Pagkatapos ng tawag ay ibinalik ko na ang telepono sa lalagyanan. Tulala ako sa aking enrollment form na inilabas kanina. Habang tinitingnan iyon ay hindi ko na naman tuloy napigilan ang pagtulo ng aking mga luha.
Hindi pa ako officially enrolled. May problema pa sa scholarship at wala naman akong pera pang-abono muna. Hindi na nga ako naka-attend kanina sa orientation program at mukhang malabo ring makakapasok bukas.
Paano ko ba iyon masosolusyunan? Gusto ko sanang kausapin si Madame Sofia dahil siya naman ang nagsabi sa akin patungkol sa aking scholarship. Pero saan ko naman siya hahanapin? Baka ilang araw pa bago siya makauwi. Ang tanging pwede ko lang gawin ay ang magreklamo bukas sa admin at muling magbaka sakali.
Pero… paano kung hindi gumana? Paano kung sa pagkakataong iyon ay hindi na ako lumusot hindi katulad noong una kong gabi rito?
Hinilamos ko ang palad sa aking mukha at sinapo ang noo. Isang malakas na buntong-hininga ang aking pinakawalan.
“Oh, Clara? Bakit ganiyan ang itsura mo?” Lumabas si Milly mula sa kung saan. “Ah, alam ko na… Homesick ka, ano? Ayos lang iyan! Natural lang iyan. Mahirap talaga sa simula pero kakayanin din.”
“May isa pa akong problema, e...” sabi ko.
“Ha? E ano naman iyon?”
Nag-angat ako ng tingin. “May problema kasi sa scholarship grant ko. Hindi na nga ako nakapasok kanina sa orientation tapos ay baka bukas ay hindi pa ako papasukin. Kapag hindi ko naayos iyon, mahuhuli na ako sa klase.”
“Naku, kaya pala ganiyan ang itsura mo kanina pa. E, Clara, bakit daw nagkaganoon?”
“Hindi ko rin alam e.” Bumuntong-hininga ako dahil umiinit na naman ang sulok ng aking mga mata. “Kailangan kong ayusin iyon, Milly. Hindi pwedeng hindi dahil para sa pangarap namin ng mga kapatid at Mama ko iyon.”
“Kung may pera lang ako ay ipahihiram ko muna sana sa’yo kaso wala e. Pasensiya ka na...”
“Salamat ha.” Kahit umiiyak ay nginitian ko siya.
“Ano ka ba, Clara? Pinsan mo si Gertrude kaya parang pamilya ka na rin sa akin,” aniya. Bigla ay pinitik niya ang kaniyang mga daliri “Ah! Alam ko na! Hindi ba ay scholarship ng mga Delgado iyan? Bakit hindi mo subukang kausapin iyong mag-asawang laging LQ?”
“A-Ano?”
“Sabi ko, kausapin mo si Sir o ‘di kaya ay si Madame. Sigurado akong tutulungan ka ng mga iyon dahil ganoon din ang ginawa nila kay Gertrude.”
“H-Hindi ba ay busy sila? Hindi ba nakakahiya?” Ngumiwi ako.
“Hiya o edukasyon, Clara? Pili ka ng isa.” Umirap si Milly. “Atsaka scholarship nila iyan. Dapat nilang malamang may problema na pala sa school para iyong ibang naapektuhan din ay matutulungan. Tama?”
Dahan-dahan akong tumango. Iyon din naman ang plano ko. Plano kong abangan ang mag-asawa mamaya pero kung may mas pabor man akong lapitan ay si Sir Archie na iyon. Bukod kasi sa nahihiya ay natatakot ako kay Madame Sofia. Minsan ay okay siya pero minsan naman ay hindi. Ayoko namang maambunan ng galit niya dahil baka lalo akong mawalan ng scholarship.
Kinagabihan, nakakain na kami ni Milly at lahat-lahat ay wala pa rin ang kahit anino ng mag-asawa. Hindi pa naman ako pagod kaya naghintay pa ng ilang oras. Sa sala na ako nag-abang para makita ko sila kaagad kaso nakailang sipat na ako sa relo ay wala pa rin sila.
Pumatak ang alas-onse ng gabi, wala pa rin. Pumatak ang alas-dose, ala-una, alas-dos… wala. Hihikab-hikab ako sa sofa habang nakatanaw sa pinto. Pinipigilan ko ang antok dahil baka kapag nakatulog ako, hindi ko na nga sila maabutan ay siguradong masisita pa ako.
Huling tingin ko sa relo ay alas-kwatro y media. Ilang sandali na lang ay sisikat na ang araw pero hindi pa rin sila dumarating. Bigla ay naalala ko ang polo na ipinahanda ni Sir Archie kaninang umaga. May nabanggit yata siya tungkol sa isang party. Tapos tinanong ko pa nga siya kung magkasama sila ni Madame Sofia.
Magkasama nga ba sila kaya parehong hindi pa rin dumarating?
Napahikab ako ulit, ang mga mata ay nasa relo. Bumuntong-hininga na lang ako at binunot ang enrollment form. Iyon ang huli kong nakita bago tuluyang nagpatalo sa antok.
“Clara…” anang isang mababang boses.
Parang gusto kong imulat ang mga mata kaso ang bibigat naman ng kanilang mga talukap.
“Clara,” pag-uulit nito. “Clara, wake up…”
Ako ba ang kinakausap?
“Clara?”
Nang hindi na matiis ang tumatawag ay dahan-dahan kong iminulat ang mga mata. Isang Sir Archie lang naman ang naabutan kong bahagyang nakayuko at nakatingin sa akin.
Nanlaki kaagad ang mga mata ko! Nananaginip ba ako? Si Sir Archie na ba talaga iyan?
Nakapamaywang ito habang nakatayo at nakadungaw sa akin. Bahagyang nakakunot ang kaniyang noo kaya ang makakapal na mga kilay ay nagsasalubong. Binasa ko ang aking mga labi. Dahil nakahiga ako, parang naging mas matangos ang kaniyang ilong at mas naging ebidente ang panga. Hindi ko masyadong pinapansin ang tangkad at tindig ni Sir Archie pero parang unti-unting naging malinaw iyon.
“Clara, gising ka na ba?” tanong niya.
Umawang ang aking bibig. Awtomatiko akong tumango.
“Good. Pwede ba kitang tanungin kung bakit sa sala ka natutulog at hindi sa kwarto?”
Napakurap ako ng dalawang beses. Isang tingin pa sa kaniyang mukha ay muli kong sinipat ang relo. Lumaki na talaga ang mga mata ko dahil... alas-siete na! Umaga na! Ibig sabihin lang noon ay nakatulog ako sa sofa kanina.
Kinapa ko kaagad ang aking mukha at bibig. Kung may muta man ako, kulangot o kulatay ng laway sa bibig ay hindi ko na alam. Syempre, pati ang hininga ko ay pang bagong gising din. Nakakahiya!
“S-Sir Archie… Ano kasi… Ano…” Nangatal ang aking mga labi.
Paano ko ba sasabihin na magdamag ko silang hinintay na mag-asawa dumating para lang kausapin tungkol sa problema ko? Tapos ngayon naman ay mukhang kadarating pa lang ni Sir Archie. Suot pa niya ang pulang polo na pinlantsa ko kaninang umaga at ang suit jacket ay nakasukbit sa isang braso.
“May problema ba, Clara?” magaang tanong ni Sir Archie.
Napalunok ako. Sa halip na sumagot ay pinilit kong bumangon. Gulo-gulo na rin siguro ang buhok ko pero wala naman na akong magagawa pa. Tumagilid ang ulo ni Sir Archie habang pinagmamasdan akong tumayo. Bigla ay nalaglag ang berdeng papel na aking enrollment form kaya iyon ang sinundan niya ng tingin.
Nalaglag ang aking panga. Nagkatinginan kami na bahagyang kumukunot ang kaniyang noo.
Inunahan ako ni Sir Archie sa pagpulot noon. Muntik ko pa ngang pulutin din pero mabuti na lang ay hindi dahil baka nagsalpukan ang mga bungo namin.
“Naka-enroll ka na pala,” aniya, ang mga mata ay sinusuri ang papel. “Oh, may pasok ka pala ngayon. Bakit hindi ka pa nagbibihis?”
“I-Iyon na nga po ang problema ko, Sir.” Napalunok ako.
“Problema? Tungkol saan?”
“E, Sir, hindi pa ako officially enrolled e...”
“Ano ang ibig mong sabihin?” Lalong kumunot ang noo ni Sir Archie.
“Uhh...” Napabasa ako ng mga labi. “H-Hindi ko po alam pero parang may problema yata sa scholarship ng mga Delgado. May ibang mga estudyante rin po yatang nagkaproblema…”
Nag-angat ng tingin si Sir Archie sa mukha ko kaya bahagya akong napaatras. Sanay akong maaliwalas ang kaniyang mukha pero parang tumapang iyon ngayon. At bukod pa roon, bagong gising lang ako samantalang siya na itong kadarating pa lamang ay hamak na mas maayos pang tingnan kaysa sa akin.
“Sige. Sasamahan kita sa school mo para matingnan ko ang scholarship. Magbihis ka na,” biglaan niyang saad.
“P-Po?” Umawang ang aking bibig.
“Pupuntahan natin ang school mo ngayon din.” Tumango si Sir Archie sabay bunot sa kaniyang cellphone. “Please get me our family accountant…”
Gusto ko pa sanang magtanong pero may kausap naman si Sir Archie sa telepono. Sinunod ko na lamang siya at nagpunta sa kwarto para gumayak. Sa totoo lang, ang gusto ko lang naman ay ang makapasok ngayong araw. Hindi ko naman hiniling na pati siya ay sasama sa akin. Sila mismo ang may-ari ng scholarship na iyon kaya hindi ko talaga mapigilan ang hiya.
Pero sabi nga ni Milly… hiya o edukasyon?
Ilang minuto lang din ay lumabas na ako, nakabihis na. Si Sir Archie ay saktong pababa naman sa hagdanan at mukhang nakaligo na rin. Medyo nabahala ako roon dahil wala pa siyang tulog o pahinga tapos ay aalis na naman.
“Sir Archie…” marahan kong tawag.
“Hmm?” Nakapagkit ang kaniyang mga mata sa hawak na cellphone.
“Sigurado po ba kayong sasama kayo sa akin? Parang… parang nakakahiya po kasi.” Lumiit ang aking boses.
Napatigil ang kaniyang pagtitipa sa cellphone at nag-angat ng tingin sa akin. Uminit ang mga pisngi ko.
“Huwag mo nang isipin iyon. Kailangan ko ring makita ang scholarship ng pamilya namin para masiguradong effective,” aniya.
“Uhh… Hindi pa kasi kayo nakakapagpahinga, Sir. Mahihintay ko naman po kayo hanggang mamayang hapon o kahit bukas.”
“Walang kaso iyon sa akin.”
“Tapos ay hindi ka pa rin kumakain ng almusal.” Parang hindi ko siya narinig. “Hindi kasi ako nakapaghanda kanina, Sir Archie. Nakatulog po kasi ako. P-Pasensiya na talaga.”
Tumigil si Sir Archie sa dulo ng hagdanan kung saan ako nakapwesto. Kahit ganoon ay hamak na mas matangkad pa rin siya sa akin. Dahil din sa aming paglalapit ay mas lalo ko siyang naamoy dahil bagong ligo.
“Alam mo, Clara, hindi dapat laging ibang tao ang iniisip mo. Minsan ay kailangan mo ring unahin ang sarili mo, hindi ba?” Magaan ang kaniyang pananalita.
Dahan-dahan akong tumango.
“Huwag puro ako ang iniintindi mo. Ikaw naman ang iintindihin ko ngayon,” aniya at nagbigay ng isang ngiti.
Bahagya akong natulala roon. Sobrang kaswal nang sabihin iyon ni Sir Archie kaya hindi ko alam kung bakit parang bumaliktad ang sikmura ko. Alam ko namang likas talaga siyang mabait pero dahil din doon ay parang may sumabog na mainit na likido sa loob ng tiyan ko.
Bago pa man ako makapagsalita ay muling bumalik ang kaniyang tingin sa cellphone.
“Your bag?” aniya at nagpatuloy sa paglalakad.
Ipinakita ko kaagad ang aking sling bag na ginagamit ko pa noong high school. Tumango siya at nagyaya nang lumabas.
Nang umagang iyon ay first time ko yatang makasakay sa isang magarang kotse. First time ko ring sumakay sa kotse ni Sir Archie. Nakakahiya talaga pero pilit ko na lang isinantabi iyon dahil para rin naman sa pag-aaral ko ang ginagawa ko. Isa pa, ilang beses na ring sinabi ni Sir Archie na ayos lang.
Kaya nga lang... parang nahihiya pa rin talaga ako hindi dahil sa bagay na iyon kung hindi dahil...
“Nilalamig ka ba?” tanong ni Sir Archie, ang mga mata ay nasa kalsada.
“M-Medyo po e.” Napangiwi ako.
Hindi ko rin alam kung paano niya napansin pero kanina pa tumataas ang mga balahibo ko sa lamig. Medyo manipis lang ang T-shirt kong suot pero hindi ko naman inakalang nakatodo yata ang aircon sa kaniyang sasakyan. Nahihiya naman akong magsabi.
Pagkasabi kong nilalamig ako ay binawi niya kaagad ang direksyon ng aircon. May kung ano rin siyang ginalaw sa harap kaya medyo humupa ang panlalamig ko.
Hindi na lang ako nagsalita pagkatapos. Miski ang huminga nga nang malalim ay hindi ko rin magawa. Hindi kasi ako sanay na ganito kami kalapit sa isa’t isa. Parang isang bulong ko lang ay maririnig niya ako. Kaunting galaw lang ay pansin na pansin pero parang ako lang naman yata ang naaasiwa roon.
Kalahating oras din ay nakarating kami sa school ko. Medyo matagal nga ang biyahe namin dahil tanghali na rin.
Kataka-takang papasok pa lamang ang sasakyan ay pinagtitinginan na iyon. Akala ko nga ay guni-guni ko lang pero nang makababa si Sir Archie at lumakad na sa school grounds ay mas lalo lang kaming pinagtinginan.
“Si Sir Richard na ba iyan? Siya na nga yata!” rinig kong sabi ng isang napatigil sa paglalakad.
“Si Sir Richard Delgado? Dumating?” anang kaniyang kasama. “Ano ang ginagawa niya rito? Bakit hindi niya kasama ang kaniyang asawa?”
“First of all... Sino ang kasama niya?”
“Ang gwapo talaga ni Sir Richard! Ang tangkad pa at napakasimpatiko!”
Hindi ko alam kung saan ibabaling ang ulo sa dami ng mga naririnig ko. May ilang mga pabulong pero may ilan ding bulgaran kung makapagsalita. Hindi sila mukhang nahihiya katulad ko pero hindi rin naman sila makalapit. Wala akong ginawa kung hindi ang sundan lang si Sir Archie na mukhang mas kabisado pa sa akin ang eskuwelahan.
Sa admin ang diretso namin. Akala ko nga ay pipila rin kami tulad ng nakararami pero may nakaabang kaagad na dalawang staff doon. Sila ang sumundo sa amin patungo sa opisina ng vice president na napag-alaman kong siyang humahawak ng mga scholarship programs.
“Clara, pwede ko bang mahiram ang enrollment form mo?” Nilingon ako ni Sir Archie habang kausap din ang isang bagong dating na attorney.
Tumango ako kaagad at binunot iyon mula sa bag.
“Papasok muna kami sa loob para alamin ang tungkol dito. Ayos lang ba sa’yong maghintay muna rito sa labas?” Minuwestra niya ang mga bench sa labas ng office.
“Opo, Sir,” sabi ko.
“Sige. Sandali lang ako...” aniya at pumasok na.
Naiwan ako sa labas kaya minabuti kong magpakalma muna. Nakakaasiwa kasi iyong mga schoolmate ko kanina na tingin talaga nang tingin. Hindi ko kasi alam na kilala pala si Sir Archie rito dahil siguro ay isang bigating sponsor. Mabuti nga dahil sa opisina ay tahimik at walang pagala-galang mga estudyante.
Wala pa yatang twenty minutes ay lumabas din si Sir Archie at ang kaniyang dalang tauhan. Kasama nila iyong matandang lalaking mukhang vice president ata. Hinintay ko na lang na tawagin ako ni Sir Archie para makaalis na.
“Ito na ang permit mo. You’re officially enrolled in this university, Clara. Kaya pwede ka nang pumasok ngayong araw,” aniya nang makalapit sa akin.
“T-Talaga?” Napatayo ako. “Salamat! Salamat po talaga!
Inatake ako kaagad ng aking mga ngiti pero isang tipid na tango lamang ang ibinigay ni Sir Archie. Pansin ko ring ebidente ang pagkunot ng kaniyang noo kaya bumagsak ang mga balikat ko.
“Sir? May... problema ba?” tanong ko.
Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. “Huwag mo nang isipin, Clara. Pag-uusapan na lang namin ni Sofia kapag umuwi siya.”
Umawang ang aking bibig. Mukhang kung ano man iyon ay seryosong bagay talaga. Tumango na lang ako.
Katulad noong pagpasok namin, noong palabas na ay pinagtinginan na naman kami dahil kay Sir Archie. Gusto pa sana niyang ihatid ako mismo sa aming classroom pero hindi na ako pumayag. Masyado nang nakakahiya iyon at kaya ko namang hanapin mag-isa kahit baguhan pa lamang.
“Sigurado ka bang dito ka na lang?” Hininto niya ang sasakyan sa gilid.
Tumango ako. “Maraming salamat ulit, Sir Archie. Akala ko ay ilang linggo pa bago ako makapasok.”
Isang tipid na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi tapos ay sumulyap sa labas.
“Good luck on your first day,” aniya.
“Salamat po...” Ngumiti rin ako at kinalas na ang seatbelt. Medyo nalito nga ako kanina kung paano iyon pero naalis ko naman iyon nang maayos.
“Clara,” tawag ni Sir Archie bago ko mabuksan ang pinto.
Nilingon ko siya kaagad. “Bakit, Sir?”
Bumuntong-hininga siya at dinantay ang isang kamay sa manibela. Napanguso ako.
“Pasensiya ka na kahapon. Hindi ko sinasadyang pagtaasan ka ng boses noong nakita kita sa loob ng kwarto namin,” aniya.
“A-Ahh! Wala po ‘yun...” Uminit kaagad ang mga pisngi ko.
Naalala niya pa pala iyon? Ako kasi ay nilamon na ng kaba ang utak dahil akala ko ay hindi na ako makakapasok ngayong araw.
“May kasalanan din naman ako dahil nangialam ako ng hindi akin...” bulong ko.
“Salamat din nga pala sa mga hinahanda mong almusal. Alam kong pinagbawalan na kita pero tinatanggap ko pa rin naman.” Napangisi si Sir Archie at napailing. “Ang sarap noong huli mong pinabaon, iyong ginisang isda. Ikaw ba ang nagluto?”
Ngumiti ako sa narinig. “Opo, Sir! Paborito kasi ng mga kapatid ko iyon kaya parang specialty ko na rin.”
“Kaya pala...”
“Kung gusto ninyo, bilang pasasalamat ko ay lulutuan ko kayo ulit,” sabi ko.
Tumango si Sir Archie kaya lalong lumaki ang mga ngiti ko. Sumulyap siyang muli sa labas at pinauna na ako kaya naman hinarap ko siya sa huling pagkakataon.
“Sir, salamat talaga sa ginawa ninyo ha. Hindi ninyo po alam kung gaano ako kasaya ngayon. At... Sir?”
“Hmm?”
“Alam kong may problema kayo at kakausapin ninyo si Madame Sofia tungkol doon...” marahan kong sabi. “Pero sana po ay huwag ninyong kalilimutang kayo ang magkatulong at hindi ang magkalaban.”
Napaiwas ng tingin si Sir Archie.