KABANATA 16

1146 Words
Nakarating na kami rito sa siyudad at nagagalak ako dahil nakikita ko na naman ang mga taong papaslangin ko. Marami-rami sila at uunahin ko ang mga magkakarelasyon na sobrang saya, hindi sila maaaring magsaya. Magdurusa sila hanggang naririto ako, hindi ako papayag na may magsilabasan na halakhak sa kanilang bibig. "Tara na!" Hinatak ako ni Cassiel at napasunod naman ang dalawa kong paa. Nagsisiksikan ang mga tao sa lugar na 'to, maiihalintulad ko na rin ito sa impyerno dahil sa labis na kainitan ngunit wala pa rin makatatalo sa nagliliyab na lugar ng mga kaluluwang makasalanan. May biglang natapilok sa harapan ko na babae, puno ng kolorete ang kaniyang mukha at kitang-kita ang taas ng dibdib niya dahil sa sando na suot. Hinawakan niya ang braso ko at hinaplos niya 'yon pababa kasabay ng pagkagat niya sa kaniyang labi. Iba ang kaniyang mga tinginan at sa aking palagay ay may gusto siyang gawin na kakaiba. Kinontrol ko ang hangin at bigla siyang napaatras sa mga taong naglalakad din katulad namin. Pinakitaan niya ako ng nangagalaiti na mukha, nakaaawa. Ganiyan na ba siya kasabik sa isang lalaki? Ganito na ba talaga katigang ang mundo? Natawa ako nang natawa na dahilan ng pagtingin sa akin ng mga tao, gano'n na rin si Cassiel na halatang nagtataka dahil sa kaniyang itsura. "Ano ba ang ginagawa mo? Para kang baliw," aniya kaya nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Ang sikip ng lugar na ito at hindi ko alam kung ano ang naisipan ni Cassiel at gusto niyang mamili sa ganitong klaseng paligid, dapat sinabi niya na lang na gusto niya pala sa ganitong kainit at kasikip na lugar. Edi sana dinala ko na lang siya sa impyerno. Habang naglalakad kami ay may napansin akong isang lalaking may hawak na kutsilyo sa kamay, natitiyak ko na may papatayin 'to ngayon. Inikot ko ang aking paningin hanggang sa makita ko na ang biktima niya, isang babaeng buntis. Sasaksakin niya ito sa tiyan hanggang sa mawalan na ito ng buhay. Mga tao nga naman, kakaiba na talaga ang dulot naming mga demonyo sa kanila. Sila na rin mismo ang gumagawa ng paraan upang mapunta sila sa mundo ng pasakit. Dahil sa kalugmukan sa pera, ganito ang nangyayari. Dahil sa mga bulong ng demonyo sa kanila, nakagagawa sila ng masasamang bagay na sinusunod din ng puso nila. Natawa na lamang ako at hindi pinansin ang mangyayari. Maya-maya pa ay may sumigaw na isang babae, sobrang lakas na paghiyaw ang pinakawalan nito at alam ko na kung kanino nanggagaling ang tili na 'yon. "Ano ang nangyayari?" tanong ni Cassiel. Hinanap-hanap niya ang lugar kung saan nanggaling ang maingay na sigaw. Marami nang mga tao ang nagsilapitan dito at sa halip na tulungan ay kinuhanan lamang nila ito ng litrato. Sunod-sunod na ilaw ang nagmumula sa hawak nilang bagay. "Maililigtas pa sana siya kung hindi lang inuna ng mga taong 'yan ang pagkuha ng litrato sa biktima," pabulong kong sabi. Lumingon sa akin si Cassiel at labis na panlulumo ang ipinapakita ng itsura niya. Nang makita kong tatawid ang lalaking pumatay sa babaeng buntis ay kinontrol ko ang kotseng malapit sa kaniya at pinatamaan ko ang makasalanan niyang katauhan. Kaagad na naagaw niya ang pansin ng lahat. Nagsitakbuhan ang mga tao at kagalakan naman ang nararamdaman ko. Mukhang mas marami ang mga kaluluwang magdurusa ngayon. Ang suwerte ng babaeng buntis dahil sa langit sila mapupunta. Mas mabuti na rin 'yon kaysa mapunta sila sa impyerno, hindi siya nararapat do'n. Nakaramdam ako ng kakaiba, piling ko ay may sumusunod sa aming demonyo dahil sa kakaibang ihip ng hangin. Sinusubukan ko siyang pakiramdaman ngunit hindi ko siya mahanap. "Tara na," ani ko kina Cassiel kaya nagpatuloy kami sa paglalakad. Gano'n pa rin, patuloy niya pa rin kaming sinusundan at nagtatago siya gamit ang kaniyang kapangyarihan. Pinakiramdaman ko lang siya nang pinakiramdaman hanggang sa mahanap ko na ang itim na usok niya. Nang mapagtanto ko na kung nasaan siya ay pinatamaan ko ito ng kidlat dahilan ng pagsigaw ng maraming tao at may natamaan din na inosente. Patuloy siya sa pag-iwas kaya mas lalo ko pang binilisan ang panghuhuli sa kaniya. Nakita kong gulat na gulat si Cassiel dahil sa ginagawa ko at kaagad silang nagtago ng matanda niyang kasama sa isang silungan. Mabuti na rin 'yon at para hindi sila madamay. "Sino ka?" malakas na sigaw ko. Ngunit may malaking bato na papunta sa akin kaya kaagad akong umiwas at sunod-sunod na bato pa ang pinakawalan niya. Nakasuot siya ng itim at hindi ko makita-kita ang itsura niya ngunit nasisigurado kong isa 'tong demonyo. Ang presensya niya ay katulad na katulad sa mga nakasasalamuha kong mga hayop sa impyerno. Nakita ng mga tao kung paano kami maglaban ng isang demonyong 'to, hindi ko siya makilala dahil may nakaharang sa kaniyang mukha. Katulad ko ay nagpapakita rin siya sa mga taong naririto. Mas lalo ko pang nilakasan ang pagpapatama sa kaniya ng mga kidlat at pagpapahangin nang sobrang lakas. Hindi ko alam kung bakit ako sinusugod ng isang demonyong 'to pero mukhang alam ko na, dahil kay Satanas. Malamang ay inutusan siya ng hayop na 'yon. Napailag ako nang magsilaglagan ang mga malalaking gusali na nakatayo sa gilid ng lugar na ito. Ang daming mga tao ang nabagsakan dahil sa ginawa ng kalaban ko. Puro hiyawan at iyakan ang pinakawalan ng mga tao, tumagas na rin ang napakaraming dugo sa lupa na aming tinatapakan. Dahan-dahang lumabas ang dalawa kong pakpak sa likod at nararamdaman ko na rin ang pag-usbong ng mga sungay ko. Nagkakaganito ako kapag hindi ko na makontrol ang sarili ko. Nang masilayan ko si Cassiel ay nakita ko sa kaniyang mukha ang pagkabigla gano'n na rin ang matandang kasama niya na ngayon ay nakayakap na sa kaniya. Hindi ko sila masisisi kung halimaw ang magiging tingin nila sa akin, isa naman talaga akong nakasisindak na halimaw. Nakita kong papaalis na ang demonyong kanina pa ako pinapatamaan ng mga kung ano-ano kaya dali-dali kong pinalakas ang ihip ng hangin para hanginin siya papunta sa akin at ng sa gano'n ay mapaslang ko na siya. Pilit niyang ginagawa ang kaniyang makakaya ngunit hindi siya malakas kagaya ko, o baka sadyang hindi lang ako matalo-talo ng kung sino lang. Nang nasa harapan ko na siya ay tinanggal ko ang nakatakip sa mukha niya. Isa lamang siyang ordinaryong demonyo, nakaaawa dahil magiging abo na siya ngayon. "Sino ang nag-utos sa'yo?" tanong ko sa kaniya. Ramdam ko ang panginginig niya dala na rin ng takot. Natatawa ako dahil sa itsurang ipinapakita niya. Kahihiyan 'to sa aming mga demonyo, nakahihiya ang magkaroon ng kasamahan na katulad niya. "Si Panginoong Satanas, pakawalan mo na ako," aniya. Hinawakan ko siya sa kaniyang leeg at unti-unti siyang nasunog at naging abo na nilipad ng hangin. Panginoong Satanas? Hindi ba siya kinikilabutan sa sinasabi niya. Walang kahit sino man ang puwedeng maging panginoon, wala kahit sino.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD