KABANATA 20

1289 Words
"Ang tagal mo naman!" Lumapit ako kay Cassiel habang dala-dala ko ang mga alak na binili niya. Natagalan ako dahil hinintay ko pa ang matandang 'yon na matapos sa kaniyang pagkain at hinatid ko siya sa kaniyang higaan. "Pinatulog ko pa 'yong matanda," sagot ko sa kaniya. Ngumiti na naman siya nang kakaiba at alam ko na kung ano ang kaniyang iniisip. Hindi ko naman gustong gawin ang lahat ng ito pero may nag-uudyok kasi sa utak ko na gawin ko ang mga bagay na ito. Hindi ko na nga rin maintindihan ang aking sarili. "Atsaka, itigil mo na ang pagtawag mo sa kaniya ng matanda! Manang na lang, mas mabuti pa ang ganiyan o kaya naman ay tawagin mo na lang siya ng Nanay," aniya. Itinaas niya ang kaniyang kamay at inabot ang isang bote. Napaisip naman ako dahil sa sinabi niya. Nanay? Bakit ko siya tatawagin ng ganiyan, e hindi naman siya ang aking ina. "Hindi pa 'yan nakabukas. Akin na, bubuksan ko para sa iyo." Kinuha ko pabalik ang alak at binuksan ito gamit ang kutsilyong dala-dala ko. Matapos ko mabuksan ay binigay ko na sa kaniya ang bote. "Salamat, ah. Ang bait mo na sa akin ngayon. Mabait ka na sa amin ni Manang," aniya habang nakangisi. Biglang tumibok nang napakabilis ang puso ko at hindi ako mapakali sa puwesto ko. "Hindi ka naman masama para sa akin kahit na isa ka pang demonyo. Ikaw ang pinakaperpektong demonyo sa lahat, hindi dahil sa napakasama mo kung 'di dahil sa kabutihang iyong tinataglay," dugtong niya pa kaya napatahimik na lang ako sa kinatatayuan ko at tila ba hindi na makapagsalita pa. Dati naman ay nagagalit ako kapag sinasabihan niya ako ng mga magagandang papuri pero ngayon, bakit ganito? Parang natutuwa pa ako. "Umupo ka nga!" Kaagad ko siyang sinunod at umupo ako sa tabi niya. Napatitig ako sa mukha niya habang nilalagok niya ang alak na kaniyang hawak-hawak. Kakaiba ang taglay niyang kagandahan. "Ito, para sa'yo." Inabutan niya ako ng isang bote kaya kinuha ko 'yon at ininom. Matagal-tagal ko na rin na hindi nagagawa ang mga ganitong bagay. "Ano ba ang pakiramdam ng pagmamahal?" tanong niya sa akin. Nagtaka naman ako dahil ang akala ko ay kaya siya magpapakamatay dahil sa lalaki pero bakit siya nagtatanong kung ano ba ang pakiramdam niyon. Bakit niya tatanungin ang bagay na 'yon kung naranasan niya naman na ang umibig. "Akala ko ba nagmahal ka na?" pabalik kong tanong sa kaniya. Nag-iba bigla ang itsura niya at tumingin siya kung saan. "E, kasi hayop ang lalaking 'yon. Atsaka ang ibig kong sabihin ay kung ano ba ang pakiramdam ng minamahal," pangangatuwiran niya. Itinabi niya sa gilid ang boteng wala nang laman at kumuha pa siya ng isa. "Para kang umiinom ng pangit na gamot. Mapait, sobrang pait. 'Yan ang sabi ng iba pero para sa akin, napakasarap ng pagmamahal. Kahit kirot lang ang dala nito sa puso, mga maliligayang alaala naman ang maitatago mo sa iyong isip," pagpapaliwanag ko sa kaniya kahit medyo nakalimutan ko na kung ano pa ba ang pakiramdam ng minamahal. Hindi ko na rin maalala dahil sobrang tagal na nang maranasan ko ang mahalin ng isang babae. "Kasalanan daw ang magmahal, ang ibig kong sabihin ay, kasalanan daw ang magmahal ng isang uring hindi naman puwedeng ibigin. Katulad ni Manang, ang laki raw ng nagawa niyang kamalian dahil umibig siya sa isang lalaking hindi puwedeng mahalin. Tingin mo, tama sila?" tanong niya sa akin. Tumingin siya sa dagat at kumuha siya ng mga bato. Inihagis niya ito sa karagatan na naging dahilan ng pagtalbog ng mga tubig nito. "Kung kasalanan ang magmahal, kung gayon ay hayaan mo akong maging makasalanan," sambit ko habang nakangiti. Kung mali nga ang aking ginawa, mas mabuti nang magkamali ako kaysa gawin ko ang tama ngunit hindi naman maligaya ang puso ko. "Sa tingin mo ba ay magiging masaya kayo kung mas susundin mo ang pag-ibig?" tanong niya pang muli. Alam ko na ang gusto niyang ipahiwatig sa akin. Gusto niyang makita ko na mali ang ginagawa ko, ano ba ang alam niya sa tama at mali? Kahit isa sa atin ay hindi alam ang tama at mali. Kung alam man natin kung ano ang tama, mas pipiliin pa rin natin ang mali. Kung isa ka lamang musmos ay hindi ka magkakasala pero hindi na tayo isang sanggol. "Tingin mo ay magiging masaya ka kung hindi mo sinunod ang puso mo? Tingin mo rin ba ay magiging maligaya ka kapag iniwan mo ang taong mahal mo?" pabalik kong tanong sa kaniya. Natahimik siya sa kinauupuan niya at hindi siya nakapagsalita. Nanatili kaming walang imik sa isa't-isa at pinagpatuloy na lang namin ang pag-inom ng alak. Marami na rin kaming naubos at halatang-halata na ang tama nito sa kaniya. Napatitig ako sa bintana ng kuwarto ng matandang 'yon at biglang pumasok sa isip ko kung ano ang pinagdaanan nila ng pamilya niya. Malamang, katulad ko rin siya na napakasaklap ng dinanas sa mundo. Hindi niya dapat ito nararanasan dahil isa siya sa mabuting taong nakilala ko kahit na madalas siyang makalimot. Mabuti na lang at nakalimutan niya ang araw kung saan ako ay naging isang demonyo sa harap niya at ng maraming tao. Baka marami na siyang nalaman sa akin kung wala lang siyang sakit. At malamang ay naging malaking usap-usapan na iyon kung hindi lang binura ni Satanas ang mga alaala nila. Kung hindi niya 'yon ginawa ay baka hinahanap na kami ng mga taong 'yon. Hindi ko pa nakikita si Satanas at hindi ko pa naitatanong kung bakit siya nagpadala ng tauhan niya para sundan ako. "Cassian." Napasulyap ako kay Cassiel nang tawagin niya ang pangngalan ko. Napatingin ako sa mga boteng nasa gilid namin ngunit nabigla ako dahil ubos na ang mga alak na nakalagay ro'n. Hindi ako makapaniwalang naubos niya ang lahat ng 'yon. Ginawa niya bang isang tubig lang ang alak at nilagok niya nang dire-diretso sa lalamunan niya. "Ano?" tanong ko sa kaniya. Tumawa siya nang tumawa at iginalaw niya ang kaniyang mga kamay papunta sa mukha ko. "Ang guwapo mo talaga," aniya habang nakaharap sa akin. Nailang naman ako dahil sa ginawa niya kaya tinanggal ko ang mga palad niya sa dalawa kong pisngi. Tumatawa pa rin siya at talaga nga namang lasing na siya kaya ito na ang pagkakataon upang tanungin ko sa kaniya ang isang bagay na gustong-gusto kong malaman. "May tanong ako sa'yo, Cassiel." Tumigil siya sa pagtawa at umayos ng upo. Pinipilit niyang maging matino pero hindi niya kaya dahil lasing na siya. "Ano 'yon? Sasagutin ko kahit ano." Napangiti ako dahil sa naging tugon niya. Alam kong masasagot na ang katanungan ko ngayong gabi. Nararamdaman ko na malapit ko nang maabot ang katotohanan. "Ano ka ba talaga?" Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi ko. Hindi ko alam kung nasa sarili niya pa siya o hindi na dahil nagiging maayos siya bigla-bigla. "Gusto mo ba talagang malaman?" seryosong tanong niya sa akin. Tumango-tango ako at ngitian ko siya. Sa sobrang kuryosidad ko kay Cassiel ay nagawa ko ang mga bagay na ito. Sobra ang kagustuhan kong malaman kung ano ba talaga siya. "Isa akong a--" Napasuntok ako sa buhangin nang biglang bumagsak ang ulo niya papunta sa dibdib ko. Nakapikit na ang mga mata niya at hindi niya man lang naituloy ang sasabihin niya. Ito na ang oras para malaman ko ngunit nabigo pa ako. Nainis ako nang sobra ngunit hindi ko maitulak ang ulo niya paalis sa dibdib ko. Nanatili lang akong nakapako sa puwesto ko at hindi gumagalaw. Nakaramdam ako ng sarap sa pakiramdam. Naalala ko si Camiell dahil sa puwesto namin ngayon. "Papalipasin ko muna ang oras na ito," ani ko habang nakatitig sa maliwanag buwan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD