Gumising ako nang napakagaan ang pakiramdam. Wala akong kaide-ideya kung ano ang naganap ng gabing 'yon, ang alam ko lang ay nandito pa rin ako sa tahanan ni Cassiel. Nanatili pa rin ako sa hindi malamang dahilan.
Napatingin ako sa karagatan mula sa bintanang ito. Ang ganda ng kulay asul na dagat na paalon-alon. Ang nabubuong tunog nito ay sobrang sarap pakinggan, labis akong nangulila sa himig nito nang mawala si Camiell sa tabi ko.
Tumayo ako at naisipan kong maglakad-lakad sa tabi ng dagat, gusto kong langhapin ang sariwang simoy ng hangin. Gusto ko rin na matitigan ang araw sa pag-angat nito.
Nagsimula na akong iapak ang aking mga paa sa sahig at lumakad nang taimtim. Kakaiba talaga ang lugar na ito, napakaganda sa paningin. Kaaya-aya pa rin katulad nang dati kaso lang ay may kulang. Ramdam ko ang labis na pangungulila kay Camiell.
Nang marating ko na ang tabing dagat ay naupo ako ro'n at pinagmasdan ang mga alon na nagsasayawan, masayang gumagalaw sa palabas na araw.
Hindi ko maiwasan ang tumingin sa kalangitan at damhin ang mga alaala naming dalawa, umaasa ako na baka pinapanuod niya ako ngayon. Patuloy pa rin akong umaasa at aasa ako nang aasa hanggang sa nabubuhay pa ako.
Patuloy akong aasa kahit na maging abo na lang ako at mabura na ang presensya ko sa mundo. Patuloy akong aasa na babalik siya.
"Hijo, ang lalim ng iniisip mo," ani ng matandang hindi ko namalayan na nakaupo na pala sa tabi ko. Tumingin siya sa direksyon kung saan nakapako ang atensyon ko.
"Umaasa ka rin ba na babalik ang taong mahal mo?" mahinahong tanong niya. Ngayon ko lang napansin na ang sarap pala sa tainga ng kaniyang boses. Para akong hinehele ng aking ina.
"Ako rin, patuloy akong naghihintay kahit imposible na. Mananatili ako hanggang sa pumuti na ang uwak." Biglang nalungkot ang kaniyang itsura at hindi ko siya masisisi. Mahirap magmahal ng taong patuloy ka lang na pinapaasa.
"Paano mo naman nasabi na may hinihintay ako?" tanong ko sa kaniya. Napalingon ako sa kaniya at natitigan ko ang maamo niyang mukha. Parang nakita ko na siya noon ang kaso ay hindi ko na maalala.
"Ramdam ko. Nararamdaman ko kahit hindi mo sabihin. Alam ko kung nasasaktan ka ba o hindi." Naguluhan ako sa sinabi niya kaya napaisip ako na baka may naikuwento sa kaniya si Cassiel tungkol sa mga nasabi ko kagabi.
Baka nalaman niya lang at hindi niya naman talaga naramdaman, hindi ko naman siya ina at hindi naman niya ata ako madalas na nakakasama.
"Nagbibiro ka ba? Hindi nga kita kilala, e," ani ko sa kaniya. Tumingin siya sa akin at sinilayan niya ang mukha ko nang sobrang tagal ngunit nagtataka ako dahil hindi man lang ako nainis o nailang.
"Nararamdaman ko. Kahit walang magsabi o kahit hindi mo sabihin." May hangin na lumabas sa bibig ko. Baka manghuhula lang siya kaya gano'n. O baka sadyang nararamdaman niya lang talaga kahit hindi kami gano'n katagal nagkasama.
Napuno kami ng katahimikan at nanatili lang kaming nakatingin sa kalangitan hanggang sa may maalala akong isang bagay. Isang bagay na sinabi sa akin ni Cassiel.
Lumingon ako sa kaniya at nakita kong nakapako lang ang kaniyang atensyon sa langit. Ang mga hugis ng labi niya ay parang katulad din ng hugis ng labi ko. Hindi ko maipaliwanag pero parang nakita ko na talaga siya noon.
"Sino nga pala ang taong minahal mo?" tanong ko sa kaniya na naging dahilan ng paglingon niya sa akin. Nakapagtataka dahil hindi siya mabilis na makalimot ngayon. Nang nakaraang araw ay sobrang bilis niyang makalimutan ang lahat kaya nakabibigla ang ipinapakita niyang katauhan.
"Gusto mo talagang malaman? Baka pagtawanan mo lang ako," aniya. Napakunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niya. Kahit ganito akong klase ng lalaki, hindi naman ako tumatawa sa mga seryosong bagay katulad nito. Kailangan kong malaman kung sino ang iniibig niya, kung ano ba talaga ang inibig niya.
"Halata naman po sa akin 'di ba? Hindi po ako tatawa, pangako." Ibinuka ko ang aking kamay at itinaas tanda ng susunod ako sa aking sinabi.
"Hindi siya isang tao. Ang inibig ko ay hindi isang tao, hindi ko alam kung paano nangyari ang bagay na 'yon. Nang una ay nag-aalangan pa ako pero habang tumatagal, naisip ko na kahit ano pa siya, tanggap ko pa rin kung sino siya." Huminto siya nang pansamanta at tumingin sa ibang direksyon.
"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong isa siyang masamang nilalang? Kumbaga, nagmahal ako ng isang masamang lalaki. Hindi ko nga alam kung paano ko siya nakita at nang malaman ko ay, nagpapakita pala talaga siya para makausap niya ako. Wala nga akong maisip na isang bagay kung paano ko na paamo ang matigas niyang puso na kasing tigas ng isang bato." Ngumiti siya nang mapait at may namumuo ng mga luha sa kaniyang itim na mata.
"Nagmahal ako ng isang demonyo at nagkaroon ng bunga ang pag-iibigan naming dalawa. Hindi ko na alam kung saan siya napunta." Tuluyan nang nagsibagsakan ang mga luha sa kaniyang mga mata.
Iniangat ko ang mga palad ko at pinunasan ko ang mga butil sa kaniyang mukha, hindi ko alam kung ano ang bagay na nag-udyok sa akin para gawin ko ito.
Isang bagay lang ang pumasok sa utak ko, mukhang kilala ko na kung sino ang demonyong tinutukoy niya. Sabi na nga ba at hindi ako nagkamali sa aking hula.
"Ano po ang pangngalan niya?" mahinahon kong tanong sa kaniya. Huminto siya sa pag-iyak at yumuko nang bahagya. Hindi ko alam kung nahihiya ba siya o may kakaiba lang talaga.
"Si Jerahmeel, siya ang demonyong minahal ko." Napangisi ako dahil sa naging tugon niya. Mabuti na lang at tadhana na ang nagdala sa akin sa babaeng 'to, magagamit ko siya para kay Jerahmeel.
Gagawin ko siyang patibong para mapasunod ang makapangyarihang demonyong 'yon. Hahanapin ko siya at alam kong malaki ang maitutulong niya sa mga plano ko lalo't galit na galit siya kay Satanas.
Ang suwerte nga naman ng isang demonyong katulad ko, kahit papaano ay biniyayaan pa rin ako ng kasuwertehan sa buhay. Humanda na ang mundo sa nalalapit na pagwasak ko rito.