"Bakit mo ako pinasundan?" tanong ko kay Satanas na ngayon ay nakaupo sa kaniyang trono at hindi ako pinapansin.
Napag-isip-isipan ko na kailangan ko na siyang harapin at kailangan kong malaman kung bakit niya ginawa ang mga bagay na 'yon sa akin.
"Hindi ka ba talaga sasagot?!" pasigaw kong sambit sa kaniya. Tinitigan niya ako nang mapansin niyang galit na galit na ako sa hindi niya pag-imik sa aking mga katanungan. Ngumiti siya na para bang tuwang-tuwa dahil sa inaasta ko ngayon.
"Ano ba ang iyong problema?" pabalik niyang tanong sa akin na nagparindi sa aking mga tainga. Mas lalong nag-init ang aking katawan dahil sa nakapapasong apoy na dumadaloy sa aking kalamnan.
"Bakit mo ako pinasusundan?" mahinahong tanong ko marahil ay sa ganitong paraan, maipapakita ko na hindi ako natatalo sa kaniya. Kapag ipinakita ko ang aking galit ay mas lalo niya pa akong aasarin.
"Gusto ko? May magagawa ka ba kung gusto ko?" Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya dahil sa naging tugon niya sa akin. Mabibigat na bagsak ng aking mga paa ang pinakawalan ko habang lumalakad patungo sa kaniyang puwesto.
"Hindi ako nakikipagbiruan," pagpapaalala ko sa kaniya. Hindi ko na maiwasan pa ang aking galit dahil napuno na ng mga apoy ang aking katawan at hindi ko na ito mapipigilan kapag ginalit niya pa ako lalo.
"Gumana kasi ang aking kuryosidad. Napansin ko kasi na wala ka nang mga taong nabibiktima kaya pinasundan kita para malaman kung sino ang iyong pinagkaaabalahan. Huwag kang mag-alala dahil wala akong gagawin sa kanila maliban lang kung gagalitin mo ako," nakangiting sabi niya na mas lalong nagpakulo sa akin. Naramdaman ko ang mga sungay ko na malapit nang umusbong gayon din ang aking mga palad na malapit nang magpakawala ng nagliliyab na apoy.
"Hindi ko sila gagalawin. Ako ay nagbibiro lamang." Tumawa siya nang napakalakas na para bang may masamang ideya sa kaniyang utak.
Tinapik ko siya sa balikat bago magsalita, "Siguraduhin mo lang, kung 'di ako ang kakalaban sa'yo."
Tumalikod ako sa kaniya at narinig ko ang mahinang pagtawa niya. Ngayon ay malaya pa siyang nakatatawa ngunit kapag dumating na ang araw kung saan matutupad ko na ang aking plano. Humanda siya dahil hikbi na ang papakawalan niya.
Inihakbang ko ang aking mga paa palayo sa puwesto niya. Paalis na sana ako nang ako ay biglaan niyang tawagin
"Ulupong, pinakawalan mo ba ang traydor na si Jerahmeel?" Natawa na lamang ako dahil sa naging tanong niya. Galit na galit talaga siya sa demonyong 'yon.
"E, ano kung pinakawalan ko siya? Hindi ko naman siya nakuha at malamang ay palaboy-laboy lang 'yon," nakangiting sambit ko bago ipagpatuloy ang paghakbang palayo sa trono niya.
"Bakit mo ginawa ang bagay na 'yon?!" malakas na sigaw niya sa akin. Huminto ako sa paglalakad at hinarap siya nang nakangisi.
"Wala na, tapos na." Isinara ko ang aking kamay at muli itong binuksan. Hindi ko na gusto pang makausap si Satanas at wala rin akong pakialam kung galit ba siya o hindi. May lumabas na mga usok sa aking paligid at napadilat ako nang mapansin kong nasa taas na ako ng isang gusali. Ito ang lugar kung saan nag-iisip ako ng mga bagay-bagay o kaya ng aking susunod na plano. Ito ang lugar kung saan nakita ko si Cassiel.
Napatitig ako sa kawalan at kitang-kita ko kung gaano ito kaganda. Nakamamangha ngunit nakatatawa, ang isang demonyong katulad ko ay nakikita ang kagandahan ng paligid marahil ay ito ang nakapagpapaalala sa akin kay Camiell.
Madalas ko rin naiisip na siya ay isang bulaklak na nasa paligid lamang, pakalat-kalat at binabantayan ako. Hindi ko alintana kung magmumukha akong isang baliw o isang tanga dahil sa ginagawa ko pero para sa pagmamahal, lahat makakaya ko.
Napangiti na lamang ako nang mapait at napatitig sa mga nagkikinangang mga ulap sa kalangitan. Walang nagbabadyang ulan ang nais puminsala sa mga tao.
Mga nagliliparang ibon ang nais kong makita ngunit walang kahit isa ang gustong magpakita.
Napabalik ako sa reyalidad nang mapansin kong may isang demonyo ang nandito sa lugar na ito. Ramdam ko ang malakas na presensya niya na bumabalot sa paligid.
Ang presensya na ito ay pamilyar na para sa akin, hindi ko alam kung paano pero alam ko na kung kanino ang malakas na kapangyarihan na 'yon.
Nandito si Jerahmeel, napakalapit niya lang sa akin. Ano naman kaya ang ginagawa ng isang demonyong makapangyarihan sa ganitong klase ng lugar? Hindi ba siya magtatago sa hindi kapansin-pansin na pagtataguan niya?
"Jerahmeel. Lumabas ka riyan," ani ko sa katamtaman na tono. Hindi ako maaaring magkamali, alam kong siya 'yon.
"Ano ba ang kailangan mo sa akin?" Sa isang iglap ay nasa harapan ko na siya. Wala siyang suot na saplot sa itaas at kitang-kita ang malaking katawan nito.
"Nasa akin ang taong mahal mo," nakangising sabi ko sa kaniya. Hindi man lang nag-iba ang ekspresyon niya at nanatili siya sa pagiging walang emosyon.
"Hindi ka ba kinakabahan? Kaya kong--" Napatigil ako sa pagsasalita nang biglaan siyang sumingit.
"Ano ang gusto mong gawin ko?" tanong niyang muli. Bakit tila hindi ata ako nahirapan sa kaniya? Bakit ganito ang asta niya, nagmimistula siyang isang napakabait na anghel dahil sa kaniyang ginagawa.
"Sasama ka sa akin." Wala pa rin siyang emosyon na ipinapakita. Gano'n pa rin, walang pagbabago.
"Sumama ako sa 'yo? 'Yan lang ba ang gusto mo?" tumango ako sa kaniya. Hindi ko muna sasabihin kung ano ang balak ko sa kaniya. Wala akong balak na ipaalam sa kaniya nang maaga. Ang gusto ko ay siya mismo ang makatuklas ng bagay na 'yon.
"Magagamit kita." Gumuhit ang kagalakan sa aking labi. Ramdam ko na ang nalalapit na tagumpay ko. Malapit na malapit na ang araw na 'yon.
"Magagamit? Saan? Sa paghihiganti?" sunod-sunod na tanong niya sa akin. Umikot-ikot siya sa harapan ko na para bang naguguluhan at hindi alam ang gagawin.
"Hindi mo malalaman. Atsaka bakit ka ba balisang-balisa?" Sa pagkakataong 'to ay ako naman ang nagtanong. Nagsimula na naman ang pag-iisip ko ng kung ano-ano dahil sa mga kinikilos niya. Isa lang ba itong patibong?
"Patibong ba ito?" tanong kong muli. Huminto siya sa pag-ikot-ikot at humarap siya sa akin.
"Tingin mo ba'y hahayaan kong mapahamak ka?" Lumaki ang mga mata ko at naguluhan ang aking isipan dahil sa naging tugon niya. Bakit niya naman ako ilalayo sa kapahamakan?
"Ano ang pinagsasabi mo? Sino ka ba?" Napabalik siya sa reyalidad nang itanong ko ang mga bagay na 'yon. Tumalikod siya mula sa akin at tumingin kung saan. Rinig na rinig ko ang malakas na pagtibok ng dibdib niya at nakapagtataka, bakit ito tumitibok nang napakabilis?
"Tara na, nasaan ba si Cora?" Nabigla ako sa pangngalan na sinambit niya. Cora? Bakit parang pamilyar sa akin ang pangngalan na 'yon? Bakit parang narinig ko na 'yon mula pa man noon?
"Cora? Sino siya?" Humarap siya sa akin at tinitigan ako sa mga mata.
"Ang babaeng kasama mo. 'Yon taong mahal ko." Napatingin ako sa ibang direksyon dahil parang kilala ko talaga kung kanino ang pangngalan na 'yon. Pamilyar na pamilyar sa utak ko.
Ngunit hindi ngayon ang tamang oras, hindi ako dapat nag-iisip ng mga ganitong bagay dahil nakuha ko na si Jerahmeel. Makakasama na namin siya at mas lalong lalakas ang puwersa ko.
Mas lalong lumalaki ang posibilidad na mananalo at matutupad ko ang mga plano ko.