Kabanata 2

3054 Words
“Ate, tatawag ka ha!” iyak ng kapatid kong si Yayo, ang aming bunso. Umiling naman ang sumunod sa aking si May. “Hindi na uso ang tawag ngayon, Yayo! Videocall na! Yayaman na nga tayo pero jejemon ka pa rin! “E paanong makikipag-videocall sa atin si Ate Clara kung wala namang camera ang cellphone niya?” “Syempre bibili siya ng bago. Iyong apat ang camera! Yayaman nga tayo! Ang kulit mo naman e!” Hindi ko mapigilang mapangisi habang hinahalughog ang bag. Pangatlong beses ko na itong sinusuri dahil baka may nakalimutan. Mahirap na. Noong isang linggo pa ako nakapag-empake ng mga gamit pero hindi ko pa rin lubos maisip na aalis na. “Ate Clara, malayo ba ang pupuntahan mo? Kailan ka babalik?” Lumapit sa akin si Charlene, hele ang kaniyang manikang nangungutim na sa tagal. “Uuwi ka ba sa birthday ko? Sa Pasko kaya?” Sinukbit ko ang bag sa balikat at tinapik ang kaniyang ulo. Sa aming apat na magkakapatid ay siya ang pinakamalambing. Tiyak na hahanap-hanapin ko ang magaan niyang boses. “Babalik din ako. Kahit saan pa ako magpunta at kahit gaano pa katagal ay babalik ako. Kailan ko ba kayo iniwan?” Isa-isa kong tiningnan ang aking nakababatang mga kapatid na puro babae. “Basta! Ako ay okay lang sa aking umalis si Ate dahil bibigyan niya tayo ng pera! Maraming-maraming pera!” Pumalakpak si May. “Hoy, May! Hindi bangko ang kapatid mo!” asik ni Mama. “Kung makapagsalita naman kayo ay parang sa America pupunta ang Ate Clara ninyo! Sa Maynila siya pupunta para makapagtrabaho. Para sa atin.” Pumalakpak ulit si May ngunit napatigil nang umubo si Mama. Hinagod ko kaagad ang kaniyang likuran at inabutan ng tubig. Ngumisi lang ito. “Tama si Mama,” buntong-hininga ko. “Sabi ni Gertrude ay malalaki raw ang mga building doon. Maraming mga paaralan at negosyo. Doon nakatira ang mga mayayaman kaya roon ako magtatrabaho. Maipagagamot ko na si Mama. Makapag-aaral na kayong lahat at mabibili ko pa ang mga gusto ninyo. Sapatos. Damit. Laruan. Pwede na rin nating palitan itong manika mong isang taon na yatang hindi naliligo, Charlene!” Humalakhak ang aking mga kapatid kaya kahit papaano ay gumaan ang dibdib ko. “Ate, huwag mong kalilimutan ang cellphone ko ha!” sabi ni May. “Gusto ko iyong apat din ang camera! Tapos may keychain!” “Ang ambisyosa mo talaga! Uunahin mo pa ang cellphone mo! Dapat ay pagkain at gamit natin sa school!” awat ni Yayo. “Ate, oh!” “Tama na iyan.” Umiling ako sa dalawa. Sila ang magkasunod kaya madalas mag-away. “Sa unang sweldo ko, pangako ay magpapadala kaagad ako. Para kay Yayo ay mga pagkain. At para kay May naman ay cellphone. Ayos ba?” “Talaga, Ate Clara?! Thank you!” Nag-unahan silang dalawang yakapin ako sa leeg. Sa gilid ay napailing na lang si Mama. Ayoko namang umalis na malungkot ang mga kapatid ko. Hindi na bale, sa unang sweldo ko ay sisiguraduhin kong magiging masaya sila dahil tutuparin ko ang mga pangako ko. Iyon naman ang dahilan kung bakit ako sasabak sa Kamaynilaan. Nang umuwi ang pinsan kong si Gertrude galing doon, ako ang una niyang inabisuhan na naghahanap daw ng kapalit ang kaniyang amo. Isang kasambahay ang pinsan ko. Aniya’y hindi raw basta-bastang nagtitiwala ang kaniyang mga amo sa mga agency kaya nagpahanap na lang sa kaniya. Pakiramdam ko ay iyon na ang pagkakataong minsan lang darating sa buhay ko. Kailangang sunggaban kaagad. Para sa akin, iyon na ang tinatawag nilang swerte. Isang mahabang pagpapaalam ang nangyari bago ako nakasakay sa tricycle. Unang beses kong iniwan ang aking mga kapatid at ina. Unang beses akong umalis sa probinsya namin patungo sa isang malayong siyudad na kahit sino ay wala akong kilala. Inaamin kong natatakot ako pero kailangang tapangan ang loob para sa kinabukasan naming lahat. Kagaya ng inaasahan, naging matagal ang biyahe. Tatlong oras sa jeep at pitong oras naman sa bus. Alas-sais ng umaga ako umalis sa amin kaya pasado alas-kwatro na ng hapon nang makarating sa Maynila. Nasa sinasakyang bus pa lamang ako ay masasabi ko na talagang ibang-iba ang lugar na iyon kaysa sa probinsya namin. Palinga-linga ang mga mata ko, patalon-talon sa mga naglalakihang gusali. Para silang mga kongkretong patpat na pilit tinutuhog ang kalangitan. Sa ibaba naman, kung hindi aspalto ay kongkreto rin. Sobrang dami ng mga sasakyan kaya halos hindi na umusad ang daloy ng trapiko. Pansamantalang nabura ang pagod ko dahil sa pagkamangha. Nagmamadali tuloy akong bumaba ng bus nang huminto ito sa terminal hindi para maunat ang mga binti ngunit para pagmasdan ang buong Kamaynilaan. “Clarita? Maria Clarita Salvacion?” Naputol ang aking paglinga dahil sa isang babaeng lumapit. Lumaki ang mga mata ko. “A-Ako nga ho.” “Sabi ko na nga ba! Halatang probinsyana e!” Pumalakpak ang babae at ngumisi. “Ako si Milly. Kaibigan ako ni Gertrude. Sinabi ba niyang ako ang manunundo sa’yo?” Tumango-tango ako. Nagtugma ang mga deskripsyon ng pinsan ko patungkol sa babaeng ito. Pandak. Bilugan ang mukha at malaman. Si Milly raw ang pinakamalapit niyang kasamahan sa trabaho. Hindi ko lang ito napansin kaagad dahil nalulula pa sa taas ng mga building. “Tara na, Clarita! Hinihintay ka na ni Madame Sofia. Sakto dahil kagagaling lang niya sa trabaho.” Tumungo si Milly sa aking tabi at binuhat ang mga bagahe ko. Tulala pa rin ako nang magsimula na itong maglakad. Tinaas niya ang kamay dahilan ng paglapit ng isang taxi. “Clarita! Bilis!” tawag ni Milly. Ilang beses kong kumurap. “A-Ah! Clara na lang po…” “Po? Magkaedad lang yata tayo!” Ngumiwi si Milly. “Bilisan mo dahil bawal ang malamya. Maynila na ito. Mabilis ang takbo ng oras kumpara sa probinsya. Mas nakakapagod pero mas maraming kinikita. Tara!” Tumango ako at tinulungan siyang ipasok ang aking mga bagahe. Wala nang atrasan ito. Ito na ang pintong kusang bumukas para sa akin kahit walang tulong ng susi ng kayamanan o pag-aaral. Ito ang swerte na hinding-hindi ko dapat palampasin. Aasenso ako. Aasenso kami ng pamilya ko. Aabutin ko ang mga pangarap ko at mag-aaral ng kolehiyo. Mabibigyan ko na ng magandang bukas ang mga kapatid ko at maipagagamot pa si Mama. Patutunayan kong kahit iniwan kami ni Papa ay may kalalagyan pa rin ang buhay namin. Halos sampung minuto ang itinagal bago tumigil ang taxi sa harapan ng isang subdivision. Nalaglag ang aking panga habang nakatayo sa harapan nito. Ang daming bahay! Ang lalaki! Ang gagara! “Miss, ano ba?! Bulag ka ba?!” Sunod-sunod na bumusina ang isang kotse sa aking gilid.  “Pasensiya na po! Pasensiya na po talaga!” sabi ko kaagad. “Mga probinsyana talaga!” Paglampas ng kotse ay hinarap naman sa akin ang isang pumapaswit na si Milly. “Naku, Clara! Bawal ang mabagal dito!” Bago ang asenso, kailangan ko muna yatang masanay sa pamumuhay rito. Baka bigla na lang akong masagasaan kung hindi sasabay sa agos. Kaya naman pilit kong sinabayan ang lakad ni Milly nang makapasok na kami sa loob ng subdivision. Mas nakalulula pala kapag mismong kaharap na ang mga kabahayan. Iba’t ibang klase pero pare-parehong magaganda. “Ipinakilala na ba sa’yo ni Gertrude ang mga amo natin?” tanong ni Milly habang naglalakad kami. Tumango ako. “Sina Richard at Sofia Delgado.” “Maka-Richard ka naman! Close kayo? Sir Archie na lang ang itawag mo.” Napanguso ako. “Puro mayayaman lang ang mga nakatira sa subdivision na ito pero iba talaga ang yaman ng mga Delgado. Dalaga pa lang ako at nakatira sa Quezon noon pero matunog na ang pangalan nila. Kaya huwag kang mahihiyang bumale! Basta’t timing-timing lang!” Dahan-dahan akong tumango. Hindi naman nabanggit ni Gertrude na madaldal pala itong si Milly. “Pero teka…” Huminto siya sa paglalakad, inaasinta ang mukha ko. “Alam mo, parang kahawig mo sa Madame Sofia e. Lalo na kanina noong nakita kita sa bintana ng bus! Halos pareho kayo ng hugis ng mukha at haba ng buhok. Sa kutis lang nagkakaiba dahil medyo maputi si Ma’am.” “Baka pagod ka lang, Milly.” Ngumisi ako. Imposible naman yata iyon. Alam kong hindi naman ako kagandahan. Pangkaraniwang mukha lang ang mayroon ako kumpara sa amo kong alam ko ay ubod ng yaman. Siguro ay sobrang ganda ni Madame Sofia. “Sabagay nga,” kibit-balikat niya. “Isa pa, magkahawig nga kayo pero mas mukha kang mabait. Magiging puti muna ang uwak bago magbago ang ugali noon!” “Anong ibig mong sabihin?” Tumagilid ang ulo ko. “Basta! Kapag babale ka ay kay Sir Archie mo na lang ipaalam. Mabait iyon. Caring na, gwapo pa! At matalino rin!” Ngumisi si Milly ngunit nauwi rin sa simangot. “Minsan na nga lang ipagkaloob ang mga ganoong klase ng lalaki pero sinasayang pa. Tara na nga! Ang daldal mo!” Hindi na lang ako nagsalita. Ilang metro pa ay tumigil din si Milly sa paglalakad. Abala itong kumakaway sa kung sino sa garahe samantalang ako naman ay muling natulala. Ito raw ang bahay ng mga Delgado. Sa aking bokabularyo, hindi ito isang bahay kung hindi isang mansyon. Sa TV at magazine ko lang nakikita ang mga ganitong klase ng bahay. Hindi ko alam kung paano namin lilinisin ni Milly iyan nang kaming dalawa lang! “Manong Rene! Paakyat naman ho itong mga gamit ni Clara. Kikitain pa namin si Madame Sofia e.” Tuloy-tuloy ang lakad ni Milly papasok sa bahay. “Walang problema! Ito na ba ang pinsan ni Gertrude?” anang isang may katandaang lalaki na itinigil ang pagpupunas sa kotse. “Akala ko ay pinsan ni Sofia! Magkamukha!” “Sabi ko na e!” halakhak ni Milly. Nang makitang naroon pa rin ako sa kinatatayuan ay hinablot niya ang aking kamay. “Tara na! Sige ho, Manong Rene!” Isang tango lang ang naibigay ko sa matanda bago pumasok sa loob. Mabuti na lang at hinihila ako ni Milly dahil tiyak na hihinto na naman ako sa pagkamangha. Moderno ang pagkakagawa sa buong bahay. Kumikintab ang sahig at kumikislap ang mga ilaw sa kisame. Malawak ang bulwagan at malamig ang bawat silid. Kahit yata triplehin ang bahay namin ay mas malaki pa rin ang bahay ng mga Delgado. “Oh, Clara. Ayusin mo ang mga sagot mo ha. Kakausapin ka na ni Madame Sofia.” Pinirmis ako ni Milly sa harapan ng isang pinto. “H-Ha?” Lumaki ang mga mata ko. “Basta huwag ka munang bumale! Next month na lang!” aniya sabay katok at tulak sa pinto. “Madame, good afternoon! Dumating na po ang pinsan ni Gertrude.” Ginapangan man ako ng kaba ay pinilit kong ayusin ang sarili. Wala akong ibang inalala kung hindi ang mga kapatid ko na tanging ako na lang ang inaasahan. Hindi ko sila pwedeng biguin. “Pasok.” Ngumisi si Milly sabay hatak sa akin. Katulad ng mga nadaanan naming silid ay may kalakihan din ang opisina ni Madame Sofia. Kongkreto ang isang haligi samantalang salamin naman ang kabila. Kitang-kita ko ang swimming pool mula roon. “Madame, ito si Maria Clarita Salvacion pero Clara na lang daw,” pakilala ni Milly. “M-Magandang hapon po,” segunda ko. Tumango si Madame Sofia na prenteng nakaupo sa likuran ng kaniyang desk. Nangatog kaagad ang mga tuhod ko dahil sa tingin niya. Parang naintindihan ko na ang ibig sabihin ng mga salita ni Milly kanina. Maganda si Madame Sofia, gandang galing sa isang marangyang pamilya. Matulis ang mga kilay at matangos ang ilong. Malapad ang noo at makipot ang mga labi. Siya ang nakaupo ngunit kahit nakatingala ito sa akin ay ramdam ko pa rin ang pagitan naming dalawa. Dahil sa pormal niyang suot ay lalong naging mukhang makapangyarihan. Hindi ko makita ang sinasabi nilang pagkakahawig namin. Bago pa man siya makilatis ay napalunok ako nang taas-baba niya akong minata. Nagkatinginan sila ni Milly. Isang mahabang katahimikan ang nanaig. “Si Milly ang taga-luto at ikaw naman ang taga-laba.” Sa wakas ay nagsalita rin ito. “Ayusin mo ang gawa mo dahil ayokong nasisira ang mga damit ko.” Umawang ang aking bibig. Pakiramdam ko ay nakapasa ako sa isang exam! “Opo!” sagot ko kaagad. “Nga pala, sabi raw ni Gertrude ay gusto mo ring mag-aral. Is that true?” Tumaas ang kilay ni Madame Sofia. “Mayroon kaming mga scholarship program kaya napagtapos din namin siya. Gusto ko munang malaman kung desidido ka bang maging isang working student dahil ayoko ng aatay-atay.” “Sigurado ho ako,” seryoso kong sagot. “Nangangako akong hindi ko pababayaan ang trabaho’t pag-aaral ko. Hindi ko sisirain ang pagkakataong ibibigay ninyo sa akin.” Ito na ang pinakahihintay ko. Alam ko sa sarili kong hindi ako gagawa ng kahit anong ikasisira nito. Isang beses lang ito mangyayari kaya gagawin ko ang lahat upang magtagumpay. “Hmm…” Tumango-tango si Madame Sofia. “Basta huwag kang magpapabuntis. Wala akong pakialam kung mag-boyfriend ka o maging kabit ka pa ng kung sino. Basta huwag na huwag kang magpapabuntis. Ayoko ng pabigat. Naiintindihan mo?” “Makaaasa po kayo sa akin!” tango ko. “That’s what Gertrude told me before but what happened?” Diskumpyado itong umiling sabay baling sa katabi ko. “Milly, ibigay mo ang uniporme ni Clara. Ikaw na ang bahala sa kaniya. Kung may tanong, ikaw ang magpaliwanag. Wala akong panahon ngayon. Marami pa akong tatapusin.” “Opo!” tango ni Milly sabay hila sa braso ko. “Success! Tara na, Clara!” Lumaki ang aking mga mata. Daig ko pa yata ang nanalo sa lotto! Hinihila na ako ni Milly ngunit hindi pa rin maalis-alis ang tingin ko kay Madame Sofia na nakatuon na ang atensyon sa laptop. Pagkasarado ng pinto ay nabuhay ang aking mga ngiti. Ito ang simula ng pagbabago ng buhay ko, ang buhay ng mga kapatid ko at ni Mama. Ito ang simula ng lahat. Kinagabihan ay hindi pa rin ako nakaramdam ng pagod. Pabiling-biling ako sa bagong kama. Double deck iyon. Ako sa ibaba at si Milly naman sa itaas. Hindi tulad ko ay mukhang himbing na himbing ang tulog niya. Naibigay na sa akin ang aking uniporme kanina at ang ilang mga kakailanganin. Inikot na rin ako ni Milly sa buong bahay kahit bukas pa talaga ang simula ko. Pagkatapos siguro sa mga gagawin ay pupunta akong school para makapag-enroll. Tanging problema ko na lang ay ang pagtulog. Baka nauuhaw lang ako kaya nagpasyang bumangon. Sinilip ko muna si Milly bago dahan-dahang lumabas ng kwarto. Muntik pa akong maligaw patungong kusina dahil ilang ilaw na lang ang nakabukas. “Susmaryosep!” Napatalon ako nang umilaw ang screen ng ref! Bumuntong-hininga ako at kumuha na lang ng tubig sa gripo. Sa sobrang yaman ng mga Delgado ay mukhang pati ref nila ay nagsasalita. Hindi na ako magtataka kung isang araw ay malaman kong may elevator pala rito. Kasalukuyan akong umiinom ng tubig nang biglang napatigil. Hindi ko alam ang magiging reaksyon sa mga kamay na unti-unting gumapang sa aking baywang. Halos maibuga ko ang iniinom nang pisilin ako nito sa magkabilang gilid! “Bakit gising ka pa?” malalim na bulong ng kung sino sa aking tainga. Nilunok ko ang tubig na nasa bibig at dahan-dahang ibinaba ang baso. Tumatama na ang tiyan ko sa lababo dahil sa bigat na inilalagay sa aking likuran. Hindi ako tinutulak pero dinidiinan kaya ganoon ang nangyayari. Bumuntong-hininga ang nasa likuran ko. Tumama kaagad ang mainit nitong hininga sa aking leeg kaya tumaas ang aking mga balahibo. “Ano? Galit ka pa rin? Hanggang kailan ba matatapos ang galit mo sa akin?” masuyo nitong bulong. Hindi ako nakasagot dahil ano ba ang dapat kong isagot? Naramdaman ko na lang na umakyat ang mga kamay nito. Malaki at may pwersa ngunit marahan sa aking balat. Ramdam na ramdam ko ang init na nagmumula rito dahil sa manipis kong bestidang pantulog. Pumikit akong mariin nang makarating ang mga kamay nito sa aking dibdib. Kagaya ng kaniyang boses ay masuyo at maingat, hindi minamadali ang bawat paghimas. “Say something…” maawtoridad nitong saad. Ang tanging sagot lamang na naibigay ko ay ang banyagang tunog na nagmula sa aking mga labi. Malambing. Malambot. Naniniwala akong hindi iyon akin ngunit kanino? Naulit lamang ang tunog na iyon nang maramdaman ang kung anong sensasyong nanggagaling sa aking dibdib, sa tuktok nito na marahang pinapasadahan. Binuksan ko ang mga mata upang makita ang dalawang daliring naroon. “Still angry? Hmm?” Dumikit pa lalo ang harapan nito sa aking likuran, ipinararamdam ang umbok sa aming pagitan. Halos sumubsob ako sa baldosa dahil sa panghihina. Nanginginig man ang aking mga kamay ay pinilit kong abutin ang kitchen knife. Saktong ipinaharap ako at saktong nagtama ang aming tingin! Nalaglag ang panga ng lalaki at mabilisan akong tiningnan mula ulo hanggang paa. Pumula ang aking mga pisngi nang niyakap ko ang sarili. “Who the… f**k are you?!” anang isang hindi kilalang lalaki. “Paano ka nakapasok sa pamamahay ko? Damn it!” Parang wala akong narinig. Nangatal ang mga labi ko nang itutok sa kaniya ang kutsilyong hawak. “R-Rapist! Milly! Milly, nilooban tayo! Manong Rene!” “Anong pinagsasasabi mo? Nasaan ang asawa ko?” alma ng lalaki. Umiling ako, ramdam na ang takot. “Magnanakaw! Walang hiya ka!” “Anong nangyayari dito?!” Bumukas ang mga ilaw at ipinakita si Madame Sofia. Mapungay ang mga mata niya habang inaayos ang roba. Bumagsak kaagad ang kaniyang tingin sa aking kutsilyong hawak na nakatutok pa rin sa lalaki. “What the hell are you doing?! Put that thing away before you hurt somebody! Clara!” “May magnanakaw po! Lolooban tayo!” sigaw ko. “Clara!” Ang sumunod na dumating ay si Milly na pupungas-pungas din. Nakasulat ang pag-aalala sa kaniyang mukha ngunit nang balingan ang aking katabi ay nalaglag ang kaniyang panga. “Sir Archie?!” “S-Sir… Archie?” Nalaglag ang aking panga at unti-unting binaba ang kutsilyo. Hinilot ni Sir Archie ang sentido at napamura.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD