“Ayoko nang maulit pa ang nangyari kagabi,” asik ni Madame Sofia. “Wala ka pang bente-kwatro oras dito pero muntik ka nang masisante. Ewan ko na lang kung saan ka pupulutin.”
Nanatili akong tahimik na nakayuko.
“Masyado ka kasing nerbiyosa. Sigurado ka bang pinsan mo si Gertrude? Hamak na mas malakas ang loob niya kaysa sa’yo.”
“Sorry po ulit,” sabi ko.
Tumayo na ito at wala nang sinabi pa. Akala ko ay tatanggap pa ako ng kung anu-anong masasamang salita at paluluhurin sa bilao ng munggo. Gulat akong nag-angat ng tingin, pinagmamasdan si Madame Sofia na isinukbit ang kaniyang designer bag.
“Ma’am? Aalis na po kayo?” tanong ko.
“E ano pa bang gagawin ko? Tutunga rito maghapon?” Inirapan niya ako at binuksan ang pinto ng kaniyang opisina. “I’m off to work. Ayusin mo ang trabaho mo, Clara. Oobserbahan kita.”
Hindi ako nakasagot nang tuluyan na itong umalis. Naiwan akong mag-isang tulala sa kaniyang opisina, hindi pa rin maintindihan kung ano ang nangyayari.
Kinagabihan ay hindi na talaga ako nakatulog. Walang ibang laman ang isip ko kung hindi ang mga kaganapan pasado alas-dose na ng hatinggabi. Inuhaw ako kaya nagpuntang kusina pero nawindang dahil sa isang lalaking… sa isang lalaking…
Binaon ko ang mukha sa dalawang palad. Tama nga ang hinala kong uminit na naman ang mga pisngi ko. Sino bang hindi lalamunin ng hiya kung ganoon nga ang nangyari?
Ang lalaking iyon ay si Sir Archie pala, ang asawa ni Madame Sofia. Unang beses ko pa lang siyang nakita kagabi kaya pinagbintangang magnanakaw. At rapist. Hindi ganoon ang na-imagine kong magiging pagkikita namin. Napagkamalan niya akong asawa niya at tinutukan ko naman siya ng patalim.
Siguro ay tama nga sina Milly at Manong Rene. Baka nga kamukha ko talaga si Madame Sofia kaya ganoon na lang kung galawin ni Sir Archie.
Buong gabi akong dilat, iniisip na masisisante na kinabukasan. Isang tulog lang ang itinagal ko sa Maynila pagkatapos ay uuwi rin pala. Sayang lang ang pamasahe ko. Sana ay ipinangkain na lang namin ng mga kapatid ko. Mapapako ang pangako kong bagong cellphone kay May at manika naman kay Charlene. Hindi ko na rin mahahainan ng mga masasarap na pagkain si Yayo at maipagagamot si Mama.
Akala ko ay uuwi na akong luhaan nang ipatawag kanina ni Madame Sofia. Ipinagpabukas kasi ang pagpapagalit niya sa akin kagabi dahil late na rin. Kaya naman laging gulat ko nang sitahin lang niya ako tungkol sa panunutok ng patalim sa kaniyang asawa at sa pagiging nerbiyosa.
Wala man lang itong binanggit tungkol sa ginawa ni Sir Archie sa akin kagabi. Sinita lang ako pagkatapos ay tapos na. Hanggang sa kusina tuloy ay tulala ako, hindi alam kung mag-eempake na ba o mananatili pa.
Saktong naroon din si Sir Archie. May hawak itong tasa at kunot-noong nakatingin sa laptop. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig nang mag-angat ito ng tingin.
“Clara?” tawag niya, unti-unting gumagaan ang tingin. “Your name is Clara, right?”
Lumaki ang aking mga mata. Nagsimula na namang uminit ang buong mukha ko!
“S-Sisisantehin ninyo na po ba ako? Kayo po ba ang magtatanggal sa akin dahil busy ang asawa ninyo?” Nangatal ang mga labi ko.
“What? No,” mabilis niyang sabi. “No. That’s not happening anytime soon. Unless ikaw ang may gustong umalis dahil sa nangyari. Look, I’m very sorry. I did not mean to offend you or harass you, and it’s totally understandable if you want to leave–”
“Hindi… mo ako sisisantehin?” mangha kong tanong.
Kaninang umaga pa ako ganito simula nang kausapin ni Madame Sofia. At mukhang ako lang yata ang naguguluhan!
Kumunot ang noo ni Sir Archie. Lalong namula ang aking mga pisngi. Umayos ito ng tayo at pinakatitigan ako. Kahit gustong-gusto ko nang tumakbo paalis ay hindi ko ginawa dahil mas lalo lang lalala ang mga kahihiyan ko.
“Sit down,” utos niya. “We need to set things straight.”
Napalunok ako. Kusang gumalaw ang aking mga paa dahil sa maawtoridad na tono ng kaniyang pananalita. Hindi na kailangang itaas pa ang boses. Hindi na rin kailangang ulitin. Kumakabog man ang dibdib ay naupo ako sa isang stool sa kaniyang harapan.
Inilapag ni Sir Archie ang hawak na tasa ng kape sa counter ngunit nanatiling nakatayo. Humalukipkip ito sa aking harapan. “I’m Archie Delgado. I own this house so that also makes me your boss other than my wife. Is that clear?”
Mabilis akong tumango.
“Sabi ni Milly ay pinsan mo raw si Gertrude. Pareho kayong galing ng Norte?”
Tumango ulit ako. Sumingkit ang mga mata ni Sir Archie.
“Sisisantehin ninyo na ho ba ako?” nanghihina kong tanong.
Pinakatitigan lang niya ako pagkatapos ay bumuntong-hininga. Pinatong ni Sir Archie ang isang palad sa counter samantalang ang isa naman ay sinalat ang kaniyang batok.
“I’m really sorry for what happened last night, Clara,” iling niya. “Hindi ako ganoong klase ng lalaki. Hindi ko alam kung paanong patutunayan iyon sa’yo bukod sa paghingi ng paumanhin. I understand if you want to quit or find another job. Irerekomenda kita at bibigyan ng compensation fee.”
“Ayoko pong umalis,” mabilis kong iling.
Kumunot ang noo ni Sir Archie.
“Sa obserbasyon ko, hindi alam ng asawa mo ang… ang n-nangyari sa atin kagabi…” Habang nagpapaliwanag ay hindi ko maiwasang pag-initan ng mukha. “Alam kong magagalit ang asawa mo kapag nalaman niya at posibleng paalisin ako bilang maid ninyo.”
“We didn’t exactly talk about it,” iling ni Sir Archie. “We hardly talk about anything anyway.”
Hindi ko iyon naintindihan. Ngunit mukhang pinakinggan ako ng mga santong tinawag ko kagabi. Hindi nga alam ni Madame Sofia kaya sinita lang ako kanina!
Dahil ulit sa swerte, maaaring may tyansa pa para matupad ang mga pangarap ko. Hinding-hindi ko hahayaang mawala sa akin ang pagkakataon dahil sa simpleng pagkakamali lang.
“Malayo pa ang pinanggalingan ko si Sir Archie,” dahan-dahan kong sabi. “Unang beses ko ring nakalayo sa probinsya namin. Ako na lang ang inaasahan ng mga kapatid at Mama ko. Sa tingin ko, kung hindi natin bibigyan ng… malisya dahil pareho tayong may mali ay hindi na kailangang sabihin pa sa asawa ninyo. Gusto kong manatili sa trabaho ko, Sir Archie.”
“All the more that you need to find another job. Ayokong manatili ka rito dahil wala kang choice.” Pirmis itong umiling ngunit hindi ako nagpatalo. “Alam ho ng pamilya ko na sa mga Delgado ako namamasukan. Sa inyo rin ako inirekomenda ng pinsan kong si Gertrude. Ayaw kong mag-aalala sila.”
Nanumbalik ang mga kunot-noo ni Sir Archie. Tinablan ako kaagad ng kaba ngunit katulad ng sinabi ko sa sarili kahapon, wala nang atrasan ito. Para sa mga kapatid ko at kay Mama.
“Kung totoo ang sinasabi mong hindi ka ganoong klase ng lalaki… p-papayagan mo akong manatili.” Nanginig ang aking mga labi. “Please.”
Kailangan ko ang trabahong ito. Libreng bedspace, pagkain, tubig at kuryente. At ang pinakamahalaga sa lahat, ang scholarship. Bihira lang ang mga among nagbibigay ng libreng pag-aaral na hindi pa makaaabala sa pagtatrabaho.
Kapag umalis ako ay hahanap na naman ng ibang papasukan. Hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan ba, hindi tulad ng mga Delgado na pinagsilbihan na ng aking pinsan. Kung hindi lang nag-boyfriend at nabuntis ay siya pa sana ang naririto at ako, nasa probinsya lang namin, naghihintay kung kailan ba papalarin.
Mariin akong pinakatitigan ni Sir Archie. Hindi ko maiwasang kagat-kagatin ang pang-ibabang labi. Umigting ang kaniyang panga, ang mga titig ay bumabaon sa aking mukha.
Ganoon ba ang kaniyang itsura kagabi? Habang hawak ako sa baywang at iniipit sa baldosa–
“Alright...” Dahan-dahan itong tumango. “You can stay here.”
Hindi ko napigilang mapatayo! “T-Talaga ho?!”
Tumango ulit ito. “Hindi rin ako magsasalita tungkol sa nangyari hindi dahil sa ayokong malaman ni Sofia pero para hindi ka mawalan ng trabaho. I apologize, Clara. I am very, very sorry. I don’t want to offend you in anyway… And I’m faithful to my wife despite our… issues.”
Hindi lang pala mukhang mabait si Sir Archie dahil tunay ngang mabait at mahabagin! Tama nga si Milly. Ang malas lang ni Gertrude dahil pinakawalan pa niya ang mga ganitong klaseng amo!
Hindi ko mapigilang ngumiti nang malaki. Inilapag na ni Sir Archie ang tasa sa lababo at isinuot ang coat ngunit malaki pa rin ang mga ngiti ko.
“Papasok na ako sa opisina,” aniya pero napapangisi rin. “Good luck on your first day, kid.”
Kid?
Ako ba ang sinasabihan niya ng ganoon?
“Hindi ka pa kumakain ng breakfast,” sabi ko nang mapansing hindi man lang nagalaw ang mga niluto ni Milly. “G-Gusto mo bang ipaghain kita, Sir… Archie?”
“I had my coffee already, thank you.” Seryoso man ang kaniyang mukha ay magaan ang kaniyang mga mata.
Nabuhay ulit ang mga ngiti ko. Tumango na lang ako at hinayaan siyang lampasan ako upang makalabas na.
“Salamat po! Salamat po talaga!” Hindi ko napigilan ang sariling kumaway.
Kahit nakatalikod ay namataan ko ang pag-iling nito. Itinaas lang niya ang isang kamay pagkatapos ay dire-diretso na sa malaking pintuan.
Hindi matanggal-tanggal ang mga ngiti ko kahit pa muling naiwang mag-isa. Nabuhayan ako ng loob na taliwas sa pakiramdam kagabi.
Tuloy ang buhay ko rito sa Maynila. Hindi pa ako uuwing talunan. Maaaring dahil sa swerte, maaaring dahil sa aking mga dasal. Maaari ding dahil kay Sir Archie.
Mabait siya. Marunong makinig. May respeto. At tapat siya sa kaniyang asawa.
Hindi siya katulad ni Papa.
Buong araw akong tinuturuan ni Milly. Sanay naman na sa mga gawaing bahay ang mga kamay ko dahil ako ang panganay at madalas mag-asikaso sa amin. Pero ibang-iba pa rin talaga kapag totoong trabaho na. Kailangan ay pulido at maayos ang gawa. Hindi dapat babagal-bagal.
Isa pa, malaki ang bahay ng mga Delgado. Sa unang tingin ay inakala kong mansyon pero kalaunan ay nasanay ring ito ang katamtamang laki kapag three-storey ang bahay. Malaki pa rin talaga lalo na dahil dalawa lang kami ni Milly na kasambahay samantalang si Manong Rene naman ay driver ni Madame Sofia.
Ang isa pang nakapagpalito sa akin ay ang mga gamit dito. Puro high-tech. Kabisote ako kaya madalas tanungin si Milly para sa mga instruction.
Pagkalipas ng tatlong araw, masasabi kong nawala na talaga ang kaba ko sa tuwing darating si Madame Sofia. Naniwala na akong hindi nga niya ako sisisantehin. Nakapag-enroll na rin ako at pinili ang gustong kursong Education. Isang sakay lang ng jeep ang university kaya ayos na ayos. Pwedeng sa bahay ako kumain para iwas gastos pero baka may masabi naman si Madame Sofia. Bukod sa trabaho, ang klase ang pinakahihintay ko na magsisimula sa susunod na linggo.
Wala akong masabi sa aking paninilbihan sa mag-asawang Delgado. Pabor sa akin ang mga bagay na alam kong hindi ko naman inaabuso. Iyon nga lang, sa loob ng tatlong araw na aking paninilbihan, may napansin kaagad ako.
“Late ulit akong uuwi mamayang gabi. I need to finish reviewing the proposals.” Nilampasan ni Madame Sofia si Sir Archie.
Madalas ay sa kusina siya tumatambay. Katulad ng umagang iyon, nagkakape siya sa halip na nag-aalmusal. Hindi ko nga alam kung bakit nag-aabala pang magluto si Milly ng umagahan nila kung hindi naman ginagalaw.
“Paano si Manong Rene? Lagi mo na lang inaabala ang pagtulog ng matanda.” Kumunot ang noo ni Sir Archie.
Napanguso ako. Abala akong magpunas ng mga bintana sa sala pero hindi ko maiwasang sumilip.
“Kaya nga ako sumasabay kay Greg,” sagot ni Madame Sofia.
“Ako ang susundo sa’yo. Call me–”
“Ano na naman bang kalokohan ito, Archie? Are you jealous?”
“Why would I be? Unless there’s something you want to tell me.”
“You know what? Ako na lang ang magmamaneho ng kotse para tapos ang usapan! Para wala ka nang masabi. Ano? Masaya ka na?”
“That’s not the point, Sofia. Ang sinasabi ko, lagi ka na lang umuuwi nang gabing-gabi–”
“Ako lang ba? Ha? Kapag ako ay lagi mong napapansin pero kapag ikaw ay wala lang. Hindi na nga ako nagsasalita e! Bakit, Archie? Sino ba ang naunang kung umuwi ay akala mo walang asawa?”
Tumigil ang mga kamay ko sa pagpupunas ng salamin. Sa garahe ay nagkatinginan kami ni Milly. Kumaway ito at ngumisi na para bang wala lang.
Sabagay, ako ngang tatlong araw pa lang dito ay napansin kaagad ang halos araw-araw na pag-aaway ng mag-asawa. Siya pa kayang taon na ang itinagal?
“Where are you going?” Ibinaba ni Sir Archie ang hawak na tasa at sinabayan si Madame Sofia sa paglalakad. “Kinakausap pa kita–”
“Archie, ano ba?! Of course, I’m going to work! Saan pa ba? God!”
“Huwag kang bastos.”
Ngumisi lamang ang kaniyang asawa pagkatapos ay isinukbit na sa balikat ang bag. Tuloy-tuloy itong nagmartsa palayo. Nanatili akong tahimik nang pati ako ay kaniyang lampasan. Nagkatinginan na lang kami ni Sir Archie.
Pumula kaagad ang mga pisngi ko. Mahina itong napamura bago nagmartsa patungo sa pintuan.
“S-Sir? Uh, aalis ka na?” tanong ko nang nakalapit siya sa aking pwesto.
Hindi nawala ang kaniyang mga kunot-noo nang harapin ako. “Yes. If you need anything, talk to me later. I don’t have the time right now.”
“Ayaw mong… mag-almusal muna?” alok ko.
Bahagyang lumiwanag ang kaniyang mukha. Tipid akong ngumiti. Mabilis ding bumalik ang tapang sa kaniyang mga mata ngunit hindi na kasing diin kanina.
“Get back to work…” iling lang niya pagkatapos ay umalis na.
Napanguso ako.
Kinabukasan, akala ko ay magbabago ang timpla ng umaga ng mag-asawa. Nagkamali ako dahil pababa pa lang si Madame Sofia sa hagdanan ay nag-aaway na naman sila.
“Goddamn it, Archie! Ilang beses ko ba dapat ulitin sa’yong kinailangan kong i-review ang mga report?! Hindi ka ba nakakaintindi? You’re a top-notcher in the boards pero simpleng paliwanag lang ay hindi mo pa makuha!”
“Somebody saw you meeting with a producer last night. Was he part of the reports too?”
“Ang sabihin mo, pinasundan mo na naman ako sa mga tauhan mo dahil wala kang tiwala sa akin! Sabagay! Kailan ka ba nagkaroon ng tiwala?”
Dire-diretso si Madame Sofia sa sala at hindi man lang sinulyapan ang mga niluto ni Milly sa dining room. Kasunod naman si Sir Archie na hinahabol ang kaniyang asawa.
Ibinaba ko kaagad ang walis na hawak. “Sir! Kain po muna kayo–
“Sofia! Sofia, ano ba?!” Hindi ako nito pinansin.
Napakamot na lang ako sa ulo.
Laging ganoon ang sistema. Sa umaga bago pumasok at sa gabi kung sakaling magkikita ang dalawa. Walang katapusang away at sagutan.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin sina Mama at Papa noon. Maliit lang pa si May at ipinagbubuntis pa lang ni Mama si Yayo. Ganoon din sila kila Madame Sofia at Sir Archie. Laging nagbabangayan. Kahit maliit na bagay ay pag-aawayan. Si Papa ang laging nagsisimula dahil mabilis uminit ang ulo. Lasing o hindi ay laging sinisigawan at sinasaktan si Mama.
Sa una ay natakot ako kay Sir Archie. Siguro ay dahil na rin sa nangyari sa amin noong isang gabi. Pero sa mga obserbasyon ko, mabilis kong nalaman kung sino ang mabilis uminit ang ulo. Ang laging nananakit. Hindi man sa pisikal pero sa mga salita.
Kabisado ko na ang daang tinatahak ng mag-asawa dahil doon ako lumaki. Kayang-kayang kong tukuyin kung sino si ganito at sino si ganyan.
Sa sumunod na umaga, hinintay ko ang bangayan ng mag-asawa habang nag-aayos ng mga muwebles. Maingat ako dahil mamahalin. Mahirap na.
Dalawampung minuto makalipas ang alas-sais ng umaga ay kataka-takang walang kahit anong ingay sa bahay. Sinilip ko si Milly na nagdidilig sa labas. Ayoko naman siyang tanungin.
Saktong napansin kong iisa lang ang kotseng nakaparada sa garahe. Wala ang kotse ni Madame Sofia na tipikal na minamaneho ni Manong Rene.
Baka nga tama ang hinala kong hindi natulog si Madame Sofia rito kagabi. Hindi ko rin siya naabutang umuwi e. Sabagay, mukhang hindi nga sila magkatabing matulog ng asawa niya.
Kalaunan ay bumaba rin si Sir Archie. Dala nito ang briefcase habang inaayos ang kurbata. Preskong-presko ang kaniyang ayos at tindig sa suot na coat and tie. Bagay na bagay sana sila ni Madame Sofia, parehong gwapo at maganda. Kaso lagi namang nag-aaway.
“Sir!” Bumati ako nang makalapit si Sir Archie.
“Clara, I obviously don’t eat my breakfast here,” buntong-hininga niya habang inaayos pa rin ang necktie. “Huwag mo na ulit akong tatanungin. Kayo na lang ni Milly ang mag-almusal.”
Napanguso ako. Nasanay na yata siyang lagi kong inaalok kumain.
Bago nakalampas sa pintuan ay nag-angat ito ng tingin. Kumunot ang kaniyang noo at bumagsak ang tingin sa paper bag na mabilis kong dinampot.
“What’s that?” Tumaas ang kaniyang kilay.
Umaliwalas ang mukha ko at ngumiti. “Baon ninyo po! Ipinaghanda ko kayo dahil hindi naman kayo kumakain dito. Ingat, Sir Archie!”
Tinulak ko sa bakante niyang kamay ang paper bag na naglalaman ng Tupperware. Isang kanin at isang ulam. Sinabayan kong gumising si Milly kanina para lang maihanda iyon. Sayang naman kasi kung hindi man lang gagalawin ng totoong gumagasta.
Lalong kumunot ang noo ni Sir Archie pero kinuha rin ang paper bag. Naglakad na ito palayo pero tumigil at lumingon ulit sa aking gawi. Kumaway ako. Umiling lang ito at sumakay na sa kotse.