aalinlangan na paslangin siya.