KABANATA 17

1068 Words
Iniuwi ko sina Cassiel sa pamamagitan ng aking paglipad gamit ang itim kong pakpak. Nang una ay nagpupumiglas siya at ayaw niyang sumama sa akin pero sa huli ay napapayag ko rin siya. Nanatili lang ang tingin niya sa akin. Hindi ako makapagsalita, walang kahit ano ang lumalabas sa bibig ko. Parang tinabunan ng napakaraming lupa ang bunganga ko. Nililipad ang bistidang suot niya at gano'n na rin ang mahaba at kulot niyang buhok. Nakatayo kami sa harapan ng maliwanag na buwan ngayong gabi habang napupupuno ng katahimikan ang paligid. Para kaming nasa ibang planeta ngayon, walang mga nilalang maliban lang sa aming dalawa. Rinig na rinig ko ang mga himig ng mga ibong nagkakantahan sa madilim na gabi. Napakasarap sa tainga ng kanilang mga naggagandahang tinig. "Ano sa tingin mo 'yong ginawa mo kanina?" Nawasak ang katahimikan dahil sa pagsasalita niya. Tila nagulat ako sa tanong niya, ang akala ko ay itatanong niya sa akin kung ano ba talaga ako pero mukhang ako ay nagkamali. "Tingin mo?" pabalik kong tanong sa kaniya. Napapikit siya nang mariin dahil na rin siguro sa inis. Alam kong hindi tama na sagutin ko siya ng isa pang katanungan. Pero wala akong balak sagutin ang itinatanong niya sa akin, halata naman siguro kung ano ang ginawa ko kanina. Isang tanong lang ang gusto kong marinig sa kaniya. Hinihintay ko na lumabas sa bibig  niya kung sino ba talaga ako at nang matanong ko na rin kung sino ba talaga siya. "Bakit? Marami kang nadamay. Maraming namatay na mga inosenteng tao. Hindi ka ba naaawa sa mga luhang pinapakawalan ng mga taong nagmamahal sa kanila. Ang daming namatay! Hindi ka ba nakokonsensya?!" pasigaw niyang tanong sa akin. May kung ano sa akin na tinira nang husto ang puso ko, hindi ako makaharap sa kaniya. Tama siya, marami na akong taong napatay, marami na akong buhay na nasira at mas madadagdagan pa ang buhay na wawasakin ko. Tama siya, hindi nga ako nakokonsensya, wala akong konsensya dahil isa akong halimaw. "Sumagot ka! Bakit ka ba ganiyan? Bakit?! Bakit lahat dinadamay mo? Bakit kailangan lahat maghirap?!" tanong niyang muli na nakapagpatigil sa mundo ko. Nagsimulang manikip ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Pilit akong dinudurog ng mga salita niya. "Dahil isa akong demonyo! Isa akong walang pusong demonyo! Hayop ako, wala akong kuwenta sa mundong 'to!" pasigaw kong sabi sa kaniya. Nag-iba ang ekpresyon niya at alam kong pagkatapos nito ay paaalisin niya na ako. Sino ba naman ang magugustuhan ang isang katulad ko? Sino ba naman ang makapagtitiis sa isang kagaya ko? "Hindi, hindi 'yan ang gusto kong marinig," aniya. Napahawak ako sa aking buhok at sabay hinablot ito nang napakalakas, para akong nababaliw sa mga oras na 'to. "Alam mo kung bakit? Kasi, naisip ko na baka kapag nanira ako ng mga buhay ng tao, bumalik siya sa akin, baka bumalik muli siya. Alam mo kasi, si Camiell 'yon tipo ng babaeng, ayaw ng may nasasaktan kaya ito ang naisip ko at alam mo, ang sakit sa pakiramdam makakita ng mga taong masaya. Kasi ako, kahit kailan ay hindi ko na ata mararanasan 'yon. Mukhang napakalabo nang maging masaya ako. Malabong-malabo." Dahil sa sinabi ko ay may namuo sa mga mata niyang mga butil ngunit pinipigilan niya itong pumatak. Gano'n din ako, pinipigilan ko ang pagpatak ng mga luhang nagbabadya nang magsilabasan. Pinipilit ko na hindi masaktan sa lahat ng mga bagay, pinipilit ko na maging matigas dahil ito ang tama, ito ang nararapat. Kung mahal mo ang isang tao, magiging matatag ka at ikaw ang gagawa ng paraan upang mapabalik siya. Mahal ko si Camiell kaya ako ang gumagawa ng paraan upang mayakap ko siyang muli, upang maikulong ko na siya sa aking mga bisig. "Cassian, hindi naman dapat na maging ganito ang lahat. Baka kaya ka niya iniwan dahil sa napakalaking rason. Kaya niya 'yon ginawa dahil may rason siya! Hindi lang puro sa'yo ang lahat, hindi lang tungkol sa kaligayan mo! Gumising ka!" sunod-sunod na sabi niya. Bigla kong naalala ang araw na iniwan ako ni Camiell, ganiyan din ang sinabi niya sa akin. Ano naman kaya ang rason niya, dahil utos 'yon ng Diyos? "Alam ko na, hindi ko na kailangang malaman," walang emosyon na sabi ko sa kaniya. Tumalikod ako at aalis na sana dahil gusto kong mapag-isa, alam kong walang makaiintindi sa akin, alam kong walang makauunawa. Nagsimula nang lumakad ang mga paa ko nang may maramdaman akong mga brasong yumakap sa akin nang biglaan, kakaiba ang naramdaman ko dahil sa paghagkan sa akin ni Cassiel. "Huwag kang umalis, Cassian. Pakiusap," pagmamakaawa niya. May naramdaman akong mga luhang pumapatak dahil nasa likuran ko ang mukha niya. Nagsimula na rin siyang humikbi nang palihim pero hindi niya ito maitatago dahil nasa harapan niya lang ako. "Isa akong demonyo. Demonyo talaga hindi 'yong taong masama lang ang ugali. O baka dapat kong sabihin na, isa akong tao na naging isang walang awa na demonyo. Nararapat lang na alisin mo na ang mga bisig mo sa akin, gusto mo na naman ba ang masaktan?" Pilit kong hindi nilalagyan ng emosyon ang pagsasalita ko, pinipilit ko ang sarili ko na maging manhid kahit na ang totoo ay, nasasaktan ako. Nasasaktan pa rin ako! Pinipigil ko ang mga luhang kanina pa gustong lumabas, tama na ang ilang iyak na ipinakita ko kay Cassiel, tama na 'yon. Tama na ang ilang araw niyang pag-intindi sa akin, tama na 'yon. Hindi ako karapat-dapat sa pag-aalagang binibigay niya. Mas mabuti na siguro ang ipagpatuloy ko na lang ang mga plano ko kaysa alamin kung ano ang tunay na katauhan ni Cassiel. Mas magiging maayos kung lalayuan ko na siya habang maaga pa bago siya tuluyang masangkot sa gulong napasukan ko. Iiwas na ako at gagawin ko na ang mga planong matagal ko nang pinag-isipan. "Tanggap kita kahit sino ka pa. Ayos na sa akin ang masaktan kaysa mas lalo ka pang masaktan," pabulong niyang sabi. Biglang huminto ang hangin sa pag-ihip at gayon din ang dagat sa pag-alon. Huminto ang paligid dahil sa sinabi niya. Huminto ang lahat habang ang puso ko ay mas lalong bumilis ang pagtibok. Para akong hinahabol ng isang pana na may apoy, hindi tumitigil sa pagtakbo nang napakabilis. Hindi ko maihinto ang puso ko sa pagiging taranta. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko, hindi ko na alam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD