MAX'S POV
"NAIH, ipinapatawag daw kayo ni coach sa office niya," ani Migz habang nasa daan kami papunta sa canteen para mag-lunch break.
"Kami, nino?" nagtatakang tugon ni Naih.
"Kayo ni Max," ani Migz.
Nagtataka akong nag-angat ng tingin sa kanila. "Ako? Bakit ako?"
"Kayo nga, 'te, 'di ba? Anong ako ang sinasabi mo? Kayo nga," mataray na sagot ng bakla. "Hindi ko alam kung bakit, basta ang sabi ay papuntahin ko kayo ro'n."
Nagkatinginan kami ni Naih sa pagtataka saka napapabuntong-hiningang sumunod. Kumatok kami bago tuluyang pumasok sa office ni coach. Agad na naupo si Naih sa harap ng mesa nito habang ako ay nanatiling nakatayo.
"Pasensya na, naabala ko ang lunch break ninyo. Five minutes lang 'to," nakangiting ani coach saka nag-abot ng papel kay Naih. "Oh, pakipirmahan niyo ito. Naipasa ko na ang pangalan ninyo sa head office kanina pang umaga. And accoring to the head office ay nai-submit na 'yon sa board. Pirmahan ninyo nalang ito para may kopya kami."
Agad na kumunot ang noo ko at napatitig kay coach. Hinihintay naman nitong pumirma si Naih na takang sumusulyap sa 'kin. Ninyo? Kaming dalawa ba ni Naih ang tinutukoy niya? Tss.
"Pati rin po ba si Max ay pipirma, coach?" hindi na naitago ni Naih ang pagkalito.
"Of course," ngumiti si coach sa 'kin. "Here." Iniabot niya ang papel na dapat kong pirmahan.
"Para saan 'to, coach?" sinikap kong itago ang inis.
"Hindi ba't kayong dalawa ang female representatives natin sa billiards?"
"What?" halos pasinghal na tugon ko na ikinagulat ni coach. "I am not joining, coach." Lalo pa siyang nagulat nang ilapag ko pabalik ang papel sa mesa niya.
Napamaang siya sa 'kin at hindi agad nakuhang magsalita. "Hindi ko na pwedeng bawiin ang form mula sa board."
"Pero hindi po siya nagpalista, coach," nalilitong depense ni Naih. "Ako lang po ang nagpalista."
Napabuntong-hininga si coach. "Oo nga, pero hindi ba't nakiusap ka kay Enrile na ipalista ka dito?"
"What?" hindi lalo makapaniwalang singhal ko.
"Yes," nalilitong tugon ni coach. "In fact, ang sabi niya ay inutusan mo siyang ilista ka sa mga manlalaro dahil nahihiya kang magpalista. Hindi niya pa nga alam ang full name mo kaya ipinatawag ko si Migz dito."
"No," pagmamatigas ko. "I am not joining," hindi ko na napigilang ipakita ang inis ko. Dali-dali ko silang tinalikuran saka ako lumabas ng office na 'yon.
What the hell? Inutusan ko siyang ilista ako dahil
nahihiya ako? Wow.
"Wait for me, Max!" dinig kong tawag ni Naih pero hindi ko na siya nilingon pa.
Dumeretso ako sa canteen at mabilis na iginala ang aking paningin. Naramdaman ko ang pagsunod ni Naih, agad niya akong hinawakan sa braso at binigyan ng nagtatanong na tingin.
"Max, sabi ni coach hindi na raw pwedeng bawiin 'yon. Naipasa niya na raw kasi sa head office" Hindi niya na nagawang tapusin ang sinasabi nang higitin ko ang aking braso.
Natanaw ko si Sensui at mga kaibigan niya, nagtatawanan sa mesang sila lang ang pwedeng umokupa. Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit ay naagaw ko na ang atensyon ni Sensui. Napanood ko nang unti-unting humupa ang pagtawa niya at tumingin nang masama sa 'kin.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa tonong para bang obligado akong katakutan siya.
"Ikaw ang nagpalista sa 'kin sa billiards?" sinikap kong maging kalmado.
Umangat ang isang gilid ng labi niya. "Nalaman mo agad?"
Nag-iwas ako ng tingin upang magpigil ng galit. Humugot ako nang malalim na hininga bago muling tumingin sa kaniya. "P'wes, ikaw ang maglaro," halos pasinghal na sabi ko bago siya tinalikuran.
Lamunin mo ang sarili mong gulo! Galit na galit ako sa loob-loob ko at isip. Kung hindi ko lang napigilan ang sarili ko ay baka nagpambuno na kami sa canteen.
"What?" dinig na dinig ko ang naghuhurumintadong tinig ni Sensui. "Hoy!"
"Ano'ng sinabi mo sa kaniya?" aligagang tanong ni Naih nang makalapit ako.
"Sinabi kong siya ang maglaro." Namewang ako
at nakatingalang pinakalma ang nagwawala kong
dibdib.
"Ano? Bakit?"
"Anong bakit?" inis kong tugon. "Siya ang nagpalista, siya ang maglaro."
"Pero pangalan mo ang nakalista ro'n, Max."
"I don't want to talk about it." Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya. "Let's eat." Bumaling ako sa mesa namin upang muli lamang matigilan.
Hinawakan ako ni Sensui sa braso. "Ano'ng sinasabi mong ako ang maglaro?" wala pa man ay mukhang pikon na siya. Nagulat siya nang higitin ko ang braso. "Sa susunod na hawakan mo 'ko ay hahalik na naman sa sahig 'yang nguso mo," banta ko, natigilan siya.
Mabilis na nagsipaglapitan ang mga ususero sa gawi namin. Dinig na dinig ang kanilang bulungan, at mukhang para sa kanila ay ako na naman ang may kasalanan. Sinuman sa mga 'yon ay hindi kami nagawang tinagin sa masamang titigan ni Sensui.
"Sino ang tinakot mo?" mayabang na tugon ni Sensui. "Masyado kang mayabang magsalita, alam mo ba kung ilan ang atraso mo sa 'kin kahapon?"
Sarkastiko akong ngumisi. Tss. Kung gano'n ay gumaganti lang pala siya? At ang naisip niyang iganti ay ang isali ako sa billiards?
"Ano, bakit hindi ka makapagsalita?" tila naghahamon pang aniya. "Ako, maglalaro ng billiards? Are you stupid? Alam mong varsity ako ng basketball team!"
"Ganiyan ka ba talaga kaisip-bata, ha?"
Kumunot ang noo. "What?"
"'Yong mga pagpapapansin mo ay palalampasin ko, pero ito? Hindi."
"Tch, ang dami-dami mong sinasabi." Sarkastiko siyang ngumisi.
"Sana ay naisip mo ang posibleng mangyari bago mo ipinalista ro'n ang pangalan ko. Alam mo bang hindi na pwedeng bawiin 'yon dahil naipasa na? Nag-iisip ka ba?" halos singhalan ko siya sa sobrang inis. Halatang nagulat siya pero pilit niya 'yong itinago. "Alam mo ba kung ano ang pwedeng maging resulta no'n? Paano kung hindi ako maglaro? Pwedeng ma-disqualify ang BIS."
"That's not my problem anymore," nakanguso ngunit seryosong aniya, saka nag-iwas ng tingin.
"Mas lalong hindi ko na problema 'yon," mariing sagot ko.
Ngumisi siya. "Eh, pa'no 'yan? Nakalista ka na,"
nang-aasar na aniya.
"Hindi naman nila ako mapipilit kung ayaw ko. And besides, hindi lang ako ang madadamay."
"Sino ang may sabi sa 'yong maidadamay mo 'ko?" nakangising aniya.
"Eh, sino ring may sabi sa 'yong idadamay
kita?" sarkastikong tugon ko. "Hindi na kita
kailangang idamay dahil sasabit at sasabit ka."
"Paano ako sasabit?" Lalo pa siyang ngumisi. "Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin." Humakbang siya papalapit sa 'kin, sinalubong ko naman ang nakakaloko niyang tingin. "You don't know me, Taguro." Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ko. "Unless, you want to know me?"
Umangat ang isang gilid ng labi ko. "Tss. Kung sa ganiyang paraan ka nagpapakilala," sinipat ko rin ang kabuuan niya. "Gusto kong malaman mo na hindi ako interesado sa buong pagkatao mo."
Nagsalubong ang kilay niya. "What?" Sinamaan ko lang siya ng tingin saka nilingon si Naih. "Tara." Nilampasan ko siya at saka nanguna sa line para um-order.
Nararamdaman ko ang maraming paningin sa 'kin. Naririnig ko ang mga bulungan nila. Batid kong lahat sila ay pumapanig kay Sensui pero wala akong pakialam. Napakabigat ng pakiramdam ko sa sandaling iyon. Malaking problema ang ibinigay niya.
"Balita ko ay sumali ka sa billiards, Max?" inosenteng tanong ni Michiko habang kumakain kami.
"Si Deib Lohr Enrile ang nagpalista sa kaniya." Si Naih ang sumagot.
"Binubuwisit talaga ako no'ng Sensui na 'yon,
eh," wala sa sariling tugon ko.
"Sensui? Sinong Sensui?" inosenteng ani Michiko.
"Si Deib Lohr," ani Naih.
"You mean to say, hindi talaga ikaw ang nagpalista?" gulat na gulat at hindi makapaniwala si Migz. Halatang nahulog siya sa kalokohan ni Sensui.
"Hindi," naihilamos ko ang pareho kong kamay sa mukha. "At wala akong planong sumali ro'n."
"Nakalimutan mo na bang magkaaway sila, Migz?" napapabuntong-hiningang ani Naih. "Kung gustong sumali sa billiards ni Max ay kusa siyang magpapalista. At kung mag-uutos man siya, hinding-hindi niya uutusan ang Deib Lohr na 'yon."
Na-guilty si Migz. "Yeah, I know. Pero ang sabi kasi ni Deib Lohr ay inutusan lang din daw siya ni coach alamin 'yong pangalan ni Max. Dahil nga nagpalista ka raw."
"Tss. Mautak din ang loko," napapailing na usal
ko.
"Ano na ang plano mo?" nag-aalalang tanong ni Migz. "Malapit na ang interhigh, at naipasa na ang listahan. Anytime from now ay magsisimula na ang overall practice. Nauna lang talaga ang basketball team dahil fixed ang schedule nila."
"I don't care," sagot ko dahilan para matigilan ang lahat. Sinenyasan sila ni Naih na manahimik kaya wala nang nagsalita pa ulit.
Tahimik kaming kumain. Panay ang pagbuntong-hininga ko habang malalim ang iniisip. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng ganang pumasok. I felt so frustrated. I wanted to do something to make him suffer, I want to get even. Pero masiyado akong nanghihina sa katotohanan, pinanghihina ako ng inis sa dibdib ko.
Sandaling ipinatawag si Migz sa faculty. Pagkabalik ay inanunsyo niyang parehong absent ang lecturers sa magkasunod naming subjects kaya mahaba ang bakante naming oras. Sabay-sabay kaming lumabas sa classroom at bumaba ng building.
"Ang saya, walang klase," nakangising ani Naih. "Panoorin na lang natin mag-practice si Max," anyaya niya sa mga kaibigan namin.
"Practice ng ano?" usisa ni Michiko.
"Sayaw. Dance troupe member si Max," tatango-tangong ani Naih.
Nagugulat na lumingon sina Michiko, BJ at Migz sa 'kin. "Dance troupe ka, 'te?" ani Migz. "Taray, ah? Hindi halata sa katawan," biro niya. Ngumiwi lang ako. Wala ako sa mood makipagbiruan. Hindi mawala sa isip ko ang tungkol sa billiards.
"Kung gano'n ay ako lang pala ang walang club?" malungkot na ani Michiko.
"Eh, ano naman?" nakangiwing ani Naih.
"Required lahat ng students na sumali sa at least isa sa mga school clubs. Kailangang may participation sa school activities ang bawat students. Maraming clubs na pwedeng salihan, may minor at major clubs. 'Yong minor clubs, magpalista ka lang ay pasok ka na. Sa major clubs ay kailangan ng audition. Nangunguna na ro'n ang theatre and arts club, nando'n ang dancing, singing and acting," mahabang paliwanag ni Migz.
Halatang na-depress si Michiko sa kawalan ng club. Lalo na at nabanggit ni Migz na kailangang may masalihan siya within this week. Malaking incentive ang ibinibigay ng activity clubs kaya kahit kaninong estudyante ay malaking tulong iyon sa grado.
Si Migz ay presidente ng student's council club. Si BJ naman ay presidente ng klase at myembro ng student affairs. Nabanggit nilang hindi magiging gano'n kadali kay Michiko na sumali sa clubs na kinabibilangan nila dahil isa ang mataas na general weighted average sa requirements doon. Si Naih ay member na ng sports club dahil sa billiards. Kahit hindi ako isinali ni Sensui sa billiards ay myembro naman ako ng troupe. dance
"Sabi ko naman sa 'yo ay sumali ka sa English club," ani Migz. "Pagbabasahin ka lang naman do'n kapag sumali ka. 'Yon nga lang, more on English speaking ang eksena mo."
"Maganda ka," sabat ko. "Pwede kang sumubok sa theatre and arts club, do'n sa acting section. Kapag nag-audition ka ro'n, iiyak, tatawa at ta-tumbling ka lang, makakapasok ka na."
"Oo nga, 'no!" halos sumigaw si Michiko. Para bang noon lang siya nakarinig nang gano'n kagandang suhestiyon. "Ang tali-talino mo talaga!"
"Mag-audition ka na ro'n," ani Migz, pinalalakas ang loob ni Michiko. "Si Aenna ang presidente ng theatre arts club."
Sabay-sabay kaming dumeretso sa social hall. Isang malaking hall 'yon na nahati sa maraming kwarto sa loob. May kani-kaniyang kwarto ang bawat club na bumubuo sa theatre and arts club.
Agad na pinasimulan ni Aenna ang practice ng sayaw. Siya ang presidente ng threatre and arts club, siya rin ang leader ng dance troupe. Bukod do'n ay myembro rin siya ng choir.
Masaya akong pinanood ng mga kaibigan ko. Nando'n ang paghanga sa kanila, wala silang hinto sa paghiyaw habang pinanonood ako. 'Ayun naman ako at walang gana, hindi na yata mawawala sa sistema ko ang malaking problemang ibinigay ni Sensui.
Matapos naming mag-practice ay binanggit na ni Migz kay Aenna ang plano ni Michiko na sumali sa drama section. Madaling um-00 si Aenna lalo pa at bukas pala sila sa audition. Napakaraming events sa BIS, kaya naman halos buwan-buwan ay mayroon silang preparasyon.
"Mabuti at naisip mong sumali dito," ani Aenna. "Maganda ka kaya bagay na bagay ka sa teatro. Sige, simulan mo nang umarte sa harapan. Pero please lang, sawang-sawa na ako kina Basilio at Crispin. Iba naman."
Habang pinapanood kong mag-audition si Michiko ay hindi ko napigilang humanga. Parang ayaw ko tuloy maniwala na kinakabahan siya. Natural na natural siyang umarte, hindi na kailangan ng effort. Nakakamangha rin ang taglay niyang ganda. Iyon nga lang at medyo slow.
Nang hapon ding iyon ay inanunsyo ni Aenna na tanggap si Michiko. Tuloy ay hindi masukat ang saya nito.