Cassiel's POV Pagkagising na pagkagising ko pa lang ay lungkot na agad ang sumalubong sa akin. Maraming katanungan ang bumabagabag sa aking isipan. Hindi ako maaaring umibig sa isang katulad niya lalo't hindi kami magkauri. Isa na namang kasalanan ang matatamo ko. Ang dami ko nang nagawa na maling mga bagay tapos ngayon, madadagdagan na naman. Bakit kasi naaakit ako sa mga tinginan niya at sa kulay pula niyang mga mata. Bakit ba kasi napakabait ng demonyong 'yon? Narinig ko ang yapak ng mga paang palapit nang palapit sa aking silid kaya kaagad kong tinakpan ang aking mukha gamit ang unan. Ramdam na ramdam ko na ang kakaibang presensya ni Cassian. Hinawi niya ang kurtina at lumakad patungo sa kinahihigaan ko. Pinikit ko nang mariin ang aking mga mata, magpapanggap ako na tulog pa.

