ALTHEA MENDEZ'S POV
Makati City, 10:00 ng umaga.
Nakatayo ako sa harap ng isang napakalaking gusali. Ang Montero Tower, 45 palapag na gusali na pag-aari ng pamilya Montero. Kitang kita ang pangalan sa itaas na naka engrave sa mamahaling bato. Para bang sinasabi nito sa buong mundo na dito nakatira ang pera at ang kapangyarihan.
At ako, nakasuot lang ng simpleng bestida na binili sa tiangge. Bitbit ang isang luma at kupas na bag. At may pasa pang nakakubli sa manggas ng damit ko.
Ano ba ang gagawin ko dito?
Ilang ulit na akong napahinto sa paglalakad paikot ng gusali. Mula kanina, hindi ako makapasok. Para akong estatwa na nakatayo sa labas habang tinitignan ang mga taong pumapasok. Mga naka suit, naka heels, may mga mamahaling relo at bag.
Hindi ako bagay dito.
Pero naalala ko ang sinabi ng pulis kaninang umaga. Si Brent ay nasa piitan. Kailangan ng piyansa. Kailangan ng abogado.
At wala akong pera.
Wala na akong ibang mapupuntahan.
Huminga ako nang malalim bago itulak ang pinto.
Ang lobby pa lang ay sobrang luwag na. May mga security guard sa bawat sulok. May receptionist na naka uniform na sobrang linis. At ang sahig ay marmol na kitang kita ang repleksyon ko.
"Maam, saan po kayo?" bati sa akin ng receptionist na nakangiti pero ramdam kong ini scan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Hinahanap ko po si Mr. Lander Montero," mahinang sabi ko.
Agad nagbago ang ekspresyon niya. Nawala ang ngiti. Pinalitan ito ng pagtataka at konting panghuhusga.
"May appointment po ba kayo, Maam?"
"Wala po, pero kamag anak po namin siya. Pinsan ng asawa ko."
Tumaas ang isang kilay niya. "Pinsan? Mr. Montero?"
Umiling siya.
"Maam, kahit kamag anak po, hindi po siya nakikipagkita nang walang appointment. May schedule po siya hanggang sa susunod na linggo."
"Sabihin niyo lang pong si Althea Mendez. Asawa ni Brent Mendez. Pakiusap po."
Napabuntong hininga ang receptionist. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. At sa titig niyang iyon, alam kong nakita niya ang mura kong damit, ang kupas kong bag, at ang mga pasa kong tinatago.
Sandali siyang nag isip bago kunin ang telepono.
"Sir, may naghahanap po sa inyo. Althea Mendez daw. Asawa ng pinsan niyo."
Sandali siyang nakinig. At doon nagbago ang mukha niya.
Nanlaki ang mata niya. Tumikhim siya. Biglang naging mas seryoso.
"Sige po, Sir. Nandito na po siya."
Ibinaba niya ang telepono at tumingin sa akin. Pero iba na ang tingin niya ngayon. Parang may halong awa. O baka curiosity.
"Maam, sa 35th floor po kayo. May mag aassist po sa inyo sa elevator."
Napalunok ako.
"Tingnan ko lang po kung kaya ko."
"Maam," putol niya, at sa boses niya ay may bahid ng babala. "Bihira po magpa appointment si Mr. Montero nang ganito. Baka gusto niyo po samantalahin."
Tumango ako. Hindi na nagsalita.
Pagdating ko sa 35th floor, ibang iba ang atmosphere. Tahimik. Malamig. At napakalinis.
Isang babaeng naka power suit ang sumalubong sa akin. Mukha siyang secretary o personal assistant. Ang ganda niya. Naka makeup nang maayos. Naka heels. At hawak ang isang iPad.
"Mrs. Mendez?" nakangiting tanong niya, pero ramdam kong plastik lang.
Tumango ako.
"Ikaw po si Mrs. Althea Mendez?" parang binigkas niya ang pangalan ko na may bahid ng duda.
Nanliit ako pero tumango pa rin.
"Follow me po."
Dinala niya ako sa isang napakalawak na waiting area. May mga sofa na mukhang mamahalin. May coffee table na may mga magazine. At may malaking painting sa dingding na tingin ko ay milyon ang halaga.
"Dito lang po kayo maghintay. Tapos po si Mr. Montero ng meeting niya, tatawagin ko kayo."
"Salamat po."
Umupo ako sa sofa. Sobrang lambot. Hindi ako sanay. Parang natatakot akong gumalaw, baka may masira ako.
Tumagal ng trenta minuto.
Dalawang oras.
Tatlong oras.
Paulit ulit kong tiningnan ang wall clock. 10:00 pa lang ako dumating, ngayon 1:00 na ng hapon.
Umuwi na kaya ako?
Pero naalala ko ulit si Brent. Ang piitan. Ang perang kailangan.
Tiis na lang.
At nang mag 1:30, biglang bumukas ang pinto.
Lumabas ang isang grupo ng mga lalaking naka suit. Mukha silang mga negosyante. May dala dalang mga papel at tila nag uusap tungkol sa kontrata. Hindi ko sila masyadong pinansin.
Hanggang sa tumigil ang lahat.
Biglang tumahimik ang buong corridor.
Napatingin ako.
At doon ko siya nakita nang personal.
Si Lander Montero.
Tangina.
Iyon lang ang pumasok sa isip ko.
Ang tangkad tangkad niya. Mga 6 feet siguro. Nakasuot ng itim na suit na sobrang fit. Yung tipong alam mong sukat na sukat sa katawan niya. Puting puti ang polo niya sa loob, at walang kahit anong gusot. Itim na pantalon. Itim na sapatos na mamahalin.
Pero ang pinaka nakakuha ng atensyon ko ay ang mukha niya.
Ang panga niya ay naka igting, matapang, at para bang laging may pinipigilang emosyon. Ang ilong niya ay matangos at perpekto. Ang labi niya ay manipis, ngunit may kung anong nakakatakot kapag naka purseta.
At ang mga mata niya.
Itim na itim. Malalim. At nang dumapo iyon sa akin, para akong natigilan.
Para bang tinitignan niya ang kaluluwa ko.
Napaiwas ako ng tingin. Biglang uminit ang pisngi ko.
Naglakad siya papalapit. Hindi sa akin, kundi sa direksyon ng pinto na labasan. Kasama niya ang mga negosyante. Hindi man lang ako binigyan ng kahit isang segundo.
Hindi niya ba ako nakilala? O hindi lang talaga ako pinapansin?
Biglang tumayo ang secretary.
"Mr. Montero, may bisita po kayo."
"Sino?" malamig na tanong niya, hindi tumitingin.
"Si Althea Mendez po. Asawa ni Brent."
Doon siya huminto. Dahan dahan siyang lumingon. At tumama ulit ang mga mata niya sa akin.
Pero iba ngayon.
Mas matalim.
Mas nakakatakot.
"Hintayin niyo ako sa boardroom," utos niya sa mga kasama. "Five minutes."
Tumango ang mga negosyante at umalis.
At naiwan kami ng secretary. At si Lander na nakatayo mga limang metro ang layo sa akin, nakatitig na para bang may binabasa sa isip ko.
"Come with me," aniya.
Hindi iyon tanong. Iyon ay utos. Tumayo ako agad. Parang may pumipitik sa likod ko na nagpagalaw sa akin. Sinundan ko siya papasok sa opisina niya.
Ang laki ng opisina niya. Sobrang lawak. Puro salamin ang pader at kita ang buong skyline ng Makati. May malaking lamesa sa gitna, yung tipong nakikita mo sa pelikula. May leather chair sa likod. May bar sa gilid na puno ng mga bote ng alak na hindi ko alam ang pangalan.
Umupo siya sa upuan niya. Hindi niya ako inalok na umupo. Tumayo lang ako sa harap ng lamesa niya. Parang estudyanteng pinapagalitan ng principal.
"Althea Mendez," wika niya, at parang binigkas niya ang pangalan ko nang dahan dahan, na parang tinitikman. "Bihira kang bumisita sa mga pinsan ng asawa mo."
Kinakabahan akong ngumiti. "Lander, matagal na tayong hindi nagkikita. Mula noong kasal namin ni Brent."
Tumango siya. "Three years ago. Oo, naalala ko."
Sandaling tumahimik.
"Naalala ko rin na hindi ka masaya sa kasal na iyon."
Nanlaki ang mata ko. "Ano?"
Umiling siya. "Wala yon. Bakit ka nandito?"
Napalunok ako. Dahan dahan kong ikinuwento ang lahat. Kung paano nahuli si Brent. Ang kasong fraud at illegal gambling. Ang piyansang kailangan. Ang abogadong hindi namin kayang bayaran.
At sa buong pagkukuwento ko, hindi siya umimik.
Nakikinig lang siya. Nakatingin lang. Pero ramdam ko ang bigat ng mga mata niya sa bawat galaw ko.
Nang matapos ako, tumayo siya.
Naglakad siya palapit sa bintana. Nakatalikod sa akin.
"So gusto mo tulungan ko ang asawa mong sugarol, na nandadamay ng ibang tao sa pagkakautang, na nagpapabaya sa asawa niya, at halos hindi mo na makita sa inyo?"
Nasaktan ako sa mga salita niya. Hindi dahil hindi totoo, kundi dahil totoo.
"Pinsan mo siya, Lander."
"Hindi porket pinsan ko, tanggap ko na lahat ng pagkakamali niya," putol niya, hindi pa rin lumilingon.
"Pero."
"Ano ang kaya mong ibigay, Althea?" bigla niyang harap sa akin.
Natigilan ako.
Ilang hakbang palapit siya sa akin. At isa pa. Hanggang sa mga dalawang metro na lang ang layo.
"Ano ang kaya mong ibigay kapalit ng tulong ko?"
Tumibok nang malakas ang puso ko.
"Kahit ano," bulong ko.
Ngumiti siya. Pero hindi iyon masayang ngiti. Iyon ay ngiting may alam sa kung ano ang gusto nito. Ngiting animo’y may binabalak.
"Kahit ano?"
Tumango ako, kahit grabe ang kabog nang dibdib ko.
"Kahit ang sarili mo?"
Nanlamig ang buo kong katawan.
"Kahit ano?" nauutal kong tanong.
Tumango siya. Lumapit pa lalo. Ngayon ay isang metro na lang ang layo namin. Ramdam ko na ang pabango niya. Mamahalin, sariwa, at may halong kung anong nakakalasing.
"Ibibigay ko ang perang kailangan mo. Ang abogado. Ang lahat ng tulong na gusto mo," aniya, boses ay mahinahon pero may timbre itong hindi ko nauunawaan. "Pero may kapalit."
Napalunok ako.
"Ano po yon?"
Dumilat ang mga mata niya.
"Ikaw. Sa loob ng isang taon. Hindi lang katawan mo ang ibig kong sabihin, Althea. Pati ang oras mo, ang atensyon mo, ang lahat ng bagay na meron ka."
Umurong ako kahit hindi ako gumagalaw.
"Katawan ko?"
"Oo," diretsong sagot niya. "Pero hindi lang basta s*x. Gusto kitang maging akin nang buo. Kapag kailangan kita, pupunta ka. Kapag gusto kita, ibibigay mo. Walang tanong. Walang atrasan. Sa loob ng isang taon."
Napailing ako. "Hindi ako pwede. May asawa ako."
"May asawa kang hindi ka kayang ipagtanggol," mariin niyang sagot. "May asawa kang sinasaktan ka. May asawa kang sa tabing bahay lang ninyo na babae dinadala ang init na dapat sa iyo."
Nanlaki ang mata ko.
Paano niya nalaman?
Bigla kong naalala ang mga pasa sa braso ko. Kitang kita ba? Tinakpan ko agad.
"Wala kang pakialam."
"May pakialam ako," putol niya. At sa pagkakataong ito, bumaba ang boses niya. Naging mas seryoso. "May pakialam ako kasi gusto na kitang hawakan noon pa."
Natigilan ako.
Ano?
Hindi ako nakapagsalita.
Lumapit siya nang tuluyan. Ngayon ay ilang sentimetro na lang ang layo. Ramdam ko na ang init ng katawan niya. Ang bango niya. Ang tangkad niya. Kailangan ko pang iangat nang bahagya ang ulo para matignan siya sa mata.
"Pinagmasdan na kita noon pa, Althea," bulong niya. "Mula noong kasal niyo ni Brent. Kitang kita ko kung paano ka niya tratuhin nang parang basahan. Kitang kita ko ang mga pasa mong tinatago. Kitang kita ko ang lungkot sa mata mo."
Napaiwas ako ng tingin.
Pero hinawakan niya ang baba ko at marahang ibinalik ang mukha ko sa kanya.
"Ngayon, bigyan kita ng pagkakataon," aniya. "Tutulungan ko ang asawa mo. Pero ikaw, akin ka."
"Bakit?" nanginginig kong tanong. "Bakit ako?"
Ngumiti siya. Pero ibang ngiti ngayon. Mas malambot. Mas totoo.
"Dahil simula nang makita kita noong kasal niyo, hindi ka na nawala sa isip ko."
At sa sandaling iyon, sa loob ng mamahaling opisina ni Lander Montero, habang nakatingin sa akin ang lalaking halos hindi ko naman kilala, may kakaibang init akong naramdaman sa dibdib ko.
Bakit ganito?
Bakit sa kanya ko ito nararamdaman? Ang init na hindi ko maramdaman sa sarili kong asawa?
"Payag ka ba?" tanong niya.
Tumulo ang luha ko bago ko pa man mapigilan.
Si Brent ay nasa piitan. Kailangan ko siyang tulungan. Pero paano ko ibibigay ang sarili ko sa iba? Paano ko haharapin ang kasalanang ito?
Pero sa likod ng isip ko ay may bumubulong.
Ano bang nagawa ni Brent para itapat ko sa kanya? Sinasaktan ako. Harap-harapang niloloko. Ginawa akong tanga.
At sa harap ko ngayon, may lalaking handang tumulong. Kahit may kapalit.
"Payag ako," halos bulong ko.
Ngumiti si Lander. At sa ngiting iyon, may kung anong nagbago sa pagitan namin.
"Mabuti," aniya. "Bukas ng gabi, pumunta ka sa penthouse ko. I text ko sa iyo ang address. Doon natin sisimulan ang usapan natin."
Tumango ako, kahit nanginginig ang buo kong katawan.
"Ihanda mo ang sarili mo, Althea," nakangising sabi niya. "At iwan mo sa bahay niyo ang konsensya mo. Hindi mo na iyon kakailanganin sa mga susunod na araw."
At umalis siya ng opisina. Iniwan akong nakatayong parang estatwa. Hindi alam kung ano ang gagawin sa kasunduang kaka pirma ko lang. Hindi sa papel, kundi sa puso kong unti unting nalilito.