DEIB'S POV
MATAPOS ANG klase ay dumeretso kami ni Kim sa Pavilion mall. May nagustuhan daw siyang dress doon, at baka may available nang size niya ngayon. Pero gano'n na lang ang gulat ko nang makita ang dress na gusto niya. Kulay pula 'yon na tube, na nasa isang metro yata ang taas mula sa tuhod. Gano'n kaiksi.
"""Ayan na 'yon?" tanong ko. Nakasimangot kong pinagmasdan ang damit. "Anong maganda d'yan? Damit ba 'yan? Tch." Nag-iwas ako ng tingin.
Nakanguso naman siyang nagpa-cute. "Magbe-blazer naman ako kapag isinuot ko 'to. I really want this, Deib."
"Maikli masiyado 'yan, Kim."
"Ganito ang uso, Deib, eh," nagpa-cute na naman siya. Halos lumambitin sa braso ko at nagpapadyak sa sahig.
"Eh, 'wag kang sumabay sa uso?"
"At huhubarin ko lang blazer kapag ikaw na kasama ko," pabulong niyang sabi.
Natigilan ako at napangiti. Pero hindi pa rin pwede. Tch! "Eh, pa'no 'yong legs mo? Lahat yata ay makikita sa 'yo kapag isinuot mo 'yan, nagdamit ka pa? Tch."
Nagbulungan sa tuwa ang mga nakakita at nakarinig sa usapan namin ni Kim. Para kaming magkarelasyong nagtatalo. Gano'n kami ni Kim, natural na natural sa isa't isa.
"Please, Deib? Gusto ko talaga 'to," pamimilit ni Kim.
"Sige na," kunot-noong sabi ko saka dinala 'yon sa kahera para bayaran. "May gusto ka pa?"
Yumapos siya sa braso ko at nakangiting umiling. "I got a lot already, this one's enough to make me happy." Hindi niya na inalis ang tingin sa dress matapos niyon.
"Isusuot mo lang 'yan kapag ako ang kasama
mo, okay?" paglilinaw ko.
Nakangiti siyang tumingala sa 'kin saka tumango. "Opo."
Sa paglalakad ay hindi mawala ang ngiti ni Kim habang nakatingin sa paperbag. Tuloy ay hindi niya namalayan nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Napahinto ako sa paglalakad, gano'n din siya. Nilingon niya ako, dahan-dahan ko namang itinaas ang kamay naming magkahawak.
"Kim," tumingin ako sa kaniya. "Ibig bang sabihin nito..."
Natawa siya at tinapik ako sa braso. "Hindi, ano ka ba!" saka kami sabay na natawa. "Masaya lang ako kasi nabili ko na ang gusto kong dress. Salamat, Deib Lohr."
"Tch, akala ko naman," ngumuso ako kunyari.
Yumakap siya sa braso ko. "Kaunting tiis na lang, please?" Ngumiti ako. Malakas ang kutob kong bago kami magtapos ng high school ay sasagutin niya na ako. "Hindi naman ako nagmamadali," kompyansang sagot ko. "Parang tayo na rin naman." Ako naman ang humawak sa kamay niya.
"Kain na tayo?" anyaya niya.
"Kahit saan, basta susubuan mo ko."
Napangisi ako. Talaga naman, oh! "Oo ba, basta ikaw. Gusto mo inguya pa kita?"
"Kung pwede," biro niya.
Siya ang hinayaan kong pumili ng restaurant. Mula pagkapasok hanggang sa makaupo ay hindi niya pa rin maalis ang paningin sa paperbag. Natatawa ako dahil sinisilip niya pa ang dress sa loob niyon.
"This menu is making me starve," sabi ko habang nakatingin sa menu. Para maagaw ang atensyon niya.
"I want to have tenderloin, it looks delicious," aniya na mabilis pumili. Napaka-cute niya talaga.
"'Yan na lang din ang sa 'kin."
"No," ngumuso siya. "Um-order ka ng iba para titikman mo 'yong sa 'kin at titikman ko 'yong sa 'yo." Nakangiti niyang kinagat ang sariling labi.
Kumunot ang noo ko. "Okay." Palibhasa'y ugali na namin ni Kim na balikan ang nakaraan namin, doon na naman napunta ang usapan. Hindi kami mahinto sa pagtatawanan at pag-aasaran habang binabalikan ang mga kalokohang nangyari sa 'ming pareho. Maging ang proposal ko sa kaniya ay binabalikan niya at aasarin akong namumula at nauutal.
"Eh, 'yong nahulog ka sa bench, naalala mo?" Ang tinutukoy niya ay iyong minsang mag-muse siya sa team namin. Nakaupo kami sa mahabang silya ng teammates ko, nagkataong nasa dulo ako. Tumayo silang lahat nang lumabas si Kim dahilan para maiwan sa dulo ng silya ang timbang ko. Umangat ang kabilang bahagi niyon at nahulog ako.
Sumimangot ako. "Tch. Paano kong malilimutan 'yon, eh, ikaw ang pinakamalakas na tumawa no'n."
"Hahaha! Ang cute-cute mo no'n! Talagang namula ka nang sobra!"
"Enough."
"Wait! How about 'yong dinalhan mo 'ko nang tunaw na chocolates, 'tapos-"
"Hey, Deib!" nangibabaw ang pamilyar na tinig ni Randall mula sa likuran ko.
Sabay kaming napalingon ni Kim. "Randall." Tumayo ako at nakipagkamay sa kaniya.
Tinapik ako ni Randall at kumaway kay Kim. "Ipakilala mo naman ako sa date mo," nanunukso ang tinig niya.
Ngumiti ako. "This is Kimeniah." Bahagyang lumapit si Randall, tumayo naman si Kim para makipagkamay. "This is Randall, boyfriend ni Noona."
Nakangiting tumango-tango sa 'kin si Randall, para bang bumibilib sa ganda ni Kim. Napangisi naman ako at pasimple siyang kinindatan. Saka ko tiningnan si Kim, nawala agad ang ngiti ko nang makita kung gaano kaganda ang ngiti niya kay Randall. Naasar ako, ayaw ko ng ngumingiti siya nang gano'n kaganda sa harap ng iba. Kahit pa taken na si Randall, single si Kim. Nagseselos ako.
"What do you want to have, bro?" tanong ko para maagaw pabalik ang atensyon ni Kim.
"No," umiling si Randall. "Dumaan lang ako kasi nakita kita. I just sent your sister home. Nag-dinner din kami. Bumalik ako para bumili ng sapatos, hindi ko mabili kanina kasi nagsusungit na naman," pabulong niyang sinabi ang huling linya. "Mauuna na 'ko, baka mawala ang appetite niyo. Nice meeting you, Miss Kimeniah."
"Take care," ani Kim, tinanguan na lang kami ni Randall. "Ang gwapo pala ng boyfriend ni Ate Dein," habol niya pa rin ito ng tingin.
"Gwapo ba 'yon?" Hindi ko naitago ang pagiging
sarkastiko.
Tumingin siya sa 'kin, seryoso. "Oo, gwapo na 'yon para sa 'ming girls."
"Eh, ano pa 'ko? Gwapong-gwapo?" inis na tanong ko. "Tch."
Natawa siya. "Gano'n kasi ang gusto ng mga girls, Deib. 'Yong malinis tingnan pero hindi nakaka-turn off. Matangkad at hindi masiyadong maputi. Gentleman at magandang ngumiti." Pabagsak kong naibaba ang spoon at fork saka ako sumandal. "Pero kahit na anong gwapo ng nasa harap ko, ikaw pa rin ang gusto ko," dagdag niya.
Nag-iwas ako ng tingin, pinilit kong magalit. Pero ako rin ang sumuko at napangiti sa huli. Nabura yata lahat ng inis ko mula kaninang umaga, hanggang ngayon. Bwahahaha! "Akala ko ay nasa kaniya na lahat, eh," nakangusong sabi ko.
Ngumiwi siya. "Mm, malapit niya nang makuha lahat pero kahit gano'n ay walang saysay 'yon."
"Tama na, binubusog mo 'ko masiyado," natatawang sabi ko. "Ako lang ang pwede mong magustuhan," dinuro ko siya gamit ang fork saka kami sabay na tumawa.
Sandali pa kaming gumala matapos kumain, hindi pa rin mawala ang kwentuhan. Bago magsara ang mall ay nagyaya na akong umuwi. Tahimik kami habang nasa daan papunta sa village nila. Paano ay hindi niya na naman maalis ang paningin sa dress niya.
"Thanks for tonight, Deib."
"Basta ikaw, walang salitang hindi." Sumandal ako sa kotse at muling pinagsawa ang mata ko sa mukha niya. "Susunduin kita bukas, ah?" Kinabahan ako at sa isip ko ay hinihiling kong sana ay pumayag siya. Sa tagal ko nang nanliligaw kay Kim ay gano'n pa rin ako.
"Naku, 'wag na. Sabay kaming papasok ni ate bukas."
Tumango ako. "Sige. Pumasok ka na, lumalamig na. I'll see you tomorrow."
"Drive safely." Lumapit siya sa 'kin at hinalikan ako sa labi. Napalunok ako at natitigilang tumingin sa kaniya. "Good night, Deib," kinilabutan ako nang bigla niyang ibulong 'yon sa mismong tenga ko bago ako tinalikuran.
Napako ang paningin ko sa kinatatayuan niya, hindi ko nagawang kumilos agad. Nakapasok na siya sa loob nang tingnan ko. Hindi ako makapaniwalang hinalikan niya ako sa labi. Sa tagal kong nanliligaw ay hindi ako humingi ng halik kahit kailan. Maging siya ay hindi ko pa nahalikan maski sa kamay lang.
She kissed me... Hindi yata akma sa sitwasyon ang ginawa niya pero nagustuhan ko. She likes me too.
Iyon na ang pinakamagandang gabi na dumaan sa 'kin. Mula nang makauwi ay hindi na nawala sa isip ko ang nangyari. Ngingiti-ngiti ako sa banyo habang naliligo, gano'n din nang mahiga ako sa kama. Hanggang sa pagtulog ay dala ko ang saya.
"DEIB LOHR!" Nagising ako kinabukasan sa malakas na pagtawag at pagkatok ni Noona.
"What?" pasinghal ko siyang pinagbuksan.
"Akala ko ba ay maaga ka? Ala sinko y medya na!"
Damn it! Mabilis ko siyang pinagsarhan ng pinto saka ako nagtatakbo papasok sa banyo. Nagmadali akong kumilos pero pagkarating sa school ay late pa rin ako.
"You're late," ani coach habang nakatingin sa relos. "Ten laps, Enrile."
"Coach naman?" nakangusong sabi ko. "Kulang ang tulog ko, eh."
Tumaas lang ang parehong kilay ni coach, sarkastiko. Tuloy ay wala akong nagawa kundi ang tanggapin ang parusa. Sampung beses kong tinakbo ang buong court habang ang teammates ko ay nagsisimula nang mag-stretching.
Hindi ako nakatulog agad kagabi, kaiisip doon sa ginawa ni Kim. Ni hindi ko maalala kung nag-alarm ba ang relos ko. Lunod na lunod ako sa pagtulog.
"Ano, magpapa-late ka pa?" lumapit sa 'kin si Tob matapos ang sampung laps. Nakayuko akong nagpahinga, naghahabol ng hininga.
"What happened to you?" kunot-noong tanong ni Lee.
"Napuyat lang ako," nakangiting sagot ko. "Gumala kami ni Kim kagabi. Napagod ako at napuyat, magdamag siyang tumakbo sa isip ko."
"Sinagot ka na ba, 'dre?" nanunuksong ani Tob.
Umangat ang labi ko. "Hindi pa, pero naamoy ko na," kompyansang sagot ko.
"Tsh. 'Wag ka nang magpupuyat, ah? Nahihibang ka, eh," asik ni Lee. "Tara, practice 'to at hindi water break."
"Tch, ano'ng problema no'n?" natatawang bulong ko kay Tob.
Natatawang nagkibit-balikat si Tob. "Ganiyan ang role ng walang lovelife, 'dre, selos and inggit to death. Hahaha."
Nagsimula ang practice at mas pinagod ako ng mga drills. Hindi pwedeng huminto dahil nakabantay si coach at isa-isa kaming tinitingnan. Bagaman abala ako sa practice ay hindi nawawala sa isip ko si Kim. Napapangiti ako at palihim na naghihintay sa kaniya.
"Left!" ani coach.
Sabay-sabay kaming nagsipaglingunan sa kaliwa. At gano'n na lang ang gulat ko nang mahagip ng paningin ko si Taguro. Hindi ko nagawang alisin agad sa kaniya ang paningin ko, ipinagtataka ang presensya niya. Bahagyang nabawasan ang bilis ko sa pagmamasid sa kaniya.
Kasunod niya ay may pumasok na isa pang babae. Sa ilang dipang layo namin ay dinig ko ang tining ng boses nito bagaman hindi ko naiintindihan ang sinasabi. Noon ko lang nakita ang mukha ng babaeng iyon. Dikit na dikit ito kay Taguro kaya naman bigla akong natawa nang may maisip ako.
Taguro brothers! Hahaha!
"Dito lang 'yon alam ko, eh," kasunod nila ay pumasok si Migz. "Nagsimula na ang practice. Sila ang varsity team natin ng basketball."
Nahinto kami sa pagdi-drill. "Ano ang ginagawa mo dito, bakla?" tanong ni Dublin, team mate ko.
"At bakit, Dublin, teritoryo mo? nang-aasar na ani Migz.
"Namin! Palag?" nagyayabang na ani Dublin, nagtawanan ang buong team maging ako.
Hindi ko magawang alisin ang paningin ko kay Taguro. Mukhang hindi niya nararamdaman ang presensya ko. Mukhang hindi niya alam na ako ang pinakamagaling sa team na ito.
"Oo! Gusto mong ilaglag kita sa team ninyo?" mayabang na ani Migz.
"Dublin, enough!" si coach.
"Haaay, naku, coach, ah? 'Yang mga players mo mala-bola na ang laki ng ulo! Akala mo kung sinong gwapo, eh, ipinanganak namang negrito!" mataray na ani Migz dahilan para magtawanan ang lahat, maliban kay Taguro.
Tch!
Hindi siya matigil sa katitingala sa sound system room na nasa itaas ng gym. Hindi na iyon ginagamit dahil may bago ng sound system room. Kaya naman ipinagtataka kong hindi niya maalis do'n ang paningin. Bukod do'n ay madilim ang room na 'yon, kataka-taka na pilit niya pa ring inaaninag ang hitsura niyon.
Tch. Bakit gano'n ang mukha niyan? Wala pa ring reaksyon. Muli kong nilingon ang sound system room. At gano'n na lang ang gulat ko nang pagtingin ko kay Taguro ay nasa akin na ang paningin niya. Blangkong tingin, walang mababasang emosyon, hindi ko alam kung paano niyang nagagawa 'yon.
"Ano'ng itinitingin-tingin mo, Taguro?" seryosong tanong ko. Walang nagbago sa hitsura niya.
"""Yon, oh! Fight!" buyo ni Dublin.
"Iyon ang room na sinasabi ni Mr. Faller. Iyon ang magiging billiard hall," ani coach dahilan para maagaw ang atensyon namin. Nakaturo rin siya sa sound system room na luma. "Sino ba sa kanila ang sasali?"
"Siya po, coach," itinuro ni Migz iyong kasama nilang babae ni Taguro.
Niyaya ni coach iyong tatlo at sabay-sabay silang umakyat sa lumang room. May kalakihan ang sound system room kaya marahil nila napiling gamitin 'yon. Bukod do'n ay tahimik kahit pa maingay sa gym, protektado ang mga dingding niyon. Makakapag-focus sila doon.
Nakita kong naiwan si Taguro sa labas ng room. Nakapamulsa siyang sumandal sa bakal habang nakatingin kina Migz na nasa loob. Para talaga siyang lalaki kung kumilos. Hindi na ako magtataka kung sasabihin niyang tomboy siya.
"Ay, start na?" nangibabaw ang pamilyar na tinig ni Kim. Napalingon agad ako sa kaniya at hindi napigilan ang ngiti. Matamis din ang ngiti niya sa 'kin, bigla akong nahiya. Naalala ko ang paghalik niya sa 'kin kagabi.
"Lapitan mo naman si Kim, 'dre," tinapik ako ni
Tob. "Pawis ka na, Deib." Hindi pa man ako
nakakalapit ay sinalubong na ako ni Kim.
Dumeretso siya sa likuran ko at pinunasan ako ng
pawis. Hindi ko iyon inaasahan.
"Ako na, Kim," nahihiya kong sabi saka siya hinarap. Pero gano'n na lang ulit ang gulat ko nang mahagip ng mata ko si Taguro.
Nakasandig na ang pareho niyang braso sa metal railings at deretsong nakatingin sa 'kin. Ngunit 'ayun pa rin ang natural niyang tingin, iyong para bang sa walang kwentang bagay nakatingin. Walang reaksyon, walang emosyon, blangko. Hindi masama ang tingin na 'yon ngunit hindi rin maayos. Hindi ko gusto ang tingin niya na 'yon.
"Deib!" dinig kong tawag ni Remson.
Hindi ko nagawang lumingon agad. Pero nang lumingon ako ay bola ang sumalubong sa mukha ko. "Aray!" pasinghal kong sabi. "What the f**k?"
Umugong ang malakas na tawanan. Awtomatiko akong napasulyap sa gawi ni Taguro. Napapikit ako sa inis nang makita kong nakatingin siya sa gawi namin, gaya pa rin ng dati, walang reaksyon.
"Sinong bumato!" angil ko. Mabilis na nagturuan ang teammates ko.
"Tae ka, ikaw ang bumato," itinuro ni Ivan si Remson.
"Ulul! Hindi mo kasi sinalo!" natatawa namang sagot naman nito.
"Are you okay?" nag-aalalang tanong ni Kim.
Na-bad trip ko dahil talagang napahiya ako. Malakas iyong pagkakabato ng bola dahil talagang napayuko ako. Daig ko pa ang nabatukan nang matindi.
Hinaplos-halos ni Kim ang batok ko, pero hindi no'n maalis ang inis ko. Nadagdagan pa nga iyon nang mag-angat ako ng tingin at makitang nasa harap ko na si Taguro. Nagsalubong ang mga kilay ko nang deretso siyang tumitig sa 'kin habang nakakrus ang isang braso at nakatakip ang isang kamay sa bibig. Wala pa rin akong mabasang reaksyon sa mukha niya. Hindi ko masabi kung natatawa o nang-aalaska.
"What?" pasinghal kong tanong, inis na inis.
"Max, tara!" anyaya no'ng babaeng kasama nila ni Migz.
"Ano bang itinitingin-tingin mo pa?" halos singhalan ko na si Taguro.
"Para ka palang si Sensui?" matagal bago siya nagsalita.
"What?" asik ko. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya, halos sunggaban siya sa mukha, hindi na naisip kung sino ang nakakakita.
"Para ka palang si Sensui?"
Napamaang ako. Inulit pa, 'tibay! Sensui? Kung siya si Taguro, ako si Sensui, gano'n? Nakagat ko ang sarili kong labi sa gigil. "Are you insane?"
"Not so close," iniharang ng kaibigan niyang babae ang kamay sa bandang dibdib ko upang hindi ako tuluyang makalapit kay Taguro. Kay Taguro na walang ipinagbago ang hitsura mula nang dumating siya hanggang magkaharap kami.
Inis kong tinapik ang braso nito. "'Wag ka ngang sumali dito, Parrot!" angil ko. Malakas ang naging tawanan ng buong team.
Napamaang ang babae. "Parrot? Anong Parrot? Sino'ng Parrot!"
"Ikaw, malamang," singhal ko.
"Tara," ani Taguro, nagtamang muli ang paningin namin bago niya 'ko tinalikuran. Sumunod agad si Parrot kasabay si Migz.
Lalo akong na-bad trip, napahiya na nga ako ay lalo pa akong napahiya. "Ako raw si Sensui? What the hell? Siya ay malaking tao kaya bagay sa kaniya ang Taguro. Eh, ako? Sensui? Kalaban 'yon, eh," wala sa sariling sabi ko habang nakahabol ng tingin sa tatlo.
"Deib, 'wag kang gano'n," nangangaral ang tinig ni Kim, hindi ko man lang napansin ang paglapit niya.
"Napahiya ako, eh," kunot-noong tugon ko.
"Why? What did she do para mapahiya ka?" inosenteng tanong niya.
Napailing ako. "Forget it," nag-iwas ako ng tingin, nawalan ng gana. Kumukulo lang talaga ang dugo ko kay Taguro.
Mahina ang pagkakasabi ni Taguro ng Sensui, marahil ay ako lang ang nakarinig. Pero pakiramdam ko ay isinigaw niya 'yon sa buong gymnasium para ipahiya ako. Ayoko no'ng pakiramdam na inaasar niya ako dahil napapahiya ako talaga.
Natapos ang practice nang hindi maganda ang mood ko. Bumalik si Kim sa room nila nang hindi ko masiyadong iniimik. Dumeretso kami sa shower room para maligo at magpalit ng uniform.
"What happened to you?" tanong ni Lee.
"Why?" kunot-noong tugon ko habang nagbubutones ng polo.
"Parang nawala ka sa huwisyo." Ngumisi siya.
"Na-bad trip 'yan dahil tinamaan ng bola," ani Ivan.
""'Sus, ilang beses nang aksidenteng tinatamaan ng bola, ngayon ka lang nawala sa huwisyo," may laman ang pananalita ni Lee.
"Tch. Kanina pa man ay wala na ako sa huwisyo dahil bitin ang tulog ko." Nag-iwas ako ng tingin.
"Kahit pa dumating si Kim?" nanunukso ang tinig ni Chris, ang kaisa-isang team captain sa Laguna na hindi hawak ang numerong uno sa jersery uniform.
"Syempre, iba no'ng nanidyan na si Kim. Eh, umalis na? Nawala na rin agad," nakangusong sagot ko. Natawa sila.
"Iba talaga ang ngiti mo kapag nandiyan si
Kim, p're," ani Remson.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Ulul! Ikaw 'yong bumato ng bola, napahiya ako."
Umiwas siya sa akma kong pambabatok. "Sorry. Putsa, natamaan na rin kita dati pero hindi ka nagalit. Tinawanan ka pa nga ni Kim no'n, eh." Ngumisi siya.
"Kanino ka ba napahiya?" kaswal na ani Lee.
Napailing ako at nag-iwas ng tingin. "Maraming nakakita, malamang, sa lahat nang 'yon." Inayos ko ang buhok ko.
"Akala ko kay Max, eh." Tumingin siya sa 'kin nang deretso. Natigilan naman agad ako.
"Sinong Max?" nakangising tanong ni Chris.
"Si Taguro," natatawang sagot ko. Kumunot ang noo ng ibang teammates ko. "Yong mataba na kasama nina coach kanina sa sound system room."
"Ah, type mo?" deretsong tanong niya.
"What the hell, Chris?" hindi ko malaman kung maaasar o matatawa ako. "Nasa'n ang respeto mo sa 'kin diyan sa tanong mo? Tch."
"Malay ko ba weird na ang type mo," tumawa si Chris.
"Sa edad kong 'to, mukha bang nanlalabo na mata ko? No way," ngingisi-ngising sabi ko, nawala lang 'yon nang maalala ko ang walang
emosyong mukha ni Taguro. Bad trip!
"Akala ko ay ipinagpalit mo na si Kim."
"That will never happen, Chris."
"Let's go," anyaya ni Lee. "Baka ma-late tayo sa announcements." Seryoso siya.
Marami nang estudyante sa quadrangle nang lumabas kami ng gym. 'Ayun na naman ang hindi mawala-walang tilian ng mga babae habang naglalakad kami. Lalo pa at kasabay naming tatlo ang buong team. Nag-angat ako ng tingin, walang nililingon maski isa sa tumitili. Itinuon ko ang paningin kong para lang kay Kim sa harapan, sa entablado kung nasa'n ang pinakamatabang presidente ng council sa buong Laguna.
"Open na ang try-out para sa varsity team ng billiards," mayamaya'y anunsyo ni Migz. "We need two more representatives since may tig-isa na tayo sa female and male division. We need one more female and one more male billiard players to represent BIS. Dapat ay 'yong may talento sa pagbibilyar, syempre. 'Wag nang mag-try-out kung manti-trip lang, ha? Two months from now ay magsisimula na ang interhigh. So sana ay makipag-cooperate kayo."
Naging maugong ang bulungan. Marami ang nangunguwestyon, nag-aalala kung sino ang sasali sa larong 'yon. Ako naman ay walang ganang nakinig na lang, hinihiling na sana ay matapos na ang announcements dahil mainit sa pwesto namin.
"Next week naman ay gaganapin ang acquaintance party, from freshmen to seniors of course," patuloy ni Migz, naantig ang interes ko. "Formal attire ang isusuot, and attendance is a must, lalo na sa mga transferees. May special guest tayo na siyang pipili ng face of the night, iyan ang inaabangan sa event na 'yan. For further questions, dumaan na lang kayo sa office of the student's council. Salamat!" Kumaway siya at bumaba ng entablado.
Kung kanina ay gusto ko nang matapos ang announcement, nang matapos 'yon ay hindi ko nagawang umalis agad sa kinatatayuan ko. Nakangiting napako sa entablado ang paningin ko saka naglayag ang isip ko.
Billiards...